Ang Dalubhasang Manggagamot
Hindi ninyo kailangang danasin ang kalungkutang sanhi ng kasalanan, ang sakit na sanhi ng kagagawan ng iba, o ang masasaklap na katotohanan ng buhay—nang mag-isa.
Isa sa pinaka-nakasisiya kong oportunidad ang maglakbay—ang matuto mula sa kababaihan sa buong mundo. Walang katulad ang makipagtulungan sa inyo, ang makita at makausap kayo nang puso sa puso.
Sa isang gayong karanasan, isang lider ng Relief Society ang nagtanong, “May isang bagay bang dapat pagtuunan ng pansin ang kababaihan?”
Sumagot ako ng, “Oo!” nang maisip ko ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae.” Itinuro ni Pangulong Nelson, “Kailangan natin ng kababaihang may matibay na pagkaunawa sa doktrina ni Cristo.”1
Inilarawan ni Nephi ang doktrina ni Cristo nang ganito:
“Sapagkat ang pasukang inyong dapat pasukin ay pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig; at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo. …
“At ngayon … itatanong ko kung ang lahat ay nagawa na? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat hindi pa kayo nakalalapit maliban sa ito ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo na may hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.
“Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
“… Ito ang daan; at walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos. At ngayon, masdan, ito ang doktrina ni Cristo.”2
Bakit natin kailangan ng matibay na pagkaunawa sa mga alituntuning ito?
Madalas akong makakilala ng kababaihang LDS na talagang nangangailangan ng tulong, ngunit hindi sila bumabaling sa Diyos na makapagbibigay ng walang-hanggang tulong. Kadalasan naghahangad silang makaunawa sa pagsasaliksik sa “malaki at maluwang na gusali.”3
Kapag dinagdagan natin ang ating pag-unawa sa doktrina ni Cristo, di-magtatagal ay matutuklasan natin na lumalalim ang pagkaunawa natin sa “dakilang plano ng kaligayahan.”4 Kikilalanin din natin na ang ating Tagapagligtas, na si Jesucristo, ang pinakasentro ng plano.
Kapag natutuhan nating ipamuhay ang doktrina ni Cristo sa sarili nating sitwasyon, lalo nating mamahalin ang Tagapagligtas. At mauunawaan natin na “anuman ang makita nating mga pagkakaiba, kailangan nating lahat ang walang-hanggang Pagbabayad-salang iyon.”5 Mauunawaan natin na Siya ang ating saligan—“[ang] bato na ating Manunubos, … na tunay na saligan … na kung sasandigan [natin] ay hindi [tayo] maaaring bumagsak.”6
Paano tayo mapagpapala ng doktrinang ito kapag naghahangad tayo ng kapayapaan at pag-unawa at nagsisikap na magtiis nang may kagalakan sa kakaibang sitwasyon ng ating buhay sa lupa?
Imumungkahi ko na magsimula tayo, tulad ng sabi ni Nephi, “na may hindi matitinag na pananampalataya [kay Cristo], na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.”7 Dahil sa ating pananampalataya kay Jesucristo, nakakayanan natin ang anumang hamon sa buhay.
Katunayan, madalas ay lumalalim ang ating pananampalataya at ugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak sa oras ng paghihirap. Narito ang tatlong halimbawa.
Una, ang Tagapagligtas, ang Dalubhasang Manggagamot, ay may kapangyarihang baguhin ang ating puso at bibigyan tayo ng kapanatagan mula sa kalungkutang dulot ng ating kasalanan. Nang magturo ang Tagapagligtas sa Samaritana sa may balon, alam Niya ang mabibigat na kasalanan nito. Gayunman, “ang Panginoon ay tumitingin sa puso,”8 at alam Niya na madali itong turuan.
