2010–2019
Ang Diwa ng Paghahayag
Abril 2011


2:3

Ang Diwa ng Paghahayag

Ang diwa ng paghahayag ay totoo—at maaaring magamit at ginagamit sa ating buhay at sa Simbahan.

Nagpapasalamat ako sa inspiradong pagkapili sa himnong pakikinggan natin pagkatapos kong magsalita, ang “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135). Nagkaroon ako ng ideya.

Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang dalawang karanasan ng halos lahat sa atin sa liwanag.

Ang unang karanasan ay nang pumasok tayo sa madilim na silid at binuksan natin ang ilaw. Tandaan ninyo na sa isang iglap lang ay napuno ng liwanag ang silid at naglaho ang dilim. Ang dating hindi makita at malabo ay nakita at malinaw na. Naranasan natin dito ang kaagad at kapansin-pansing pagliliwanag.

Ang pangalawang naranasan natin ay nang masdan natin ang pagbubukang-liwayway. Naaalala ba ninyo ang dahan-dahan at halos di-mapansing unti-unting pagliliwanag sa kalangitan? Kabaligtaran ng pagbubukas ng ilaw sa madilim na silid, ang liwanag mula sa pasikat na araw ay hindi kaagad sumilay. Bagkus, unti-unti at patuloy na lumatag ang liwanag, at ang kadiliman ng gabi ay napalitan ng ningning ng umaga. Maya-maya pa, tuluyan nang naghari ang araw sa kalangitan. Ngunit ang pagbubukang-liwayway ay mapapansin na ilang oras pa bago ganap na sumikat ang araw sa kalangitan. Naranasan natin dito ang marahan at unti-unting pagliwanag.

Mula sa dalawang pangkaraniwang karanasang iyon sa liwanag, marami tayong matututuhan tungkol sa diwa ng paghahayag. Dalangin kong bigyang-inspirasyon at turuan tayo ng Espiritu Santo sa pagtalakay natin ngayon sa diwa ng paghahayag at sa mga pangunahing paraan na natatanggap ang paghahayag.

Ang Diwa ng Paghahayag

Ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak sa lupa at isa sa pinakamalalaking pagpapalang kaugnay ng pagtanggap at palagiang pagsama ng Espiritu Santo. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang Espiritu Santo ay isang tagapaghayag,” at “walang taong makatatanggap ng Espiritu Santo nang hindi tumatanggap ng mga paghahayag” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153).

Ang diwa ng paghahayag ay maibibigay sa bawat taong tumanggap mula sa tamang awtoridad ng priesthood ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan at ng pagpagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo—at gumaganap nang may pananampalataya na isagawa ang atas ng priesthood na “tanggapin ang Espiritu Santo.” Ang pagpapalang ito ay hindi lang para sa mga nangungulong awtoridad ng Simbahan; sa halip, ito ay tinataglay at dapat na ginagamit ng bawat lalaki, babae, at bata na nasa hustong gulang na upang managot at gumagawa ng sagradong mga tipan. Ang tapat na hangarin at pagkamarapat ay nag-aanyaya ng diwa ng paghahayag sa ating buhay.

Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay may mahalagang karanasan sa diwa ng paghahayag nang isalin nila ang Aklat ni Mormon. Natutuhan ng mga kapatid na ito na makatatanggap sila ng anumang kaalamang kailangan upang matapos ang kanilang gawain kung hihiling sila nang may pananampalataya, nang may tapat na puso, naniniwalang sila ay tatanggap. At sa paglipas ng panahon higit nilang naunawaan ang diwa ng paghahayag na karaniwang dumarating sa ating isipan at puso sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa D at T 8:1–2; 100:5–8.) Tulad ng bilin sa kanila ng Panginoon, “Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag; masdan, ito ang diwa kung paano nadala ni Moises ang mga anak ni Israel patawid sa Dagat na Pula patungo sa tuyong lupa. Samakatwid ito ang iyong kaloob; gamitin ito” (D at T 8:3–4).

