Howard W. Hunter: Ang Aking Ama, ang Propeta
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Madalas akong tanungin ng mga kaibigan ng dalawang tanong: “Ano ang pakiramdam ng maging anak ng isang propeta at lumaki sa piling ng gayon kapambihirang tao?” at “Naniniwala ka ba talaga na ang iyong ama ay isang propeta ng Diyos?”
Natuto akong maniwala na ang kalalakihan at kababaihan ay hinahatulan ayon sa kanilang pinahahalagahan at sa kung ano ang handa nilang gawin tungkol sa mga pinahahalagahang iyon. Tila palaging ginagawa ng mga dakilang tao ang anumang kailangan upang makapamuhay ayon sa kanilang mga pinahahalagahan, kahit mangahulugan ito ng malaking sakripisyo. Ang aking ama ay isa sa mga dakilang tao. Nagkaroon ako ng pribilehiyong matutuhan ang mga pambihirang bagay mula sa kanya tungkol sa tunay na kahulugan ng kadakilaan. Hindi ako natuto mula sa mga sinabi niya sa akin kundi mula sa kanyang mga ginawa at sa kanyang pagkatao.
Inilalarawan ng sumusunod na mga kuwento kung ano ang pakiramdam ng lumaki sa piling ng aking ama: isang abugado, isang musician, isang tagapag-alaga, isang propeta—higit sa lahat, isang lalaking nagpakita ng kabaitan at handang ibigay ang anuman para sa Diyos at sa pamilya.
Pagsasakripisyo para sa Ikabubuti ng Kanyang Pamilya
Noong tinedyer ako, naghalungkat ako sa itaas ng kisame isang araw at natagpuan ko ang isang tumpok ng maalikabok na mga kahon. Natuklasan ko ang isang clarinet, saxophone, biyolin, at trumpeta. Matapos tanungin ang aking ama tungkol sa mga ito, nalaman ko na ilan ito sa mga instrumentong tinugtog niya. May banda siya noong nasa high school siya sa Boise, Idaho, USA. Mahusay siyang musician na lubos na nagmahal sa musika at sa pagkatha ng musika. Tumugtog ang kanyang banda sa malalaking pagtitipon sa Boise at maging sa isang cruise ship na naglayag sa Asia. Matapos siyang lumipat sa Southern California, USA, noong 1928, muling nabuo ang banda at naging lubhang popular.
Noong 1931 pinakasalan niya ang aking inang si Clara Jeffs. Gusto nilang magkaroon ng mga anak. Nadama niya na para kanya ang mga hinihingi ng mundo ng libangan ay hindi naaayon sa makabuluhang pamilyang gusto niya. Kaya isang araw ay ipinasok niya ang lahat ng instrumento sa mga lalagyan nito at iniakyat sa itaas ng kisame. Maliban sa bihirang mga kaganapan sa pamilya, hindi na niya muling tinugtog ang mga ito.
Kalaunan ko na lang nalaman kung gaano kalaki ang sakripisyong ginawa niya. Noong 1993 mula sa kanyang tahanan sa Salt Lake City, Utah, USA, ay lumipat siya sa isang apartment sa kabayanan ng Salt Lake City, malapit sa kanyang opisina. Habang naglilipat natagpuan naming muli ang mga instrumento. Tinanong ko siya kung gusto niyang ibigay ang mga ito sa Simbahan dahil sa mahalagang bahaging ginampanan nito sa kanyang kabataan. Nagulat ako sa isinagot niya: “Huwag muna. Hindi ko pa kayang ipamigay ang mga ito ngayon.” Kahit alam ni Itay na hindi na niya tutugtuging muli ang mga ito, hindi niya makayang isiping ipamigay ang mga ito. Noon ko lamang natanto na napakalaki ng sakripisyong ginawa niya.
Pagkakaroon ng Katapatan sa Family History
Matapos makasal ang aking mga magulang, naging isa sa mga unang tungkulin ni Itay ang magturo sa family history class. Sa panahong ito naging tapat siya mismo sa paggawa ng gawain sa family history. Ang kalendaryo ng kanyang law office ay maraming araw sa hapon na nakaukol sa pagpunta niya sa Los Angeles public library para magsaliksik ng genealogy. Sinimulan niyang ihanda ang anim-na-talampakang-haba (1.8 m) na mga family group sheet, na itinali niya sa matitibay na ledger.
