Mga Tagapangalaga ng Kabanalan
Maghanda ngayon upang karapat-dapat ninyong matanggap ang lahat ng pagpapalang naghihintay sa inyo sa banal na mga templo ng Panginoon.
May mga pagkakataong hindi kayang ilarawan ng mga salita ang nadarama natin. Dalangin kong ipadama ng Espiritu sa inyong puso ang inyong banal na pagkatao at walanghanggang responsibilidad. Kayo ang pag-asa ng Israel. Kayo ay mga pinili at mariringal na anak ng ating mapagmahal na Ama sa Langit.
Noong nakaraang buwan nagkaroon ako ng pagkakataong dumalo sa kasal sa templo ng isang dalagang kilala ko na mula pa noong ipanganak siya. Habang nakaupo ako sealing room o silid-bukluran, nakatingin sa magandang chandelier na kumikislap sa ilaw ng templo, naalala ko ang araw noong una ko siyang kargahin. Binihisan siya ng kanyang ina ng puting damit, at para sa akin isa siya sa pinakamagagandang sanggol na nakita ko. Pagkatapos ay pumasok na ang dalagang ito sa pinto, na nakasuot muli ng puting damit. Masigla siya at masaya. Habang papasok siya sa silid, inasam ko sa aking puso na nawa’y makinita ng bawat kabataang babae ang sandaling iyon at laging sikaping maging karapat-dapat at sundin ang mga sagradong tipan at tanggapin ang mga ordenansa ng templo bilang paghahanda sa mga pagpapala ng kadakilaan.
Sa pagluhod ng magkasintahang ito sa sagradong altar, nakatanggap sila ng mga pangakong hindi kayang maunawaan ng tao na magpapala, magpapalakas, at tutulong sa kanila habang sila’y nabubuhay. Isa iyon sa mga sandali na parang tumigil ang pag-inog ng mundo at nagalak ang buong kalangitan. Nang tumingin ang bagong kasal sa malalaking salamin sa silid, tinanong ang lalaki kung ano ang nakita niya. Sabi niya, “Lahat ng mga ninuno kong namayapa na.” Pagkatapos ay tumingin ang mag-asawa sa salamin sa likuran nila at sinabi ng babae nang may luha sa mga mata, “ Nakikita ko ang mga susunod sa amin.” Nakita niya ang kanyang magiging pamilya—ang kanyang angkan o inapo. Alam ko na naunawaan niyang muli sa sandaling iyon kung gaano kahalaga ang maging dalisay ang puri at banal. Wala nang mas gaganda pa kaysa sa makita ang lalaki at babaeng naihanda nang tama at magkasamang nakaluhod sa altar ng templo.
Ang mga taon ninyo sa Young Women ang maghahanda sa inyo sa templo. Doon ay tatanggap kayo ng mga pagpapala bilang mga minamahal na anak na babae ng Diyos. Mahal kayo ng inyong Ama sa Langit at gusto kayong maging maligaya. Ang paraan para magawa ito ay “[lumakad] sa landas ng kabanalan” 1 at “tuparin ang mga tipan na [inyong] ginawa.”2
Mga kabataang babae, sa mundo na patuloy na nagiging imoral, nangungunsinti sa kasamaan, nananamantala sa kababaihan, at binabago ang mga papel na ginagampanan, kailangang bantayan ninyo ang inyong sarili, inyong pamilya, at lahat ng nakakasama ninyo. Dapat kayong maging tagapangalaga ng kabanalan.
