Mga Pagmumuni
Hindi ang Himalang Gusto Namin
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Kung minsa’y dasal tayo nang dasal hanggang sa manakit ang ating mga tuhod para sa himalang gusto natin, ngunit ang ibinibigay sa atin ng Diyos ay ang himalang kailangan natin.
Sa loob ng ilang buwan magtatapos na ako sa kolehiyo at, inasam ko, na magkaroon na ng anak. Sabik na kaming mag-asawa na magkaanak.
Pagkaraan ng isang taon, apat na buwan, maraming negatibong pregnancy test, limang negatibong ovulation test, dalawang miserableng buwan ng panggagamot, at libu-libong luha, wala pa rin kaming baby at kakatiting ang pag-asa na magdalantao ako sa natural na paraan. Nang tumawag ang doktor mula sa kanyang opisina at nagmungkahing kumonsulta kami sa isang infertility specialist, tumanggi kami. Sa sobrang pagod para gumawa pa ng iba, kailangan naming magpahinga. Bago ko ibinaba ang telepono, sinabi ng nars, “Tawagan ninyo kami kung magkaroon kayo ng himala.”
Ang mga himala ay, iyon na nga, mahimala. Dumarating ang mga ito sa malalaki at maliliit na paraan. Dumarating ang mga ito nang hindi natin inaasahan at kung kailan natin ito kailangang-kailangan. At kung minsa’y dasal tayo nang dasal hanggang sa manakit ang ating mga tuhod para sa himalang gusto natin, ngunit ang ibinibigay sa atin ng Diyos ay ang himalang kailangan natin.
Matagal na kaming desperadong nagdarasal na magkaanak kami, ngunit tila hindi sumasagot ang kalangitan. Kalauna’y naisip namin na mali pala ang aming ipinagdarasal. Alam ng Diyos kung anong mga pagpapala ang kailangan namin at kung kailan namin ito kailangan. Nakikita niya ang buong larawan. Nakikita namin ang ngayon. Kaya nagbago kami. Tumigil kami sa pagdarasal para sa gusto namin at sa halip ay nagsimula kaming magsabi ng “salamat po.”
Ama sa Langit, salamat po sa pagpapala na makapiling namin ang isa’t isa.
Salamat po sa mapagmalasakit na pamilya at mga kaibigan.
Salamat po sa mga bata sa aming paligid na nakapagpapaligaya sa amin hanggang sa magkaroon kami ng sariling anak.
Salamat po sa mga doktor at sa siyensya na tumutulong na tuklasin kung ano ang uubra at hindi uubra sa aming katawan.
At (ito ang pinakamahirap sabihin) salamat po sa pagsubok na ito.
Mahirap magpasalamat para sa mismong bagay na bumabagbag sa aming puso, ngunit alam namin na mahal kami ng Ama sa Langit. Kaya may hatid na mga pagpapala ang pagsubok na ito. Hindi namin makikita ang mga pagpapala kailanman kung magpapadaig kami sa pagsubok na ito. Sa halip, pinili naming magpasalamat—at nang gawin namin ito, naging malinaw ang mga pagpapala:
Mas sumandig kami sa isa’t isa, mas nagbahagi kami ng aming damdamin, lalo naming minahal ang isa’t isa.
Mas sumandig kami sa Panginoon at lalo pang nanalangin.
Mas napalapit kami sa Tagapagligtas, mas nadama namin ang Kanyang presensya, lalo namin Siyang minahal.
Nadama namin ang pagmamahal ng pamilya at mga kaibigan na nagdarasal para sa amin.
At nang kilalanin namin ang lahat ng pagpapalang ito, napuspos kami ng pinakadalisay at pinakamatamis na kapayapaang maiisip ninuman.
Ang hindi namin pagkakaroon ng anak ay hindi nangangahulugan na walang malasakit ang Diyos. Kailangan lang naming magtiwala sa Kanyang takdang panahon, at kailangan namin ang Kanyang kapayapaan para manatili ang tiwalang iyon. Kailangan namin ang Kanyang kapayapaan para hindi kami masiraan ng loob at mabigyan kami ng pananampalataya na patuloy na sumulong.
Kapayapaan ang himalang kailangan namin—hindi ang himalang matagal na naming isinasamo, kundi yaong kailangang-kailangan namin.