Tinawag na mga Banal
Napakapalad nating mapabilang sa kapatirang ito ng mga Banal sa mga Huling Araw!
Minamahal kong mga kapatid, dalangin ko na tulungan ako ng Espiritu Santo sa paghahatid ko ng aking mensahe.
Sa mga pagdalo ko sa mga kumperensya sa mga stake, ward, at branch, ikinagagalak kong lagi na makausap ang mga miyembro ng Simbahan, na tinatawag ngayon at kahit noong kalagitnaan ng panahon na mga Banal. Ang diwa ng kapayapaan at pagmamahal na lagi kong nadarama kapag kasama sila ay nagpapabatid sa akin na ako ay bahagi ng Sion.
Bagama’t marami sa kanila ang mula sa mga pamilyang matagal nang miyembro ng Simbahan, marami rin ang kabibinyag lamang. Sa kanila ay inuulit natin ang malugod na pagtanggap ni Apostol Pablo sa mga taga Efeso:
“Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios;
“Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:19–20).
Ilang taon na ang nakalilipas habang naglilingkod pa ako sa tanggapan ng Public Affairs ng Simbahan sa Mexico, inanyayahan kaming lumahok sa isang programa sa radyo. Layon ng programa na ilarawan at pag-usapan ang iba’t ibang relihiyon sa mundo. Dalawa sa amin ang inatasang maging kinatawan ng Simbahan upang sumagot sa maaaring itanong sa ganitong uri ng programa. Matapos ang ilang commercial o patalastas, ika nga sa terminolohiya nila sa radio, nagsalita ang direktor ng programa: “Kasama natin ngayong gabi ang dalawang elder mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Huminto siya sandali at nagtanong, “Bakit ang haba ng pangalan ng Simbahan ninyo? Bakit hindi kayo gumamit nang mas maikli o mas madaling tandaan na pangalan?”
Ngumiti kami ng kompanyon ko sa makabuluhang tanong na iyon at ipinaliwanag na ang pangalan ng Simbahan ay hindi pinili ng tao. Ibinigay ito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng propeta sa mga huling araw na ito: “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (D at T 115:4). Kaagad at magalang na tumugon ang direktor ng programa, “Kung gayon ay malugod naming uuliting sabihin ito.” Hindi ko na matandaan kung ilang beses niyang inulit ang mahalagang pangalan ng Simbahan, ngunit naaalala ko pa ang magiliw na diwang nadama roon nang ipaliwanag namin hindi lang ang pangalan ng Simbahan, kundi kung paano ito nauugnay sa mga miyembro ng Simbahan—ang mga Banal sa mga Huling Araw.
Mababasa natin sa Bagong Tipan na ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay tinawag na mga Kristiyano sa unang pagkakataon sa Antioquia (tingnan sa Mga Gawa 11:26.), ngunit tinatawag nila ang isa’t isa na mga Banal. Tiyak na naantig sila nang marinig nila si Apostol Pablo na tinawag silang “kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios” (Mga Taga Efeso 2:19) at sinabi rin na sila’y “tinawag na mga banal” (Mga Taga Roma:1:7; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang mga miyembro ng Simbahan ay mapababanal nang unti-unti at maaaring hindi mapapansin, batay sa kung gaano nila kabuting naipamumuhay ang ebanghelyo at nasusunod ang payo ng mga propeta. Ang mapagpakumbabang mga miyembro ng Simbahan na nagdarasal bilang pamilya at nag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, nakikibahagi sa gawain ng family history at madalas na sumasamba sa templo, ay nagiging mga banal. Sila ang mga taong tapat na bumubuo ng walang-hanggang pamilya. Sila rin ang naglalaan ng oras sa kabila ng marami nilang gawain para tulungan ang mga nawalay sa Simbahan at hikayatin ang mga ito na bumalik at makibahagi sa hapag ng Panginoon. Sila ang mga elder at sister, at mga may edad na mag-asawa na tumugon sa tawag na maglingkod bilang misyonero ng Panginoon. Oo, mga kapatid, sila ay nagiging mga banal sa puntong nadarama na nila ang masigla at napakagandang damdaming iyon na tinatawag na pag-ibig sa kapwa-tao, o ang dalisay na pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:42–48).
Ang mga banal, o mga miyembro ng Simbahan, ay nakilala rin ang ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng paghihirap at pagsubok. Huwag nating kalimutan na maging Siya man ay pinagdusahan ang lahat ng bagay. “At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alisunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12).
Sa nakalipas na ilang taon, nasaksihan ko ang paghihirap ng maraming tao, kabilang na ang marami sa ating mga Banal. Patuloy natin silang ipinagdarasal, sumasamo na mamagitan ang Panginoon upang hindi manghina ang kanilang pananampalataya at magpatuloy sila nang may tiyaga. Sa lahat ng ito babanggitin nating muli ang nakapapanatag na salita ni propetang Jacob mula sa Aklat ni Mormon:
“O kung gayon, mga minamahal kong kapatid, lumapit sa Panginoon, sa yaong Banal. Pakatandaan na ang kanyang mga landas ay mabuti. Masdan, ang daan para sa tao ay makipot, ngunit ito’y nasa isang tuwid na daraanan sa harapan niya, at ang Banal ng Israel ang tanod sa pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon; at walang ibang daan maliban sa pasukan; sapagkat Panginoong Diyos ang kanyang pangalan.
“At ang sinumang kakatok, siya ay kanyang pagbubuksan” (2 Nephi 9:41–42).
Hindi mahalaga kung anuman ang kalagayan, pagsubok, o mga hamon na nakapalibot sa atin; ang pag-unawa sa doktrina ni Cristo at Kanyang Pagbabayad-sala ang mapagkukunan natin ng lakas at kapayapaan—oo, mga kapatid, ang kapayapaang iyon na nagmumula sa Espiritu at ibinibigay ng Panginoon sa Kanyang tapat na mga Banal. Inaaliw Niya tayo, nagsasabing: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo. … Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27).
Sa loob ng maraming taon nasaksihan ko ang katapatan ng mga miyembro ng Simbahan, mga Banal sa mga huling araw na, taglay ang pananampalataya sa plano ng ating Ama sa Langit at sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ay nadaig ang mga dusa at paghihirap nang may tapang at pagpupunyagi, kaya’t sila ay matatag at nagpapatuloy sa tuwid at makipot na landas na nakapagpapabanal. Hindi ko lubusang mailarawan sa mga salita ang aking pasasalamat at paghanga sa lahat ng matatapat na Banal na nakahalubilo ko!
Kahit na ang pang-unawa natin sa ebanghelyo ay hindi kasinglalim ng ating patotoo sa katotohanan nito, kung magtitiwala tayo sa Panginoon, palalakasin tayo sa lahat ng ating suliranin, pagsubok, at paghihirap (tingnan sa Alma 36:3). Ang pangakong ito mula sa Panginoon sa Kanyang mga Banal ay hindi nagpapahiwatig na tayo ay hindi na daranas ng pagdurusa o pagsubok, kundi tayo ay palalakasin upang makayanan ang mga ito at malaman na ang Panginoon ang nagpapalakas sa atin.
Minamahal kong mga kapatid, napakapalad nating mapabilang sa kapatirang ito ng mga Banal sa mga Huling Araw! Napakapalad nating magkaroon ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas na patooo rin ng mga propeta noon at ngayon!
Pinatototohanan ko na ang ating Panginoon, ang Banal ng Israel, ay buhay at pinamamahalaan ang Kanyang Simbahan, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa pamamagitan ng ating pinakamamahal na propetang si Thomas S. Monson. Sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, amen.