2010–2019
Isang Buhay na Patotoo
Abril 2011


2:3

Isang Buhay na Patotoo

Ang patotoo ay kailangan ng pangangalaga ng panalangin ng pananampalataya, ng pagkagutom sa salita ng Diyos na nasa mga banal na kasulatan, at pagsunod sa katotohanan.

Minamahal kong mga batang kapatid, kayo ang pag-asa ng Simbahan ng Panginoon. Layon ko sa gabing ito na tulungan kayong maniwala dito. Kung ang paniniwalang iyan ay magiging malalim na patotoo mula sa Diyos, huhubugin nito ang mga desisyon ninyo sa bawat araw at bawat oras. At mula sa inaakala ninyong maliliit na pagpili, aakayin kayo ng Panginoon sa kaligayahang nais ninyo. Sa inyong mga pagpili ay mapagpapala Niya ang marami pang tao.

Ang desisyon ninyong makasama namin sa gabing ito ay halimbawa ng mahahalagang pagpili. Mahigit sa isang milyong kabataang babae, mga ina, at lider ang inanyayahan. Sa kabila ng iba pang mga bagay na maaari sana ninyong piliing gawin, pinili ninyong makapiling namin. Ginawa ninyo iyan dahil sa inyong paniniwala.

Kayo ay naniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sapat ang paniniwala ninyo para pumunta dito upang pakinggan ang Kanyang mga lingkod na umaasang may maririnig o madarama kayo na hihikayat sa inyo tungo sa mas mabuting buhay. Nadama ng inyong puso na ang pagsunod kay Jesucristo ang landas tungo sa dagdag na kaligayahan.

Ngayon, maaaring hindi ninyo inisip na kusang pagpili iyan na may malaking kahalagahan. Maaaring gusto ninyong makasama ang mga kaibigan o pamilya. Maaaring tumugon lang kayo sa kabaitan ng isang taong nag-imbita sa inyong pumarito. Ngunit kahit hindi ninyo napansin, kahit paano’y nadama ninyo ang paanyaya ng Tagapagligtas na: “Magsisunod kayo sa akin.”1

Sa oras ng pagsasama-sama natin, pinalalim ng Panginoon ang inyong paniniwala sa Kanya at pinalakas ang inyong patotoo. Higit pa sa mga salita at musika ang narinig ninyo. Nadama ninyo ang pagsaksi ng Espiritu sa inyong puso na may mga buhay na propeta sa mundo sa tunay na Simbahan ng Panginoon at ang landas sa kaligayahan ay nasa Kanyang kaharian. Lumago ang inyong patotoo na ito ang tanging totoo at buhay na Simbahan sa lupa ngayon.

Ngayon, hindi magkakapareho ang nadama natin. Para sa ilan iyon ay pagsaksi ng Espiritu na si Thomas S. Monson ay propeta ng Diyos. Para sa iba iyon ay pagsaksi na ang katapatan, kabanalan, at paggawa ng mabuti sa lahat ng tao ay totoong mga katangian ng Tagapagligtas. At kasama niyon ang mas malaking hangaring maging tulad Niya.

Lahat kayo’y naghahangad na ang inyong patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo ay mapalakas. Nakita ni Pangulong Brigham Young ang inyong mga pangangailangan maraming taon na ang nakararaan. Siya ay isang propeta ng Diyos noon, at sa kanyang pananaw bilang propeta 142 taon na ang nakalilipas, nakita niya kayo at ang inyong mga pangangailangan. Siya’y mapagmahal na ama at isang buhay na propeta noon.

Nakita niya ang paglaganap ng impluwensya ng daigdig sa kanyang mga anak na babae mismo. Nakita niyang inilalayo sila ng mga impluwensya ng daigdig sa landas ng kaligayahan ng Panginoon. Noong panahon niya ang mga impluwensyang iyon ay dulot na rin ng bagong transcontinental railroad na nagkokonekta sa malalayo at protektadong mga Banal sa mundo.

