Sakop ng Pagbabayad-sala ang Lahat ng Nararamdaman nating Sakit
Ang ating malaking personal na hamon sa buhay na ito ay ang maging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo.”
Bilang surgeon, malaking bahagi ng oras ko sa aking propesyon ay nagugol sa paksa tungkol sa sakit. Dahil kailangan, nakapagdulot ako nito sa mga operasyon ko halos araw-araw—malaking bahagi ng gawain ko noon ay ginugol ko sa pagkontrol at pagbawas ng sakit na nararamdaman ng mga tao.
Pinag-isipan ko kung bakit dapat makaramdam ang tao ng sakit. Walang sinuman sa atin ang hindi nakakaranas ng sakit. Nakita ko na sa iba’t ibang paraan ito dinaranas o tinitiis ng mga tao. Ang ilan ay tinatalikuran ang Diyos dahil sa galit, habang ang iba naman ay hinahayaan ang pagdurusa nila na maglalapit sa kanila sa Diyos.
Tulad ninyo, naranasan ko na ring masaktan. Ang sakit ay sukatan ng paggaling. Kadalasan tinuturuan tayo nito ng pasensya. Kaya siguro ginagamit natin ang salitang pasyente sa pagtukoy sa mga maysakit.
Isinulat ni Elder Orson F. Whitney: “Walang sakit na ating dinadanas, walang pagsubok na ating nararanasan ang nasasayang. Tumutulong ito sa ating edukasyon, sa pag-unlad ng mga katangiang gaya ng pagtitiis, pananampalataya, katatagan, at pagpapakumbaba. … Sa dalamhati, pagdurusa, pagpakapagod, at pagsubok natin nakakamit ang edukasyon na dapat nating makamtan sa pagpunta natin dito.”1
Gayundin, sinabi ni Elder Robert D. Hales:
“Dahil sa sakit na nadarama ninyo magiging mapagpakumbaba kayo na siyang naghihimok sa inyong makapag-isip. Isang karanasan ito na nagpapasalamat akong napagtiisan ko. …
Natutuhan ko na ang sakit na nararamdaman ng katawan at ang paggaling nito matapos ang maselang operasyon ay kapansin-pansing katulad sa espirituwal na sakit at paghilom ng kaluluwang nasa proseso ng pagsisisi.”2
Marami sa mga pagdurusa natin ay hindi naman kasalanan natin. Ang mga hindi inaasahang bagay, mga kalagayang salungat o di ayon sa inaasahan natin, nakakaantalang sakit, at maging kamatayan ay nakapaligid sa atin at nakakaapekto sa ating buhay. Dagdag pa rito, dumaranas tayo ng mga pasakit na dahil sa mga gawa ng ibang tao.3 Isinulat ni Lehi na si Jacob ay “nagdanas ng … maraming kalungkutan, dahil sa kalupitan ng [kanyang] mga kapatid.”4 Ang oposisyon ay bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Sapat na ang dinaranas nating lahat para madama ang pagmamahal ng ating Ama at ang pangangailangan natin sa tulong ng Tagapagligtas.
Ang Tagapagligtas ay hindi tahimik na nagmamasid. Alam na alam Niya mismo ang lahat ng pasakit na ating dinaranas.
“Kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata.”5
“Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo’y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.”6
Minsan sa gitna ng sakit na dinaranas natin, natutukso tayong magtanong, “Wala bagang balsamo sa Galaad; wala bagang manggagamot doon?”7 Pinatototohanan ko na mayroon, may manggagamot. Sakop ng pagbabayad-sala ni Jesucristo ang lahat ng kundisyon at layuning ito ng buhay sa mundo.
May isa pang uri ng sakit na tayo ang responsable. Ang espirituwal na sakit na nararamdaman natin ay nasa ating mga kaluluwa at waring hindi mapapawi minsan, at “ginigiyagis” tayo ng“masidhing takot,” ayon kay Alma.8 Bunga ito ng ating mga pagkakasala at kawalan ng pagsisisi. Sa sakit na ito mayroon ding tiyak na lunas para sa lahat. Nagmula ito sa Ama, sa pamamagitan ng Anak, at para ito sa bawat isa sa atin na handang gawin ang lahat ng kailangan para magsisi. Sinabi ni Cristo, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin … at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”9
Itinuro ni Cristo:
“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin. …
“Kaya nga, alinsunod sa kapangyarihan ng Ama ay hihikayatin ko ang lahat ng tao sa akin.”10
Marahil ang pinakamahalagang gawain Niya ay nasa patuloy na pagsisikap na isa-isa tayong pasiglahin, basbasan, palakasin, suportahan, gabayan, at patawarin.
