2010–2019
Ang Dakilang Plano ng Pagtubos
Oktubre 2016


11:8

Ang Dakilang Plano ng Pagtubos

Alam ko na kapag tunay tayong nagsisi sa ating mga kasalanan, tuluyang mawawala ang mga ito—nang walang bakas!

Ilang buwan bago pumanaw si Pangulong Boyd K. Packer, ang pangkalahatang priesthood at mga auxiliary leader ay nagkaroon ng natatanging pagkakataon na marinig siyang magsalita sa amin. Hindi maalis sa isipan ko ang sinabi niya. Sinabi niya na sinaliksik niya ang lahat ng ginawa niya sa buhay niya, na naghahanap ng ebidensya ng mga kasalanang ginawa niya at taos siyang nagsisi at walang bakas na siyang makita sa mga ito. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng ating mahal na Tagapagligtas, na si Jesucristo, at sa taos-pusong pagsisisi, ang kanyang mga kasalanan ay tuluyang naglaho, na parang hindi nangyari ang mga ito. Pagkatapos ay inutusan kami ni Pangulong Packer bilang mga lider noon na magpatotoo na totoo ito para sa bawat isa sa atin na taos na nagsisisi.

May alam akong isang tao na nakagawa ng mga kasalanang moral ilang taon na ang nakalipas. Matagal siyang nakadama ng kahihiyan at masyadong nag-alala na hindi niya mabanggit ito sa kanyang asawa at mga lider ng priesthood. Gusto sana niyang magsisi nang lubusan ngunit sinabi niya na handa siyang itaya ang kanyang kaligtasan sa walang-hanggan kaysa danasin ng kanyang asawa at mga anak ang lungkot, kahihiyan, o iba pang mga bunga na magiging sanhi ng kanyang pag-amin.

Kapag nagkakasala tayo, madalas ay tinatangka tayong kumbinsihin ni Satanas na ang di-makasariling bagay na dapat gawin ay protektahan ang iba mula sa pinsalang hatid ng kaalaman ng ating mga kasalanan, pati ang pag-iwas sa pag-amin sa ating bishop, na maaaring magpala ng ating buhay sa pamamagitan ng kanyang mga susi sa priesthood bilang hukom sa Israel. Gayunman, ang katotohanan ay ang di-makasarili at nais ni Cristo na gawin natin ay ang magtapat at magsisi. Ito ang dakilang plano ng pagtubos ng Ama sa Langit.

Sa wakas, umamin ang lalaking ito sa kanyang matapat na asawa at sa mga lider ng Simbahan, na nagpapakita ng matinding pagsisisi. Bagama’t iyon ang pinakamahirap na ginawa na niya, ang damdamin ng kapanatagan, kapayapaan, pasasalamat, pagmamahal para sa ating Tagapagligtas, at kaalaman na pinagagaan ng Panginoon ang mabigat niyang pasanin at pinapasan siya ay nagdulot ng di-maipaliwanag na kagalakan, anuman ang kalabasan nito at ang kanyang hinaharap.

Nagpapanatag ang Tagapagligtas

Natitiyak niya na masasaktan nang husto ang kanyang asawa at mga anak—at nangyari nga iyon; at na magkakaroon ng pagdisiplina at pag-release sa kanyang tungkulin—at nangyari nga. Natitiyak niyang ang kanyang asawa ay malulungkot, masasaktan, at magagalit—at gayon nga ang nangyari. At kumbinsido siya na aalis ang asawa niya, kasama ang kanilang mga anak—ngunit hindi iyon ginawa ng babae.