Bibigyang-diin ko ang mga salitang “gamitin ito” patungkol sa diwa ng paghahayag. Sa mga banal na kasulatan, ang impluwensya ng Espiritu Santo ay madalas ilarawan bilang “marahan at banayad na tinig” (I Mga Hari 19:12; 1 Nephi 17:45; tingnan din sa 3 Nephi 11:3) at isang “tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan” (Helaman 5:30). Dahil ang Espiritu ay bumubulong sa atin nang marahan at banayad, madaling maunawaan kung bakit dapat nating iwasan ang di-angkop na media, pornograpiya, at nakapipinsala at nakalululong na mga bagay at pag-uugali. Ang mga kasangkapang ito ng kaaway ay makapipinsala at lubusang sisira sa ating kakayahang kumilala at tumugon sa mga mensahe mula sa Diyos na inihatid sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Dapat isiping mabuti at ipagdasal ng bawat isa sa atin kung paano labanan ang mga panunukso ng diyablo at matwid na “gamitin ito,” maging ang diwa ng paghahayag, sa ating personal na buhay at sa pamilya.

Mga Paraan ng Paghahayag

Ang mga paghahayag ay inihahatid sa iba’t ibang paraan, pati na, halimbawa, sa mga panaginip, pangitain, pakikipag-usap sa mga sugo ng langit, at inspirasyon. Ang ilang paghahayag ay natatanggap kaagad at matindi; ang ilan ay natutukoy nang unti-unti at marahan. Ang dalawang karanasan sa liwanag na inilarawan ko ay makakatulong sa atin na mas maunawaan ang dalawang paraan ng pagdating ng paghahayag.

Ang ilaw na binuksan sa isang madilim na silid ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang mabilis, lubusan, at biglaan. Marami sa atin ang nakararanas ng ganitong paraan ng paghahayag kapag sinasagot ang ating tapat na panalangin o pinapatnubayan o pinoprotektahan tayo, ayon sa nais at panahong itinakda ng Diyos. Ang paglalarawan ng gayong kagyat at matitinding pagpapamalas ay makikita sa mga banal na kasulatan, muling ikinuwento sa kasaysayan ng Simbahan, at makikita sa sarili nating buhay. Tunay ngang nagaganap ang malalaking himalang ito. Gayunman, mas bihira kaysa madalas ang ganitong paraan ng paghahayag.

Ang unti-unting pagliliwanag na nagmumula sa papasikat na araw ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. Ang gayong pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit ay dahan-dahan at marahang “magpapadalisay sa [ating mga] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit” (D at T 121:45). Mas karaniwan kaysa bihira ang ganitong paraan ng paghahayag at nakikita sa mga karanasan ni Nephi nang subukan niya ang ilang iba’t ibang pamamaraan bago tuluyang nakuha ang mga laminang tanso mula kay Laban (tingnan sa 1 Nephi 3–4). Sa huli, pinatnubayan siya ng Espiritu patungong Jerusalem “nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin” (1 Nephi 4:6). At hindi niya natutuhan nang biglaan ang paggawa ng sasakyang-dagat na kakaiba ang kayarian; bagkus, ipinakita ng Panginoon kay Nephi “sa pana-panahon kung sa anong pamamaraan nararapat [niyang] gawin ang mga kahoy ng sasakyang-dagat” (1 Nephi 18:1).

Ang kasaysayan ng Simbahan at ang ating personal na buhay ay kapwa puno ng mga halimbawa ng paraan ng Panginoon sa pagtanggap natin ng paghahayag nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin.” Halimbawa, ang mahahalagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay hindi ipinaalam nang biglaan kay Propetang Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan. Ang walang katumbas na yamang ito ay inihayag sa tamang mga pagkakataon at panahon.

