Ang Ating Paniniwala
Naniniwala Tayo sa Pagiging Positibo
Madalas tayong payuhan sa mga banal na kasulatan na “mangagalak kayo” at “magalak.” Sabi sa atin ng Panginoon sa 2 Nephi 2:25, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.” Ang layunin ng buhay na ito ay aakay sa atin sa kagalakang ipinangako ng Panginoon sa huli.
Ang magalak ay hindi nangangahulugan ng pagiging ignorante o walang-muwang sa mga hamon ng buhay. Inilarawan ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagiging masayahin bilang “isang malalim na tiwala sa nalalahad na mga layunin ng Diyos—hindi lamang para sa buong sangkatauhan, kundi para sa bawat isa sa atin bilang mga indibiduwal.”1 Tiyak na darating ang mga hamon, sapagkat likas na bahagi ito ng mortalidad, ngunit hindi tayo kailangang mabigatan sa kawalang-pag-asa at kalungkutan. Maaari tayong magtiwala sa Panginoon at maging positibo.
Nangako sa atin si Jesucristo na daranas tayo ng pagdurusa, ngunit hinimok din Niyang, “[Magalak]; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na dahil nasa atin ang ebanghelyo, “tayo bilang mga Banal sa mga Huling Araw ang dapat maging pinakamaganda ang pananaw at hindi pinaka-matatakutin.”2
Nakadarama tayong lahat ng kalungkutan at kawalang-pag-asa paminsan-minsan, ngunit maaari pa rin tayong magalak. Sabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pinatototohanan ko na sa pagsampalataya sa Tagapagligtas at pagsunod sa Kanyang mga turo, hindi natatapos ang kaligayahan, kundi ang kalungkutan.”3 Makapamumuhay tayo nang may galak batid na ang ating “mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang” (D at T 121:7).
Kapag nagtiwala tayo sa plano ng Diyos para sa atin at pinili nating mamuhay nang may magandang saloobin, ang ating kakayahang harapin ang mga hamon ng buhay ay lalakas. Hindi tayo gaanong maaapektuhan ng ating mga pag-aalala at takot, at madarama natin ang galak na nais Niya para sa atin.