2010–2019
Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo
Abril 2011


2:3

Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo

Ang pinakamahalaga at pinakamataas na pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan ay ang mga pagpapalang natatanggap natin sa mga templo ng Diyos.

Mahal kong mga kapatid, ipinaaabot ko ang aking pagmamahal at pagbati sa inyong lahat at dalangin ko na gabayan ng ating Ama sa Langit ang aking isipan at bigyang-inspirasyon ang aking mga sasabihin sa inyo ngayon.

Magsisimula ako sa pagbibigay ng isa o dalawang puna tungkol sa magagandang mensaheng narinig natin ngayong umaga mula kina Sister Allred at Bishop Burton at iba pa hinggil sa gawaing pangkapanan ng Simbahan. Gaya ng nabanggit, sa taong ito ipinagdiriwang ang ika-75 anibersaryo ng inspiradong programang ito, na nagpala sa buhay ng marami. Pribilehiyo kong makilala nang personal ang ilan sa mga nanguna sa dakilang gawaing ito—mga taong mahabagin at naiisip ang mangyayari.

Tulad ng binanggit nina Bishop Burton at Sister Allred at iba pa, ang bishop ng ward ay binibigyan ng responsibilidad na pangalagaaan ang mga nangangailangan na nakatira sa loob ng mga hangganan ng kanyang ward. Gayon ang pribilehiyo ko noong ako ang nangulo bilang napakabatang bishop sa Salt Lake City sa isang ward na may 1,080 miyembro, kabilang na ang 84 na balo. Marami ang nangangailangan ng tulong noon. Kaylaki ng pasasalamat ko sa gawaing pangkapakanan ng Simbahan at sa tulong ng Relief Society at ng mga korum ng priesthood.

Ipinapahayag ko na ang gawaing pangkapakanan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay binigyang inspirasyon ng Diyos na Maykapal.

Ngayon, mga kapatid, ang kumperensyang ito ang ikatlong taon mula nang sang-ayunan ako bilang Pangulo ng Simbahan. Mangyari pa napakaabala ng mga taong nagdaan, puno ng maraming hamon ngunit di-mabilang ding mga pagpapala. Ang pagkakataon kong ilaan at muling ilaan ang mga templo ay nakabilang sa mga pinakamasaya at sagradong mga pagpapalang ito, at tungkol sa templo ang nais kong talakayin sa inyo ngayon.

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1902, ipinahayag ng Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith sa kanyang pambungad na mensahe ang pag-asam niya na balang-araw ay “makapagtatayo tayo ng mga templo sa iba’t ibang dako ng [mundo] saanman kailangan ang mga ito para sa kaginhawahan ng mga tao.”1

Sa unang 150 taon matapos itatag ang Simbahan, mula 1830 hanggang 1980, 21 templo ang itinayo, kabilang na ang mga templo sa Kirtland, Ohio, at Nauvoo, Illinois. Ikumpara iyan sa nakalipas na 30 taon mula noong 1980, kung kailan 115 templo ang itinayo at inilaan. Sa ibinalita kahapon na 3 bagong templo, may karagdagang 26 na templo na kasalukuyang itinatayo o itatayo pa lamang. Ang bilang na ito ay patuloy na madaragdagan.

Ang mithiin ni Pangulong Joseph F. Smith noong 1902 ay nakakatotoo. Hangad nating mailapit ang templo sa ating mga miyembro hangga’t maaari.

Ang isa sa mga templong kasalukuyang itinatayo ay nasa Manaus, Brazil. Maraming taon na ang nakalilipas nabasa ko ang tungkol sa isang grupo ng mahigit isandaang miyembro na umalis sa Manaus, na nasa pusod ng kagubatan ng Amazon, para magpunta sa noon ay pinakamalapit na templo, na nasa Sao Paulo, Brazil—halos 2,500 milya (4,000 km) ang layo mula sa Manaus. Ang matatapat na Banal na iyon ay sumakay ng barko sa loob ng apat na araw sa Amazon River at mga sangang-ilog nito. Pagkatapos ng paglalakbay na ito sa tubig, sumakay sila ng bus sa loob ng tatlo pang araw—sa mga baku-bakong lansangan, na kakaunti ang pagkain, at walang komportableng matulugan. Makalipas ang pitong araw at gabi, nakarating sila sa templo sa Sao Paulo, kung saan isinagawa ang mga ordenansa ng kawalang-hanggan. Mangyari pa ang paglalakbay nila pauwi ay gayundin kahirap. Gayon man, natanggap nila ang mga ordenansa at pagpapala ng templo, at kahit walang laman ang kanilang mga pitaka, sila mismo ay puspos ng diwa ng templo at ng pasasalamat sa mga pagpapalang natanggap nila.2 Ngayon, makalipas ang maraming taon, ang mga miyembro natin sa Manaus ay nagagalak habang minamasdan ang sarili nilang templong itinatayo sa pampang ng Rio Negro. Ang mga templo ay naghahatid ng galak sa ating matatapat na miyembro saanman ito itayo.

