“Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan”
Ang mismong pagtitiis sa kaparusahan ay nakapagpapadalisay sa atin at inihahanda tayo para sa mas dakilang espirituwal na pribilehiyo.
Ang ating Ama sa Langit ay isang Diyos na mataas ang inaasahan sa atin. Ang inaasahan Niya sa atin ay ipinahayag ng Kanyang Anak, na si Jesucristo, sa mga salitang ito: “Anupa’t nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa Langit ay ganap”(3 Nephi 12:48). Ipinlano Niyang pabanalin tayo nang sa gayon tayo ay “makatitigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal” (D at T 88:22) at “makatatahan sa kanyang kinaroroonan” (Moises 6:57). Alam Niya kung ano ang kailangan, kaya, upang makapagbago tayo, ibinigay Niya ang Kanyang mga kautusan at tipan, ang kaloob na Espiritu Santo, at ang pinakamahalaga, ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Kanyang Pinakamamahal na Anak.
Sa lahat ng ito, layunin ng Diyos na tayo, na Kanyang mga anak, ay maranasan ang sukdulang kagalakan, makasama Siya nang walang-hanggan, at maging tulad Niya. Ilang taon na ang nakararaan ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks: “Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ginawa natin. Ito ay pagkilala sa huling epekto ng mga pag-iisip at gawa natin—ang kung ano ang kahihinatnan natin. Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko upang magkamit ng gantimpala sa huli. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.”1
Nakakalungkot na hindi kinikilala ng marami sa mga makabagong Kristiyano na ang Diyos ay tunay na nag-uutos sa mga naniniwala sa Kanya, sa halip, itinuturing lamang Siyang isang utusan na “tutugon sa kanilang mga pangangailangan kapag tinawag” o isang therapist na ang tungkulin ay tulungan ang mga tao na “bumuti ang pakiramdam nila sa sarili.”2 Ito ay pananaw sa relihiyon na “hindi nagpapahalaga sa pagbabago ng buhay.”3 “Kabaligtaran nito,” tulad ng ipinahayag ng isang awtor, “ang Diyos na inilalarawan kapwa sa mga Banal na Kasulatan ng Hebreo at Kristiyano ay hinihingi, hindi lamang ang ating pagsunod, kundi ang mismong buhay natin. Ang Diyos ng Biblia ay nagpapahalaga sa buhay at kamatayan, hindi nangungunsinti, kundi nananawagan ng pagsasakripisyo na may pagmamahal, at hindi nagsasawalang-kibo.”4
Gusto kong magsalita tungkol sa isang partikular na ugali at gawi na kailangan nating taglayin kung gusto nating maabot ang mataas na inaasahan sa atin ng ating Ama sa Langit. Ito ay ang: kahandaang tumanggap ng pagtutuwid at hangarin ito. Ang pagtutuwid ay mahalaga kung iaakma natin ang buhay “hanggang sa lubos na paglaki ng tao, [ibig sabihin] hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo”(Mga Taga Efeso 4:13). Sinabi ni Pablo tungkol sa banal na pagtutuwid o pagpaparusa, “Sapagka’t pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig” (Sa Mga Hebreo 12:6). Kahit madalas mahirap tiisin, dapat tayong magalak na pinagtutuunan tayo ng panahon ng Diyos at itinutuwid tayo.
Ang banal na pagpaparusa ay may tatlong layunin: (1) hikayatin tayong magsisi, (2) dalisayin at pabanalin tayo, at (3) kung minsan, upang itama ang direksyon ng buhay natin sa alam ng Diyos na mas mabuting landas.
