Hayaang ang Diyos ang Maging Arkitekto Mo
Maaaring mas bumuti ang buhay mo kaysa inaakala mo.
Marami kang malalampasang pagsubok sa buhay sa pamamagitan ng pag-unawa habang nararanasan mo ang mga bagong sitwasyon. Mangahulugan man iyan ng walang malay na pagbabalewala sa nakasulat na mga tagubilin kung paano magbuo ng isang kasangkapang yari sa milyun-milyong piraso o pagtuturo sa iyong sarili na tumugtog ng isang instrumentong musikal sa pamamagitan ng pagkalampag sa piyano anumang nota ang may pinakamagandang tunog, ang kakayahan mong matuto sa pamamagitan ng pagsubok ng iba’t ibang paraan kahit magkamali ay halos walang limitasyon.
Kaya lang, karaniwan ay hindi iyon napakadali.
Isipin ang isang bagay na talagang kumplikado. Paano kung ikaw ang namamahala sa pagtatayo ng sarili mong bahay at nasa harap mo na ang lahat ng materyales. Naiisip mo ba ang napakalaking tumpok ng mga bagay-bagay? Mga tabla, pako, tubo, kuryente, kagamitan, at lahat ng iba pang kailangan mo para magtayo ng isang napakagandang bahay para sa iyo at sa iyong pamilya.
Gusto mo pa rin bang ikaw ang bumuo nito habang itinatayo mo ito? O gusto mong tulungan ka ng isang taong talagang nakakaalam kung paano gamitin nang husto ang materyales?
Ganyan din ang landas ng ating buhay. Kailangan nating lahat ng tulong sa pagtatatag ng ating buhay. At walang mas mabuting tagapagtayo maliban sa Diyos.
Tulad ng ipinaliwanag sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Mas gagawing makabuluhan ng Panginoon ang buhay ninyo kaysa sa magagawa ninyo kung kayo lang mag-isa. Daragdagan Niya ang inyong mga oportunidad, palalawakin ang inyong pananaw, at palalakasin kayo. Ibibigay Niya ang tulong na kailangan ninyo upang makayanan ang mga pagsubok at hamon sa buhay. Lalong lalakas ang inyong patotoo at matatagpuan [ninyo] ang tunay na kaligayahan kapag nakilala ninyo ang inyong Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at madarama ang pagmamahal Nila sa inyo” ([2011], 43).
Kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos at isinasali Siya sa ating mga plano, nagiging katulad tayo ng kailangan nating kahinatnan—hindi kung sino ang iniisip nating gusto nating maging.
Narito ang ilang tao na, sa tulong ng Diyos, ay nakasumpong ng mas mabuting landas kaysa sa pinili nila para sa kanilang sarili.
Paglimot sa Karahasan
Sa isang video series sa mormonchannel.org, isang binatang nagngangalang Bubba ang nagkuwento kung paano muntik nang mapahamak ang kanyang buhay.1 Lumaki siya sa isang tahanan na puno ng karahasan, kung saan pinaslang ang ama ni Bubba noong tatlong taong gulang pa lang siya.
Lumaki si Bubba na pinipili ang uri ng buhay na nakalakhan niya. Sumali siya sa isang gang at inaaway ang sinumang kumontra sa kanya. Noong hayskul na siya naisip niya na hindi magtatagal ay makukulong siya. At wala siyang pakialam.
Nakialam ang Diyos. Sa oras na ito ng pagdedesisyon sa kanyang buhay, nakilala ni Bubba ang isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw na nagpakita sa kanya ng mapagmahal na kabaitan at kabutihan. Wala pa siyang nakahalubilong mga tao na katulad nito—mga taong nagpakita ng habag at pagmamahal. Sinimulan niyang mag-ukol ng oras sa kanila hangga’t maaari. Nang tanungin niya ang pamilya kung bakit ganoon ang pakikitungo nila sa kanya, sinabi nila na dahil iyon sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Ginusto niyang alamin kung ano ang alam nila. Sinimulan niyang magdasal at mag-aral ng mga banal na kasulatan. At hindi nagtagal may nadama siya na hindi pa niya nadama kahit kailan. “Tiyak na mayroong Diyos, at mahal Niya ako!” sabi ni Bubba. Sa tulong ng Diyos, nagpanibagong-buhay si Bubba na si Jesucristo ang pundasyon, at tinalikuran ang dati niyang buhay.
“Nagbago ang likas kong pagkatao. Nagbago ang pagkatao ko kaysa rati. Ngayon ay may layunin na ako. May tadhana ako,” sabi niya. “May kapupuntahan ako.”
Sa panahong ito nakikita ni Bubba ang kanyang hinaharap nang may magandang pananaw, pananampalataya, at pag-asa. “Alam ko na tanging kay Jesucristo lamang, ang pananampalataya ko sa Kanya, ang makakatulong sa akin na marating ang nais kong marating,” sabi niya.2
Nagbabago ng Direksyon
Ikinuwento ni Pangulong Hugh B. Brown (1883–1975), isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng Unang Panguluhan, ang isang karanasan kung saan ginawang mas makabuluhan ng Diyos ang kanyang buhay kaysa magagawa niyang mag-isa.
Naglilingkod noon si Hugh sa Canadian military at nakalinyang maging heneral. Pinagsikapan, inasam, at ipinagdasal niya ang pagtaas ng ranggong iyon sa loob ng 10 taon.
