2016
Paghahanap ng Daan sa Abu-abo ng Kadiliman
Enero 2016


Paghahanap ng Daan sa Abu-abo ng Kadiliman

Juventa Vezzani, California, USA

illustration of a book of scriptures on a table by a window

Paglalarawan ni Stan Fellow

Ilang taon na ang nakararaan, nakaranas ako ng madilim na panahon sa buhay ko. Naharap ako sa maraming mahihirap na pagsubok, at nanlumo at nanghina ako sa mabibigat na pasanin.

Sa simbahan isang araw ng Linggo, minasdan ko ang lahat ng masasayang pamilya na kumakanta ng himno at dama ang pagmamahal ng Diyos. Gusto ko ring madama ang gayon, ngunit parang may mali sa akin.

Naramdaman ko ang Espiritu noon, pero matagal-tagal na ring hindi ko ito nararamdaman. Tulad sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, nadama ko na parang naliligiran ako ng abu-abo ng kadiliman—at hindi ko rin makita ang punungkahoy (tingnan sa 1 Nephi 8:2–24).

Nang magsimula ang mga panalangin sa sakramento, pumikit ako at nanalangin sa Ama sa Langit, sumasamo sa katiyakan ng Kanyang pagmamahal. Tinanong ko Siya kung bakit hindi ko matikman ang bunga ng punungkahoy ng buhay.

Habang iniisip ko ang panaginip ni Lehi, lumalim ang pagkaunawa ko. “Bakit hindi ko ito naalala noon?” naisip ko. Ang pagdaan sa abu-abo ng kadiliman ay talagang bahagi na ng plano ng Diyos. Hinahayaan Niya tayong dumanas ng hirap sa pana-panahon upang lubos tayong umasa sa Kanya at sa Kanyang Anak. Ang susi ay humawak nang mahigpit sa gabay na bakal. Dama ko pa rin na ako ay nasa abu-abo ng kadiliman, pero nagkaroon ako ng pag-asa.

Nang mapawi ang impresyong ito sa aking isipan, nakadama ako ng katiyakan mula sa Espiritu Santo na matatapos din ang mga pagsubok sa buhay ko. Pinatotohanan ng Espiritu na nariyan lang ang Ama sa Langit. Pinahiran ko ang luha sa aking mga mata, nagpasalamat na muli kong nadama ang Espiritu.

Sinimulan kong pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan. Marami pa ring madidilim na araw sa buhay ko, pero nananalig ako na kung kakapit ako nang mahigpit sa gabay na bakal—ang salita ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:25)—ako ay makakaalis sa abu-abo ng kadiliman. Hindi ko tiyak kung gaano ito katagal, ngunit balang-araw madarama kong muli ang pagmamahal ng Diyos. Ito ay parang mainit na sikat ng araw pagkatapos ng mahabang taglamig.

Sa paminsan-minsang pagsubok sa aking buhay, naaalala ko ang aking pangako na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Alam ko na kapag dumating ang abu-abo ng kadiliman, mayroon akong mga kasangkapang tutulong sa akin upang makayanan ang mga ito at ang pangakong malugod na pagtanggap ng Panginoon.