Mga Pagkakataong Gumawa ng Mabuti
Ang paraan ng Panginoon sa pagtulong sa mga may temporal na pangangailangan ay nangangailangan ng mga tao na dahil sa pagmamahal ay inilaan ang sarili at kung ano ang mayroon sila sa Diyos at sa Kanyang gawain.
Mahal kong mga kapatid, ang layunin ng mensahe ko ay parangalan at ipagdiwang ang mga nagawa at ginagawa ng Panginoon upang paglingkuran ang mahihirap at nangangailangang mga anak Niya sa lupa. Mahal Niya ang mga nangangailangan at yaong mga gustong tumulong. At gumawa Siya ng mga paraan upang mapagpala kapwa yaong mga kailangan ng tulong at yaong mga magbibigay nito.
Pinakikinggan ng Ama sa Langit ang mga panalangin ng Kanyang mga anak sa buong mundo na humihingi ng pagkaing makakain, damit para takpan ang kanilang katawan, at dangal na magmumula sa kakayahang paglaanan ang kanilang sarili. Nakarating na ang mga pagsusumamong iyon sa Kanya mula pa noong ilagay niya ang mga lalaki at babae sa mundo.
Nalalaman ninyo ang mga pangangailangang iyon sa inyong lugar at sa buong mundo. Madalas maantig ang inyong puso dahil sa awa. Kapag may nakilala kayong isang tao na naghahanap ng trabaho, gusto ninyong tumulong. Ramdam ninyo ito kapag bumisita kayo sa isang balo at nakitang wala siyang makain. Ramdam ninyo ito kapag nakakita kayo ng mga larawan ng umiiyak na mga bata sa gitna ng mga guho ng kanilang bahay na sinira ng lindol o sunog.
Dahil naririnig ng Panginoon ang kanilang pagtangis at ramdam ang habag ninyo sa kanila, sa simula pa lamang ay naglaan na Siya ng mga paraan para makatulong ang Kanyang mga disipulo. Inanyayahan Niya ang Kanyang mga anak na maglaan ng panahon, kabuhayan, at kanilang sarili upang tulungan Siyang maglingkod sa iba.
Ang paraan Niya ng pagtulong ay tinatawag kung minsan na pagsasabuhay ng batas ng lubos na paglalaan. Sa iba pang panahon tinawag ang Kanyang paraan na nagkakaisang orden. Sa ating panahon tinatawag itong programang pangkapakanan ng Simbahan.
Ang mga pangalan at detalye ng pagpapatakbo ay binago upang iakma sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga tao. Ngunit sa tuwina ang paraan ng Panginoon sa pagtulong sa mga may temporal na pangangailangan ay nangangailangan ng mga tao na dahil sa pagmamahal ay inilaan ang sarili at kung ano ang mayroon sila sa Diyos at sa Kanyang gawain.
Inanyayahan at inutusan Niya tayong makilahok sa Kanyang gawaing tulungan ang mga nangangailangan. Nakikipagtipan tayong gawin iyon sa tubig ng binyag at sa mga banal na templo ng Diyos. Pinaninibago natin ang tipang iyon tuwing Linggo kapag tumatanggap tayo ng sacrament.
Ang layunin ko ngayon ay ipaliwanag sa inyo ang ilan sa mga pagkakataong inilaan Niya sa atin para tulungan ang mga nangangailangan. Hindi ko mababanggit ang lahat dito sa maikling panahon ng ating pagsasama. Ang pag-asa ko ay mapanibago at mapalakas ninyo ang inyong pangakong kumilos.
May isang himno tungkol sa paanyaya ng Panginoon sa gawaing ito na kinanta ko noong bata pa ako. Noong bata pa ako mas pinansin ko ang masayang tunog kaysa sa ibig sabihin nito. Nawa’y madama ng puso ninyo ang mga titik nito ngayon. Pakinggan nating muli ang sinasabi:
Ako ba’y may kabutihang nagawa?
Ako ba’y nakatulong na?
Nakapagpasaya, nakapagpasigla?
Kundi ay bigong talaga.
