Sa Paghihiwa-hiwalay
Hindi kayang maunawaan ng sinuman sa atin ang buong kahalagahan ng ginawa ni Cristo para sa atin sa Getsemani, ngunit nagpapasalamat ako araw-araw sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin.
Minamahal kong mga kapatid, ang puso ko ay punung-puno sa pagtatapos nitong kumperensya. Ang Espiritu ng Panginoon ay damang-dama natin. Nagpapasalamat ako at ang mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako sa bawat isa na nakilahok, kabilang na ang mga nag-alay ng mga panalangin. Nawa’y maalaala natin tuwina ang mga mensaheng narinig natin. Sa pagtanggap natin ng mga isyu ng mga magasing Ensign at Liahona na maglalaman ng mga mensaheng ito nang nakasulat, nawa’y basahin at pag-aralan natin ang mga ito.
Minsan pa ang musika sa lahat ng mga sesyon ay napakagaganda. Personal akong nagpapasalamat sa mga handang ibahagi sa atin ang kanilang mga talento, na umaantig at nagbibigay-inspirasyon sa atin.
Sinang-ayunan natin, sa pagtataas ng kamay, ang mga kapatid na tinawag sa mga bagong katungkulan sa kumperensyang ito. Gusto naming malaman nila na inaasam naming makatuwang sila sa layunin ng Panginoon.
Ipinaaabot ko ang aking pagmamahal at pasasalamat sa aking matatapat na tagapayo, sina Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Sila’y mga lalaking puno ng kaalaman at pang-unawa. Napakahalaga ng kanilang paglilingkod. Minamahal at sinusuportahan ko ang aking mga kapatid sa Korum ng Labindalawang Apostol. Sila’y naglilingkod nang epektibo, at sila’y lubos na matatapat sa gawain. Ipinaaabot ko rin ang aking pagmamahal sa mga miyembro ng Pitumpu at Presiding Bishopric.
Marami tayong kinakaharap na hamon sa mundo ngayon, ngunit tinitiyak ko sa inyo na iniisip tayo ng ating Ama sa Langit. Mahal Niya ang bawat isa at pagpapalain tayo kapag hinanap natin Siya sa panalangin at sinikap na sundin ang Kanyang mga kautusan.
Tayo ay pandaigdigang simbahan. Ang ating mga miyembro ay matatagpuan sa lahat ng dako ng mundo. Nawa’y maging mabubuting mamamayan tayo ng mga bansang ating tinitirhan at mabubuting kapwa sa ating komunidad, na tumutulong sa mga miyembro ng ibang pananampatalaya at sa mga kamiyembro rin natin. Nawa’y maging mga halimbawa tayo ng katapatan at integridad saanman tayo magpunta at anuman ang ating ginagawa.
Salamat sa inyong mga panalangin alang-alang sa akin, mga kapatid, at sa ngalan ng lahat ng mga General Authority ng Simbahan. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyo at sa lahat ng ginagawa ninyo para isulong ang gawain ng Panginoon.
Sa inyong pag-uwi sa inyong mga tahanan, nawa’y maging ligtas kayo. Nawa’y mapasainyo ang mga pagpapala ng langit.
Ngayon, bago tayo umalis, hayaang ibahagi ko ang pagmamahal ko sa Tagapagligtas at sa Kanyang dakilang sakripisyo ng pagbabayad-sala para sa atin. Makalipas ang tatlong linggo ang lahat ng Kristiyano ay ipagdiriwang ang Linggo ng Pagkabuhay. Naniniwala akong hindi maiisip ng sinuman ang buong kahalagahan ng ginawa ni Cristo para sa atin sa Getsemani, ngunit nagpapasalamat ako araw-araw sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin.
Sa huling sandali, maaari pa sana Siyang umatras. Ngunit hindi Niya ginawa. Nagpailalim Siya sa lahat ng bagay upang mailigtas Niya ang lahat ng bagay. Sa gayong paraan, binigyan Niya tayo ng buhay nang lampas sa buhay na ito. Sinagip Niya tayo mula sa Pagkahulog ni Adan.
Sa kaibuturan ng aking kaluluwa, nagpapasalamat ako sa Kanya. Itinuro Niya sa atin kung paano mabuhay. Itinuro Niya sa atin kung paano mamatay. Tiniyak Niya ang ating kaligtasan.
Sa aking pagtatapos, hayaang ibahagi ko ang nakaaantig na mga salitang isinulat ni Emily Harris na naglalarawang mabuti sa nadarama ko sa pagsapit ng Paskua o Linggo ng Pagkabuhay:
Ang linong minsang nakabalot sa Kanya’y walang laman.
Doon iyo’y naiwan,
Buong kaputian at kalinisan.
Ang pintua’y nabuksan.
Ang bato’y iginulong sa kung saan,
At halos marinig ko ang pag-awit ng mga anghel at Siya’y pinapupurihan.
Lino’y hindi na Siya kayang balutan.
Bato’y hindi na Siya kayang hadlangan.
Ang mga salita’y naririnig sa libingang walang-laman,
“Siya’y wala rito.”
Ang linong minsang nakabalot sa Kanya’y wala nang laman.
Doon iyo’y naiwan,
Buong kaputian at kalinisan
At oh, aleluya, ito’y walang laman.1
Pagpalain kayo, aking mga kapatid. Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, amen.