Tulad ng nakita ni Nephi sa pangitain, halos buong pagmiministeryo ni Cristo noong nabubuhay pa siya sa mundo ay inilaan sa pagbabasbas at pagpapagaling sa lahat ng uri ng sakit—pisikal, emosyonal, at espirituwal. “At namasdan ko ang maraming tao na may karamdaman, at yaong mga naghihirap sa lahat ng uri ng sakit. … At pinagaling sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kordero ng Diyos.”11
Ipinropesiya rin ni Alma na “siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at … dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao. …
“Upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”12
Isang hatinggabi habang nakahiga sa kama sa ospital, sa pagkakataong ito bilang pasyente at hindi isang doktor, binasa ko ang mga talatang iyon nang paulit-ulit. Inisip ko: “Paano ito ginawa? Para kanino? Ano ang kailangan upang maging marapat ang isang tao? Katulad ba ito ng pagpapatawad ng kasalanan? Kailangan bang maging karapat-dapat tayo sa Kanyang pagmamahal at tulong?” Sa aking pag-iisip, naunawaan ko na noong nabubuhay pa si Cristo sa lupa pinili Niyang danasin ang mga pasakit at paghihirap upang maunawaan tayo. Marahil kailangan din nating danasin ang mga paghihirap sa buhay na ito upang maunawaan Siya at ang ating walang hanggang mga layunin.13
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Aaliwin tayo nito habang nag-aalalang naghihintay tayo sa pangakong ginhawa ng Tagapagligtas na alam Niya, mula sa karanasan, kung paano tayo pagagalingin at tutulungan. … At ang pananampalataya sa gayong kapangyarihan ang magbibigay sa atin ng tiyaga habang nagdarasal at gumawa at naghihintay tayo ng tulong. Maaari Niyang malaman kung paano tayo tulungan sa pamamagitan ng paghahayag, ngunit pinili Niyang matuto mula sa sarili Niyang karanasan.”14
Naramdaman ko ang yakap ng kanyang pagmamahal nang gabing iyon.15 Nabasa ng luha ang unan ko sa pasasalamat. Kalaunan, habang binabasa ko ang Mateo tungkol sa ministeryo ni Cristo sa lupa, may isa pa akong natuklasan: “At nang kinahapunan, ay dinala nila sa kaniya ang marami … at [kanyang] … pinagaling ang lahat ng mga may sakit.”16 Pinagaling Niya ang lahat ng lumapit sa Kanya. Walang sinumang hindi ginamot.
Ayon sa turo ni Elder Dallin H. Oaks: “Ang mga basbas na nagpapagaling na maaaring dumating sa maraming paraan, bawat isa rito ay akma sa mga personal na pangangailangan natin, na batid Niya na lubos na nagmamahal sa atin. Kung minsan ang isang ‘pagpapagaling’ ay gumagamot sa ating karamdaman o nagpapagaan sa ating pasanin. Ngunit kung minsan ay ‘gumagaling’ tayo dahil nabigyan tayo ng lakas o pang-unawa o tiyagang tiisin ang bigat ng mga pasaning ipinabalikat sa atin.”17 Lahat ng lalapit ay maaaring “mayakap ng mga bisig ni Jesus.”18 Lahat ng kaluluwa ay mapapagaling ng Kanyang kapangyarihan. Lahat ng sakit ay mapapaginhawa. Sa Kanya, maaaring “masumpungan [natin] ang kapahingahan sa [ating] mga kaluluwa.”19 Maaaring hindi kaagad magbago ang ating sitwasyon sa mundo, ngunit ang ating sakit na nararamdaman natin, pangamba, pagdurusa, at takot ay maaaring mapawi ng Kanyang kapayapaan at nagpapagaling na balsamo.
Napansin ko na madalas ay likas sa mga bata na tanggapin ang mga sakit na nararamdaman nila at ang pagdurusa. Tahimik silang nagtitiis nang may pagpapakumbaba at kaamuan. Nadama ko na may isang maganda, magiliw na pakiramdam na nakapalibot sa mga batang ito.
Ang labintatlong-taong-gulang na si Sherrie ay sumailalim sa operasyon sa loob ng labing-apat na oras para sa tumor na nasa gulugod niya. Nang magkamalay siya sa intensive care unit, sinabi niya: “Itay, narito po si Tita Cheryl, … at … sina Lolo Norman … at Lola Brown … ay narito rin. At Itay, sino po ang nakatayo sa tabi ninyo? … Kahawig po ninyo siya, pero mas matangkad. … Sabi po niya, siya ang kapatid ninyong si Jimmy.” Namatay sa cystic fibrosis ang tiyo niyang si Jimmy sa edad na 13.
“Sa loob halos ng isang oras, inilarawan ni Sherrie ang … kanyang mga bisita, lahat ay yumaong miyembro ng pamilya nila. Nang mapagod, nakatulog na siya.”
Kalaunan, sinabi niya sa tatay niya, “Itay, may mga anghel na tumutulong sa lahat ng bata rito sa intensive care unit.”20
Sa ating lahat sinabi ng Tagapagligtas:
“Masdan, kayo ay maliliit na bata at hindi ninyo makakaya ang lahat ng bagay sa ngayon; kailangan kayong lumaki sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan.
“Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin. …
“Samakatwid, ako ay nasa inyong gitna, at ako ang mabuting pastol.”21
Ang ating malaking personal na hamon sa buhay na ito ay ang maging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo.”22 Maaaring nasusukat ang prosesong ito sa mga sakit na nararanasan natin. Sa kabilang banda, maaari tayong maging tulad ng mga bata sa ating puso, magpakumbaba, at “manalangin, at magsikap at maghintay”23 na nagtitiis para mapagaling ang ating kaluluwa at katawan. Tulad ni Job, matapos tayong mapadalisay ng ating mga pagsubok, tayo ay “lalabas na parang ginto.”24
Pinatototohanan ko na Siya ang ating Manunubos, ating Kaibigan, ating Tagapagtanggol, ang Dakilang Manggagamot. Sa Kanya tayo makasusumpong ng kapayapaan at kaginhawahan sa at mula sa mga sakit na nararamdaman natin at sa mga kasalanan natin kung lalapit lamang tayo sa Kanya nang may pagpapakumbaba. Ang Kanyang “biyaya ay sapat.”25 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.