Ano ang kabanalan at ano ang tagapangalaga? “Ang kabanalan ay huwaran ng pag-isip at pag-uugali na nakabatay sa matataas na pamantayan ng moralidad. Kabilang dito ang kalinisang-puri at kadalisayan.”3 At ano ang tagapangalaga? Ang tagapangalaga ay isang taong nagpoprotekta, kumakanlong, at nagtatanggol.4 Kaya’t, bilang tagapangalaga ng kabanalan, poprotektahan, kakanlungan, at ipagtatanggol ninyo ang kalinisang-puri sapagkat ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay sagrado at dinakilang kapangyarihan at kailangang maingatan hanggang sa kayo ay ikasal. Kailangan ang kabanalan upang makasama ang Espiritu Santo at magabayan nito. Kakailanganin ninyo ang gabay na iyan upang makapamuhay nang mabuti sa daigdig na inyong ginagalawan. Kailangan ng kabanalan para makapasok sa templo. At kailangan din ito para maging karapat-dapat na tumayo sa harapan ng Tagapagligtas. Naghahanda na kayo ngayon para sa sandaling iyon. Ang Pansariling Pag-unlad at ang mga pamantayang makikita sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ay mahalaga. Ang pamumuhay ng mga alituntuning makikita sa bawat buklet ay magpapalakas sa inyo at tutulungan kayong maging “mas karapat-dapat sa kaharian.”5
Noong nakaraang tag-init isang grupo ng mga kabataang babae mula sa Alpine, Utah, ang nagpasiya na sila’y magiging “mas karapat-dapat sa kaharian.” Nagpasiya silang ituon ang pansin sa templo sa pamamagitan ng paglalakad mula sa Draper Utah Temple hanggang sa Salt Lake Temple, na may layong 22 milya (35 kilometro), tulad ng ginawa ng isa sa mga pioneer na si John Roe Moyle. Si Brother Moyle ay isang kantero na tinawag ni Propetang Brigham Young na magtrabaho sa Salt Lake Temple. Linggu-linggo ay nilalakad niya ang layong 22 milya o 35 kilometro mula sa kanyang tahanan papunta sa templo. Isa sa kanyang mga trabaho ang iukit ang mga salitang “Kabanalan sa Panginoon” sa silangang bahagi ng Salt Lake Temple. Hindi iyon madali at maraming balakid na dapat niyang lampasan. Minsan, sinipa siya sa binti ng isa sa kanyang mga baka. Dahil ayaw gumaling ang sugat, kinailangang putulin ang binting ito. Ngunit hindi iyan naging hadlang sa kanyang pangako sa propeta at sa pagtatrabaho sa templo. Umukit siya ng kahoy na binti, at pagkaraan ng maraming linggo ay nilakad niyang muli ang 22 milya o 35-kilometro papunta sa templo para tuparin ang kanyang ipinangako.6
Nagpasiya ang mga dalagita sa Cedar Hills Sixth Ward na lakarin ang gayunding distansya para sa isang ninuno at para sa isang taong nagsisisilbing inspirasyon nila upang manatiling karapat-dapat na makapasok sa templo. Nagsanay sila linggu-linggo sa Mutual, at habang naglalakad ibinabahagi nila ang kanilang natututuhan at nadarama tungkol sa mga templo.
Sinimulan nila ang maagang pagpunta sa templo nang may panalangin. Habang naglalakad sila, humanga ako sa kanilang pananalig. Naghanda silang mabuti, at alam nilang sila ay handa. Nakatuon sila sa kanilang mithiin. Bawat hakbang nila ay sumasagisag sa bawat isa sa inyo dahil kayo man ay naghahanda ngayon na makapasok sa templo. Ang inyong pagsasanay ay nagsimula sa araw-araw ninyong pananalangin, pagbabasa ng Aklat ni Mormon, at paggawa sa Pansariling Pag-unlad.
Habang patuloy sa paglakad ang mga dalagitang ito, may mga sagabal sa daan, ngunit nanatili silang nakatuon sa kanilang mithiin. Ang ilan sa kanila ay nagsimulang mamaltos ang mga paa, at ang iba ay nakadama ng panginginig ng mga tuhod, pero nagpatuloy pa rin sila. Ang bawat isa sa inyo ay maraming sagabal, sakit, at hadlang sa pagpunta ninyo sa templo, ngunit determinado rin kayong magpatuloy. Ang rutang dinaanan ng mga kabataang ito ay pinagplanuhan ng kanilang mga lider, na nakapaglakad na doon at naglagay ng mga tanda para matiyak ang pinakaligtas at pinakadiretsong daan. Muli, may tanda rin ang inyong daraanan, at makatitiyak kayo na hindi lamang nalakaran ng Tagapagligtas ang daan kundi lalakad na muli kasama ninyo—sa bawat hakbang.