Una sa lahat tingnan natin ang pagsisisi, ang kinakailangang kondisyon para sa kapatawaran at paglilinis. Sinabi ng Panginoon, “Ang lahat kong iniibig, ay aking sinasaway at pinarurusahan: ikaw nga’y magsikap, at magsisi” (Apocalipsis 3:19). Muli, sinabi Niya, “At ang aking mga tao ay talagang kinakailangang parusahan hanggang sa kanilang matutuhan ang pagsunod, kung kinakailangan, sa pamamagitan ng mga bagay na kanilang dinaranas” (D at T 105:6; tingnan din sa D at T 1:27). Sa paghahayag sa mga huling araw, inutusan ng Panginoon ang apat na matataas na lider ng Simbahan na magsisi (na maaaring iutos din Niya sa marami sa atin) dahil hindi nila lubos na tinuruan ang kanilang mga anak “alinsunod sa mga kautusan” at dahil sa hindi pagiging “higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan” (D at T 93:41–50). Ang kapatid ni Jared sa Aklat ni Mormon ay nagsisi nang tumayo ang Panginoon sa ulap at nakipag-usap sa kanya “sa loob ng tatlong oras … at siya ay pinagsabihan dahil sa hindi niya naalaalang manawagan sa pangalan ng Panginoon” (Eter 2:14). Dahil handang-handa siyang tumugon sa matinding pagsaway na ito, ang kapatid ni Jared ay binigyan kalaunan ng pribilehiyong makita at maturuan ng Manunubos na hindi pa isinilang noong panahong iyon (tingnan sa Eter 3:6–20). Ang bunga ng pagpaparusa ng Diyos ay pagsisisi tungo sa kabutihan o pagkamatwid (tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:11).
Bukod sa pagpukaw sa atin na magsisi, ang mismong pagtitiis ng kaparusahan ay nagpapadalisay sa atin at inihahanda tayo para sa mas dakilang mga espirituwal na pribilehiyo. Sinabi ng Panginoon,”Ang aking mga tao ay kinakailangang masubukan sa lahat ng bagay, nang sila ay maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion; at siya na hindi makapagbabata ng pagpaparusa ay hindi karapat-dapat sa aking kaharian” (D at T 136:31). Sa iba pang kabanata sinabi Niya, “Sapagkat lahat ng yaong hindi makatitiis ng pagpaparusa, sa halip itinatatwa ako, ay hindi mapababanal” (D at T 101:5; tingnan din sa Sa Mga Hebreo 12:10). Tulad ng sinabi ni Elder Paul V. Johnson ngayong umaga, huwag nating ipagdamdam ang mga bagay na tutulong sa ating maging banal.
Itinatag ng mga tagasunod ni Alma ang komunidad ng Sion sa Helam ngunit sila ay nabihag. Hindi sila dapat magdusa—kabaligtaran ng dapat mangyari—ngunit sinasabi sa tala:
“Gayon pa man, minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya.
“Gayon pa man—sinuman ang magbibigay ng kanyang tiwala sa kanya, siya rin ay dadakilain sa huling araw. Oo, at gayon din sa mga taong ito” (Mosias 23:21–22).
Pinalakas sila ng Panginoon at pinagaan ang kanilang mga pasanin hanggang sa puntong hindi na nila naramdaman ang bigat nito at sa tamang panahon ay pinalaya sila (tingnan sa Mosias 24:8–22). Ang pananampalataya nila ay lubos na napalakas ng kanilang karanasan, at matapos iyon ay natamasa nila ang espesyal na ugnayan sa Panginoon.
Ang Diyos ay gumagamit ng isa pang uri ng pagpaparusa o pagtutuwid upang gabayan tayo sa hinaharap na hindi pa natin nakikinita ngayon ngunit alam Niyang mas makabubuti sa atin. Si Pangulong Hugh B. Brown, dating miyembro ng Labindalawa at tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagkuwento ng sariling karanasan. Sinabi niya na bumili siya ng isang nakatiwangwang na bukirin sa Canada maraming taon na ang nakalilipas. Habang nililinis at inaayos ang bukirin, nakita niya ang isang palumpong na lumaki na nang mahigit sa anim na talampakan (1.8 m) at walang bunga, kaya pinutol niya ito at maliliit na tuod lang ang itinira. Pagkatapos nakakita siya ng patak na parang luha sa ibabaw ng bawat maliliit na tuod na ito, na parang umiiyak, at sa wari niya’y narinig niya itong nagsasabing:
“Paano mo nagawa ito sa akin? Napakaganda na ng pagtubo ko … At ngayon ay pinutol mo ako. Pagtatawanan ako ng bawat halaman sa hardin … Paano mo nagawa ito sa akin? Akala ko ikaw ang hardinero rito.”