Gayunman, nang mabakante ang posisyon, hindi siya ang pinili dahil lang sa miyembro siya ng Simbahan. Iyon lang talaga ang dahilan, at sinabi nila sa kanya iyon.
Galit na galit si Hugh. Sabi niya: “Sumakay ako ng tren at nagbalik sa aking bayan … na nasiphayo, at may pait sa aking kaluluwa. … Nang makarating ako sa aking tolda, … galit kong [inihagis] ang aking sumbrero sa upuan. Itinikom kong mahigpit ang aking mga kamao, at iwinasiwas ito sa langit. Sabi ko, ‘Paano mo nagawa ito sa akin, Diyos ko? Ginawa ko ang lahat para makamtan ko ito. Wala akong [maaaring gawin]—na dapat kong ginawa—na hindi ko ginawa. Paano mo ito nagawa sa akin?’ Labis ang sama-ng-loob ko noon.”3
Pagkatapos ay naalala ni Hugh ang isang karanasan maraming taon na ang nakararaan. Minsan ay bumili siya ng napabayaang bukirin na may mayabong na palumpong ng maliliit na ubas. Kung hindi tatabasan, hinding-hindi magbubunga ang palumpong na iyon. Ang gusto lang gawin nito ay tumaas nang tumaas.
Kaya tinabasan ito nang husto ni Hugh. Pagkatapos, may nakita siyang maliliit na patak ng likido sa dulo ng bawat naputol na sanga. Parang mga luha ito. “Ako ang hardinero dito,” sabi niya sa palumpong ng maliliit na ubas. Alam ni Hugh kung ano ang gusto niyang mangyari sa palumpong na iyon, at hindi ito isang punong magbibigay ng lilim.
Naalala niya ang karanasang ito nang paglabanan niya ang galit nang hindi siya itaas ng ranggo. “May narinig akong tinig, at nakilala ko ang tono ng tinig na ito. Tinig ko mismo iyon, at nagsabing, ‘Ako ang hardinero dito. Alam ko kung ano ang gusto kong gawin mo.’ Nawala ang pait sa aking kaluluwa, at lumuhod ako upang humingi ng tawad sa aking kawalan ng utang-na-loob. …
“… At ngayon, halos 50 taon na ang nakararaan, tumitingala ako sa [Diyos] at nagsasabing, ‘Salamat po, Ginoong Hardinero, sa pagputol sa akin, sa pagmamahal sa akin nang sapat [para saktan] ako.’”4
Hindi naging heneral si Hugh kailanman. May ibang plano ang Panginoon para kay President Brown. Dahil ang Panginoon ang kanyang arkitekto, naging napakaganda ng buhay ni President Brown.
Pagtatayo mula sa Wala
Kapag tinawag kang “anak ng impiyerno” ng isang propeta ng Diyos malamang ay hindi maganda ang patutunguhan ng buhay mo. Ngunit iyan mismo ang nangyari kay Zisrom, isang abogado sa Aklat ni Mormon. (Tingnan sa Alma 11:23.)
Nangangaral noon sina Alma at Amulek sa lupain kung saan nagsisikap si Zisrom na kumita ng pera bilang abugado sa pamamagitan ng pagpukaw sa damdamin ng mga tao laban kina Alma at Amulek. Sinubukang linlangin ni Zisrom sina Alma at Amulek sa kanyang mga tanong, ngunit sinagot at pinagsabihan siya ng mga ito. Ang mga nasa isipan ni Zisrom ay inihayag sa kanila ng Espiritu. (Tingnan sa Alma 11–12.)
Habang patuloy ang pag-uusap, natahimik si Zisrom. Nakilala na niya ang kanyang mga kamalian at nadama ang bigat ng kanyang mga kasalanan at ang nagawa para ilihis ng landas ang mga tao. Hindi nagtagal sinikap niyang ituwid ang ilan sa mga pinsalang naidulot niya, na nagsasabing, “Masdan, ako ang may sala, at ang mga tao ay walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos” (Alma 14:7).
Ngunit hindi iyon umubra. Pinalayas ng mga tao si Zisrom sa kanilang lungsod. Ang kanyang pagkakasala at matinding lungkot sa kanyang nagawa—pati na ang maling takot na ang pangangaral niya laban kina Alma at Amulek ang naging sanhi ng kanilang kamatayan—ang naging dahilan ng pagkakaroon ni Zisrom ng matinding lagnat, na “nagsimulang mapaso ng nag-aapoy na init” (Alma 15:3).
Gumuho ang pundasyon ng istrukturang itinayo niya para sa kanyang buhay. Ngunit hindi roon nagtapos ang kuwento ni Zisrom.
Nang malaman niya na buhay pa sina Alma at Amulek, naglakas-loob si Zisrom at pinakiusapan niya silang magpunta sa kanya. Nang magpunta sila, pinakiusapan sila ni Zisrom na pagalingin siya. Dahil sa pananampalataya ni Zisrom lubusan siyang gumaling. Pagkatapos ay nabinyagan siya at nagsimulang mangaral magmula noon (tingnan sa Alma 15:11–12).
Ang bagong buhay ni Zisrom, na sa pagkakataong ito’y ang Diyos ang kanyang arkitekto, ay nagsisimula pa lang.
Higit pa sa Martilyo at Pako
Ang magandang balita ay hindi tayo nilayong mabuhay na mag-isa. Nais ng Diyos na tulungan tayo sa bawat hakbang. At kapag hinayaan natin Siyang tumulong, walang hangganan ang maaari nating marating.