2016
Ang Kapangyarihang Magpabalik-loob ng Aklat ni Mormon
Enero 2016


Ang Kapangyarihang Magpabalik-loob ng Aklat ni Mormon

Lahat ng katotohanan ng ebanghelyo ay matatanggap at mauunawaaan nang tama kapag nalaman natin na ang saligang bato ng ating patotoo—ang Aklat ni Mormon—ay totoo.

Worn open copy of the Book of Mormon in French lying next to a pencil and a depiction of Jesus Christ.

Noong bata pa ako, gustung-gusto kong ihanay patayo ang mga domino at pagkatapos ay itulak ang domino na nasa unahan nito. Dahil dito, magtutumbahan ang bawat dominong kasunod hanggang sa kadulu-duluhan. Gumugugol ako ng maraming oras para maihanay nang maayos ang mga domino at pagkatapos ay natutuwang minamasdan ang pagtumba ng mga ito.

Ang pagkakaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon ay isa sa mga unang hakbang sa pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad ng unang domino na siyang dahilan ng sunud-sunod na pagtumba ng iba pang mga domino, kung malalaman natin sa simula na ang Aklat ni Mormon ay totoo, sa gayon ay malalaman din natin na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Joseph Smith ay Kanyang propeta at sa pamamagitan niya ay nangyari ang Panunumbalik, at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang totoong Simbahan ni Jesucristo na ipinanumbalik nang may kapangyarihan at awtoridad sa mundo sa panahong ito.

Ang Aklat ni Mormon ay Mahalaga sa Ating Mensahe

Ganito ang sabi ni Joseph Smith tungkol sa Aklat ni Mormon, “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”1

Itinuro rin ni Joseph na mahalaga ito sa ating pananampalataya, paniniwala, at patotoo. “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag, at nasaan ang ating relihiyon?” tanong niya. “Wala.”2

Ang kagandahan ng mensahe ng ebanghelyo ay na maaari nating malaman mismo sa ating sarili na totoo ang Aklat ni Mormon.

Bilang mission president sa France, Belgium, at Netherlands ilang taon na ang nakararaan, nagkaroon ako ng pribilehiyo at mapalad ako na mag-interbyu ng mga tao kung karapat-dapat silang binyagan. Hindi ko malilimutan ang pag-interbyu ko sa isang sister.

Tinanong ko sa kanya kung paano niya nalaman na totoo ang Simbahan. May kinuha siya sa kanyang handbag at inilabas ang isang luma at gamit na gamit na kopya ng Aklat ni Mormon. Binuksan niya ang aklat sa 3 Nephi 27 at ipinaliwanag na ito ang unang kabanata na ipinabasa sa kanya ng mga missionary. Sinabi niya na nang basahin niya ito, labis siyang naantig sa nabasa niya at ng Espiritu na nadama niya. Napuspos siya ng diwa ng Aklat ni Mormon kaya kumuha siya ng pulang lapis at sinimulang salungguhitan ang mga salita na lubos na nakaantig sa kanya.

Pagkatapos ay ipinakita niya sa akin ang kanyang kopya ng Aklat ni Mormon, na nakabukas sa 3 Nephi 27. Halos bawat salita sa kabanatang iyon ay may pulang salungguhit.

“Iyan ang dahilan kung bakit ako naniniwala,” sabi niya. “Ang aklat na ito ay nangusap sa akin sa paraang hindi ko maikakaila. Alam kong ito ay totoo, at alam ko na totoo Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Nabinyagan siya at naging tapat na miyembro ng Simbahan.

Ang Pambungad sa Aklat ni Mormon

Ang pambungad sa Aklat ni Mormon ay nagbibigay sa atin ng huwaran upang malaman natin mismo sa ating sarili na totoo ang mensahe ng ebanghelyo. Ang pambungad “ay unang inilathala noong 1981 edisyon ng Aklat ni Mormon. Ipinapakilala nito ang Aklat ni Mormon sa mga mambabasa sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga pangyayaring may kaugnayan dito at paglalarawan sa aklat.”3

Nagsimula ang pambungad sa pagsasabi sa atin kung ano talaga ang Aklat ni Mormon: “Isang pinagsama-samang banal na kasulatan na kahalintulad ng Biblia. Ito ay isang talaan ng mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga unang nanirahan sa Amerika at naglalaman ng kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo.” Nalaman natin na ito “ay isinulat ng maraming sinaunang propeta sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at paghahayag” sa mga laminang ginto at pinaikli “ng isang mananalaysay na propeta na nagngangalang Mormon.”

Painting of Jesus Christ in America, greeting Nephites.

Larawan ni Joseph Smith na ipininta ni Richard Burde, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; kanan: paglalarawan ni Ben Sowards

Nalaman din natin na “ang ministeryo ng Panginoong Jesucristo sa mga Nephita pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli ang pinakatampok na pangyayaring nakatala sa Aklat ni Mormon. Ito ay naghahayag ng mga doktrina ng ebanghelyo, nagbabanghay ng plano ng kaligtasan, at nagsasabi sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin upang matamo ang kapayapaan sa buhay na ito at ang walang hanggang kaligtasan sa buhay na darating.”

Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na matututuhan natin mula sa Aklat ni Mormon ay na ang Simbahang ipinanumbalik ni Jesucristo sa pamamagitan ni Joseph Smith ay totoo.

Inaanyayahan tayo sa pambungad “na basahin ang Aklat ni Mormon, pagbulay-bulayin sa [ating] mga puso ang mensaheng nilalaman nito, at itanong sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo.” Pinangakuan tayo na “yaong mga magpapatuloy sa paraang ito at magtatanong nang may pananampalataya ay magtatamo ng patotoo ng katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa Moroni 10:3–5.)”

Kasunod ang karagdagang pangakong ito: “Yaong mga magtatamo ng banal na patotoong ito mula sa Banal na Espiritu ay malalaman din sa pamamagitan ng yaon ding kapangyarihan na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang kanyang tagapaghayag at propeta nitong mga huling araw, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Mesiyas.”

Pag-isipan ito! Talagang malalaman natin mismo sa ating sarili na:

  • Si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, at ang Manunubos ng sangkatauhan.

  • Si Joseph Smith ay tunay na propeta. Nagsabi siya ng katotohanan. Nakita niya ang mga bagay na sinabi niyang nakita niya at narinig ang mga salitang sinabi niyang narinig niya.

  • Ang Simbahang ipinanumbalik ni Jesucristo sa pamamagitan ni Joseph Smith ay “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30). Ito ay ang Simbahan ni Jesucristo. Taglay nito ang katotohanan, kapangyarihan, awtoridad, at mga ordenansa. Ito ay personal na pinamamahalaan ng Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo sa pamamagitan ng buhay na propeta.

Lahat ng ito ay malalaman natin kapag nalaman natin na totoo ang Aklat ni Mormon. Ito ay may kapangyarihang magpabalik-loob at maghikayat.

Ang Aking Patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon

Noong ako ay bata pang missionary na naglilingkod sa France, gusto kong malaman mismo sa sarili ko na totoo ang Aklat ni Mormon. Naniwala ako na totoo ito. Umasa ako na totoo ito. Nagmisyon ako nang may pananalig na totoo ito. Gayunman, sa pagtuturo ko bawat araw bilang missionary at pagsasabi sa mga tao sa abot ng makakaya ko sa wikang Pranses na di ko gaanong masalita na may patotoo ako sa aklat, hindi ko pa rin talaga alam na totoo ito.

Ang aming maliit na apartment sa katimugang France ay malamig at mamasa-masa sa buong unang taglamig na iyon. Tuwing umaga at gabi, bago at matapos ang gawain sa maghapon, nagkukumot ako at nagsusuot ng pangginaw para basahin at pag-aralan ang aking Aklat ni Mormon. Alam ko ang pangako ni Moroni, na kung ako ay magbabasa, magninilay, at magdarasal, malalaman ko rin na totoo ito. Lumipas ang mga araw at linggo, ngunit wala pa ring nangyari. Walang liwanag, walang anghel, walang tinig—wala maliban sa kapayapaang nadarama ko habang nagbabasa ako.

Patuloy akong nagbasa at sinalungguhitan ang makahulugang mga talata at nanalangin para malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon. Ang himala ay dumating kalaunan. Tulad ng inilarawan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, ito ay higit na katulad ng unti-unting pagsikat ng araw sa halip na biglaang pagsindi ng ilaw.4 Ang liwanag ay nagsimulang magliwanag sa aking isipan at puso. Nagsimula kong makita ang Aklat ni Mormon sa ibang paraan. Ang mga talatang nabasa ko na noon ay nagsimulang magkaroon ng bagong kahulugan. Masasabi ko na sa karanasang ito nagsimulang maliwanagan ang aking isipan.

Makaraan ang mga linggo at buwan, masasabi ko na mas nakatitiyak ako kaysa anupamang bagay na alam ko na ang Aklat ni Mormon ang salita ng Diyos. Nalaman ko na ito ay isinulat at iningatan para sa ating panahon at inilabas upang maging malakas na patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Ang impresyong dumating sa akin nang paulit-ulit sa pamamagitan ng tinig ng Espiritu ay, “Totoo iyan, totoo iyan, lahat iyan ay totoo.”

Pagkaraan ng apatnapung taon, nasa akin pa rin ang patotoong iyon. Maraming beses ko nang nabasa ang Aklat ni Mormon, at sa tuwina—sa lahat ng pagkakataon—ay muli kong naririnig ang mga salitang “Totoo iyan.” Ito ang nagbigay sa akin ng katiyakan na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at na ito ang Kanyang dakilang gawain ng kaligtasan.

Tulad ng mga domino na gustung-gusto kong laruin noong bata pa ako na natutumba kapag itinulak ko ang unang domino, gayon din ang lahat ng katotohanan ng ebanghelyo ay matatanggap at mauunawaan natin nang tama kapag nalaman natin na ang saligang bato ng ating patotoo—ang Aklat ni Mormon—ay totoo.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa pambungad sa Aklat ni Mormon; tingnan din sa History of the Church, 4:461.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 227.

  3. Book of Mormon Teacher Resource Manual (2004), 19.

  4. Tingnan sa David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Liahona, Mayo 2011, 87–90.