2010–2019
“Kaya’t Tandaan: Ang Kabaitan sa ‘Kin Nagmumula”
Abril 2011


2:3

“Kaya’t Tandaan: Ang Kabaitan sa ‘Kin Nagmumula”

Makikita ninyo na ang kagandahang-loob ay maghahatid ng galak at pagkakaisa sa inyong tahanan, klase, ward, at paaralan.

Ilang linggo na ang nakalilipas may natutuhan akong mahalagang aral mula sa isang Laurel na nagsalita sa aking ward. Naantig ako nang buong tiwala siyang nagturo at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo. Tinapos niya ang kanyang mensahe sa pagsasabing: “Kapag si Jesucristo ang sentro ng buhay ko, mas maganda ang araw ko, mas mabait ako sa mga mahal ko sa buhay, at maligayang-maligaya ako.”

Palagi kong napagmamasdan ang dalagitang ito sa nakaraang ilang buwan. Binabati niya ang lahat nang may ningning sa kanyang mga mata at palaging nakangiti. Nakita ko siyang nagalak sa tagumpay ng iba pang kabataan. Kamakailan ay may sinabi sa akin ang dalawang Mia Maid tungkol sa desisyon ng dalagitang ito na hindi na lang gamitin ang kanyang tiket sa isang palabas sa sine nang malaman niyang hindi iyon “marangal at kaaya-aya.”1 Siya’y mapagmahal, mabait, at masunurin. Mula siya sa tahanang isa lang ang magulang, at may mga pagsubok na pinagdadaanan, kaya’t nagtataka ako kung paano siya nananatiling masaya, at mabait. Nang magpatotoo ang dalagitang ito na, “Nakasentro ang buhay ko kay Jesucristo,” alam ko na ang sagot.

“Naniniwala kami sa pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal, at sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao.” Ang magandang listahang ito ng mga katangiang taglay ni Cristo, na matatagpuan sa ikalabintatlong Saligan ng Pananampalataya, ang maghahanda sa atin sa mga pagpapala ng templo at buhay na walang-hanggan.

Gusto kong bigyan ng pansin ang isa lang sa mga salitang ito—mapagkawanggawa.Ang mapagkawanggawa ay magandang salita na bihira nating marinig. Ang salitang-ugat nito ay Latin, at ibig sabihin ay “hangarin ang kabutihan ng iba.”2 Ang pagkakawanggawa ay kabaitan, magandang hangarin, at pagmamahal sa kapwa. Nalaman ng marami sa inyo ang ideya ng pagkakawanggawa noong nasa Primary kayo at isinaulo ang kantang ito:

Maging mabait ang nais ko,

‘Pagka’t ‘yan ang tama.

Kaya’t tandaan: “Ang kabaitan:

sa ‘kin nagmumula.”3

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas ang tungkol dito at namuhay sa pagkakawanggawa. Minahal ni Jesus ang lahat at naglingkod Siya sa lahat. Ang pagsentro ng ating buhay kay Jesucristo ay makatutulong upang maging mapagkawanggawa tayo. Para taglayin natin ang mga katangiang ito ni Cristo, dapat nating malaman ang tungkol sa Tagapagligtas at “sundan ang Kanyang landas.”4

Sa talinghaga ng Mabuting Samaritano ay natutuhan nating dapat mahalin ang lahat. Nagsimula ang kuwento sa Lucas kabanata 10, nang itanong ng abugado sa Tagapagligtas, “Anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay?”

Ang sagot: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”

At nagtanong ang abugado, “Sino ang aking kapuwa tao?” Nakakatuwang tanong iyan ng isang abugado, dahil may kapitbahay ang mga Judio sa hilaga, ang mga Samaritano, na hindi nila gusto kaya’t kapag naglalakbay sila mula Jerusalem papuntang Galilea, ay dumaraan sila sa mas mahabang daan sa Lambak ng Jordan sa halip na dumaan sa Samaria.

Sinagot ni Jesus ang tanong ng abugado sa pagkukuwento ng talinghaga ng mabuting Samaritano. Batay sa talinghaga:

“Isang tao’y bumaba sa Jerico na mula sa Jerusalem, at siya’y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya’y sumamsam at sa kaniya’y humampas, at nagsialis na siya’y iniwang halos patay na. …

“Datapuwa’t ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya’y makita niya, ay nagdalang habag,

“At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak, at siya’y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya’y inalagaan.

“At nang kinabukasa’y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya; at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko.”5

Hindi tulad ng saserdoteng Judio at ng Levita na dumaan lamang sa sugatang lalaki, na kababayan nila, ang Samaritano ay mabait sa kabila ng pagkakaiba nila. Ipinakita niya ang mapagkawang-gawang katangian ni Cristo. Itinuro sa atin ni Jesus sa kuwentong ito na lahat ay ating kapwa.