May napapagaan bang pasanin ngayon
Dahil ako ay tumulong?
Ang mga nanghihina nalunasan ba?
Nang kailangan ako’y naro’n ba?
Kumilos at at h’wag mangarap
Ng biyayang naghihintay.
Paggawa ng mabuti ay kaligayahan,
Biyaya ng pagmamahal.1
Laging pinupukaw ng Panginoon ang damdamin nating lahat. Kung minsan bigla tayong naaawa sa isang taong nangangailangan. Nadama siguro ito ng isang ama nang makita niyang madapa at magalusan sa tuhod ang isang anak. Nadama siguro ito ng isang ina nang marinig niya ang takot na hiyaw ng kanyang anak sa gabi. Naawa siguro ang isang anak sa isang taong tila nalulungkot o natatakot sa eskuwelahan.
Lahat tayo ay nakadama na ng awa sa iba na hindi man lang natin kakilala. Halimbawa, nang marinig ninyo ang ulat tungkol sa higanteng mga alon sa Pasipiko matapos ang lindol sa Japan, nag-alala kayo para sa mga maaaring nasaktan.
Nakadama ng awa ang libu-libo sa inyo na nakaalam tungkol sa pagbaha sa Queensland, Australia. Ang mga ulat sa balita ay mga pagtantiya lamang ng bilang ng mga nangangailangan. Ngunit nadama ng marami sa inyo ang pasakit ng mga tao. Ang pagpukaw sa damdamin ay tinugon ng 1,500 o mahigit pang mga miyembro ng Simbahan sa Australia na nagboluntaryong tumulong at umaliw.
Ang kanilang awa ay napalitan ng desisyong kumilos ayon sa kanilang mga tipan. Nakita ko na ang mga pagpapalang dumarating sa taong nangangailangan na nakatanggap ng tulong at sa taong sinunggaban ang pagkakataong tumulong.
Nakikita ng matatalinong magulang sa bawat pangangailangan ng iba ang isang paraan upang mapagpala ang buhay ng kanilang mga anak. Tatlong bata ang nagdala kamakailan ng mga sisidlan ng masarap na hapunan sa tapat ng aming pintuan. Alam ng mga magulang nila na kailangan namin ng tulong, at isinali ang kanilang mga anak sa pagkakataong paglingkuran kami.
Pinagpala ng mga magulang ang aming pamilya sa kanilang bukas-palad na paglilingkod. Sa pasiya nilang isali ang kanilang mga anak sa pagbibigay, naipaabot nila ang mga pagpapala sa kanilang magiging mga apo. Ang mga ngiti ng mga bata nang lisanin nila ang bahay namin ay tumiyak sa akin na mangyayari iyon. Ikukuwento nila sa kanilang mga anak ang kagalakan nila sa mabuting paglilingkod para sa Panginoon. Naaalala ko ang payapang kasiyahan noong bata pa ako nang magbunot ako ng damo para sa isang kapitbahay sa utos ng aking ama. Tuwing papakiusapan akong tumulong, naaalala at pinaniniwalaan ko ang mga titik n “O Kaylugod na Gawain, O Diyos.”2
Alam ko na isinulat ang mga titik na iyon upang ilarawan ang galak na nagmumula sa pagsamba sa Panginoon sa araw ng Sabbath. Ngunit nadama ng mga batang iyon na nagdala ng pagkain sa aming pintuan isang araw ang galak sa paggawa ng gawain ng Panginoon. At nakita ng kanilang mga magulang ang pagkakataong gumawa ng mabuti at ikalat ang galak sa susunod na mga henerasyon.
Ang paraan ng Diyos sa pangangalaga sa mga nangangailangan ay naglalaan ng isa pang pagkakataon sa mga magulang na mapagpala ang kanilang mga anak. Nakita ko iyon sa isang chapel isang araw ng Linggo. Isang batang paslit ang nag-abot ng donation envelope ng kanyang pamilya sa bishop pagpasok nito sa chapel bago ang sacrament meeting.
