2016
Ang Talinghaga tungkol sa Owl Express
Enero 2016


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Talinghaga tungkol sa Owl Express

Mula sa “Tatlong Talinghaga—Ang Hangal na Bubuyog, ang Owl Express, at ang Dalawang Lampara,” Liahona, Peb. 2003, 36–41.

Pinag-isipan ko nang mabuti ang mga salita ng madumi at balot ng langis na inhinyero.

A train with a shining headlight moving through a snowy night.

Larawan © Hemera/Thinkstock, iStock/Thinkstock

Noong nasa kolehiyo pa ako, isa ako sa mga estudyante ng isang klaseng may asignatura sa labas sa kursong heolohiya. …

Isang takdang aralin ang matagal na naglabas sa amin sa silid-aralan. … Malapit nang matapos ang pagsisiyasat namin nang abutan kami ng malalakas na hangin, na sinundan ng isang malakas na pagbuhos ng niyebe—di ito napapanahon at di ito inaasahan, kaya nga’t lalo pa nitong pinatindi ang panganib na maipit kami sa mga burol dahil sa niyebe. Bumuhos ang bagyo habang pababa kami sa mahaba at matarik na daan sa gilid ng bundok ilang milya ang layo mula sa maliit na istasyon ng tren na kung saan ay inasahan naming makasakay pauwi nang gabing iyon. Sa kabila ng pagsusumigasig, gabi na namin narating ang istasyon sa gitna ng nagngangalit na bagyo. …

… Ang tren na aming inaasahan at pinakahihintay ay ang Owl Express—isang mabilis na tren na nag-uugnay sa malalaking lungsod. …

Pagkalipas ng hatinggabi dumating ang tren sa gitna ng malakas na ugong ng hangin at pag-ulan ng niyebe. Nagpahuli ako sa aking mga kasama habang nagmamadali silang sumakay sa loob, dahil nakuha ang pansin ko ng inhinyero ng tren, na sa sandaling paghinto nilang iyon, habang inaasikaso ng katulong niya ang pagkarga ng tubig, abala niyang inaasikaso ang makina, nilalagyan ng langis ang ilang bahagi, inaayos ang iba, at ganap na sinusuri ang buong sasakyan. Tinangka ko siyang kausapin, kahit na abala siya. Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya sa gabing tulad nito—sa marahas, nagngangalit, at nangingitngit na bagyo na waring nakawala nang walang humpay sa labas ang kapangyarihan ng kapahamakan, habang patuloy na humuhugong ang bagyo at waring may panganib sa buong paligid. …

Ang sagot niya ay isang aral na hindi ko pa nakalilimutan. Sinabi niya sa mabibilis at putul-putol na mga pangungusap: “Tingnan mo ang ilaw sa harap ng tren. Di ba’t naiilawan niyan ang isang daang yarda [90 metro] o higit pa? Ang ginagawa ko lamang ay paandarin ang tren sa isang daang yarda na naiilawan. Iyon lamang na nakikita ko, at sa layong iyan, alam kong bukas at ligtas ang daan. … Lagi namang nauuna sa akin ang ilaw ng makina!”

Habang paakyat siya sa lugar niya sa tren, nagmadali akong sumakay sa unang karwahe (o bagon) ng mga pasahero; at sa aking pag-upo sa de-kutson nitong upuan, na masayang tinatamasa ang init at komportableng kalagayan, na taliwas sa ngitngit ng panahon sa labas, pinag-isipan ko nang mabuti ang mga salita ng madumi at balot ng langis na inhinyero. Puno sila ng pananampalataya—pananampalataya na nakagagawa ng dakilang mga bagay, pananampalataya na nagbibigay ng tapang at determinasyon. …

Maaaring hindi natin alam kung ano ang naghihintay sa atin sa mga darating na taon, ni maging sa mga araw o oras na darating. Ngunit sa ilang yarda, o sa ilang talampakan, maliwanag ang riles, malinaw ang ating tungkulin, may tanglaw ang ating daan. Sa maikling daang iyon, sa susunod nating hakbang na tinatanglawan ng inspirasyon ng Diyos, magpatuloy!