2016
Nakilala Ko ang Salita ng Diyos
Enero 2016


Nakilala Ko ang Salita ng Diyos

José Evanildo Matias Fernandes, São Paulo, Brazil

Illustration of a man standing at a counter and reading a copy of the Book of Mormon..

Paglalarawan ni Allen Garns

Habang nasa airport sa São Paulo, Brazil, ilang taon na ang nakararaan, nakita ko sa isang bookstore showcase ang isang aklat na may pamagat na “Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.” Nagduda ako kung tatanggapin ng ating mundo na lalo pang nagiging imoral at walang patutunguhan ang isa pang tipan ni Jesucristo, at buong Sabado’t Linggo kong inisip ang tungkol sa aklat.

Sa huli, hindi na ako nakatiis, at bumalik ako sa bookstore para bilhin ito. Gayunpaman, pagdating ko roon hindi ko na ito nakita. Inilarawan ko ang aklat sa store attendant, pero sinabi niya na wala siyang nakitang ganoon. Ni hindi niya ito nakita sa rekord, bagama’t lahat ng aklat na nakadispley sa showcase ay nakalista sa isang record book.

Kalaunan habang nasa botika, napansin ko ang isang bukas na aklat sa counter. Nang basahin ko ito, nalaman ko ang tungkol sa isang lalaking nagngangalang Korihor na iginiit ang pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos at sa huli ay napipi. Nang pag-isipan ko ang mga salitang nabasa ko, nakilala ko na ang mga ito ay mula sa Diyos.

Nang panahong iyon naghahanap ako ng patnubay mula sa Diyos. Isang araw lumuhod ako at taimtim na nanalangin sa Diyos na ipakita sa akin ang totoong landas papunta sa Kanya. Makalipas ang ilang araw nagkasakit ang aming anak, kaya bumalik ako sa botika. Nang paalis na ako, tatlong binatang Amerikano na may name tag ang pumasok. Agad akong nakadama ng sigla sa aking puso, na naghikayat sa akin na kausapin sila.

Sinabi nila sa akin na nasa Brazil sila para ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tinanong ko kung maaari nila akong turuan, at nagtakda kami ng oras.

Nang marinig ko ang tungkol kay Propetang Joseph Smith sa unang pagkakataon, alam kong nasagot ang aking panalangin. Pagkatapos ay binigyan ako ng mga missionary ng aklat. Sa pagkamangha ko, iyon ay Aklat ni Mormon—katulad ng nakita ko sa bookstore showcase. Muli kong nadama ang sigla at tuwang-tuwa ako na halos hindi na ako makapagsalita.

Ipinaliwanag ng mga missionary ang pinagmulan ng aklat at pagkatapos ay hiniling na magdasal ako at tanungin sa Diyos kung totoo ito. Nakatitiyak na ako sa kabanalan ng aklat, sapagkat ipinakita iyon ng Panginoon sa akin—nang dalawang beses. Gayon pa man, pinag-aralan ko ito nang mabuti. Nang basahin ko ang kabanata 17 sa 3 Nephi, alam kong sagradong kuwento ito dahil kinapapalooban ito ng mga salita ni Jesucristo.

Ang pundasyon ng aking patotoo ay sa pagkaalam na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng salita ng Diyos. Binago ako nito at patuloy pa akong binabago nito.