Isang tagapayo sa bishopric ang nagbahagi kamakailan ng karanasan na nagtuturo kung gaano kahalaga ang bawat kapwa. Habang nakatingin sa kongregasyon, nakita niya ang isang batang may malaking kahon ng mga krayola na puno ng iba’t ibang kulay. Habang nakatingin sa maraming miyembro ng kanyang ward, naalala niya na tulad ng mga krayola, sila ay magkakatulad ngunit bawat tao ay kakaiba rin.

Sabi niya: “Ang kulay na hatid nila sa ward at sa daigdig ay sariling kanila. … Bawat isa ay may mga kalakasan at kahinaan, mga sariling hangarin, at pangarap. Ngunit lahat ng ito ay magkakatugma sa color wheel ng espirituwal na pagkakaisa. …

“Ang pagkakaisa ay espirituwal na katangian. Ito ang matamis na damdamin ng kapayapaan at layunin ng pagiging kabilang sa isang pamilya. … Ito’y paghahangad ng pinakamainam para sa iba gaya ng nais mo para sa iyong sarili. …Ito’y ang kaalaman na walang gustong manakit sa iyo. [Ibig sabihin, hindi ka kailanman malulungkot.]”6

Binubuo natin ang pagkakaisang iyon at ibinibigay ang sarili nating kulay sa kagandahang-loob: sa bawat gawa ng kabaitan.

Naging malungkot ka na ba? Napapansin mo ba ang mga nalulungkot, ang mga taong hindi maligaya sa buhay? Mga kabataan, namasdan ko ang pagbibigay ninyo ng kakaibang kulay sa buhay ng ibang tao sa inyong mga ngiti, mabait na pananalita, o mensahe ng panghihikayat.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson kung paano makitungo sa ating mga kaibigan at sa lahat ng nakikilala natin nang sabihin niya sa mga dalagita ng Simbahan, “Mahal kong mga batang kapatid, nakikiusap ako na magkaroon kayo ng lakas ng loob na iwasang husgahan at batikusin ang mga nakapaligid sa inyo, at magkaroon din ng lakas ng loob na tiyaking lahat ay kabilang at damang mahal sila at pinahahalagahan.”7

Masusundan natin ang halimbawa ng mabuting Samaritano at “baguhin ang mundo” ng isang tao sa pagkakaroon ng magandang kalooban.8Nais kong anyayahan kayong gawin ang ginawa ng Samaritano sa darating na linggo. Maaaring kailangan ninyong tumulong kahit sa hindi ninyo kaibigan o kaya’y alisin ang inyong pagkamahiyain. Maaaring lakas-loob ninyong piliing paglingkuran ang taong masungit sa inyo. Nangangako ako na kung gagawin ninyo ang hindi madaling gawin, sasaya ang pakiramdam ninyo at ang kabaitan ay magiging bahagi na ng inyong buhay. Makikita ninyo na ang kagandahang-loob ay maghahatid ng galak at pagkakaisa sa inyong tahanan, klase, ward, at paaralan. “Kaya’t Tandaan: ang kabaitan sa ‘kin nagmumula.”

Hindi lamang minahal ng Tagapagligtas ang lahat; pinaglingkuran Niya ang lahat. Magpakita ng kabaitan sa marami. Bata’t matanda ay mapagpapala ng inyong mabait na paglilingkod. Si Pangulong Monson, mula pa noong kanyang pagkabata, ay may puwang na sa puso ang matatanda. Alam niyang mahalaga ang sandaling pagbisita, agad na pagngiti, o pagpisil sa kulubot nang kamay. Ang simpleng pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa ay naghahatid ng kulay sa buhay na kung minsa’y malungkot. Aanyayahan ko kayong alalahanin ang inyong mga lolo’t lola at ang matatanda. Lumingun-lingon sa simbahan bukas at hanapin ang mga taong nangangailangan ng inyong kulay sa kanilang buhay. Simple lang ang gagawin: batiin sila’t banggitin ang pangalan nila, kausapin sila sandali, alalayan sila. Maaari ba ninyo silang pagbuksan ng pinto o kaya’y tulungan sa kanilang tahanan o halamanan? Ang simpleng gawain sa murang edad ninyo ay napakalaking proyekto na sa isang nakatatanda. “Kaya’t Tandaan: ang kabaitan sa ‘kin nagmumula.”