Sa paglalakbay na ito patungong templo may mga ama, ina, miyembro ng pamilya, at lider ng priesthood na nagsilbing mga tagapangalaga. Tungkulin nilang siguruhin na ligtas ang lahat at malayo sa panganib. Sinisiguro nila na bawat dalagita ay hindi kinukulang sa tubig at may sapat na pagkain para manatiling malakas. May mga istasyong inilaan ang mga lider ng priesthood para mapagpahingahan at mapag-inuman ng tubig. Mga kabataang babae, ang inyong ama, inyong ina, inyong bishop, at marami pang iba ang magiging tagapangalaga ninyo sa pagtahak ninyo sa daan patungo sa templo. Magbibigay sila ng mga babala at gagabayan kayo, at kung sakaling kayo ay masugatan o masaktan o maligaw, tutulungan nila kayo.
Natuwa ako na noong malapit na silang matapos sa kanilang paglalakbay ay dumating ang kanilang mga kapatid na lalaki, ang iba pang mga kabataang lalaki, at mga kaibigan upang suportahan ang mga determinadong dalagitang ito at pasayahin sila. Isang lalaki ang binuhat ang kanyang kapatid, na may malaking paltos sa paa, at pinasan niya ang kapatid hanggang sa makarating sa templo. Nang marating ng kahanga-hangang mga dalagitang ito ang kanilang mithiin, naiyak sila nang hawakan nila ang templo at nangako na mananatiling karapat-dapat sa tuwina na makapasok doon.
Ang paglakad papuntang templo ay parang paglalakbay ninyo sa buhay. Ang mga magulang at lider ng priesthood ang nagbantay sa daraanan. Nagbigay sila ng tulong. Pinangalagaan at hinikayat ng mga kabataang babae ang isa’t isa. Hinangaan ng mga binatilyo ang lakas, katapatan, at kakayahang magtiis ng mga dalagita. Binuhat ng mga lalaki ang mga kapatid nilang nasaktan. Nagalak ang mga pamilya kasama sa kanilang mga anak na babae nang matapos nila ang paglakad papuntang templo at ligtas silang iniuwi.
Para manatili sa landas na patungo sa templo, dapat ninyong pangalagaan ang inyong karangalan at ang karangalan ng ibang nakakasama ninyo. Bakit? Itinuro ni Mormon sa Aklat ni Mormon na ang karangalan at puri ang “pinakamahal at pinakamahalaga sa lahat ng bagay.”7
Ano ang magagawa ninyo upang maging tagapangalaga ng kabanalan? Nagsisimula ito sa paniniwalang may magagawa kayong kaibhan. Nagsisimula ito sa matibay na pangako. Noong dalagita pa ako, nalaman ko na may mga desisyon na isang beses lang gagawin. Gumawa ako ng listahan ng mga bagay na lagi kong gagawin at mga bagay na hindi kailanman gagawin sa maliit na kuwaderno. Kabilang dito ang susundin ang Word of Wisdom, magdarasal araw-araw, magbabayad ng aking ikapu, at palaging magsisimba. Ginawa ko na noon ang mga desisyong ito, kaya’t nang dumating ang oras na kailangan kong magdesisyon, alam ko na ang gagawin ko dahil nakapagdesisyon na ako noon pa man. Nang sabihin ng mga kaibigan ko sa high school na, “Hindi masamang uminom kung isang beses lang,” natawa ako at sinabi kong, “nagdesisyon ako noong 12 anyos ako na hindi ko gagawin iyan.” Ang maagang pagdedesisyon ay tutulong sa inyo na maging tagapangalaga ng kabanalan. Umaasa ako maglilista kayo ng mga bagay na lagi ninyong gagawin at mga bagay na hindi kailanman ninyo gagawin. Pagkatapos ay sundin ang inyong listahan.
Ang maging tagapangalaga ng kabanalan ay nangangahulugang hindi lang kayo mahinhin sa pananamit kundi maging sa inyong pananalita, inyong kilos, at inyong paggamit ng media. Ibig sabihin nito ay hindi kayo kailanman magpapadala ng text o larawan sa mga binatilyo na maaaring maging dahilan para mawala sa kanila ang Espiritu, mawala ang kanilang kapangyarihan ng priesthood, o mawala ang kanilang kabanalan. Ibig sabihin nito ay nauunawaan ninyo ang kahalagahan ng kalinisang-puri dahil nauunawaan din ninyo na ang inyong katawan ay templo at ang sagradong kapangyarihang lumikha ay hindi dapat dungisan bago ang kasal. Nauunawaan ninyo na nagtataglay kayo ng sagradong kapangyarihan na may banal na responsibilidad na isilang sa mundo ang iba pang mga espiritu upang tumanggap ng katawan na pananahanan ng kanilang walang-hanggang espiritu. Kasama sa kapangyarihang ito ang isa pang banal na kaluluwa. Kayo ay tagapangalaga ng isang bagay na “mas mahalaga nga kay sa mga rubi.”8 Maging matapat. Maging masunurin. Maghanda ngayon upang karapat-dapat ninyong matanggap ang lahat ng pagpapalang naghihintay sa inyo sa banal na mga templo ng Panginoon.
