2010–2019
Patotoo
Abril 2011


2:3

Patotoo

Ang mga kailangan sa pagkakaroon at pagpapanatili ng patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo ay tuwiran, malinaw, at makakaya ng bawat tao.

Isa sa malalaking pagpapala sa buhay ko sa loob ng maraming taon ang pagkakataong makahalubilo at makasama sa gawain ang mga kabataan ng Simbahan. Itinuturing ko itong isa sa mga pinakamatamis at pinakamahalagang mga samahan at pagkakaibigan sa buhay ko. Sila rin ang malaking dahilan ng magandang pananaw ko sa kinabukasan ng Simbahan, lipunan, at ng mundo.

Sa mga pakikisalamuhang ito nagkaroon din ako ng pribilehiyong makausap ang ilang taong may iba’t ibang alinlangan o hamon sa kanilang patotoo. Kahit iba-iba at kung minsan ay kakaiba ang mga detalye, marami sa mga tanong at dahilan ng kalituhan ang medyo magkakapareho. Gayundin, ito ay mga isyu at problemang hindi lamang nangyayari sa iisang lugar o edad. Maaari itong maging problema ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang edad, ng mga bagong miyembro ng Simbahan, at ng mga taong ngayon pa lamang nagiging pamilyar sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kanilang mga tanong kadalasan ay resulta ng matapat na pagtatanong o pag-uusisa. Dahil napakahalaga at seryoso ang mga implikasyon o kaugnayan nito sa bawat isa sa atin, tila angkop na isaalang-alang ang ating patotoo. Sa ating mga Banal sa mga Huling Araw, ang ating patotoo ang tiyak na pagsaksi sa katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na natatamo sa pamamagitan ng paghahayag ng Espiritu Santo.

Kahit simple at malinaw ang isang patotoo sa pakahulugang ito, nagmumula rito ang ilang potensyal na tanong, tulad ng: Sino ang may karapatang magkaroon ng patotoo? Paano natatamo ng isang tao ang kailangang paghahayag? Ano ang mga hakbang sa pagkakaroon ng patotoo? Ang pagkakaroon ba ng patotoo ay isang pangyayari o ito’y patuloy na proseso? Bawat isa sa mga tanong na ito at iba pa ay may sari-sariling grupo, ngunit ang mga kailangan sa pagkakaroon at pagpapanatili ng patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo ay tuwiran, malinaw, at makakaya ng bawat tao.

Hayaang sagutin ko nang maikli ang mga posibleng pag-aalinlangang ito at pagkatapos ay tutukuyin ko ang ilang kuru-kurong naibahagi kamakailan ng mapagkakatiwalaang mga kaibigan na young adult na nagkaroon ng personal na karanasan sa pagkakaroon ng patotoo. Nagkaroon din sila ng mga pagkakataong maglingkod sa iba na may mga hamon o nahihirapan sa ilang aspeto ng kanilang pananampalataya at paniniwala.

Una, sino ang may karapatang magkaroon ng patotoo? Lahat ng handang gawin ang kinakailangan—ibig sabihin sundin ang mga utos—ay maaaring magkaroon ng patotoo. “Dahil dito ang tinig ng Panginoon ay hahanggan sa mga dulo ng mundo, upang ang lahat ng makaririnig ay makarinig” (D at T 1:11). Ang isang pangunahing dahilan para sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay para “makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan; nang ang pananampalataya rin ay maragdagan sa mundo” (D at T 1:20–21).

Ikalawa, paano nakakamit ng isang tao ang kailangang paghahayag, at ano ang mga pangunahing hakbang para makamtan ito? Ang huwaran ay malinaw at hindi nagbabago sa lahat ng henerasyon. Ang pangakong ibinigay sa pagkakaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay para din sa lahat:

“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito”—ibig sabihin ay inyong pinakinggan, binasa, pinag-aralan, at pinag-isipang mabuti ang tanong—“itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo—ibig sabihin ay ipagdarasal ninyo nang may pagninilay, malinaw, at mapitagan na may matibay na pangakong susundin ang sagot sa inyong dalangin—“at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

“At sa kapangyarihan ng Espiritu Santo malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:4–5).

Ikatlo, ang pagkakaroon ba ng patotoo ay isang bukod na pangyayari o ito’y patuloy na proseso? Ang patotoo ay katulad ng buhay na organismo na lumalaki at lumalago kapag inalagaan nang wasto. Kailangan nito ang palagiang pangangalaga, malasakit, at proteksyon upang mabuhay at umunlad. Gayundin, ang kapabayaan o paglihis natin sa landas ng buhay na nililinaw ng isang patotoo ay maaaring humantong sa pagkawala o pagkabawas nito. Nagbabala ang mga banal na kasulatan na ang paglabag o pagsuway sa mga utos ng Diyos ay mauuwi sa pagkawala ng Espiritu at maging sa isang taong nagtatwa ng patotoo na dati niyang taglay (tingnan sa D at T 42:23).

Ibabahagi ko ngayon ang 10 sa mga puna at mungkahi ng aking mahal at tapat na mga kaibigang kabataan. Iisa ang iniisip at karanasan nila sa mga ideyang kanilang ibinabahagi; kaya, malamang na hindi na ito nakagugulat sa sinuman sa atin. Sa kasamaang-palad at lalo na sa panahon ng sarili nating pakikibaka at problema, maaaring pansamantala tayong makalimot o balewalain natin ang aplikasyon ng mga ito sa atin.

