Ang Nagpapabanal na Gawaing Pangkapakanan
Ang gawaing pangalagaan ang isa’t isa at maging “mabait sa mga maralita” ay isang nagpapabanal na gawain, na iniutos ng Ama.
Magandang umaga, mga kapatid. Noong 1897, nakatayo ang binatang si David O. McKay sa harap ng isang pintuan hawak ang polyeto ng Simbahan. Bilang misyonero sa Stirling, Scotland, ilang beses na niyang nagawa ito noon. Ngunit sa araw na iyon, isang pagod na babae ang nagbukas ng pinto at humarap sa kanya. Hindi maayos ang damit nito at humpak ang pisngi at magulo ang buhok.
Kinuha nito ang polyetong iniabot ni Elder McKay at sumambit ng anim na katagang hinding-hindi niya malilimutan: “Maibibili ba ako nito ng tinapay?”
Ang paghaharap na ito ay nakintal sa isipan ng binatang misyonero. Kalaunan ay isinulat niya, “Mula sa sandaling iyon naging mas malalim ang pagkaunawa ko na ang Simbahan ni Cristo ay dapat maging, at talagang, interesado sa temporal na kaligtasan ng tao. Lumakad ako palayo mula sa pintuang iyon na nadarama na ang [babaeng] iyon, na may … pagdaramdam sa [kanyang] puso sa tao at sa Diyos, [ay] wala sa sitwasyon para tumanggap ng mensahe ng ebanghelyo. Kailangan [niya] ng temporal na tulong, at walang organisasyon sa Stirling, sa pagkaalam ko, na makapagbigay nito sa [kanya].”1
Ilang dekada kalaunan nagdusa ang mundo sa mga epekto ng Great Depression [Matinding Kahirapan]. Sa panahong ito, noong Abril 6, 1936, ibinalita ni Pangulong Heber J. Grant at ng kanyang mga tagapayo, sina J. Reuben Clark at David O. McKay, ang kalaunan ay makikilala bilang programang pangkapakanan ng Simbahan. Dalawang linggo kalaunan, hinirang si Elder Melvin J. Ballard bilang unang chairman nito at si Harold B. Lee ang unang namamahalang direktor nito.
Hindi ito ordinaryong gawain. Kahit tumawag ng mga pambihirang tao ang Panginoon para pangasiwaan ito, niliwanag ni Pangulong J. Reuben Clark na “ang pagkatatag ng programang [pangkapakanan] ay bunga ng paghahayag ng Espiritu Santo kay Pangulong Grant, kaya nagpatuloy ito mula noon sa pamamagitan ng katulad na mga paghahayag na dumating sa mga kapatid na naging responsable rito.”2
Ang katapatan ng mga pinuno ng Simbahan na pagaanin ang pagdurusa ng tao ay tiyak at hindi mababago. Gusto ni Pangulong Grant ang “isang sistemang … tutulong at mangangalaga sa mga tao anuman ang kapalit nito.” Sinabi niya na maaari pa niyang “ipasara ang mga seminary, pahintuin ang gawaing misyonero nang kaunting panahon, o ipasara ang mga templo, ngunit hindi nila hahayaang magutom ang mga tao.”3
Katabi ako ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa Managua, Nicaragua, nang magsalita siya sa 1,300 miyembro ng Simbahan na nakaligtas sa mapangwasak na bagyong kumitil sa buhay ng mahigit 11,000 katao. “Basta’t may mapagkukunan ang Simbahan,” sabi niya sa kanila, “hindi namin kayo hahayaang magutom o walang maisuot, o walang masilungan. Gagawin namin ang lahat para makatulong sa paraang itinalaga ng Panginoon na nararapat gawin.”4
Isa sa mga natatanging katangian ng inspiradong gawaing ito na nakasentro sa ebanghelyo ay ang pagbibigay-diin nito sa personal na responsibilidad at pag-asa sa sarili. Ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney, “Maraming programang ginawa ang mga taong mabuti ang layunin para tulungan ang mga nangangailangan. Gayunman, marami sa mga programang ito ang nilikha na may limitadong layunin na ‘tulungan ang mga tao,’ kumpara sa ‘tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili.’”5
Ang pag-asa sa sarili ay produkto ng masinop na pamumuhay at disiplina sa sarili sa paggastos. Sa simula pa lang, itinuro na ng Simbahan na ang mga pamilya—hangga’t kaya nila—ang kailangang umako sa responsibilidad para sa sarili nilang temporal na kapakanan. Bawat henerasyon ay kailangang matutuhang muli ang mga pangunahing alituntunin ng pag-asa sa sarili: huwag mangutang, magtipid, paghandaan ang panahon ng pagdurusa, pakinggan at sundin ang mga salita ng mga buhay na propeta, magkaroon ng disiplina para malaman ang kaibhan ng mga pangangailangan sa gusto, at mamuhay alinsunod dito.