Maaaring hindi niya nakita ang makabagong teknolohiya ngayon na kahit hawak ninyo lamang sa inyong kamay ay magagawa na ninyong malaman ang mga ideya ng ibang tao at makipag-ugnayan sa kanila sa iba’t ibang panig ng mundo. Ngunit nakita niya na mahalagang pumili ang kanyang mga anak na babae—at kayo— batay sa malakas na patotoo sa buhay at mapagmahal na Diyos at sa Kanyang plano ng kaligayahan.

Ito ang kanyang propesiya at inspiradong payo sa kanyang mga anak at sa inyo sa tuwina.

Ito ang pinakamensahe ko sa gabing ito. Sinabi niya sa isang silid sa kanyang tahanan, na walang isang milya ang layo sa pinagmumulan ng mensaheng ito ngayon sa mga anak na babae ng Diyos sa iba’t ibang bansa sa mundo: “Kailangan na ang mga batang anak na babae ng Israel ay magkaroon ng buhay na patotoo ng katotohanan.”2

At pagkatapos ay nilikha niya ang samahan ng mga kabataang babae na ngayon ay tinatawag sa Simbahan ng Panginoon na “Young Women.” Nadama ninyo sa gabing ito ang ilan sa magagandang epekto ng desisyong ginawa niya sa pulong na iyon ng Linggo ng gabi sa kanyang tahanan.

Pagkalipas ng mahigit isandaang taon, ang mga anak na babae ng Israel sa iba’t ibang panig ng mundo ay naghahangad na magkaroon ng sariling buhay na patotoo ng katotohanan. Ngayon, habang kayo’y nabubuhay, kailangan ninyo ang buhay at lumalagong patotoo upang tumatag kayo at akayin sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan. At kaakibat nito kayo ang magiging tagahatid ng Liwanag ni Cristo sa inyong mga kapatid sa iba’t ibang panig ng mundo at sa mga henerasyon.

Alam ninyo batay sa sariling karanasan kung ano ang patotoo. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang patotoo ay “nakahihikayat na kaalaman na ibinigay sa paghahayag sa isang taong mapagpakumbabang naghahanap ng katotohanan.” Ang sabi niya tungkol sa patotoo at sa Espiritu Santo na naghahatid ng paghahayag, “Ang kapangyarihan nitong manghikayat ay napakalakas kaya’t walang maiiwang pagdududa sa isipan kapag nangusap ang Espiritu. Ito lamang ang paraan upang tunay na malalaman ng isang tao na si Jesus ang Cristo at ang kanyang ebanghelyo ay totoo.”3

Nadama na ninyo ang inspirasyong iyan. Maaaring ito’y upang pagtibayin ang isang bahagi ng ebanghelyo, gaya ng ginawa nito sa akin sa gabing ito. Nang marinig ko ang mga salita mula sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya tungkol sa pagiging “matapat, tunay, malinis, [at] mapagkawanggawa,” para bang ang Panginoon ang nagsasalita. Muli kong nadama na iyan ang Kanyang mga katangian. Nadama ko na si Joseph Smith ang Kanyang propeta noon. Kaya’t para sa akin hindi lamang mga salita iyon.

Nakinita ko ang maalikabok na daan ng Judea at ang Halamanan ng Getsemani. Kahit paano nadama ko sa puso ko kung ano ang maaaring pakiramdam ng lumuhod tulad ng ginawa ni Joseph sa harapan ng Ama at ng Anak sa kakahuyan sa New York. Hindi ko makinita ang isang liwanag na higit kaysa katanghaliang-tapat na tulad ng nakita niya ngunit nadama ko ang init at himala ng isang patotoo.