Kung minsan ang kagandahang-loob ay napakahirap gawin sa sariling pamilya. Ang matatag na pamilya ay kailangang pagsikapan. “Maging masayahin, matulungin, at makonsiderasyon sa iba. Maraming problema sa tahanan ang lumilitaw dahil sa pananalita at kilos ng mga kapamilya na makasarili o hindi magiliw. Isipin ninyo ang mga pangangailangan ng iba pang miyembro ng pamilya. Maging tagapamayapa sa halip na manukso, makipaglaban, at mang-away.”9 “Kaya’t Tandaan: ang kabaitan sa ‘kin nagmumula.”

Minahal ni Jesus ang mga bata, kinarga Niya sila, at binasbasan sila.10 Gaya ng Tagapagligtas, mapagpapala ng inyong kabaitan ang lahat ng bata, hindi lamang ang mga nasa inyong tahanan.

Maaaring hindi ninyo alam ang epekto ng inyong buhay at halimbawa sa isang batang musmos. May natanggap ako kamakailan na mensahe mula sa isang kaibigan na nag-aasikaso sa daycare center sa isang lokal na hayskul. Nag-aaral sa hayskul na iyon ang ilang kabataang lalaki at babae na mga miyembro ng Simbahan. Ikinuwento niya sa akin ang karanasang ito: “Habang naglalakad ako sa mga pasilyo kasama ang maliliit na bata nakakatuwang makita ang mga locker na may mga larawan ni Jesus o ng mga templo na nakadikit sa loob ng mga pinto nito. Nakita ng isa sa mga bata ang larawan ni Jesus sa loob ng nakabukas na pinto ng locker ng isang [dalagita] at sinabing, “Tingnan n’yo, nasa paaralan natin si Jesus!’ Naiyak ang estudyante nang yumuko siya at yakapin ang bata. Pinasalamatan ko ang dalagita sa mabuting halimbawa niya sa mga nakapaligid sa kanya. Nakakatuwang malaman na marami sa mga kabataan ang nagsisikap na manindigan sa katotohanan at kabutihan at gawin ang kanilang bahagi sa pag-anyaya sa Espiritu sa kanilang buhay, kahit mahirap kung minsan dahil sa ingay at kalupitan sa kanilang paligid. Kahanga-hanga ang ilang kabataan natin sa Simbahan.”

Wala na akong masasabi pa! Mga kabataan, binabago ninyo ang mundo sa pagsesentro ng inyong buhay kay Jesucristo at kayo’y “nagiging ang nais Niyang maging.”11

Salamat sa inyong kagandahang-loob; sa pagsasali sa mga taong maaaring kaiba; sa kabaitan ninyo sa mga kaibigan, matatanda, pamilya, at maliliit na bata; sa pakikipagkapwa sa mga nalulungkot at mga taong maraming hamon sa buhay at nagdadalamhati. Sa inyong kagandahang-loob, “itinuturo ninyo [sa iba] ang liwanag ng Tagapagligtas.”12 Salamat sa pag-alaala na “ang kabaitan sa ‘kin nagmumula.”

Alam kong si Pangulong Thomas S. Monson ay propeta ng Diyos na ang buhay ay huwaran ng kagandahang-loob na maaari nating tularan. Sundin ang ating propeta. Matuto sa kanyang halimbawa at pakinggan ang kanyang mga salita. Naniniwala ako sa ebanghelyo ni Jesucristo, at alam kong sa pamamagitan ni Joseph Smith ang priesthood ay naipanumbalik sa lupa.

Alam kong buhay ang ating Tagapagligtas at mahal Niya ang bawat isa sa atin. Inialay Niya ang Kanyang buhay para sa lahat. Dalangin ko na isentro natin ang ating buhay kay Jesucristo at “sundan ang Kanyang landas” sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa isa’t isa.13 Sa paggawa nito, alam kong magiging mas mabuting lugar ang mundo, dahil, “naniniwala [tayo] sa pagiging … mapagkawangga.”14 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13.

  2. Tingnan sa Oxford English Dictionary Online, 2nd ed. (1989), “benevolent,” oed.com.

  3. “Kabaitan sa ‘Kin Nagmumula,” Aklat ng mga Awit Pambata, 83.

  4. “Guardians of Virtue,” Strength of Youth Media 2011: We Believe (DVD, 2010); makukuha rin sa lds.org/youth/video/youth-theme-2011-we-believe.

  5. Lucas 10:25, 27, 29, 30, 33–35.

  6. Jerry Earl Johnston, “The Unity in a Ward’s Uniqueness,” Mormon Times, Peb. 9, 2011, M1, M12.

  7. Thomas S. Monson, “Nawa Magkaroon Kayo ng Lakas ng Loob,” Liahona, Mayo 2009, 125.

  8. “Guardians of Virtue.”

  9. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2002), 10–11.

  10. Tingnan sa Marcos 10:16.

  11. “Guardians of Virtue.”

  12. “Guardians of Virtue.”

  13. “Guardians of Virtue.”

  14. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13.