2016
Inihayag na mga Katotohanan ng Mortalidad
Enero 2016


Inihayag na mga Katotohanan ng Mortalidad

Mula sa mensahe sa isang debosyonal, “The Realities of Mortality,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Pebrero 19, 2013. Para sa buong mensahe (sa Ingles), bumisita sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Iwasan natin ang mga maling ideyang batay sa mga panuntunan ng tao at sumunod sa inihayag na mga katotohanang bigay ng Diyos upang maging makabuluhan, kasiya-siya, at tunay ang ating paglalakbay sa mortalidad.

Portrait photograph of a young adult woman.  She is wearing a red sweater.

Bawat tao ay inilagay sa mundo sa magkakaibang sitwasyon. Sa kabila ng ating pagkakaiba, inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan tungkol sa mga layunin ng mortal na buhay na angkop sa ating lahat. Itinuro Niya ang mga katotohanang ito sa una nating mga magulang, sina Eva at Adan, at pinagtibay ang mga ito sa ating panahon.

Tutukuyin ko ang mga katotohanang ito bilang “mga katotohanan ng mortalidad.” Kung gusto nating matamo ang lahat ng pagpapala at biyaya mula sa mga karanasan natin sa mundong ito, kailangan nating maunawaan at tanggapin ang mga katotohanang inihayag. Ang kabiguang maunawaan o, mas malala pa, ang sadyang pagbalewala sa mga ito ay magbubunga ng panahon sa mundo na hindi nagamit nang wasto, hindi nagamit nang makabuluhan, at marahil nasayang nang lubusan.

Hindi sapat ang isilang lang sa mundo, tumanggap ng mortal na katawan, at mamuhay dito habambuhay. Upang maging makabuluhan ang ating panahon sa mundong ito, dapat nating ipamuhay at maranasan ang mga layunin ng mortalidad na inorden ng Diyos—nang lubos, ganap, at buong puso—sa halip na magambala ng mga bagay na nakakatuwa, komportable, at madali.

Nang paalisin sina Eva at Adan sa Halamanan ng Eden, pumasok sila sa isang mortal na daigdig. Sila ay inihanda ng Panginoon para sa kanilang mortal na karanasan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga katotohanang mararanasan nila. Gusto kong repasuhin ang tatlo sa mga katotohanang ito.

Sa pagsisimula ko, alalahanin ninyo na maraming espiritu mula sa premortal na daigdig ang hindi nagkaroon ng mortal na katawan dahil hindi nila napanatili ang kanilang unang kalagayan.1 Layunin nilang hadlangan tayo na maranasan ang lahat ng kapakinabangang maibibigay ng mortalidad. Hangad nilang hadlangan tayo sa mga karanasang hahantong sa ating walang hanggang kaligayahan.

Katotohanan Bilang 1: Ang pagtatrabaho at paggawa ay tumutulong sa atin na magkaroon ng mga katangian at ugali na mahalaga sa buhay na walang hanggan.

Sinabi ng Diyos kay Adan, “Sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa” (Moises 4:25; tingnan din sa Genesis 3:19). Itinuring ng ilang tao na ang mga salita ng Panginoon ay pagsumpa kay Adan at sa kanyang mga inapo dahil sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga. Gayunman, naririnig ko ang mga salitang ito na nagmumula sa isang mapagmahal na Ama na ipinapaliwang sa isang bata at walang muwang na anak ang mga kalagayan sa nahulog at mortal na daigdig na kalaunan ay titirhan ng anak.

Tulad ng ama sa lupa na inihahanda ang kanyang anak na paalis na sa tahanan, tinutulungan noon ng Ama ang unang tao na maghandang mamuhay sa sarili niya na malayo sa tahanan. Ipinaliliwanag Niya na ang pagtatrabaho ay bagong katotohanan—isang katotohanan ng mortalidad.

Alam ng Ama sa Langit na sina Eva at Adan ay mahihirapan kalaunan sa mga puwersa ng kalikasan at sa mundo mismo. Kabaligtaran ng naranasan nila sa Halamanan ng Eden, kung saan lahat ay inilaan para sa kanila, ang mortal na buhay ay mangangailangan ng pagsisikap ng katawan at isipan, pagpapagal, pagtitiyaga, at pagtitiis upang mabuhay.

Ang pagkatutong magtrabaho—pagsasanay at pagdidisiplina ng ating isipan, katawan, at espiritu upang magsumigasig, makagawa, magtagumpay, at umunlad—ay napakahalagang katotohanan sa lahat ng tao. Isa itong paraan upang maging katulad tayo ng Diyos at maisakatuparan ang Kanyang mga layunin sa lupa. Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay pawang nagsisigawa. Ang Kanilang gawain at kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang totoo walang kaluwalhatian kung walang paggawa.

Ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangang magtrabaho ang tao ay upang matustusan ang kanilang pamilya. Nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo“ na ang tungkuling “maglaan” ay isa sa tatlong tungkuling partikular na ibinigay sa kalalakihan.2 Ang isang lalaki na alam kung paano magtrabaho at tustusan ang kanyang sarili ay may kumpiyansang makapag-asawa at matustusan ang pangangailangan ng kanyang asawa at mga anak.

Sinabi ni Bishop H. David Burton, dating Presiding Bishop ng Simbahan: “Ang pagtatrabaho—nang tapat at kapaki-pakinabang—ay nagdudulot ng kasiyahan at pagpapahalaga sa sarili. Matapos gawin ang lahat para makaasa sa sarili, makapaglaan para sa mga pangangailangan natin at ng ating pamilya, makakabaling tayo sa Panginoon nang may tiwala upang hingin ang anumang kulang pa sa atin.”3

Si Satanas ay laging handang wasakin ang mga layunin ng Diyos at sirain ang ating buhay sa lupa. Para salungatin ang pagpapahalagang ibinigay ng Ama sa pagtatrabaho, nakumbinsi ng kaaway ang maraming tao sa ating panahon na ang pangunahing mithiin sa buhay ay huwag magtrabaho. Sa mga lipunan ngayon, nakatuon ang maraming tao sa paghahanap ng trabaho na may malaking suweldo pero madaling trabaho, mga investment o istratehiyang kikita ng malaki nang walang kahirap-hirap, at programang nagbabayad para sa gusto nila nang walang anumang gagastusin. Ang ilan ay umiiwas magtrabaho at nangungutang at nabubuhay sa perang hindi nila intensyong bayaran kahit kailan. Ayaw nilang magtrabaho, magbadyet, at mag-impok ng pera bago sila gumastos. Nagpayo ang mga lider ng Simbahan na dapat nating paghirapan ang ibinibigay sa atin at “[huwag mangutang] maliban kung para sa pinaka-pangunahing mga pangangailangan.”4

Ang isa pang masamang paraan na ginagamit ng kaaway sa henerasyong ito ay ang ituon ang likas na ugali ng tao na magtrabaho sa mga gawaing walang kabuluhan. Inilagay ng Diyos sa mga kabataang lalaki ang hangaring magsikap at magtagumpay, sa layuning gagamitin nila ang hangaring ito upang maging tapat na tagapaglaan sa pamilya. Noong mga bata pa tayo, ang hangaring ito ay maaaring maituon sa akademika, isport, o iba pang mga gawaing nagtuturo ng pagtitiyaga, disiplina, at paggawa. Si Satanas, gayunman, ay unti-unting hinahadlangan ang hangaring ito at itinutuon ito sa walang kabuluhang mga video game na umuubos ng oras at sumisira ng ambisyon at humahantong sa adiksyon.

Gaano man kayo kahusay sa paglalaro ng video game at mga gawaing walang kabuluhan hindi ito makapagbibigay-kasiyahan na dulot ng totoong pagtatrabaho. Ang totoong pagtatrabaho ay ang pagsisikap, pagtitiyaga, at disiplina na makamit ang makabuluhang kaalaman, maisagawa ang kailangang gawin, o maisakatuparan ang mahirap na mithiin.

Kung hindi tayo natutong magtrabaho sa mortalidad, hindi natin makakamtan ang ating ganap na potensiyal at kaligayahan sa buhay na ito, at hindi tayo magkakaroon ng mga katangian at ugaling mahalaga sa buhay na walang hanggan.

Katotohanan Bilang 2: Sa pamamagitan ng walang hanggang kasal matatamo natin ang lahat ng pagpapalang nais ibigay sa atin ng Ama sa Langit.

A young couple talking together.

Nangako ang Panginoon sa sumpa at tipan ng priesthood:

“Kung sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi … ay magiging … binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos.

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon;

“… Siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;

“At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.

“At ito ay alinsunod sa sumpa at tipan na napapaloob sa pagkasaserdote” (D at T 84:33–35, 37–39).

Nais ng ating mapagmahal na Ama na matanggap ng bawat isa sa Kanyang anak ang lahat ng bagay—ang kaganapan, Kanyang kaganapan. Upang matamo ang kaganapang ito, “ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal]” (D at T 131:2).

Ang walang hanggang kasal at lahat ng bagay na nilayon para tulungan tayong matuto at makaranas ang susi sa pagtatamo ng lahat ng pagpapalang nais ibigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Ang pamilya lamang—isang lalaki at isang babae na namumuhay nang karapat-dapat para makapasok sa bahay ng Panginoon at nabuklod sa isa’t isa—ang maaaring makatanggap ng buong pagpapala. Ang buong pagpapala ng priesthood ay natatanggap ng mag-asawa nang magkasama o hindi kailanman.