Kilala ko ang pamilya at ang batang lalaki. Kakaalam pa lang ng pamilya na may isang tao sa ward na nangangailangan. Ganito ang sabi ng ama sa bata nang maglagay ito ng mas malaking fast offering sa sobre kaysa rati: “Nag-ayuno at nagdasal tayo ngayon para sa mga nangangailangan. Pakibigay ang sobreng ito sa bishop para sa atin. Alam ko na ibibigay niya ito sa mga mas nangangailangan kaysa sa atin.”
Sa halip na magutom sa Linggong iyon, maaalala ng bata ang araw na iyon nang may kasiyahan. Masasabi ko sa ngiti at paghawak niya nang mahigpit sa sobre na ramdam niya ang malaking tiwala ng kanyang ama na dalhin ang handog ng pamilya sa mahihirap. Maalala niya ang araw na iyon kapag deacon na siya at marahil ay magpakailanman.
Nakita ko ang gayon ding saya sa mukha ng mga taong tumulong para sa Panginoon sa Idaho ilang taon na ang nakararaan. Sumabog ang Teton Dam nang Sabado, Hunyo 5, 1976. Labing-isa ang namatay. Libu-libo ang kinailangang lisanin ang kanilang tirahan sa loob ng ilang oras. Ilang bahay ang tinangay ng baha. At matitirhan lamang ang daan-daang bahay kung kukumpunihin at gagastusan ng iba dahil hindi kaya ng mga may-ari.
Yaong mga nakarinig sa trahedya ay naawa, at minabuti ng ilan na tumulong. Iniwan ng mga kapitbahay, bishop, Relief Society president, lider ng korum, home teacher, at visiting teacher ang kanilang tahanan at trabaho para linisin ang mga binahang bahay ng iba.
Umuwi ang isang mag-asawa sa Rexburg mula sa bakasyon pagkatapos lang ng baha. Hindi na nila tiningnan ang bahay nila. Sa halip, hinanap nila ang kanilang bishop para itanong kung saan sila makakatulong. Pinapunta sila sa isang pamilyang nangangailangan.
Pagkaraan ng ilang araw tiningnan nila ang bahay nila. Wala na ito, tinangay ng baha. Bumalik lang sila sa bishop at nagtanong, “Ano naman po ang gusto ninyong gawin namin ngayon?”
Saanman kayo nakatira, nasaksihan na ninyo ang himala ng awang napalitan ng di-makasariling pagkilos. Maaaring hindi iyon bunga ng matinding pinsalang dulot ng kalikasan. Nakita ko na iyon sa isang korum ng priesthood kung saan inilarawan ng isang brother ang mga pangangailangan ng isang lalaki o babaeng naghahanap ng trabaho para masuportahan ang sarili at ang kanyang pamilya. Ramdam ko ang awa sa buong silid, ngunit may ilang nagbigay ng mga pangalan ng mga taong maaaring maipasok ang taong iyon sa trabaho.
Ang nangyari sa korum ng priesthood na iyon at sa mga binahang bahay sa Idaho ay pagpapakita ng paraan ng Panginoon sa pagtulong sa mga nangangailangan na matutong umasa sa sarili. Nahahabag tayo, at alam natin kung paano tumulong ayon sa paraan ng Panginoon.
Ipinagdiriwang natin ang ika-75 anibersaryo ng programang pangkapakanan ng Simbahan ngayong taon. Itinatag ito upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga nawalan ng trabaho, mga bukirin, at maging mga bahay dahil sa tinatawag na Great Depression [Matinding Kahirapan].
Ang malalaking temporal na pangangailangan ng mga anak ng Ama sa Langit ay nangyayaring muli sa ating panahon tulad noon at mangyayari pa sa darating na mga panahon. Ang mga alituntunin sa pagtatatag ng programang pangkapakanan ng Simbahan ay hindi pangminsanan o sa isang lugar lamang. Ang mga ito ay para sa lahat ng panahon at lugar.
Ang mga alituntuning iyon ay espirituwal at walang hanggan. Dahil diyan, ang pag-unawa at pagsasapuso natin sa mga iyon ay gagawing posible na makakita at magkaroon tayo ng mga pagkakataong tumulong kailanman at saanman tayo anyayahan ng Panginoon.