Una, lahat ay mahalaga dahil lahat tayo ay anak ng Diyos. Kilala Niya tayo, mahal Niya tayo, at nais Niyang magtagumpay at makabalik tayo sa Kanya. Matuto tayong magtiwala sa Kanyang pagmamahal at sa Kanyang panahon sa halip na sa sarili nating walang-tiyaga at di-perpektong mga hangarin.

Ikalawa, kahit lubos tayong naniniwala sa “malaking pagbabago ng puso” na inilarawan sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Mosias 5:2; Alma 5:12–14, 26), dapat nating maunawaan na madalas ay paunti-unti itong nangyayari, sa halip na biglaan o sa lahat ng dako, at bilang sagot sa partikular na mga tanong, karanasan, at problema gayundin sa ating pag-aaral at panalangin.

Ikatlo, tandaan natin na ang pangunahing layunin ng buhay ay masubukan at makapagtiis, kaya nga dapat tayong matuto mula sa mga hamon na dumarating sa ating buhay at magpasalamat sa mga natutuhan natin na hindi natin makakamtan sa mas madaling paraan.

Ikaapat, matuto tayong magtiwala sa mga bagay na pinaniniwalaan natin o alam nating susuporta sa atin sa oras ng kawalang-katiyakan o sa mga isyung nagpapahirap sa atin.

Ikalima, tulad ng itinuro ni Alma, ang pagkakaroon ng patotoo ay karaniwang pagsulong sa patuloy na pag-asam, paniniwala, at sa huli ay pagkaalam sa katotohanan ng isang partikular na alituntunin, doktrina, o ng ebanghelyo mismo (tingnan sa Alma 32).

Ikaanim, ang pagtuturo sa iba ng nalalaman natin ay nagpapalakas sa sarili nating patotoo habang pinalalakas natin ang kanyang patotoo. Kapag binigyan mo ng pera o pagkain ang isang tao, mababawasan ang sa iyo. Gayunman, kapag ibinahagi mo ang iyong patotoo, lumalakas at nag-iibayo ito kapwa para sa nagpatotoo at sa nakikinig.

Ikapito, regular nating gawin ang maliliit ngunit mahahalagang bagay sa araw-araw. Ang mga panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan at ebanghelyo, pagdalo sa mga pulong sa Simbahan, pagsamba sa templo, pagganap sa visiting teaching, home teaching, at iba pang mga tungkulin ay pawang nagpapalakas sa ating pananampalataya at nag-aanyaya sa Espiritu sa ating buhay. Kapag kinaligtaan natin ang anuman sa mga pribilehiyong ito, inilalagay natin sa panganib ang ating patotoo.

Ikawalo, hindi dapat mas taasan ang pamantayan natin para sa iba kaysa sa ating sarili. Kadalasan ay hinahayaan nating maimpluwensyahan ng mga kamalian o kabiguan ng iba, lalo na ng mga pinuno o miyembro ng Simbahan, ang pakiramdam natin sa ating sarili o sa ating patotoo. Ang mga paghihirap ng ibang tao ay hindi katwiran para sa sarili nating mga pagkukulang.

Ikasiyam, makabubuting tandaan na ang paghihigpit sa inyong sarili kapag nagkakamali kayo ay maaaring maging negatibong katulad ng pagbabalewala ninyo kapag kailangan ang tunay na pagsisisi.

At ikasampu, dapat ay laging malinaw sa atin na ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay lubos at patuloy na maybisa para sa bawat isa sa atin kapag tinulutan natin ito. Sa gayon lahat ng iba pang bagay ay malalagay sa dapat kalagyan nito kahit patuloy tayong nahihirapan sa ilang detalye, nakaugalian, o tila nawawalang mga bahagi ng kabuuan ng ating pananampalataya.

Nagpapasalamat ako sa mga kuru-kuro, kalakasan, at patotoo ng napakarami sa aking mga ulirang kaibigang kabataan at kasamahan. Kapag kasama ko sila, lumalakas ako, at kapag alam ko na kasama sila ng iba, nahihikayat ako ng kaalaman na mabuti ang kanilang ginagawa at naglilingkod sila alang-alang sa Panginoon na kanilang sinasamba at sinisikap na sundin.

Gumagawa ng mabubuti at mahahalagang bagay ang mga tao dahil sila ay may patotoo. Kahit totoo ito, nagkakaroon din tayo ng patotoo dahil sa ginagawa natin. Sabi ni Jesus:

“Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

“Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:16–17).

“Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15).

Gaya nina Nephi at Mormon noong unang panahon, “Hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17; tingnan din sa Mga Salita ni Mormon 1:7), ngunit sasabihin ko sa inyo ang alam ko.

Alam ko na ang ating Diyos Ama sa Langit ay buhay at mahal Niya tayo. Alam ko na ang kakaiba at natatangi Niyang Anak na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos at pinuno ng Simbahan, na nagtataglay ng Kanyang pangalan. Alam ko na naranasan ni Joseph Smith ang lahat ng iniulat at itinuro niya tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa ating panahon. Alam ko na tayo ay pinamumunuan ng mga apostol at propeta ngayon at taglay ni Pangulong Thomas S. Monson ang lahat ng susi ng priesthood na kailangan para basbasan ang ating buhay at isulong ang gawain ng Panginoon. Alam ko na lahat tayo ay may karapatan sa kaalamang ito, at kung kayo ay nahihirapan, makakaasa kayo sa katotohanan ng mga patotoong naririnig ninyo mula sa pulpitong ito sa kumperensyang ito. Alam ko ang mga bagay na ito at pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.