Kung minsan ang mabigat na kasalanan ay nauuwi sa diborsiyo, at depende sa pangyayari, maaaring kailanganin iyon. Ngunit sa pagkamangha ng lalaking ito, niyakap siya ng kanyang asawa at inilaan ang sarili sa pagtulong sa kanya sa abot-kaya niya. Sa paglipas ng panahon, lubusan siyang napatawad ng kanyang asawa. Naramdaman niya ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para sa kanya. Lumipas ang mga taon, ang mag-asawang ito at ang tatlo nilang anak ay matatag at matatapat. Ang mag-asawa ay naglingkod sa templo at nagkaroon ng napakaganda at puno ng pagmamahal na pagsasama. Ang lalim ng patotoo ng lalaking ito at ng kanyang pagmamahal at pasasalamat para sa Tagapagligtas ay kitang-kita sa kanyang buhay.

Nagpatotoo si Amulek, “Nais ko na kayo ay lumapit at huwag nang patigasin pa ang inyong mga puso; … kung kayo ay magsisisi … , kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo.”1

Nang maglingkod ako kasama ng aking asawa nang pamunuan niya ang isang mission, nagpunta kami sa airport isang umaga para sunduin ang isang malaking grupo ng mga missionary. Natuon ang pansin namin sa isang binata. Mukha siyang malungkot, nabibigatan, halos balisa. Minasdan namin siyang mabuti nang hapong iyon. Pagsapit ng gabi, nagtapat ang binatang ito, at nagpasiya ang kanyang mga lider na kailangan siyang umuwi. Bagama’t lungkot na lungkot kami na nagsinungaling siya at hindi nagsisi bago nagpunta sa misyon, habang nasa daan papunta sa airport taos-puso at buong pagmamahal namin siyang pinuri sa paglalakas-loob na magsabi, at nangako kaming makikipag-ugnayan kami sa kanya.

Ang magiting na binatang ito ay mapalad na magkaroon ng kahanga-hangang mga magulang, magigiting na lider ng priesthood, at matulungin at mapagmahal na ward. Makalipas ang isang taon ng pagsisikap na lubusang makapagsisi at makibahagi sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nakabalik siya sa aming mission. Hindi ko mailarawan ang kagalakang nadama namin nang sunduin namin ang binatang ito sa airport. Siya ay puno ng Espiritu, masaya, may tiwala sa harap ng Panginoon, at sabik na makatapos ng matapat na misyon. Siya ay naging pambihirang missionary, at kalaunan kami ng asawa ko ay nagkaroon ng pribilehiyong makadalo sa kanyang temple sealing.

Bilang kabaligtaran, may alam akong isa pang missionary na, batid na ang di-pinagsisihang kasalanan bago magmisyon ay tiyak na magiging dahilan ng pag-uwi niya nang maaga, ay gumawa ng sarili niyang plano na magpakasipag sa kanyang misyon at umamin sa mission president mga ilang araw na lang bago niya matapos ang kanyang misyon. Nagkulang siya ng kalumbayang mula sa diyos at tinangkang hindi sundin ang proseso ng pagsisisi na inialok ng mapagmahal nating Tagapagligtas sa bawat isa sa atin.

Noong nasa mission kami, sinamahan ko minsan ang asawa ko nang interbyuhin niya ang isang lalaki para sa binyag. Habang isinasagawa ng asawa ko ang interbyu, naghintay ako sa labas kasama ang mga sister missionary na nagturo sa lalaking ito. Nang matapos ang interbyu, sinabi ng asawa ko sa mga missionary na mabibinyagan ang lalaki. Nag-iiyak ang lalaking ito habang ipinapaliwanag na naisip niyang sigurado na ang mga bagay na kanyang nagawa sa buhay ay makahahadlang para siya ay mabinyagan. Madalang akong makasaksi ng kagalakan at kaligayahan ng isang taong lumalabas mula sa kadiliman tungo sa liwanag na tulad ng nasaksihan ko noong araw na iyon.