Sumagot si Elder Brown, “Tingnan mo, munting palumpong, ako ang hardinero rito, at alam ko kung ano ang gusto ko para sa iyo. Hindi ko gustong lumaki kang tulad ng punongkahoy. Gusto kong maging palumpong ka, at balang-araw, munting palumpong, kapag namunga ka na, sasabihin mo sa akin, ‘Salamat, Mamang Hardinero, sa pagmamahal mo kaya pinutulan mo ako.’”
Makalipas ang maraming taon, naging opisyal si Pangulong Brown sa Canadian Army na nadestino sa Inglatera. Nang mamatay sa labanan ang isang mas mataas na opisyal, si Elder Brown ay nakalinya para maitaas sa ranggong heneral, at ipinatawag siya at pinapunta sa London. Ngunit kahit na karapat-dapat siya sa promosyong iyon, ipinagkait ito sa kanya dahil siya ay isang Mormon. Ganito ang sinabi ng namumunong heneral, “Karapat-dapat ka sa pagtatalaga sa iyo, pero hindi ko ito maibibigay sa iyo.” Ang 10 taong inasam, ipinagdasal, at pinaghandaan ni Elder Brown ay biglang naglaho sa kanyang mga kamay dahil sa lantarang diskriminasyon. Sa pagpapatuloy ng kanyang kuwento naalala ni Elder Brown:
“Sumakay ako ng tren pabalik … na nagdadalamhati ang puso, at may pait sa aking kaluluwa. … Nang ako ay nasa tolda na, … Inihagis ko ang sumbrero ko sa higaan. Ikinuyom ko ang mga kamay ko at iwinagayway pataas sa langit. Sabi ko, ‘Paano po ninyo nagawa ito sa akin, o Diyos? Ginawa ko po ang lahat upang maabot ang pinakamataas. Wala akong gawain—na dapat kong gawin—na hindi ko ginawa. Paano po ninyo nagawa ito sa akin?’ Napakatindi ng hinanakit ko.
“At pagkatapos nakarinig ako ng tinig, at nakilala ang tinig na iyon. Tinig ko iyon, at ang sabi nito, ‘Ako ang hardinero dito. Alam ko kung ano gusto ko para sa iyo.’ Napawi ang pagdaramdam sa aking kaluluwa, at napaluhod ako sa tabi ng kama upang humingi ng tawad sa aking kawalang utang-na-loob. …
“… At ngayon, mahigit 50 taon na ang nakalilipas, tumingala ako sa [Diyos] at nagsabing, ‘Salamat po, Ginoong Hardinero, sa pagputol ninyo sa akin, sa pagmamahal ninyo sa akin upang ituwid ako.’”5
Alam ng Diyos kung ano ang mararating ni Hugh B. Brown at ano ang kailangan upang mangyari iyon, at iniba Niya ang landas na tinatahak nito upang maihanda ito sa pagiging apostol.
Kung taos-pusong hinahangad at sinisikap nating abutin ang mataas na inaasahan ng ating Ama sa Langit, titiyakin Niyang matatanggap natin ang lahat ng tulong na kailangan natin, ito man ay nagpapanatag, nagpapalakas, o nagtutuwid. Kung handa tayong tanggapin ito, ang kinakailangang pagtutuwid ay darating sa maraming anyo at maraming pagmumulan. Maaari itong dumating sa ating pagdarasal dahil ang Diyos ay nangungusap sa ating mga isip at puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 8:2). Maaaring dumating ito sa mga panalangin na sinagot ng hindi o iba sa ating inaasahan. Ang pagtutuwid ay maaaring dumating kapag nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan, at napapaalalahanan sa ating mga pagkukulang, pagsuway, o pagpapabaya sa mga simpleng bagay.
Ang pagtutuwid ay maaaring magmula sa ibang tao, lalo na sa mga nabigyang-inspirasyon ng Diyos upang magkaroon tayo ng kaligayahan. Ang mga apostol, propeta, patriarch, bishop, at iba pa ay itinalaga sa Simbahan ngayon, tulad noong unang panahon, “sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo” (Mga Taga Efeso 4:12). Marahil ilan sa mga bagay na sinabi sa kumperensyang ito ay nakapukaw sa inyong magsisi o magbago, na kung gagawin ay iaangat kayo sa mas mataas na kalagayan. Matutulungan natin ang isa’t isa bilang mga miyembro ng Simbahan; ito ay isa sa pangunahing dahilan kung bakit nagtatag ang Tagapagligtas ng simbahan. Bagama’t nakatatanggap tayo ng masasakit na puna mula sa mga taong walang pagsaalang-alang o pagmamahal sa atin, makatutulong ang magpakumbaba upang timbangin ito at kunin ang anumang maitutulong nito sa atin.