Nakakatuwa na sa sumpa at tipan ng priesthood, ginamit ng Panginoon ang mga salitang matamo at matanggap. Hindi Siya gumamit ng pandiwang ordenan. Sa templo natatamo at natatanggap ng kalalakihan at kababaihan—nang magkasama—ang mga pagpapala at kapangyarihan ng Aaronic at Melchizedek Priesthood. Matapos matanggap ng mag-asawa ang mga pagpapalang ito sa bahay ng Panginoon, sa kanilang tahanan ay napapaunlad ang mga katangian at pag-uugaling makadiyos—nagsasakripisyo at pinaglilingkuran ang isa’t isa, nagmamahalan nang buong katapatan at nagkakaisa sa pagmamahal nila sa isa’t isa at sa Diyos.

Kaganapan, priesthood, pamilya—ang tatlong magkakaugnay na mga salitang ito ay bahagi ng katotohanan ng walang hanggang kasal. Ang gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya upang makamtan ang walang-hanggang kasal sa ating mortal na buhay ay nagbibigay ng katiyakan na hindi natin masasayang ang ating panahon sa mundo.

Si Satanas, ang manlilinlang noon pa man, ay kumikilos sa ating panahon para baluktutin at sirain ang mga katotohanan ng mortalidad. Patuloy siyang kumikilos para wasakin ang kahulugan at kahalagahan ng kasal sa isipan ng kalalakihan at kababaihan. Nakumbinsi niya ang ilan sa kasinungalingan na hindi na kailangan ang kasal, sapat na ang pag-ibig. Sa iba, tinatangka niyang gamitin ang bagong legal na kahulugan ng kasal para gawing legal ang imoral na relasyon. Sa mga taong naniniwala sa kasal tulad ng pakahulugan dito ng Diyos, ginawa niyang tila mas mahalaga ang edukasyon at pinansyal na seguridad kaysa pag-aasawa. Inuudyukan niya ang mga tao na matakot sa mga sakripisyo at hirap na kaakibat ng pag-aasawa. Dahil sa pagkatakot, maraming naging sunud-sunuran at pinakikilos sa halip na sumulong at kumilos nang may pananampalataya.

Ang iba naman, dahil takot sa hirap ng pagpapamilya ngunit nais na may makasama sa buhay, ay nahikayat sa virtual world o online na pakikipag-ugnayan sa Internet. Ang kanilang pakikipag-ugnayan online ay nagdudulot lamang ng mas malaking kahungkagan, pananabik, at kahihiyan. Maraming tao ang humahantong sa paulit-ulit na walang kinahihinatnang paghahanap hanggang sa mauwi ito sa adiksyong hindi mabibigyang-kasiyahan.5 Sila ay nabibitag sa isang cycle na unti-unting sumisira sa kanilang kahandaang lumaban. Mayroon pa rin silang kalayaan ngunit hindi sapat ang pag-asa sa kanilang kakayahang lumaban. Dahil nabitag sa patibong na ito, nanganganib na hindi nila matamo ang kaganapan at kagalakan ng isa sa pinakabanal na katotohanan ng mortalidad—ang walang hanggang kasal.

Kung nabitag kayo ng patibong na ito, humingi ng tulong. Huwag nang patagalin pa. Kapag pinatagal pa ninyo maaantala ang inyong pag-unlad at pagsulong sa mortalidad.

Suriin ang inyong buhay. Tiyaking hindi nalambungan ng maling ideya ang inyong isipan tungkol sa pag-aasawa. Tandaan na ang matagumpay na buhay mag-asawa ay nakasalig sa “pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”6

Simulan ngayon na itatag ang mga katangian iyon sa personal ninyong buhay. Kapag ginawa ninyo ito, bubuksan ng Panginoon ang daan para matanggap ninyo ang kaganapan ng mga pagpapalang inihanda Niya para sa Kanyang mga anak—ang bago at walang hanggang tipan ng kasal. Huwag hayaang “lubos na [mawasak]” ang inyong buhay sa mundo (Joseph Smith—Kasaysayan 1:39).

Katotohanan Bilang 3: Ang pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak ay tumutulong sa atin na magkaroon ng kakayahang maging katulad ng Diyos.

A young family in England.

Nang Kanyang “binasbasan,” o ibinuklod, sina Eva at Adan upang likhain ang unang pamilya sa lupa,7 sila ay binigyan ng Diyos ng kautusan: maging palaanakin, magpakarami, at kalatan ang lupa (tingnan sa Genesis 1:28; Moises 2:28). Ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ay magkaugnay. Ang kapangyarihang lumikha ng bata na nagbibigay-daan sa pagsilang ng tao ay dapat gamitin lamang ng isang lalaki at isang babae na ikinasal nang legal at ayon sa batas.8

Naunawaan nina Eva at Adan na ang pagkakaroon ng mga anak ay isang mahalagang katotohanan ng mortalidad. Sinunod nila ang utos ng Diyos, “at nakilala ni Adan ang kanyang asawa, at siya ay nagsilang sa kanya ng mga anak na lalaki at babae, at sila ay nagsimulang dumami at kinalatan ang lupa” (Moises 5:2). Ipinahayag ng mga propeta sa ating panahon na “ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa.”9

Sa mundo ngayon, gayunman, maraming taong hindi naniniwala na “ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon” (Awit 127:3).