Nang lumapit ang babae sa balon, ang sabi lang ni Jesus—na kumakatawan sa tubig na buhay—“Painumin mo ako.” Ang ating Tagapagligtas ay mangungusap din sa atin sa tinig na makikilala natin kapag lumapit tayo sa Kanya—dahil kilala Niya tayo. Tinutulungan Niya tayo sa kasalukuyan nating sitwasyon. At dahil sa Kanyang pagkatao at sa nagawa Niya para sa atin, nauunawaan Niya tayo. Dahil naranasan Niya ang ating pasakit, mabibigyan Niya tayo ng tubig na buhay kapag hinangad natin ito. Itinuro Niya ito sa Samaritana nang sabihin Niyang, “Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Dios, at kung sino ang sa iyo’y nagsasabi, Painumin mo ako; ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buhay.” Nang maunawaan ito, tumugon nang may pananampalataya ang babae at sinabing, “Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako’y huwag mauhaw.”
Matapos ang pag-uusap na ito ng Samaritana at ng Tagapagligtas, “iniwan [niya] ang kaniyang banga ng tubig, at napasa bayan, at sinabi sa mga tao,
“Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalake, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Cristo?”
Nakatanggap na siya ng patotoo—nagsimula siyang makibahagi sa tubig na buhay—at hinangad niyang patotohanan sa iba ang Kanyang pagiging Diyos.9
Kapag lumapit tayo sa Kanya nang may pusong mapagpakumbaba at madaling turuan—kahit nabibigatan tayo sa ating mga pagkakamali, kasalanan, at paglabag—mababago Niya tayo, “sapagkat may kapangyarihan siya na makapagligtas.”10 At kapag nabago na ang ating puso, gaya ng Samaritana, maaari na tayong magpunta sa sarili nating lungsod—sa ating mga tahanan, paaralan, at trabaho—upang patotohanan Siya.
Pangalawa, mapapaginhawa at mapapalakas tayo ng Dalubhasang Manggagamot kapag dumaranas tayo ng pasakit dahil sa masasamang gawain ng iba. Marami na akong nakausap na kababaihan na labis na nahirapan sa mga pagsubok ng buhay. Ang pagtupad sa mga tipan na ginawa nila sa templo ay naging mahirap na daan tungo sa pagpapagaling. Nagdurusa sila sa mga tipang hindi natupad, pusong nasaktan, at naglahong tiwala. Marami ang biktima ng pangangalunya at masasakit na pananalita, pang-aabusong seksuwal, at emosyonal, na kadalasa’y bunga ng adiksyon ng ibang tao.
Sa mga karanasang ito, bagama’t hindi nila kagagawan, ay marami ang nakokonsiyensya at nahihiya. Hindi nauunawaan kung paano tiisin ang matinding damdaming nararanasan nila, maraming nagsisikap na balewalain at kalimutan ito.
Ang pag-asa at paggaling ay hindi matatagpuan sa paglilihim kundi sa paglantad sa liwanag at pagmamahal ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.11 Ipinayo ni Elder Richard G. Scott: “Kung wala kayong malubhang kasalanan, huwag na ninyong pagdusahan ang bunga ng mga kasalanan ng iba. … Mahahabag kayo. … Gayunma’y hindi ninyo dapat akuin ang responsibilidad. … Kapag natulungan na ninyo ang mahal sa buhay, idulog ninyo ang pasanin sa paanan ng Tagapagligtas. … Kapag ginawa ninyo ito, hindi lang kayo magkakaroon ng kapayapaan kundi maipapakita pa ninyo ang inyong pananampalataya sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na alisin ang bigat ng kasalanan mula sa isang mahal sa buhay sa tulong ng kanyang pagsisisi at pagsunod.”
Sabi pa niya: “Ang lubusang paggaling ay magmumula sa inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan at kakayahan. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay mapahihilom ang mga sugat ng di-makatwirang pang-aabuso.”12
Kung ganito ang inyong sitwasyon, mga kapatid, maaaring tumagal ang paggaling. Kailangan ninyong manalangin at humingi ng patnubay at angkop na tulong, kabilang ang paghingi ng payo sa mga inordenang mayhawak ng priesthood. Kapag natuto kayong makipag-usap nang hayagan, magtakda ng wastong mga hangganan at marahil ay humingi ng payo sa isang propesyonal. Mahalagang manatiling espirituwal sa buong proseso! Tandaan ang inyong banal na pagkatao: kayo ay pinakamamahal na anak na babae ng mga Magulang sa Langit. Magtiwala sa walang-hanggang plano ng Diyos para sa inyo. Patuloy na dagdagan araw-araw ang inyong pag-unawa sa doktrina ni Jesucristo. Manampalataya araw-araw na uminom nang lubusan mula sa balon ng tubig na buhay ng Tagapagligtas. Umasa sa kapangyarihang ipinagkakaloob sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan. At hayaang magkaroon ng epekto ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa inyong buhay.