Ang pagtutuwid, na sana ay mahinahon, ay maaaring manggaling sa asawa. Si Elder Richard G. Scott, na katatapos lang magsalita sa atin, ay naalala na noong bagong kasal sila, ang kanyang asawang si Jeanene, ay pinayuhan siyang tumingin nang diretso sa tao kapag nakikipag-usap sa kanila. “Huwag kang tumingin sa sahig, sa kisame, sa bintana, kahit saan kundi sa mga mata nila,” sabi niya. Tinanggap niya ang mahinahong pagtutuwid na iyon at naging mas epektibo siya sa pagbibigay ng payo at pakikipag-ugnayan sa mga tao. Bilang isa sa mga full-time na misyonero sa ilalim ng pamamahala ng noon ay si Pangulong Scott, mapatutunayan ko na tumitingin siya nang diretso sa mata ng tao kapag nakikipag-usap siya. Masasabi ko rin na kapag may itinutuwid siya, ang tinging iyon ay tumatagos sa kaluluwa.
Maaari at kailangang ituwid, at parusahan din ng mga magulang, ang kanilang mga anak upang hindi mapasailalim sa kalupitan ng kaaway at ng mga kampon nito. Napansin ni Pangulong Boyd K. Packer na kapag ang taong nasa posisyong magtuwid sa iba ay hindi nagagawa ito ay sarili lamang niya ang kanyang iniisip. Tandaan na pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman o kalinawan, “kapag pinakikilos ng Espiritu Santo, at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway” (D at T 121:43).
Tandaan na kapag hindi natin tinanggap ang pagtutuwid, hindi na tayo itutuwid pa ng iba, kahit mahal nila tayo. Kapag paulit-ulit tayong hindi tumugon sa pagtutuwid ng isang mapagmahal na Diyos, titigil din Siya. Sinabi Niya, “Ang aking Espiritu ay hindi laging kasama ng tao” (Eter 2:15). Sa huli, karamihan sa pagtutuwid sa atin ay kailangang manggaling sa kalooban natin—kailangang tayo ang magtuwid sa ating sarili. Isa sa mga paraang ginawa ng ating namayapa nang mahal na kapatid na si Elder Joseph B. Wirthlin upang maging isang dalisay at mapagpakumbabang disipulo, ay kanyang sinusuri ang nagawa niya sa bawat gawain at tungkulin. Sa kanyang hangaring mapasaya ang Panginoon, nagpasiya siyang alamin kung ano ang mas mainam pa niyang magagawa, at pagkatapos masigasig niyang isinabuhay ang bawat natutuhan.
Lahat tayo ay makakayang maabot ang mataas na inaasahan ng Diyos sa atin, gaano man kalaki o kaliit ang ating kakayahan at talento. Pinagtibay ni Moroni, “Kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang biyaya ng [Diyos] ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32). Ang ating masigasig at tapat na pagsisikap ang magdudulot nitong nakapagpapalakas at nakapagpapabanal na awa, pagsisikap na tiyak na kasama ang pagpapasailalim sa pagtutuwid ng Diyos, at taos-puso at lubos na pagsisisi. Hilingin natin ang Kanyang mapagmahal na pagtutuwid.
Nawa’y tulungan kayo ng Diyos sa inyong pagsisikap na maabot ang mataas Niyang inaasahan sa atin at biyayaan ng ganap na kaligayahan at kapayapaan na likas na nangyayari matapos magawa ang lahat. Alam ko na kayo at ako ay maaaring maging kaisa ng Diyos at ni Cristo. Ang ating Ama sa Langit at Kanyang Pinakamamahal na Anak at ang kasiya-siyang potensyal na mayroon tayo dahil sa Kanila ay mapagpakumbaba at buong pagtitiwala kong pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.