Para sa mga ina na nakikinig ngayong gabi, kayo ang pinakamahalagang halimbawa ng inyong mga anak sa kahinhinan at kabanalan—maraming salamat sa inyo. Huwag mag-atubiling ituro sa kanila na sila ay mariringal na anak ng Diyos at ang kanilang halaga ay hindi nababatay sa kanilang nakaaakit na kagandahan. At ipakita sa kanila na ang inyong paniniwala ay naipapakita nang tama at palagi sa inyong pag-uugali at anyo.9 Kayo ay mga tagapangalaga rin ng kabanalan.
Sa linggong ito, umakyat akong muli sa Ensign Peak. Mag-uumaga noon at habang minamasdan ko mula sa bundok na iyon ang Bundok ng Bahay ng Panginoon—ang Salt Lake Temple—nakita kong lalo ang kahalagahan nito. Ibinigay ng mga pioneer ang lahat-lahat makarating lamang sa tuktok ng bundok upang ikaw at ako ay mapagpala ng templo at mabuklod nang walang-hanggan bilang pamilya. Apatnapung taon silang nagsakripisyo, mabusising nagtrabaho, at naglakad mula Alpine hanggang sa templo—bakit? Dahil tulad ninyo, naniwala sila! Naniwala sila sa propeta. Naniwala sila na nakita at nakausap niya ang Diyos at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Naniwala sila sa Tagapagligtas. Naniwala sila sa Aklat ni Mormon. Kaya masasabi nilang, “Naniniwala kami sa lahat ng bagay, umaasa kami sa lahat ng bagay, nakapagtiis kami ng maraming bagay, at umaasang makapagtitiis sa lahat ng bagay.”10 Nagawa nila iyon kaya magagawa rin natin. Ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ay ang pinaniniwalaan natin dahil iyon mismo ang mga bagay na tutulong upang maging karapat-dapat tayo na makapasok sa templo at balang-araw ay tumayo sa harap ng ating Ama sa Langit—na napatunayang marapat, dalisay, at nabuklod. Kailangan dito na kayo ay “mas karapat-dapat sa kaharian” at naghahanda na ngayon at naniniwalang magagawa ninyo ang mahihirap na bagay.
Mga kabataang babae, kayo ay bahagi ng dakilang gawain! At hindi kayo nag-iisa! Habang pinangangalagaan ninyo ang inyong kabanalan at kadalisayan, bibigyan kayo ng lakas. Kapag tinupad ninyo ang inyong mga tipan, gagabayan at pangangalagaan kayo ng Espiritu Santo. Palilibutan kayo ng hukbo ng mga anghel sa langit. Ipinaaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson, “Alalahanin na hindi tayo mag-isang tumatakbo sa malaking pagligsahang ito ng buhay; may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon.”11 Maghanda para sa araw na iyon na pupunta kayo sa templo ng Panginoon nang karapat-dapat at handa upang gumawa ng mga sagradong tipan. Bilang mga tagapangalaga ng kabanalan, nanaisin ninyong hanapin ang Tagapagligtas sa Kanyang banal na bahay.
Pinatototohanan ko na buhay ang Diyos at na ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang ating Manunubos, si Jesucristo, ay buhay at dahil sa nakatutubos na kapangyarihan ng Kanyang dakilang Pagbabayad-sala, kayo ay magagabayan at mapangangalagan sa landas na papunta sa templo at pabalik sa Kanilang piling. Dalangin ko na bawat isa sa inyo ay mapalakas para sa pinakamaluwalhati ninyong sandali. Asamin ang magandang araw na iyon na binanggit sa aklat ng Apocalipsis kung kailan kayo ay “magsisilakad na may mga damit na maputi; [sapagka’t kayo’y] karapat-dapat.”12 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.