Ang patotoo ay darating sa inyo nang unti-unti habang ang mga bahagi ng buong katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay pinagtitibay. Halimbawa, habang binabasa at pinag-iisipan ang Aklat ni Mormon, ang mga talatang nabasa na ninyo ay tila bago at maghahatid ng mga bagong ideya. Ang iyong patotoo ay lalawak at lalalim habang pinagtitibay ng Espiritu Santo na ito ay totoo. Ang inyong buhay na patotoo ay lalakas habang inyong pinag-aaralan, ipinagdarasal, at pinag-iisipan ang mga banal na kasulatan.

Ang pinakamainam na paglalarawan sa akin kung paano magkaroon at panatilihin ang buhay na patotoong ito ay nabanggit na. Ito ay nasa ika-32 kabanata ng Alma sa Aklat ni Mormon. Siguro maraming beses na ninyo itong nabasa. May bago akong natutuklasan sa tuwing babasahin ko ito. Balik-aralan natin ang aral na itinuturo nito ngayong gabi.

Tinuturuan tayo sa mga inspiradong talatang iyon na simulan ang pagkakaroon ng patotoo nang may “bahagyang pananampalataya” at hangaring lumago ito.4 Sa gabing ito nadama ninyo ang pananampalataya at hangarin habang nakikinig sa nakaaantig na mga mensahe ng kabaitan ng Tagapagligtas, Kanyang katapatan, at kadalisayan ng Kanyang mga kautusan at Pagbabayad-salang ginawa para sa atin.

Kaya’t ang binhi ng pananampalataya ay naitanim na sa inyong puso. Maaaring nadama na ninyo ang paglaganap nito sa inyong puso gaya ng pangako sa Alma. Nadama ko ito.

Ngunit gaya ng lumalagong halaman, kailangan itong alagaan dahil kung hindi ito ay malalanta. Ang palagian at taos-pusong mga panalangin ng pananampalataya ay mahalaga at kailangang sangkap. Ang pagsunod sa katotohanang natanggap ninyo ang magpapanatiling buhay sa patotoo at magpapalakas dito. Ang pagsunod sa mga kautusan ay bahagi ng pangangalagang kailangan ninyo sa inyong patotoo.

Alalahanin ninyo ang pangako ng Tagapagligtas: “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.”5

Nangyari iyan sa akin, at mangyayari iyan sa inyo. Isa sa mga doktrina ng ebanghelyong itinuro sa akin noong bata pa ako ay na ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob ng Diyos ay ang buhay na walang hanggan.6 Natutuhan ko na bahagi ng buhay na walang-hanggan ang mamuhay nang may pagmamahalan sa mga pamilya magpakailanman.

Mula noong unang marinig ko ang mga katotohanang iyon at pinagtibay ito sa puso ko nadama kong tungkulin kong piliing iwasang makipagtalo at hangarin ang kapayapaan sa aking pamilya at sa aking tahanan.

Ngayon, tanging pagkatapos ng buhay na ito ko matatamasa ang kabuuan ng pinakadakila sa lahat ng mga pagpapala, ang buhay na walang-hanggan. Ngunit sa kabila ng mga hamon ng buhay na ito, nabigyan ako ng kaunting ideya kung ano ang magiging kalagayan ng pamilya ko sa langit. Mula sa mga karanasang iyon ang patotoo ko sa katunayan ng kapangyarihang magbuklod na ginagawa sa mga templo ay lumago at lumakas.

Ang mamasdan ang dalawa kong anak na babae na mabinyagan sa templo para sa kanilang mga ninuno ay nagpalapit sa kanila sa aking puso at sa mga ninunong natunton namin. Ang pangako ni Elijah na ibabaling ang mga puso sa bawat isa sa kanilang mga pamilya ay ipinagkaloob sa amin.7 Kaya’t para sa akin ang pananampalataya ay tiyak na kaalaman, gaya ng ipinangako sa Aklat ni Alma.