Ang mga ulat ng mga sakripisyong ginawa upang matanggap ang mga pagpapalang matatagpuan lamang sa mga templo ng Diyos ay lagi nang umaantig sa aking puso at nagdudulot sa akin ng panibagong diwa ng pasasalamat para sa mga templo.

Ibabahagi ko sa inyo ang kuwento tungkol kina Tihi at Tararaina Mou Tham at sa 10 anak nila. Sumapi ang buong pamilya sa Simbahan maliban sa isang anak na babae noong mga unang taon ng 1960s, nang dumating ang mga misyonero sa kanilang pulo, na mga 100 milya (160 km) sa timog ng Tahiti. Hindi nagtagal hinangad nila ang mga pagpapala ng pagbubuklod ng walang hanggang pamilya sa templo.

Noon, ang pinakamalapit na templo sa pamilya Mou Tham ay ang Hamilton New Zealand Temple, na mahigit 2,500 milya (4,000 km) sa timog-kanluran, at mararating lamang sa pamamagitan ng eroplano. Ang malaking pamilya ng Mou Tham, na ang kabuhayan ay nagmumula sa isang maliit na taniman, ay walang pamasahe sa eroplano, ni walang makitang trabaho sa kanilang pulo sa Pasipiko. Kaya gumawa ng mahirap na desisyon si Brother Mou Tham at ang kanyang anak na si Gérard na maglakbay nang 3,000 milya (4,800 km) upang magtrabaho sa New Caledonia, kung saan nagtatrabaho na ang isa pa niyang anak na lalaki.

Ang tatlong lalaki sa pamilya Mou Tham ay nagtrabaho nang apat na taon. Minsan lang umuwing mag-isa noon si Brother Mou Tham, para sa kasal ng isang anak na babae.

Pagkaraan ng apat na taon ng pagpapagod sa trabaho, nakapag-ipon ng sapat na pera si Brother Mou Tham at ang kanyang mga anak para dalhin ang pamilya sa New Zealand Temple. Lahat ng miyembro sa kanila ay nagpunta maliban sa isang anak na babae, na malapit nang manganak. Sila ay ibinuklod sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, isang di-mailarawan at napakasayang karanasan.

Mula sa templo ay bumalik kaagad si Brother Mou Tham sa New Caledonia, kung saan dalawang taon pa siyang nagtrabaho para sa pamasahe papunta sa anak na babaeng hindi nila nakasama sa templo—na mayroon nang asawa at anak.

Nang tumanda na sila, hinangad nina Brother at Sister Mou Tham na maglingkod sa templo. Noong panahong iyon naitayo at nailaan na ang Papeete Tahiti Temple, at apat na beses sila nagmisyon doon.3

Mga kapatid, ang mga templo ay higit pa sa bato at semento. Ang mga ito ay puno ng pananampalataya at pag-aayuno. Ang mga ito ay binubuo ng mga pagsubok at patotoo. Ang mga ito ay pinabanal ng sakripisyo at paglilingkod.

Ang unang templong itatayo sa dispensasyong ito ay ang templo sa Kirtland, Ohio. Ang mga Banal noon ay hikahos sa buhay, subalit iniutos ng Panginoon na magtayo ng templo, kaya’t itinayo nila ito. Sumulat si Elder Heber C. Kimball tungkol sa karanasang ito, “Tanging ang Panginoon ang nakaaalam sa kahirapan, pagdurusa, at kaligaligang dinanas namin upang maisagawa ito.”4 At, pagkatapos ng lahat ng hirap, napilitang lisanin ng mga Banal ang Ohio at ang pinakamamahal nilang templo. Sa huli ay nakahanap sila ng kanlungan—bagama’t pansamantala lamang ito—sa pampang ng Mississippi River sa estado ng Illinois. Tinawag nila itong Nauvoo, at handang muling ibigay ang lahat at buo ang pananampalataya, nagtayo sila ng isa pang templo sa kanilang Diyos. Gayunman, sila ay inusig at hindi pa tapos ang Nauvoo Temple, pinalayas silang muli sa kanilang mga tahanan, at naghanap sila ng kanlungan sa disyerto.

Ang pakikibaka at sakripisyo ay muling nagsimula nang magpagal sila nang 40 taon upang itayo ang Salt Lake Temple, na maringal na nakatayo sa bloke sa timog natin na naririto ngayon sa Conference Center.

Ang kaunting sakripisyo ay lagi nang kaakibat ng pagtatayo ng templo at pagdalo sa templo. Hindi mabilang ang mga nagpagal at nagsikap upang makamtan nila at ng kanilang pamilya ang mga pagpapalang matatagpuan sa mga templo ng Diyos.