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith kung paano naganap sa kanyang buhay ang paraang ito ng paghahayag: “Noong ako ay bata pa … madalas kong … hilingan ang Panginoon na ipakita sa akin ang ilang kagila-gilalas na bagay, nang sa gayon ay makatanggap ako ng patotoo. Subalit ipinagkait ng Panginoon ang mga kagila-gilalas na bagay sa akin, at ipinakita sa akin ang katotohanan [nang] taludtod sa taludtod …, hanggang sa maipaalam niya sa akin ang katotohanan mula sa aking ulo hanggang sa aking talampakan, at hanggang sa tuluyang maglaho sa akin ang alinlangan at takot. Hindi niya kailangang magpadala ng anghel mula sa kalangitan upang gawin ito, ni hindi rin niya kinailangang makapangusap nang may pakakak ng arkanghel. Sa pamamagitan ng mga pagbulong ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu ng buhay na Diyos, ipinagkaloob niya ang patotoo na aking tinataglay. At sa pamamagitan ng ganitong alituntunin at kapangyarihan ay ipinagkakaloob niya sa lahat ng anak ng tao ang kaalaman ng katotohanan na mananatili sa kanila, at magagawa nitong ipaalam sa kanila ang katotohanan, tulad ng kung paano ito nalalaman ng Diyos, at gawin ang kalooban ng Ama tulad ng kung paano ito ginagawa ni Cristo. At walang anumang kagila-gilalas na paghahayag ang kailanma’y makagagawa nito” (sa Conference Report, Abr. 1900, 40–41).

Tayong mga miyembro ng Simbahan ay lubhang binibigyang-diin ang kagila-gilalas at madamdaming mga espirituwal na pagpapakita kaya hindi natin napapahalagahan at maaaring hindi pa natin mapansin ang karaniwang paraan ng pagsasakatuparan ng Espiritu Santo ng Kanyang gawain. Ang mismong “kagaanan ng paraan” (1 Nephi 17:41) ng pagtanggap ng maliliit at unti-unting espirituwal na pahiwatig na sa paglipas ng panahon at sa kabuuan ay nagbibigay ng hinahangad na sagot o patnubay na kailangan natin ay maaring mag-udyok sa atin na tumingin “nang lampas sa tanda” (Jacob 4:14).

Nakausap ko ang maraming tao na nag-aalinlangan sa lakas ng kanilang sariling patotoo at minamaliit ang kanilang espirituwal na kakayahan dahil hindi sila nakatatanggap ng madalas, mahimala, o matinding pahiwatig. Marahil kung iisipin natin ang mga karanasan ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan, ni Pablo sa daan patungong Damasco, at ni Nakababatang Alma, maniniwala tayo na may mali o kulang sa atin kung hindi natin maranasan ang ganitong kahanga-hanga at kagila-gilalas na mga halimbawa. Kung nagkaroon na rin kayo ng gayong mga ideya o pag-aalinlangan, isipin sana ninyo na karaniwang nangyayari ito. Magpatuloy lang sa pagsunod at pagsampalataya sa Tagapagligtas. Sa paggawa nito, kayo ay “hindi maaaring malihis” (D at T 80:3).

Ipinayo ni Pangulong Joseph F. Smith: “Magpakita ka sa akin ng mga Banal sa mga Huling Araw na kailangang umasa sa mga himala, tanda at mga pangitain upang manatiling matatag sa Simbahan, at magpapakita ako sa iyo ng mga miyembro … na hindi karapat-dapat sa harapan ng Diyos, at mabuway ang pananampalataya. Hindi sa kagila-gilalas na paghahayag sa atin ang magpapatatag sa atin sa katotohanan, kundi sa kapakumbabaan at tapat na pagsunod sa mga utos at batas ng Diyos” (sa Conference Report, Abril 1900, 40).

Isa pang karaniwang karanasan sa liwanag ang nagtuturo sa atin ng karagdagang katotohanan tungkol sa “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” na paraan ng paghahayag. Kung minsan sumisikat ang araw sa umagang maulap o mahamog. Dahil makulimlim, mas mahirap mabanaag ang liwanag, at imposibleng matukoy kung anong oras talaga sisikat ang araw sa kalangitan. Ngunit kahit gayon ang umaga sapat pa rin ang liwanag para makita natin ang panibagong araw at simulan ang ating gawain.

