Mga Alagad ni Cristo
Ang mga alagad ni Cristo ay ginagawang huwaran sa buhay ang Tagapagligtas na lumakad sa liwanag.
Noong Oktubre, sinamahan naming mag-asawa sina Elder at Sister Neil L. Andersen para sa groundbreaking ng isang bagong templo sa Cordoba, Argentina. Tulad nang kaugalian, sinundan ng isang press conference ang seremonya. Isang mamamahayag, na hindi miyembro ng ating simbahan, ang nagsabi na naobserbahan niya kung gaano pinahalagahan ng mga lalaki ang kanilang asawa. Pagkatapos ay hindi inaasahang itinanong nito, “Totoo ba iyon o likhang-isip lang?” Tiyak ko na may nakita at nadama siyang kakaiba sa ating mga miyembro. Naramdaman niya siguro ang pagnanais ng ating mga miyembro na sundin si Cristo. Ganyan ang pagnanais ng mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo. Kasabay nito, nais din ng milyun-milyong kataong hindi miyembro ng Simbahan na sundin Siya.
Humanga kaming mag-asawa sa mga taong nakita namin sa Ghana at Nigeria. Karamihan ay hindi mga miyembro ng ating simbahan. Masaya kaming makita na nais nilang sundin si Cristo sa mga pag-uusap nila sa bahay, sa sasakyan, sa mga pader, at sa kanilang mga billboard. Hindi pa kami nakakita ng gayon karaming simbahang Kristiyano na magkakatabi.
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, tungkulin nating anyayahan ang milyun-milyong tulad nila na magpunta at tingnan kung ano ang maidaragdag natin sa mabubuting bagay na mayroon na sila. Sinumang tao saanmang lupalop, klima, o kultura ay maaaring malaman sa kanyang sarili na nakita ni Propetang Joseph Smith ang Ama at Anak sa isang pangitain. Malalaman niya na ipinanumbalik ng mga sugo ng langit ang priesthood at ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. Sa mga salita ng Panginoon kay Enoc, “Kabutihan [ang ipinadala] mula sa langit; at katotohanan [ang ipinadala] sa lupa, upang [patotohanan ang] Bugtong na Anak [ng Ama].”1
Nangako ang Tagapagligtas, “Ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”2 Ang mga alagad ni Cristo ay ginagawang huwaran sa buhay ang Tagapagligtas na lumakad sa liwanag. Dalawang katangian ang makakatulong sa atin upang matukoy kung hanggang saan natin Siya susundin. Una, ang mga alagad ni Cristo ay mapagmahal. Pangalawa, ang mga alagad ni Cristo ay gumagawa at tumutupad ng mga tipan.
Ang unang katangian, ang pagiging mapagmahal, ay isang bagay na napansin siguro ng mamamahayag sa Córdoba sa mga miyembro ng ating Simbahan. Sinusunod natin si Cristo dahil mahal natin Siya. Kapag sinusunod natin ang Manunubos dahil sa pagmamahal, tinutularan natin ang Kanyang halimbawa. Dahil sa pagmamahal sinunod ng Tagapagligtas ang kalooban ng Ama anuman ang sitwasyon. Sumunod ang ating Tagapagligtas kahit nangahulugan ito ng matinding sakit ng katawan at damdamin; na hampasin Siya ng latigo at kutyain; na pahirapan Siya ng Kanyang mga kaaway at talikuran Siya ng Kanyang mga kaibigan. Ang nagbabayad-salang sakripisyo, na natatatangi sa misyon ng Tagapagligtas, ang pinakamagandang pagpapahayag ng pagmamahal sa lahat. “Ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.”3
Tulad ng pagsunod ni Cristo sa Kanyang Ama anuman ang sitwasyon, dapat nating sundin ang Kanyang Anak. Kung gagawin natin ito, hindi na mahalaga kung anong klaseng pag-uusig, pagdurusa, dalamhati, o “tinik sa laman” 4 ang nararanasan natin. Hindi tayo nag-iisa. Tutulungan tayo ni Cristo. Palalakasin tayo ng Kanyang magigiliw na awa anuman ang sitwasyon.5
Ang pagsunod kay Cristo ay maaaring mangahulugan ng pagtalikod sa maraming bagay na itinatangi, tulad ng ginawa ni Ruth na Moabita. Bilang bagong binyag, dahil sa pagmamahal sa Diyos at kay Naomi, iniwan niya ang lahat para ipamuhay ang kanyang relihiyon.6
Maaari din itong mangahulugan ng pagtitiis ng paghihirap at paglaban sa tukso. Noong kabataan niya, ipinagbili si Jose para maging alipin. Inilayo siya sa lahat ng mahal sa kanya. Kalaunan ay tinukso siyang magkasala. Nilabanan niya ang tukso at sinabi, “Paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios?”7 Ang pagmamahal niya sa Diyos ay mas matindi kaysa anumang paghihirap o tukso.
Mayroon tayo ngayong mga makabagong Ruth at Jose sa iba’t ibang dako ng mundo. Nang matanggap ni Brother Jimmy Olvera ng Guayaquil, Ecuador, ang kanyang tawag sa mission, naghihirap ang kanyang pamilya. Sa araw na aalis na siya, sinabihan siya na kung lalabas siya ng pintuan, itatakwil siya ng kanyang pamilya. Malungkot siyang lumabas ng pintuang iyon. Habang nasa misyon, sinabi ng kanyang ina na magtagal pa siya sa misyon dahil napakarami nilang biyayang natatanggap. Si Brother Olvera ay isa na ngayong stake patriarch.