Bakit napakaraming handang magbigay nang napakalaki upang matanggap ang mga pagpapala ng templo? Alam ng mga nakauunawa sa walang hanggang mga pagpapalang nagmumula sa templo na walang sakripisyong napakalaki, walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapalang iyon. Walang paglalakbay na napakalayo, walang maraming balakid na hindi malalagpasan, o napakaraming hirap na hindi mapagtitiisan. Nauunawaan nila na ang nakapagliligtas na mga ordenansang natanggap sa templo na nagtutulot sa atin na makabalik balang araw sa ating Ama sa Langit sa ugnayan ng pamilyang walang hanggan at mapagkalooban ng mga pagpapala at kapangyarihan mula sa itaas ay sulit sa lahat ng sakripisyo at pagsisikap.

Ngayon karamihan sa atin ay hindi na kailangang dumanas ng matitinding hirap upang makapunta sa templo. Walumpu’t limang porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan ngayon ang nakatira sa sakop na 200 miles (320 km) ng templo, at marami sa atin ang nakatira nang mas malapit pa rito.

Kung nakapunta na kayo sa templo para sa inyong sarili, at kung malapit lang ang tirahan ninyo sa templo, ang sakripisyong magagawa ninyo ay maglaan ng oras mula sa abala ninyong buhay upang regular na makapunta sa templo. Maraming kailangang gawin sa ating mga templo para sa mga yumaong naghihintay sa kabilang buhay. Sa paggawa natin ng gawain para sa kanila, malalaman natin na nagawa natin para sa kanila ang hindi nila magagawa para sa kanilang sarili. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith, sa matatag na pahayag, na, “Sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap para sa kanila ay makakalag ang gapos ng kanilang pagkakaalipin, at maglalaho ang kadiliman na bumabalot sa kanila, upang [tumanglaw] ang liwanag sa kanila at maririnig nila sa daigdig ng mga espiritu ang gawain na isinagawa para sa kanila ng kanilang mga anak dito sa lupa, at magagalak na kasama ninyo sa pagsasagawa ninyo ng mga tungkuling ito.”5 Mahal kong mga kapatid, tayo ang gagawa nito.

Sa sarili kong pamilya, ang ilan sa mga pinakasagrado at mahalagang karanasan namin ay nangyari nang magkakasama kami sa loob ng templo upang magsagawa ng mga ordenansa ng pagbubuklod para sa aming pumanaw na mga ninuno.

Kung hindi pa kayo nakapunta sa templo, o kung nakapunta na kayo ngunit sa ngayon ay hindi kayo karapat-dapat humawak ng recommend, wala nang ibang mas mahalagang mithiing dapat ninyong pagsikapan kundi maging karapat-dapat na makapunta sa templo. Ang inyong sakripisyo ay maaaring ang isaayos ang inyong buhay upang makatanggap ng recommend, marahil ay sa pagtalikod sa masasamang gawi na naging hadlang sa inyo. Maaaring ito ay pagkakaroon ng pananampalataya at disiplinang magbayad ng inyong ikapu. Anuman ito, maging marapat na pumasok sa templo ng Diyos. Kumuha ng temple recommend at ituring itong napakahalagang pag-aari, dahil gayon nga ito.

Hangga’t hindi kayo nakakapasok sa bahay ng Panginoon upang matanggap ninyo ang lahat ng pagpapalang naghihintay sa inyo roon, hindi pa rin ninyo natatamo ang lahat ng inihahandog ng Simbahan. Ang pinakamahalaga at pinakamataas na pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan ay ang mga pagpapalang natatanggap natin sa mga templo ng Diyos.

Ngayon, mga kaibigan kong kabataan na mga tinedyer na ngayon, laging ituon ang inyong tingin sa templo. Huwag gumawa ng anumang hahadlang sa pagpasok ninyo sa mga pintuan nito at sa pagtanggap ng sagrado at walang hanggang mga pagpapala roon. Pinupuri ko kayo na regular na pumapasok sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay, na gumigising nang maaga upang makabahagi kayo sa gayong mga binyag bago magsimula ang klase sa eskuwela. Wala akong maisip na mas mabuting paraan para simulan ang araw ninyo.

Sa inyong mga magulang ng mga bata, ibabahagi ko sa inyo ang ilang matalinong payo ni Pangulong Spencer W. Kimball. Sabi niya: “Mabuti kung … ang mga magulang ay maglalagay sa bawat silid ng kanilang bahay ng larawan ng templo upang [ang kanilang mga anak], mula sa [pagiging] sanggol [nila], ay matitingnan ang larawan araw-araw [hanggang] sa maging bahagi ito ng buhay [nila]. Pag-abot [nila] sa edad na kailangan [nilang] gawin [ang] napakahalagang desisyon [tungkol sa pagpunta sa templo], ay nagawa na ang desisyong ito noon pa.”6

Kinakanta ng mga anak natin sa Primary:

Templo’y ibig makita,

Doon ay papasok.