Nagtitipon din si Itay ng mga datos at nakikipag-ugnayan sa aming mga kamag-anak. Daan-daang liham ang ipinadala niya sa kanyang mga kamag-anak nang matuklasan niya kung sinu-sino sila. Pinuno niya ng pagbisita sa mga pinsan, tiya, at tiyo ang mga bakasyon ng aming pamilya. Dahil dito nalaman ko ang kabutihang magagawa kapag nagsakripisyo ka ng isang masayang araw ng bakasyon.
Pagpapakita ng Kanyang Determinasyon sa Law School
Nang ipanganak ako, ang aking ama ay nagbabasa ng isang textbook tungkol sa mga habilin at testamento sa waiting room ng ospital. Nagpasiya siyang mag-aral ng abugasya nang makatrabaho niya ang mga abugado sa Los Angeles Flood Control District sa Southern California. Laging inuuna ang pamilya, nadama ni Itay na mas masusuportahan niya ang pamilya kung abugado siya mismo. Gayunman, dahil may asawa, dalawang anak, at isang full-time job, alam niyang kailangan niyang idaos ang pag-aaral sa gabi.
Kalaunan, nang mag-aral ako mismo ng abugasya, inisip ko kung paano nakaraos ang tatay ko. Tinanong ko siya, “Kailan kayo natutulog?” Nag-aaral daw siya hangga’t kaya niya, at kapag pagod na pagod na siya para mag-aral pa, natutulog siya nang tatlo hanggang apat na oras. Ginawa niya iyon sa loob ng limang taon. Namangha ako sa kanyang determinasyon.
Pag-uukol ng Oras sa Piling ng Kanyang mga Anak
Naging abala si Itay sa buhay, pero nag-ukol pa rin siya ng oras para sa kanyang pamilya. Noong Boy Scout ako, nagplanong bumaba ng Rogue River sa Oregon, USA, ang aming pangkat sakay ng mga kayak na kami mismo ang gumawa. Nagboluntaryong sumama sa amin si Itay kahit hindi siya mahilig sa kamping at pagtulog sa lupa. Ilang oras naming pinagtulungang buuin sa garahe ang aming pandalawahang-taong kayak.
Hindi nagtagal, nasa ilog na kami. Pumuwesto ako sa unahan, at si Itay sa likod. Nang gumaygay kami pababa sa ilog, hindi nagtagal ay papunta na kami sa lubhang mapanganib na talon.
Napailalim nang husto sa tubig ang nguso ng aming kayak sa may paanan ng talon at tumalikwas, at humagis kaming dalawa sa ilog. Pumaibabaw ako sa tubig at hinanap ko si Itay ngunit hindi ko siya makita. Kalaunan ay lumutang siya, sisiguk-sigok, at kinaya naming ibaligtad nang maayos ang kayak at muling sumakay. Bago pa kami nakarating sa pampang para alamin kung ano ang nangyari, tinangay kami ng alon sa kasunod na rapids. Wala na kaming oras para ituwid pa ang direksyon ng kayak nang paikutin kami ng isang maliit na uli-uli, at madaan kami sa mahaba at sunud-sunod na rapids nang patalikod at pagewang-gewang.
Kalaunan ay nakabalik din kami sa kampo noong gabing iyon kasama ang iba pang Scouts. Sinabi sa amin ni Itay nang medyo detalyado ang kuwento tungkol kay Job. Mula sa mga kaganapan sa araw na iyon at sa kuwento tungkol kay Job, nalaman namin na hindi laging madali ang buhay. Kinaumagahan, sa halip na umuwi, muling sumakay si Itay sa aming maliit na bangka at humayo na kami. Itinuro sa akin ng karanasang ito ang ginagawa ng isang dakilang tao kapag pinahahalagahan niya ang kanyang pamilya.
Pag-aalaga sa Kanyang Asawa
Noong 1970 nasuring may malubhang karamdaman ang nanay ko na nagpapabara sa malalaking ugat na daluyan ng pagkain sa kanyang utak. Isa siyang matalino, elegante, at kaakit-akit na babae na may maningning na mga mata. Ngunit nang sumunod na 13 taon, lumala ang kanyang kalagayan. Para iyong unti-unting pagkawala ng isang mabuting kaibigan.