Pangatlo, mapapaginhawa at mapapalakas tayo ng Dalubhasang Manggagamot sa masasaklap na “katotohanan ng buhay,”13 tulad ng kapinsalaan, sakit sa utak, karamdaman, paulit-ulit na sakit, at kamatayan. Kamakailan ay nakilala ko ang di-pangkaraniwang dalagang si Josie na may bipolar disorder. Narito ang munting bahagi ng kanyang pagpapagaling na ikinuwento niya sa akin:
“Ang pinakamahirap na sandali ay kapag nangyayari ang tinatawag ng aming pamilya na ‘floor days’ o mga araw na ang tanging magagawa ko lamang ay tiisin ang matinding sakit. Nagsisimula ito kapag napakaraming nangyayari sa paligid at napakasensitibo ko at ayaw ko ng anumang tunog, haplos, o liwanag. Parang sasabog ang utak ko. May isang ganitong araw na hinding-hindi ko malilimutan.
“Iyon ay noong nagsisimula na ang sakit ko, kaya takot na takot ako. Naaalala ko na umiiyak ako, tumutulo ang luha sa pisngi ko at hindi ako makahinga. Pero balewala ang ganitong katinding hirap sa sakit na sumunod nang makita ko na natataranta si Inay, na desperadong tulungan ako.
“Lungkot na lungkot siyang makita ako na nagdurusa nang ganito. Pero hindi namin akalain na bagama’t lumalala ang sitwasyon, ilang sandali na lang ay daranas na kami ng malaking himala.
“Habang tumatakbo ang oras, paulit-ulit na ibinulong ni Inay, ‘Gagawin ko ang lahat gumaling ka lang.’
“Samantala, tumindi ang sakit na nadama ko, at nang talagang hindi ko na makaya, nangyari ang isang kagila-gilalas na bagay.
“Isang walang-katulad at pambihirang kapangyarihan ang biglang lumukob sa katawan ko. At, taglay ang ‘gawad [na] lakas,’14 sinabi ko kay Inay nang buong katatagan ang walong salitang nagpapabago ng buhay bilang sagot sa paulit-ulit na hangarin niyang akuin ang sakit ko. Sinabi ko, ‘Hindi na kailangan; May gumawa na po niyon.’”
Mula sa madilim na kailaliman ng nakapanghihinang sakit sa utak, nagtipon ng lakas si Josie para patotohanan si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.
Hindi siya lubos na gumaling sa araw na iyon, ngunit tumanggap siya ng liwanag ng pag-asa sa oras ng matinding kadiliman. At ngayon, sa tulong ng matibay na pagkaunawa sa doktrina ni Cristo at napanariwa araw-araw ng tubig na buhay ng Tagapagligtas, si Josie ay patuloy sa paggaling at matatag na nananampalataya sa Dalubhasang Manggagamot. Tinutulungan din niyang gumaling ang iba. At sinabi niya, “Kapag parang nariyan palagi ang kadiliman, umaasa ako sa alaala ng Kanyang magiliw na awa. Nagsisilbi itong tanglaw sa pagsisikap kong harapin ang mahihirap na sandali.”15
Mga kapatid, pinatototohanan ko na—
Hindi ninyo kailangang patuloy na dalhin ang bigat ng kalungkutang dulot ng kasalanan—nang mag-isa.
Hindi ninyo kailangang dalhin ang sakit na dulot ng masasamang gawain ng iba—nang mag-isa.
Hindi ninyo kailangang danasin ang masasaklap na katotohanan ng buhay—nang mag-isa.
Paanyaya ng Tagapagligtas:
“Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?
“… Kung lalapit kayo sa akin ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit … ay tatanggapin ko.”16
“Gagawin [Niya] ang lahat gumaling ka lang.” Katunayan, “Nagawa na [Niya] iyon.” Sa pangalan ni Jesucristo, ang ating Dalubhasang Manggagamot, amen.