Ang layunin, mga pangako, at mga alituntuning nagpapatibay sa ating pangangalaga sa maralita at nangangailangan ay higit pa sa hangganan ng mortalidad. Ang sagradong gawaing ito ay hindi lamang para makinabang at mapagpala ang mga nagdurusa o nangangailangan. Bilang mga anak ng Diyos, hindi natin mamanahin ang kaganapan ng buhay na walang hanggan kung hindi natin lubos na pangangalagaan ang isa’t isa habang narito tayo sa mundo. Natututo tayo ng mga selestiyal na alituntunin ng pagsasakripisyo at paglalaan kapag nagsakripisyo tayo at naglingkod sa iba.6
Itinuro ng dakilang si Haring Benjamin na isa sa mga dahilan kaya natin ibinabahagi ang ating kabuhayan sa maralita at pinagiginhawa sila ay para mapanatili natin ang pagkatubos sa ating mga kasalanan sa araw-araw at makalakad tayo nang walang-sala sa harapan ng Diyos.7
Simula nang likhain ang mundo, ang pag-ibig sa kapwa ay lagi nang mahalagang bahagi ng mga matwid na lipunan. Nasasabik tayo sa payapang mundo at masaganang komunidad. Ipinagdarasal natin na magkaroon ng matwid at mabubuting lipunan kung saan tinatalikuran ang kasamaan at nananaig ang mabuti at tama. Ilan mang templo ang itayo natin, gaano man karami ang mga miyembro, gaano man kaganda ang tingin sa atin ng mga tao—kapag nabigo tayo rito sa dakilang utos na “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina,”8 o ibaling ang ating puso sa mga nagdurusa at nagdadalamhati, tayo ay parurusahan at hindi malulugod sa atin ang Panginoon9 at malayo nating makamtan ang masayang inaasam ng ating puso.
Sa buong mundo, halos 28,000 bishop ang naghahanap sa mga maralita para tumulong sa kanilang mga pangangailangan. Bawat bishop ay tinutulungan ng isang ward council na binubuo ng mga lider ng priesthood at auxiliary, kabilang na ang isang tapat na Relief Society president. Maaari nilang “[matugunan] ang pangangailangan ng mga dayuhan; … [buhusan] ng langis at alak ang sugatang puso ng naghihinagpis; … [at pahirin] ang mga luha ng mga ulila at [pasayahin] ang puso ng balo.”10
Ang puso ng mga miyembro at pinuno ng Simbahan sa buong mundo ay naiimpluwensyahan nang maganda at nagagabayan ng mga doktrina at ng banal na pagmamahal at pangangalaga sa kanilang kapwa.
Pinroblema ng isang lider ng priesthood sa South America ang gutom at kasalatan ng mga miyembro ng kanyang maliit na stake. Ayaw tulutang magutom ang mga bata, nakakita siya ng bakanteng lote at inorganisa ang priesthood upang linangin ito at taniman. Nakakuha sila ng matandang kabayo at itinali rito ang isang lumang araro at sinimulang linangin ang lupa. Ngunit bago sila nakatapos, nagkaroon ng trahedya at namatay ang matandang kabayo.