Si Itay ang naging pangunahing tagapag-alaga niya. Noong una nagsakripisyo siya nang kaunti para maging komportable at masaya si Inay. Ipinaghahanda niya ito ng pagkain, kinakantahan, at hinahawakan sa kamay. Gayunman, sa paglipas ng panahon, naging mas mahirap at mas mabigat alagaan ang aking ina. Nahirapan siguro si Itay.
Nang lumala ang kalagayan ni Inay, nag-alala kami sa kalusugan ni Itay. Naroon ako nang sabihin sa kanya ng kanyang doktor na kailangan ni Inay ng buong panahong pag-aalaga sa isang nursing facility. Malamang na mamatay si Itay kung patuloy niyang ibibigay ang bigat ng pag-aalagang kailangan, at kung gayon ay wala nang mag-aalaga kay Inay.
Sa huling 13 buwan ng buhay ni Inay, binisita siya ni Itay sa nursing facility araw-araw kapag hindi siya malayo dahil sa tungkulin sa Simbahan. Hindi na niya nakilala si Itay, pero walang diperensya iyon kay Itay. Kinausap siya ni Itay na para bang maayos ang lahat. Nakikita ko siyang umuuwi mula sa pagbisita sa isang stake conference sa malayong lugar. Pagod na pagod siya. Ngunit ang unang gagawin niya pagdating niya ay bisitahin si Inay, para pasayahin ito hangga’t kaya niya.
Napakahusay ng ginawang pag-aalaga ni Itay kay Inay. Marami akong natutuhan tungkol sa pagsasakripisyo mula sa pagmamasid sa pag-aalaga niya kay Inay.
Pagsasakripisyo para sa Kanyang Tungkulin
Nadama ni itay na ang kanyang tungkulin bilang isang Apostol ang kailangang unahin—at sa magandang dahilan. Isang maliit na grupo lamang ng kalalakihan ang tinawag na maging natatanging mga saksi para pamunuan ang gawain ng Diyos sa lupa, at hindi sila puwedeng magpahinga ng isang araw, lalo pa ng isang taon.
Ang pagganap sa kanyang mga tungkulin ay mas mahalaga sa tatay ko kaysa sa kanyang kalusugan. Ipinaubaya ni Itay sa Panginoon ang pagpapanibago ng kanyang katawan (tingnan sa D at T 84:33). Minsan hiniling niyang sumama ako sa kanya sa isang regional conference sa Paris, France. Inisip ng kanyang doktor na dapat tumagal ng ilang araw ang pagbiyahe dahil sa hirap na maidudulot nito sa katawan ni Itay, pero direkta kaming lumipad papunta sa Paris. Halos hindi ko maimulat ang aking mga mata, at si Itay ay buong siglang nangangasiwa sa mga pagpupulong, pag-iinterbyu, at pagtulong sa iba.
Sa pagwawakas ng kanyang buhay, madalas siyang dumanas ng matinding sakit. Hindi ko alam na makakayanan ng katawan ng tao ang gayon katinding sakit. “Itay,” tanong ko, “palagay ba ninyo talagang naghiyawan tayo sa galak na magkaroon ng katawang tulad nito?” Buong pananalig siyang sumagot, “Oo.” Pagkatapos ay nagbiro pa siya, “Ewan lang kung alam natin ang buong kuwento.”
Pagpapakita ng Kabaitan
Pinahalagahan ni itay ang kabaitan. Nagsasalita siya taglay ang moral na awtoridad ng isang mabait na tao. Kilala siya at iginalang ng mga kapitbahay, pamilya, kaibigan, kliyente, kasamahan sa trabaho, at mga miyembro ng Simbahan bilang isang mabait na tao.
Wala akong maalala na sa paglaki ko ay naging malupit siya sa akin o hindi siya naging mabait sa akin. Kahit na maaaring tama lang na tumanggap ako ng marahas na sagot, sa bawat sitwasyon siya ay nagturo sa halip na magparusa. Tinatalakay namin kung bakit mali ang ginawa ko at ano ang dapat kong gawin tungkol dito. Para sa akin, tumalab iyon—o ayon na rin sa maaaring asahan.