Narito ang ilang alituntuning gumabay sa akin nang gustuhin kong tumulong sa paraan ng Panginoon at nang tulungan ako ng iba.
Una, lahat ng tao ay mas masaya at mas iginagalang ang sarili kapag napaglalaanan nila ang kanilang sarili at kanilang pamilya at pagkatapos ay tumutulong sa pangangalaga sa iba. Nagpapasalamat ako sa mga taong tumulong sa pangangailangan ko. At mas nagpapasalamat ako sa paglipas ng mga taon sa mga tumulong sa akin na matutong umasa sa sarili. At labis akong nagpapasalamat sa mga taong nagpakita sa akin kung paano gamitin ang sobra kong pag-aari para tulungan ang iba.
Natutuhan ko na para magkaroon ng sobra ay liitan ko ang paggastos kaysa aking kinikita. Sa sobrang iyon natutuhan ko na mas mabuting magbigay kaysa tumanggap. Dahil kapag tumutulong tayo ayon sa paraan ng Panginoon, pinagpapala Niya tayo.
Sabi ni Pangulong Romney ukol sa gawaing pangkapakanan, “Hindi ka maghihirap sa ganitong gawain.” At pagkatapos ay binanggit niya ang sinabi ng kanyang mission president na si Melvin J. Ballard nang ganito: “Ang isang tao ay hindi makapagbibigay ng kaunting tinapay sa Panginoon nang hindi nakatatanggap ng isang buo bilang kapalit.”3
Nalaman kong totoo iyon sa aking buhay. Kapag bukas-palad ako sa mga anak ng Ama sa Langit na nangangailangan, bukas-palad din Siya sa akin.
Ang ikalawang alituntunin ng ebanghelyo na gumabay sa akin sa gawaing pangkapakanan ay ang bisa at pagpapala ng pagkakaisa. Kapag nagtulungan tayo sa paglilingkod sa mga taong nangangailangan, pinagkakaisa ng Panginoon ang ating mga puso. Ganito ang pagkasabi ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. tungkol diyan: “Ang pagbibigay na iyon … ay nagdulot … ng damdamin ng kapatiran kapag nagtutulungan ang mga taong may iba’t ibang kasanayan at trabaho sa Welfare garden o iba pang proyekto.”4
Ang nag-ibayong damdamin ng kapatiran ay nangyayari kapwa sa tumatanggap at sa nagbibigay. Hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kami ng lalaking nakatabi ko sa pagpapala ng putik sa kanyang binahang bahay sa Rexburg. At nadarama niya ang mas malaking personal na dangal dahil nagawa niya ang lahat ng kaya niya para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya. Kung sinarili namin ang gawain, kapwa kami nawalan ng espirituwal na pagpapala.
Hahantong iyan sa ikatlong alituntunin ng pagkilos sa gawaing pangkapakanan para sa akin: Isama ang inyong pamilya sa gawain para matuto silang alagaan ang bawat isa kapag inalagaan nila ang iba. Ang mga anak ninyo na kasama ninyong tumulong sa mga nangangailangan ay mas malamang na magtutulungan kapag sila ang nangailangan.
Ang ikaapat na mahalagang alituntuning pangkapakanan ng Simbahan ay natutuhan ko noong bishop ako. Natutuhan ko ito mula sa pagsunod sa utos sa banal na mga kasulatan na hanapin ang mahihirap. Tungkulin ng bishop na hanapin at tulungan ang mga nangangailangan pa rin ng tulong matapos gawin ang lahat ng kaya nila at ng kanilang pamilya. Nalaman ko na isinusugo ng Panginoon ang Espiritu Santo upang mapangyari na “maghanap at kayo’y makakasumpong”5 sa pangangalaga sa mahihirap tulad ng Kanyang paghahanap sa katotohanan. At natutuhan ko ring isama ang Relief Society president sa paghahanap na ito. Maaaring siya ang unang makatanggap ng paghahayag bago kayo.