Sa halip na tulutang magutom ang kanilang mga kapatid, itinali ng kalalakihan ng priesthood ang lumang araro sa kanilang sariling likod at hinila ito sa tigang na lupa. Literal nilang pinasan ang pamatok ng pagdurusa at mga pasanin ng kanilang mga kapatid.11
Isang insidente sa kasaysayan ng sarili kong pamilya ang halimbawa ng pangakong pangalagaan ang mga nangangailangan. Marami nang nakarinig tungkol sa grupo ng Willie at Martin handcart at kung paano nagdusa at namatay ang matatapat na pioneer na ito nang tiisin nila ang lamig at nakapanlulumong kundisyon sa kanilang paglalakbay pakanluran. Si Robert Taylor Burton, isa sa mga kalolo-lolohan ko, ay isa sa mga inutusan ni Brigham Young na humayo at sagipin ang mahal at kaawa-awang mga Banal na iyon.
Sa panahong iyon, isinulat ni Lolo sa kanyang journal: “Makapal ang niyebe at napakalamig. … Napakalamig kaya hindi [kami] makakilos. … Negative 11 degrees [-24°C] ang temperatura … ; napakalamig kung kaya’t hindi makapaglakbay ang mga tao.”12
Ipinamahagi ang mga suplay na magliligtas ng buhay sa nabalahong mga Banal, ngunit “sa kabila ng lahat ng nagawa [ng mga sumaklolo] maraming namatay at inilibing sa tabing-daan.”13
Nang maparaan ang nasagip na mga Banal sa isang bahagi ng daan papasok sa Echo Canyon, ilang bagon ang huminto upang tumulong sa pagsilang ng isang sanggol na babae. Napansin ni Robert na walang sapat na damit ang bata pang ina para hindi ginawin ang bagong silang niyang sanggol. Sa kabila ng napakalamig na temperatura, kanyang “hinubad ang sarili niyang gawang-bahay na kamiseta at ibinigay ito sa ina para [ibalot] sa sanggol.”14 Ang bata ay pinangalanang Echo—Echo Squires—bilang pag-alaala sa lugar at sitwasyon ng kanyang pagsilang.
Ilang taon pagkaraan niyon natawag si Robert sa Presiding Bishopric ng Simbahan, kung saan mahigit tatlong dekada siyang naglingkod. Sa edad na 86, nagkasakit si Robert Taylor Burton. Tinipon niya sa tabi ng kanyang kama ang kanyang pamilya para bigyan sila ng huling basbas. Kasama sa kanyang huling sinabi ang simple ngunit malalim na pangaral na ito: “Maging mabait sa mga maralita.”15
Mga kapatid, pinararangalan natin ang mahuhusay na taong iyon na tinawag ng Panginoon upang isaayos at pangasiwaan ang mga programa ng paglilingkod sa mga nangangailangang miyembro ng Kanyang Simbahan. Pinararangalan natin ang mga tao na sa ating panahon ay naglilingkod sa di-mabilang at kadalasan ay tahimik na paraan para “maging mabait sa mga maralita,” pakainin ang gutom, damitan ang hubad, basbasan ang maysakit, at bisitahin ang bilanggo.
Ito ang sagradong gawaing inaasahan ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo. Ito ang gawaing minahal Niya noong narito Siya sa lupa. Ito ang gawain na alam kong makikita nating ginagawa Niya kung kasama natin Siya ngayon.16
Pitumpu’t limang taon na ang nakararaan, isang sistemang nakalaan sa espirituwal at temporal na kaligtasan ng sangkatauhan ang sumibol mula sa simpleng simula. Mula noon pinasigla at pinagpala na nito ang buhay ng milyun-milyong katao sa buong mundo. Ang planong pangkapakanan na ipinahayag ng propeta ay hindi lamang isang kasiya-siyang kuwento sa kasaysayan ng Simbahan. Ang mga alituntuning pinagbatayan nito ay nagpapakilala sa atin bilang isang grupo. Ito ang pinakadiwa ng pagiging mga disipulo ng ating Tagapagligtas at Halimbawa na si Cristo Jesus.
Ang gawaing pangalagaan ang isa’t isa at maging “mabait sa mga maralita” ay isang nagpapabanal na gawain, na iniutos ng Ama, at nilayon ng langit upang basbasan, dalisayin, at dakilain ang Kanyang mga anak. Nawa’y sundin natin ang payo ng Tagapagligtas sa isang manananggol sa talinghaga ng mabuting Samaritano: “Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.”17 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.