Ang aking ama ay naglingkod bilang bishop ng El Sereno Ward noong nagsisimula pa lang ang Simbahan sa Los Angeles, California, area. Pinag-uusapan pa rin ng mga miyembro ng ward ang kanyang kabaitan sa kanila at sa kanilang pamilya. Isang araw ng Linggo wala si Itay sa priesthood meeting. Inisip ng lahat kung ano kaya ang nangyari sa kanya. Kalaunan natuklasan nila na isa sa mga priest ang nahihirapang gumising sa tamang oras para dumalo sa pulong. Kaya buong kabaitang ginanap niya ang quorum meeting sa kuwarto ng priest.
Ang isa sa mga kaibigan ko noong hayskul ay isang pambihirang taong may malaking potensyal, pero nag-alala siya tungkol sa pagbalik sa kolehiyo pagkatapos niya ng freshman dahil sa gastos. Nalaman ni Itay ang problema niya at inanyayahan siya sa kanyang opisina. Pagkatapos nilang mag-usap, ibinigay niya sa kaibigan ko ang tseke na nagawa na niya kaya nakapag-enrol itong muli.
May isa pa akong kaibigan noong hayskul sa Pasadena Stake noong si Itay ang stake president. Nag-aaral noon ang kaibigan ko sa Brigham Young University. Habang nasa isang biyahe para kumatawan sa paaralan, nasangkot sa malubhang aksidente ang kaibigan ko at ginamot siya sa isang ospital sa Las Vegas, Nevada, USA. Nang malaman ni Itay ang kalagayan ng kaibigan ko, nagbiyahe si Itay gamit ang kanyang kotse sa layong 270 milya (435 km) mula Los Angeles hanggang Las Vegas para bisitahin at pakitaan ang kaibigan ko ng pagmamahal at palakasin ang loob nito.
Hindi ko alam kung ilang pagpapakita ng kabaitang tulad nito ang ginawa ni Itay. Hindi niya ikinuwento ang mga ito sa amin o kaninuman. Karaniwan ay hindi nagkukuwento ang mababait na tao.
Nalaman ko ang ilan sa mga gawang ito ng kabaitan dahil sa mga liham na itinago niya mula sa mga taong sumulat sa kanya para magpasalamat. Ang liham na ito ay halimbawa ng mga natanggap niya: “Dahil sa kawalang-pag-asa sumulat ako tungkol sa panganay na anak namin. … Nag-ukol ka ng oras at nagmalasakit na tawagan siya para kausapin, at ibinigay mo ang iyong personal telephone number. Nagulat siya at namangha na alam mong mahalaga siya. Ang pagtawag at personal na pagkausap na iyon ay talagang nagpabago sa kanyang buhay.” Pagkatapos ay nakasaad sa liham ang pagbalik nito sa Simbahan, ang pagkabuklod nito sa templo, at ang masaya at makabuluhang buhay nito. “Matapos basahin ang iyong pahayag [tungkol sa kabaitan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1994] napaluha ako nang malaman ko na matagal mo nang ginagawa ang hinihikayat mo ngayong gawin naming lahat.”
Ang Aking Ama, Isang Propeta ng Diyos
Nanalig si Itay kay Jesucristo. Pinadali niya para sa akin na manalig din kay Cristo. Nakita ko ang ginagawa ng isang taong nananalig kay Cristo at katulad Niya. Nadama ko ang kapayapaan at pag-asa at galak na bunga ng gayong uri ng pamumuhay.
Ngayon ang huling tanong: “Palagay mo ba ang iyong ama ay tunay na propeta ng Diyos?” Laging madali para sa akin na sagutin ang tanong na ito. Wala akong matandaang panahon sa buhay ng aking ama sa personal, sa pamilya, sa trabaho, o sa Simbahan na magiging dahilan para isipin kong hindi siya karapat-dapat. Ngunit kaiba iyan sa paniniwalang talagang tinawag siya bilang kinatawan ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak sa lupa. Nalaman ko na siya ay isang propeta ng Diyos, ngunit ang kaalamang iyan ay hindi dahil sa kilala ko siya, namasdan ko ang kanyang halimbawa, o naantig ako sa nakita kong ginawa at sinabi niya. Nakakatulong ang mga bagay na iyon. Ngunit ang kaalamang iyan ay ibinigay sa akin bilang kaloob ng maawaing Diyos na tumawag sa kanya.