Ilang taon na ang nakararaan, isang magkasintahan na nakatakda nang magpakasal ang lumapit sa akin. Humingi sila ng payo sa akin tungkol sa pagkakaroon ng mga anak. Ipinaalala ko sa kanila ang utos na matatanggap nila kapag nabuklod sila, at pinayuhan ko sila na maaari nilang sundin ang utos na ito nang may patnubay ng Panginoon. Ipinaalala ko sa kanila na ito ay kautusang tulad ng ikapu, pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, o iba pang mga kautusan. Kapag nagawa na ang tipan, ang tanong ay hindi kung tutuparin ito kundi kung paano ito tutuparin sa paraang nakasisiya at may pahintulot ng Panginoon.

Minasdan ko sila sa pagsisimula ng kanilang pagpapamilya. May isang taon pa sa kolehiyo ang lalaki, at ang babae ay may isa pang taon para matapos ang kanyang master’s degree. Nahikayat silang bumuo agad ng pamilya—sa kabila ng pag-aaral at kawalang-katiyakan sa magiging trabaho. Hindi madali ang magkaroon agad ng anak. Kailangang maghanap ng trabaho ang lalaki, kailangan nilang lumipat, at kailangang matapos ng babae ang kanyang master’s degree. Dumanas sila ng hirap at sakripisyo. Kinailangang magmadali ang lalaki sa pag-uwi araw-araw at alagaan ang sanggol habang tinatapos ng babae ang kanyang thesis at practical training. Nag-aaral siya at nagsusulat habang nag-aalaga at nagpapalit ng lampin.

Sila ay pinagpala at pinaunlad ng Panginoon. Bagama’t ang iba ay nawalan ng trabaho sa pagbagsak ng ekonomiya noong 2008, hindi natanggal sa trabaho ang lalaki at tumaas pa ang kanyang posisyon. Dahil matipid sila, wala silang utang maliban sa sangla, at mula noon ay nababayaran na nila nang buo ang tuition fee para sa pag-aaral nang hindi nangungutang. Sa karanasang ito, patuloy nilang natututuhan ang mahahalagang aral na maaaring dumating lamang sa pagiging magulang. Ang pagkakaroon ng mga anak ay hindi madali ni komportable, ngunit ito ay kautusang tumutulong sa atin na makamtan ang totoong mga pagpapala ng mortalidad.

Dakilang Kaloob

Ang mortalidad ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na ibinigay sa atin ng ating Ama. Mahal Niya tayo at nais Niyang gamitin natin nang lubos at ganap ang kaloob na ito. Kapag tinanggap at itinuon natin ang ating isipan sa mga katotohanang inihayag ng Diyos maisasagawa natin ang mga layunin ng pagparito natin sa lupa. Alam ni Satanas na wala siyang magagawa para hadlangan tayo na magkaroon ng katawan, kaya sinisikap niyang ilihis tayo sa mga layunin ng pagkalikha nito—magtrabaho, mag-asawa, at magkaroon ng mga anak.

Huwag tayong mamuhay nang walang direksyon at layunin, upang sa huli ay mapagtanto lamang natin na ginugol natin ang ating panahon sa mundo sa hindi pagsunod sa mga ipinahayag na katotohanan ng mortalidad na kinakailangan upang maisakatuparan ang ating mga layunin dito. Iwasan natin ang mga maling ideyang batay sa mga panuntunan ng tao at sumunod sa inihayag na mga katotohanang bigay ng Diyos upang maging makabuluhan, kasiya-siya, at tunay ang ating paglalakbay sa mortalidad.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Abraham 3:26, 28.

  2. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  3. H. David Burton, “Ang Pagpapala ng Pagtatrabaho,” Liahona, Dis. 2009, 37.

  4. Neil L. Andersen, “Pagpipitagan sa Diyos ang Simula ng Karunungan,” Liahona, Ene. 2013, 26; tingnan din sa Robert D. Hales, “Pagiging Masinop na Tagapaglaan sa Temporal at sa Espirituwal,” Liahona, Mayo 2009, 7–10.

  5. Sinabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang adiksyon ay pagnanasa ng likas na tao, at hinding-hindi ito mabibigyang-kasiyahan” (“Pagiging Masinop na Tagapaglaan sa Temporal at sa Espirituwal,” 10).

  6. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”

  7. Tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 1:115, 2:71.

  8. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”

  9. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”