Sa Diyos ay mangangako,

Sa kanya’y susunod.7

Isinasamo ko sa inyo na ituro sa inyong mga anak ang kahalagahan ng templo.

Ang mundo ay puno ng hamon at lugar na mahirap tirhan. Madalas tayong mapalibutan ng bagay na hahatak sa atin pababa. Sa pagpasok natin sa mga banal na bahay ng Diyos, sa pag-alala natin sa mga tipang ginawa natin doon, mas makakaya nating tiisin ang bawat pagsubok at daigin ang bawat tukso. Sa sagradong santuwaryong ito magkakaroon tayo ng kapayapaan; mapapanibago ang ating lakas at titibay.

Ngayon, mga kapatid, may babanggitin pa akong isang templo bago ako magtapos. Hindi magtatagal, habang itinatayo ang mga bagong templo sa iba’t ibang panig ng mundo, may itatayo sa isang lungsod na naitatag mahigit 2,500 taon na ang nakalilipas. Ang tinutukoy ko ay ang templong itinatayo ngayon sa Rome, Italy.

Bawat templo ay bahay ng Diyos, na iisa ang gamit at pare-pareho ang dulot na mga pagpapala at ordenansa. Ang Rome Italy Temple, kaiba sa lahat, ay itinatayo sa isa sa pinakamakasaysayang mga lugar sa mundo, sa lungsod kung saan ipinangaral nina Apostol Pedro at Pablo noong araw ang ebanghelyo ni Cristo at kung saan kapwa sila pinaslang.

Noong Oktubre, habang nakatipon kami sa isang magandang pastulan sa hilagang-silangan ng Rome, nagkaroon ako ng pagkakataong ialay ang panalangin ng paglalaan habang naghahanda kami sa groundbreaking. Nadama ko na dapat kong tawagin ang Italyanong senador na si Lucio Malan at vice mayor ng Rome na si Giuseppe Ciardi na makasama sa mga unang papala ng lupa. Bawat isa sa kanila ay naging bahagi ng desisyon na payagan tayong magtayo ng templo sa kanilang lungsod.

Makulimlim ang araw na iyon pero mainit, at kahit nagbabanta ang ulan, isa o dalawang patak lang ang tumulo. Habang kinakanta ng mahusay na koro sa wikang Italian ang magandang himig ng “Espiritu ng Diyos,” nadama ng lahat na parang nagsama ang langit at lupa sa maluwalhating pagkanta ng papuri at pasasalamat sa Makapangyarihang Diyos. Hindi napigilan ang pagluha.

Sa darating na mga araw, ang matatapat sa Walang Hanggang Lungsod na ito ay tatanggap ng walang hanggang mga ordenansa sa banal na bahay ng Diyos.

Ipinaaabot ko ang walang hanggan kong pasasalamat sa aking Ama sa Langit para sa templong itinatayo na ngayon sa Rome at sa lahat ng templo natin, saanmang dako. Bawat isa ay nagsisilbing tanglaw sa mundo, nagpapahayag ng ating patotoo na ang Diyos, na ating Amang Walang Hanggan, ay buhay, na nais Niya tayong pagpalain at tunay na pagpalain ang Kanyang mga anak sa lahat ng henerasyon. Bawat isa sa ating mga templo ay pagpapahayag ng ating patotoo na ang kabilang buhay ay totoo at kasingtiyak ng buhay natin dito sa lupa. Pinatototohanan ko ito.

Mahal kong mga kapatid, nawa’y gawin natin ang anumang sakripisyong kailangan upang makadalo sa templo at maisapuso at mapasa tahanan natin ang diwa ng templo. Nawa’y sundan natin ang mga yapak ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagsagawa ng sukdulang sakripisyo para sa atin, nang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan sa kaharian ng ating Ama sa Langit. Ito ang aking taos na dalangin, at iniaalay ko ito sa pangalan ng ating Tagapagligtas at Panginoong Jesucristo, amen.

  1. Joseph F. Smith, sa Conference Report, Okt. 1902, 3.

  2. Tingnan sa Vilson Felipe Santiago and Linda Ritchie Archibald, “From Amazon Basin to Temple,” Church News, Mar. 13, 1993, 6.

  3. Tingnan sa C. Jay Larson, “Temple Moments: Impossible Desire,” Church News, Mar. 16, 1996, 16.

  4. Heber C. Kimball, sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball (1945), 67.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 297.

  6. The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball (1982), 301.

  7. Janice Kapp Perry, “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.