Kakailanganin ng ilan sa inyo ang inspirasyong iyon sa mga darating na buwan. Sa pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng programang pangkapakanan ng Simbahan, aanyayahan ang mga miyembro sa buong mundo na lumahok sa isang araw na paglilingkod. Hihiling ng paghahayag ang mga lider at miyembro habang ipinaplano nila ang mga proyekto.
May tatlong mungkahi ako sa pagpaplano ng inyong proyektong paglilingkod.
Una, espirituwal na ihanda ang inyong sarili at ang mga pinamumunuan ninyo. Kung mapalambot ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang inyong puso, at saka lamang ninyo malilinawan ang mithiin ng proyekto na pagpalain kapwa sa espirituwal at sa temporal ang buhay ng mga anak ng Ama sa Langit.
Ang ikalawang mungkahi ko ay piliin ang mga taong paglilingkuran ninyo sa loob ng kaharian o sa komunidad na ang mga pangangailangan ay aantig sa puso ng mga taong maglilingkod. Madarama ng mga taong pinaglilingkuran nila ang kanilang pagmamahal. Iyan ang higit na magpapagalak sa kanila, tulad ng pangako sa awitin, kaysa tugunan lamang ninyo ang temporal nilang mga pangangailangan.
Ang huling mungkahi ko ay planuhing gamitin ang impluwensya ng bigkis ng mga pamilya, ng korum, ng mga auxiliary, at ng mga taong kilala sa inyong komunidad. Pararamihin ng damdamin ng pagkakaisa ang mabubuting epekto ng inyong paglilingkod. At ang damdamin ng pagkakaisa sa mga pamilya, sa Simbahan, at sa mga komunidad ay lalago at magiging isang walang-katapusang pamana kahit matagal nang tapos ang proyekto.
Ito na ang pagkakataon kong sabihin sa inyo kung gaano ko kayo pinahahalagahan. Sa mapagmahal na paglilingkod ninyo sa Panginoon, ako ang tumanggap ng pasasalamat ng mga taong natulungan ninyo nang makausap ko sila sa lahat ng panig ng mundo.
Nakahanap kayo ng paraan upang higit silang mapasigla nang tumulong kayo ayon sa paraan ng Panginoon. Kayo at ang mapakumbabang mga disipulo ng Tagapagligtas na katulad ninyo ay maluwag na naglingkod, at ang mga taong tinulungan ninyo ay labis-labis ang pasasalamat sa akin bilang kapalit.
Gayunding pasasalamat ang natatanggap ko mula sa mga taong nakatrabaho ninyo. Naaalala ko pa noong minsang nakatabi ko si Pangulong Ezra Taft Benson. Nag-uusap kami noon tungkol sa gawaing pangkapakanan sa Simbahan ng Panginoon. Nagulat ako sa kanyang sigla na parang bata nang sabihin niya, habang pinipisil ang kanyang mga kamay, “Mahal ko ang gawaing ito, at tunay na gawain ito.”
Para sa Panginoon pinasasalamatan ko ang inyong paglilingkod sa mga anak ng ating Ama sa Langit. Kilala Niya kayo, at nakikita Niya ang inyong pagsisikap, kasigasigan, at sakripisyo. Dalangin ko na pagpalain Niya kayong makita ang bunga ng inyong mga pagsisikap sa kasiyahan ng mga yaong natulungan ninyo at ng mga nakatulong ninyo para sa Panginoon.
Alam ko na ang Diyos Ama ay buhay at pinakikingan ang ating mga dalangin. Alam ko na si Jesus ang Cristo. Kayo at ang mga pinaglilingkuran ninyo ay mapapadalisay at mapapalakas sa paglilingkod sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga utos. Malalalaman ninyo tulad ko, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na si Joseph Smith ang propeta ng Diyos na nagpanumbalik sa totoo at buhay na Simbahang ito, na siyang totoo. Pinatototohanan ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang buhay na propeta ng Diyos. Isa siyang magandang halimbawa ng ginawa ng Panginoon: naglilibot na gumagawa ng mabuti. Dalangin ko na samantalahin natin ang mga pagkakataong “itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”6 Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.