Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Ang Pinakamainam Nating Panangga Laban sa Pornograpiya
Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.
Sa isang talata ng banal na kasulatan, natagpuan ko ang susi ng aking pamilya sa pag-iwas sa malilinaw na larawang tila nagkalat sa lahat ng dako.
Namimili kami ng aking siyam-na-taong-gulang na anak na lalaki ng uniporme sa eskuwela nang mabaling ang aming masayang pag-uusap sa mas mabigat na tanong. “Inay, bakit po nila kailangang idispley iyan sa lahat ng tindahan?”
Ang tinutukoy niyang “iyan” ay ang malalaswang larawang nakadispley sa halos lahat ng tindahang madaanan namin. Bagama’t matagal nang naroon ang ganitong mga larawan, hindi ko ito gaanong napansin noon. Ngunit nagkaroon ako ng bagong kamalayan na sinisimulan na itong pansinin ng panganay kong anak. Nang sumunod na mga linggo, nakita ko ang mga imaheng ito sa lahat ng dako: sa telebisyon, sa tindahan ng grocery, sa mga restawran, sa mga patalastas na dumating sa koreo. Hindi ako makalayo sa mga ito. Ang ilang larawan ay napakalinaw kaya nagsimula akong maguluhan, at nakadama ako ng pangamba sa puso ko. Paano ko poprotektahan ang pamilya ko sa mga patibong ng pornograpiya?
Tuwing may pangkalahatang kumperensya nakakarinig tayo ng mga babala tungkol sa mga pinsalang dulot nito, at alam na natin ang nangyayari sa mga biktima nito. Ginawa na natin ang lahat ng pag-iingat sa bahay sa ating computer at sa media na pinayagan nating pumasok doon, ngunit ang malinaw, maliban kung mailayo natin ang ating mga anak, tila walang paraan para lubos na maiwasang makita ang mga imaheng hindi natin gusto na maaaring humantong sa higit na pag-uusisa. Maaari bang mauwi ang inosenteng pagtitig ng anak ko sa tindahan ng grocery sa habambuhay na pagkalulong sa pornograpiya? Lalo akong nag-alala sa isyung ito, at nadama ko na wala akong magawa at hindi ko maprotektahan ang aking mga anak.
Pagkatapos isang araw habang binabasa ko ang Aklat ni Mormon, hindi inaasahang nakakita ako ng katiyakan sa 1 Nephi 15. Ipinaliliwanag ni Nephi ang pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay kina Laman at Lemuel nang itanong nila ang kahulugan ng ilog ng tubig. Sumagot si Nephi sa talata 27: “At sinabi ko sa kanila na ang tubig na nakita ng aking ama ay karumihan; at sa dami ng mga iba pang bagay na nasa kanyang isipan ay hindi na niya namasdan ang karumihan ng tubig” (idinagdag ang pagbibigay-diin). Nakatuon ang isipan ni Lehi sa punungkahoy ng buhay at sa paghihikayat sa kanyang pamilya na kumain ng bunga nito! Ni hindi niya nakita ang karumihan dahil sa pagtutuon niyang ito.
Iyon ang sagot! Ang pag-aalis sa di-angkop na media sa aming tahanan ang simula, ngunit ang mas tuwiran at sadyang pagsisikap na ituro sa aming mga anak ang ebanghelyo ang magiging pinakamainam na panangga nila sa huli laban sa anumang bagay na aakay sa kanila palayo.
Dahil sa karanasang ito sa mga banal na kasulatan, nagpasiya kaming mag-asawa na doblehin pa ang aming pagsisikap na turuan ang aming mga anak at sa gayo’y ituon ang aming mga mata sa pag-ibig ng Diyos sa halip na sa karumihan sa mundo. Naisip naming magtuon sa tatlong iba’t ibang aspeto*:
1. Dagdagan ang aming sariling pag-aaral ng mga banal na kasulatan at bawasan ang “ingay” sa aming paligid. Gaya ni Lehi, ang aming isipan ay kailangang mapuspos ng mga positibong bagay para marinig ang mga bulong ng Espiritu at manatili kaming nakatuon sa pagsandig ng aming pamilya sa ebanghelyo. Sinisikap naming mag -asawa na regular na gumugol ng oras sa pag-uusap tungkol sa espirituwal na mga pangangailangan ng bawat kapamilya at kung paano kami makatutugon sa mga pangangailangang iyon at makalilikha ng isang tahanan kung saan maaaring manahanan ang Espiritu.
2. Gawing mas makahulugan ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya. Kahit kailangan ng malaking pagsisikap para lang matipon ang pamilya araw-araw upang magbasa ng mga banal na kasulatan, sinisikap naming lalo pang magtalakayan kapag nagbabasa kami ng mga banal na kasulatan. Iba’t iba ang edad ng aming mga anak, kaya nagbabasa kami ng mga banal na kasulatan na kasama ang nakababata naming mga anak sa gabi at ang mga nakatatanda sa madaling-araw habang tulog ang mga nakababata kaya walang gaanong gambala at mas maraming pagkakataong magtalakayan. Nalaman namin na halos araw-araw ay may talakayan tungkol sa kasalukuyang mga pangyayaring nauugnay sa mga banal na kasulatan na binabasa namin.
Karaniwan ang mga umaga ay hindi masaya, ngunit sa aming pagtitiyaga nakikita namin na ang mga bata ay talagang nakikinig at nakikibahagi, kahit kung minsan ay kailangan ng pagsisikap para matipon silang lahat.
3. Paggawa ng gawaing misyonero. Kapag nagpapatotoo kami, sumasaksi ang Espiritu na ang aming sinasabi ay totoo, at lumalago ang aming patotoo. Sinisikap naming gawing pampamilya ang gawaing misyonero. Nag-uusap kami tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at regular kaming nag-aanyaya ng mga kaibigan sa aming tahanan. Sinasamantala rin namin ang bawat pagkakataon na anyayahan sa bahay ang mga missionary at investigator para magtalakayan tungkol sa ebanghelyo. Nagkaroon na kami ng magagandang karanasan sa mga bagong miyembro ng Simbahan at mga investigator sa aming tahanan, at nakintal ito sa isipan ng aming mga anak habang pinag-iisipan nila ang kanilang sariling patotoo at naririnig ang patotoo ng mga missionary.
Labis akong nagpapasalamat sa Aklat ni Mormon at sa mahimalang paraan na nabigyan ako ng isang talata sa banal na kasulatan ng katiyakan at malinaw na direksyon para sa aming pamilya. Talagang ang mga banal na kasulatan ay kayang halinhan ng kapangyarihan at kapayapaan ang takot at kahinaan.