Nadama ko kahit paano ang kagalakang nadama ng mga ninuno ko nang magpunta ang Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu matapos ang Kanyang mortal na ministeryo. Narito ang paglalarawan sa Doktrina at mga Tipan:

“At ang mga banal ay nagsaya sa kanilang pagkakatubos, at lumuhod at kinilala ang Anak ng Diyos bilang kanilang Manunubos at Tagapagligtas mula sa kamatayan at sa mga tanikala ng impiyerno.

“Ang kanilang mga mukha ay nagniningning, at ang liwanag mula sa kinaroroonan ng Panginoon ay nanahan sa kanila, at sila ay umawit ng mga papuri sa kanyang banal na pangalan.”8

Nadama ko ang kagalakan nila dahil kumilos ako ayon sa aking patotoo sa pangako ng Panginoon na ang buhay na walang-hanggan ay tunay. Ang patotoong iyon ay lumakas dahil pinili kong kumilos ayon dito gaya ng ipinangako ng Tagapagligtas.

Itinuro din Niya sa atin na bukod sa pagpiling sumunod kailangan nating hingin sa panalangin ang patotoo ng katotohanan. Itinuro iyan sa atin ng Panginoon sa Kanyang utos na ipagdasal ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Sinabi Niya sa Kanyang propetang si Moroni:

“Masdan, nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito, kung karunungan sa Diyos na mabasa ninyo ang mga yaon, na inyong maalala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito, at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso.

“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

“At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”9

Umaasa akong napatunayan na ninyong lahat iyan sa inyong sarili ang pangakong iyan o na gagawin ninyo kaagad. Ang sagot ay maaaring hindi dumating nang minsanan at sa napakalakas na espirituwal na karanasan. Sa akin tahimik muna itong dumating. Ngunit lumalakas ito sa tuwing babasahin at ipagdarasal ko ang Aklat ni Mormon.

Hindi ako umaasa sa mga nangayari na. Upang maging tiyak ang aking buhay na patotoo hinggil sa Aklat ni Mormon, madalas kong gawin ang pangako ni Moroni. Hindi ko iniisip na ang biyaya ng patotoo ay patuloy na lang na nasa akin.

Ang patotoo ay kailangang pangalagaan ng panalangin ng pananampalataya, ng pagkagutom sa salita ng Diyos na nasa banal na kasulatan, at pagsunod sa katotohanang ating natanggap. Mapanganib ang pagpapabaya sa panalangin. Nanganganib ang ating patotoo sa kaswal na pag-aaral at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Mahahalagang sangkap ito sa ating patotoo.

Alalahanin ang babala mula kay Alma:

“Subalit kung inyong pababayaan ang punungkahoy, at hindi iisipin ang pangangalaga rito, masdan, iyon ay hindi magkakaroon ng anumang ugat; at kung ang init ng araw ay matindi at darangin ito, sapagkat wala itong ugat ito ay malalanta, at ito ay inyong bubunutin at itatapon.

“Ngayon, ito ay hindi dahil ang binhi ay hindi mabuti, ni ito ay dahil ang bunga niyon ay hindi magiging kanais-nais; kundi ito ay dahil ang inyong lupa ay tigang, at hindi ninyo inaalagaan ang punungkahoy, anupa’t hindi kayo magkakaroon ng bunga niyaon.”10

Ang pagpapakabusog sa salita ng Diyos, taos-pusong panalangin, at pagsunod sa mga utos ng Panginoon ay kailangang magawa lahat at patuloy upang ang inyong patotoo ay lumago at umunlad. Lahat tayo kung minsan ay may mga pagkakataong hindi natin kayang kontrolin na nakagagambala sa ating pag-aaral ng banal na kasulatan. Maaaring may mga panahon na sa kung anong dahilan ay pinipili nating huwag manalangin. Maaaring may mga kautusan na pinili nating hindi muna pansinin.

Ngunit hindi ninyo makakamit ang hangad ninyong buhay na patotoo kung kalilimutan ninyo ang babala at pangako sa Alma:

“At kung magkagayon, kung hindi ninyo aalagaan ang salita, na umaasa nang may pananampalataya sa bunga niyon, hindi kayo kailanman makapipitas ng bunga ng punungkahoy ng buhay.