Nagbibigay ng pag-asa ang Tagapagligtas

Pinatotohanan ni Elder D. Todd Christofferson:

“Dahil sa [ating] pananampalataya sa mahabaging Manunubos, at sa Kanyang kapangyarihan, ang kawalang-pag-asa ay nauuwi sa pag-asam. Nagbabago ang puso at hangarin ng tao, at ang kasalanang minsang naging kaakit-akit ay naging kasuklam-suklam. …

“… Gaano man kahirap magsisi, napapawi ito ng kagalakan na ikaw ay napatawad.”2

Ang mga karanasang ito ay nagpapaalala sa akin kay Enos sa Aklat ni Mormon, na “nagsumamo sa [Panginoon] sa mataimtim na panalangin” at nakarinig ng tinig na nagsasabing, “Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na. …

“At ako, si Enos, nalalaman na ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling, kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis.

“At aking sinabi: Panginoon, paano ito nangyari?

“At sinabi niya sa akin: Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo. … Humayo ka, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.”3

Sa paghahanda ng mensaheng ito, gusto kong madama kung paano nauunawaan ng aming mga apo ang pagsisisi at ano ang damdamin nila ukol sa Tagapagligtas, kaya pinatanong ko sa mga anak namin ang sumusunod na mga tanong. Naantig ako sa sagot ng aming mga apo.

Ano ang pagsisisi? “Kapag hinampas mo ang isang tao, maaari kang magsabi ng ‘paumanhin’ at pagkatapos ay tulungan sila.”

Ano ang nadarama mo kapag nagsisisi ka? “Madarama mo Siya; madarama mo ang init ng Kanyang pagmamahal at gaganda ang iyong pakiramdam.”

Ano ang nadarama mo para kay Jesus at sa Ama sa Langit kapag nagsisisi ka? “Dama ko po na pakiramdam ni Jesus ay sulit ang ginawa Niyang Pagbabayad-sala, at masaya Siya na makakapiling natin Siyang muli.”

Bakit gusto ni Jesus at ng Ama sa Langit na ako ay magsisi? Sabi ng apo kong tinedyer: “Kasi mahal Nila ako! Upang lumago at maging katulad Nila, kailangan kong magsisi. Gusto ko ring makasama palagi ang Espiritu, kaya kailangan kong magsisi araw-araw para palagi Niya akong patnubayan. Labis-labis ang pasasalamat ko sa Kanila.”

Nang marinig ng apat-na-taong-gulang na si Brynlee ang mga tanong na ito, sabi niya, “Hindi ko po alam, Daddy. Turuan n’yo ako.”

Si Brynlee at ang kanyang ama

Sa nakaraang pangkalahatang kumperensya, ipinahayag ni Elder Jeffrey R. Holland: “Gaano man ninyo iniisip na huli na kayo, gaano man karaming pagkakataon ang iniisip ninyong lumagpas sa inyo, gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo … , o gaano man kayo napalayo sa inyong tahanan at pamilya at sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”4

O, talagang nais ko na bawat anak ko, apo, at bawat isa sa inyo na mga kapatid ko, ay madama ang kagalakan at pagiging malapit sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas sa araw-araw nating pagsisisi ng ating mga kasalanan at kahinaan. Kailangan ng bawat may pananagutang anak ng Ama sa Langit ng pagsisisi. Isipin ang mga kasalanan na kailangan nating pagsisihan. Ano ba ang pumipigil sa atin? Sa paanong mga paraan ba tayo kailangang bumuti?

Alam ko, gaya ng naranasan at pinatotohanan ni Pangulong Packer, na kapag tunay tayong nagsisi sa ating mga kasalanan, tuluyang mawawala ang mga ito—nang walang bakas! Nadama ko mismo ang pagmamahal, kagalakan, kapanatagan, at tiwala sa harapan ng Panginoon sa taos-puso kong pagsisisi.

Para sa akin, ang pinakamalaking himala sa buhay ay hindi ang paghawi ng Red Sea, ang paglipat ng mga bundok, o maging ang paggaling ng katawan. Ang pinakamalaking himala ay nangyayari kapag mapagpakumbaba tayong lumapit sa ating Ama sa Langit at taimtim na nagsumamo na patawarin ang ating mga kasalanan at pagkatapos ay malinis ang mga kasalanang iyon sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.