Ang tapat na pagmamahal kay Cristo ay naglalaan ng kailangang katatagan upang sundin Siya. Ipinakita ito ng Panginoon Mismo nang tatlong beses Niyang itanong kay Pedro, “Iniibig mo baga ako?” Matapos sabihin nang malakas ni Pedro ang pagmamahal niya sa Kanya, sinabi ng Panginoon kay Pedro ang darating na mga paghihirap. Pagkatapos ay dumating ang payo: “Sumunod ka sa akin.” Maaari ding itanong sa atin ang tanong ng Tagapagligtas kay Pedro: “Iniibig mo baga ako?” na sinundan ng tawag na kumilos: “Sumunod ka sa akin.”8
Ang pagmamahal ay isang mabisang impluwensya sa ating puso sa pagsisikap nating sumunod. Ang pagmamahal sa ating Tagapagligtas ay nagbibigay-inspirasyon sa atin na sundin ang Kanyang mga utos. Ang pagmamahal sa isang ina, ama, o asawa ay magbibigay-inspirasyon din sa atin na sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang pakikitungo natin sa iba ay nagpapakita kung gaano natin nasusunod ang Tagapagligtas sa pagmamahal natin sa isa’t isa.9 Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya kapag tumigil tayo para tulungan ang iba, kapag tayo ay “ganap na matatapat at matwid sa lahat ng bagay”10 at gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan.
Ang pangalawang katangian ng mga alagad ni Cristo ay ang paggawa at pagtupad ng mga tipan, tulad ng ginawa Niya. Itinuro ni Moroni na ang “pagbubuhos ng dugo ni Cristo … [ay] nasa tipan ng Ama tungo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, upang kayo ay maging banal, na walang bahid-dungis.”11
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na bago pa man nilikha ang mundong ito, ginawa na ang mga tipan sa langit.12 Ang mga sinaunang propeta at patriarch ay gumawa ng mga tipan.
Ang Tagapagligtas Mismo ang nagpakita ng halimbawa. Bininyagan Siya ng isang may wastong awtoridad upang isakatuparan ang lahat ng katwiran. Sa pamamagitan ng Kanyang binyag, pinatunayan ng Tagapagligtas sa Ama na susundin Niya ang lahat ng utos ng Ama.13 Tulad noong unang panahon, sinusunod din natin si Cristo at nakikipagtipan tayo sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.
Ang paggawa ng mga tipan ay isang bagay na maidaragdag ng milyun-milyong hindi miyembro ng ating simbahan sa mabubuting bagay na mayroon na sila. Ang paggawa ng mga tipan ay pagpapakita ng pagmamahal. Isang paraan iyon ng pagsasabi sa Kanya ng, “Opo, susundin ko Kayo dahil mahal ko Kayo.”
Ang mga tipan ay may lakip na mga pangako, “maging ng buhay na walang hanggan.”14 Lahat ng bagay ay magtutulungan para sa ating ikabubuti kung aalalahanin natin ang ating mga tipan.15 Dapat gawin at tuparin ang mga ito para lubos na matanggap ang mga pangakong kalakip nito. Tutulungan tayo ng pagmamahal sa Tagapagligtas at pag-alala sa ating mga tipan na matupad natin ang mga ito. Ang pagtanggap ng sacrament ay isang paraan ng pag-alala sa mga ito.16 Ang isa pang paraan ay pumunta sa templo nang madalas. Naaalala ko ang isang bagong kasal sa South America na gusto nang maghiwalay dahil hindi sila magkasundo. Pinayuhan sila ng isang lider ng priesthood na pumunta sa templo at pakinggang mabuti ang mga salita at pangako ng mga tipang ginagawa roon. Ginawa nila iyon at naisalba ang pagsasama nila. Ang kapangyarihan ng ating mga tipan ay mas matindi kaysa anumang hamong kinakaharap o kakaharapin natin.
Sa mga miyembrong hindi aktibo sa ebanghelyo, magbalik na sana kayo. Damhin ang mga pagpapala ng pag-alala at pagpapanibago ng mga tipan sa pamamagitan ng sacrament at pagpunta sa templo. Ang paggawa nito ay pagpapakita ng pagmamahal at kahandaang maging tunay na alagad ni Cristo. Gagawin kayo nitong karapat-dapat na matanggap ang lahat ng ipinangakong pagpapala.
Sa mga hindi miyembro ng ating simbahan, inaanyayahan ko kayong sumampalataya, magsisi, at maging karapat-dapat na tumanggap ng tipan sa binyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa paggawa nito, maipapakita ninyo na mahal ninyo ang ating Ama sa Langit at handa kayong sundin si Cristo.
Pinatototohanan ko na mas maligaya tayo kapag sinusunod natin ang mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag nagsikap tayong sundin Siya, darating sa atin ang mga pagpapala ng langit. Alam ko na matutupad ang Kanyang mga pangako kapag gumawa at tumupad tayo ng mga tipan, at naging tunay na mga alagad ni Cristo. Pinatototohanan ko ang Kanyang dakilang pagmamahal sa bawat isa sa atin, at sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.