Alam Mong Totoo Ito!
Henry (Hank) Brown, Utah, USA
Isang araw habang nagtatrabaho sa isang department store sa Oakland, California, USA, bumisita ang isang kaibigan at inimbitahan akong maghapunan. Sinabi niya na mag-iimbita siya ng dalawang Mormon missionary.
Pagkatapos ng hapunan nagdispley ang mga missionary ng maliit na flannel board at nagsimulang magtanong sa akin. Medyo nainis ako. Gusto ko lang pakinggan sila at umalis na.
Gayunman, sa pagtatapos ng talakayan, isang bata pang missionary na taga Utah ang inilapit ang kanyang upuan sa akin, tumingin sa aking mga mata, iniabot sa akin ang Aklat ni Mormon, at nagpatotoo. Sinabi niya na alam niyang totoo ang Simbahan at maaari ko ring malaman ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat. Pagkatapos ay binanggit niya ang Moroni 10:4 at sinabi na kung magtatanong ako sa Diyos nang taos-puso at may tunay na layunin, ihahayag Niya ang katotohanan ng aklat sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Nang sumunod na linggo nagbasa ako ng ilang kabanata, at nagkita kaming muli sa bahay ng kaibigan ko. Matapos ang ikatlong talakayan namin, natapos na sa misyon ang missionary na taga Utah at umuwi na.
Patuloy akong nagbasa at nagdasal gabi-gabi, nagtatanong kung ang aklat ay totoo. Matapos manalangin isang gabi, humiga na ako at nagbasa ng ilan pang kabanata. Biglang may narinig akong isang tinig na nagwika ng apat na simpleng salita: “Alam mong totoo ito!”
Hindi kailanman nangusap sa akin ang Espiritu noon. Ngunit sa pagkakataong iyon ay nalaman ko na kilala at mahal ako ng Diyos. Naantig ako nang husto kaya hindi ko napigilan ang aking pagluha. Alam ko na kailangan kong sumapi sa totoong Simbahan ni Jesucristo. Naunawaan ko rin kung bakit nasabi ng bata pang missionary na taga Utah na alam niyang totoo ang Simbahan.
Sumapi ako sa Simbahan at kalaunan ay pinakasalan ang isang magandang dalaga sa Oakland California Temple. Nagkaroon kami ng walong anak at tumira sa California sa loob ng 33 taon bago lumipat sa Utah.
Ilang taon na ang nakararaan habang naghahandang umalis para sa kanyang misyon ang bunso naming anak na babae, itinanong niya kung sinubukan kong kontakin ang missionary na nagturo sa akin.
“Naaala ko nga siya nitong mga nakaraang taon,” sagot ko, “pero hindi ko alam kung paano siyang makokontak.”
Pagkatapos ng 10 minutong paghahanap ay bumalik siya at sinabing, “Narito po ang numero ng telepono niya.”
Nang matawagan ko siya, matagal kaming nag-usap. Hiningi niya ang aking email address para “maikuwento niya sa akin ang nangyari sa buhay niya.” Sa kanyang email kinabukasan, sinabi niyang mahigit 40 taon na siyang hindi miyembro ng Simbahan at sana hindi ako madismaya.
“Bakit naman ako madidismaya?” ang email ko agad sa kanya. “Binago mo ang buhay ko!”
Patuloy ang pag-email namin sa isa’t isa at nagkasundong magkita kami. Di nagtagal pumunta ako sa kanyang tahanan, pinapasok niya ako at ipinakilala sa kanyang asawa. Habang pinag-uusapan namin ang aming buhay, itinanong ko sa kanya kung mayroon siyang Aklat ni Mormon. Umakyat siya at bumalik na may dalang kopya ng aklat. Kinuha ko ang aklat, tumitig sa kanyang mga mata, iniabot ang aklat pabalik sa kanya, at sinabing: “Alam kong totoo ang aklat na ito! Kung babasahin mo ang Moroni 10:4 at ipagdarasal ito, maaari ka ring magkaroon ng patotoo sa katotohanan nito.”
Nang sumunod na ilang buwan, nagbasa siya, nanalangin, at nagsisi. Di nagtagal muli siyang bininyagan ng kanyang 18-taong-gulang na anak, at ako ay nagkaroon ng pribilehiyong magkumpirma sa kanya.
Alam ko na nabigyang-inspirasyon ang aking anak na itanong ang tungkol sa kanya, at alam ko na kaming dalawa ay inihanda ng Ama sa Langit para sa muling pagkikita namin pagkaraan ng 45 taon. Nalaman ko ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Nalaman ko rin na huwag kailanman sukuan ang isang taong lumihis mula sa Simbahan.