Sa gayunding paraan, maraming pagkakataon na tumatanggap tayo ng paghahayag nang hindi alam kung paano o kailan natin ito natatanggap. Isang mahalagang bahagi sa kasaysayan ng Simbahan ang naglalarawan ng alituntuning ito.

Noong tagsibol ng 1829, si Oliver Cowdery ay isang guro sa Palmyra, New York. Nang malaman niya ang tungkol kay Joseph Smith at ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, naisip ni Oliver na mag-alok ng tulong sa binatang propeta. Dahil dito, nagpunta siya sa Harmony, Pennsylvania, at naging tagasulat ni Joseph. Ang oras ng kanyang pagdating at tulong na ibinigay ay napakahalaga sa paglabas ng Aklat ni Mormon.

Kasunod niyon inihayag ng Tagapagligtas kay Oliver na sa madalas niyang paghingi ng gabay, nakatanggap din siya ng patnubay mula sa Espiritu ng Panginoon. “Kung hindi magkagayon,” sabi ng Panginoon, “ikaw ay hindi makararating sa lugar na kinaroroonan mo sa ngayon. Masdan, iyong nalalaman na ikaw ay nagtanong sa akin at aking nilinaw ang iyong pag-iisip; at ngayon ipinaaalam ko sa iyo ang mga bagay na ito upang iyong malaman na ikaw ay naliwanagan sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan” (D at T 6:14–15).

Sa gayon, tumanggap ng paghahayag si Oliver sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith na nagpabatid sa kanya na siya ay nakatatanggap ng paghahayag. Malinaw na hindi natukoy ni Oliver kung paano at kailan siya nakatanggap ng patnubay mula sa Diyos at kinailangan ang tagubiling ito upang maragdagan ang kanyang pag-unawa tungkol sa diwa ng paghahayag. Masasabi natin na si Oliver ay naglalakad sa liwanag habang sumisikat ang araw sa umagang maulap.

Sa maraming kawalang-katiyakan at pagsubok natin sa buhay, inuutusan tayo ng Diyos na gawin ang lahat ng ating makakaya, kumilos tayo at huwag tayong pakilusin ng iba (tingnan sa 2 Nephi 2:26), at magtiwala sa Kanya. Maaaring hindi tayo makakita ng mga anghel, makarinig ng mga tinig mula sa langit, o makadama ng kagila-gilalas na mga espirituwal na karanasan. Maaaring patuloy tayong sumusulong na umaasa at nagdarasal—ngunit walang ganap na katiyakan—na tayo ay kumikilos ayon sa nais ng Diyos. Ngunit kung igagalang natin ang ating mga tipan at susundin ang mga utos, habang nagsisikap pa tayong gumawa ng mabuti at maging mas mabuti, mabubuhay tayo nang may tiwala na gagabayan ng Diyos ang ating mga hakbang. At makapagsasalita tayo nang may katiyakan na bibigyang-inspirasyon ng Diyos ang ating sasabihin. Ito sa isang paraan ang kahulugan ng banal na kasulatang nagpapahayag na, “Sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos” (D at T 121:45).

Sa inyong angkop na paghahangad at paggamit ng diwa ng paghahayag, nangangako ako na kayo ay “[magsisilakad] sa liwanag ng Panginoon” (Isaias 2:5; 2 Nephi 12:5). Kung minsan ay dumarating ang diwa ng paghahayag nang mabilis at matindi, kung minsan naman ay di-kapansin-pansin at dahan-dahan, at kadalasan ay napakabanayad kaya hindi man lang ninyo ito mapapansin. Ngunit anuman ang paraan ng pagtanggap sa pagpapalang ito, ang liwanag na laan nito ay magliliwanag at palalakihin ang inyong kaluluwa, liliwanagin ang inyong pang-unawa (tingnan sa Alma 5:7; Alma 32:28), at papatnubayan at poprotektahan kayo at ang inyong pamilya.

Ipinahahayag ko ang aking patotoo bilang apostol na ang Ama at ang Anak ay buhay. Ang diwa ng paghahayag ay totoo—at maaaring magamit at ginagamit sa ating buhay at sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.