“Subalit kung inyong aalagaan ang salita, oo, aalagaan ang punungkahoy habang ito ay nagsisimulang lumaki, sa pamamagitan ng inyong pananampalataya nang may malaking pagsisikap at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon, ito ay magkakaugat, at masdan, ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.

“At dahil sa inyong pagsisikap at inyong pananampalataya at inyong pagtitiyaga sa salita sa pag-aalaga nito upang ito’y mapapag-ugat ninyo, masdan, di maglalaon, kayo ay pipitas ng bunga niyon, na pinakamahalaga, na pinakamatamis sa lahat ng matamis, at pinakamaputi sa lahat ng maputi, oo, at pinakadalisay sa lahat ng dalisay; at kayo ay magpapakabusog sa bungang ito hanggang sa kayo ay mapuno, upang hindi na kayo magutom pa, ni hindi na kayo mauuhaw.

“Kung magkagayon … inyong aanihin ang mga gantimpala ng inyong pananampalataya, at inyong pagsisikap, at pagtitiyaga, at mahabang pagtitiis, sa paghihintay sa punungkahoy na magbigay ng bunga sa inyo.”11

Ang mga salita sa talatang iyon na “umaasa sa bunga niyaon” ang gabay sa matalinong aral na natanggap ninyo sa gabing ito. Iyan ang dahilan kaya’t ang iyong mga mata ay nakatuon sa hinaharap sa sealing room sa templo. Iyan ang dahilan kaya’t tinulungan kayong ilarawan sa isipan ngayong gabi ang tila walang-patid na liwanag na nababanaag sa pagharap sa mga salamin sa dingding ng sealing room kung saan maaari kayong ikasal sa templo ng Diyos.

Kung aasamin ninyo ang araw na iyon nang may sapat na hangarin na bunga ng patotoo, palalakasin kayo upang mapaglabanan ang mga tukso ng daigdig. Sa tuwing pipiliin ninyong sikaping mamuhay nang higit na katulad ng Tagapagligtas ay lalakas ang inyong patotoo. Darating kayo sa puntong malalaman ninyo na Siya ang Ilaw ng Sanglibutan.

Madarama ninyong lalo iyong nagliliwanag sa inyong buhay. Hindi ito darating nang walang pagsisikap. Ngunit darating ito habang lumalago ang inyong patotoo at pinipili ninyong pangalagaan ito. Narito ang tiyak na pangako mula sa Doktrina at mga Tipan: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”12

Kayo ang magiging liwanag sa sanlibutan sa pagbabahagi ng inyong patotoo sa iba. Maipakikita ninyo sa iba ang liwanag ni Cristo sa inyong buhay. Hahanap ng paraan ang Panginoon upang maantig ng liwanag na iyon ang mga mahal ninyo sa buhay. At sa sama-samang pananampalataya at patotoo ng Kanyang mga anak na babae, aantigin ng Diyos ang buhay ng milyun-milyon sa Kanyang kaharian at sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng Kanyang liwanag.

Sa inyong patotoo at mga pagpili nakasalalay ang pag-asa ng Simbahan at ng mga henerasyong susunod sa inyong halimbawa ng pakikinig at pagtanggap sa paanyaya ng Panginoon na: “Magsisunod kayo sa akin.” Kilala at mahal kayo ng Panginoon.

Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at patotoo. Kayo ay mga anak ng mapagmahal at buhay na Ama sa langit. Alam ko na ang Kanyang nabuhay na mag-uling Anak, si Jesucristo, ang Tagapagligtas at liwanag ng mundo. At nagpapatotoo ako na ang Espiritu Santo ay may mga mensahe sa inyo ngayong gabi na nagpapatibay ng katotohanan sa inyong puso. Si Pangulong Thomas S. Monson ang buhay na propeta ng Diyos. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.