2016
Si Moroni, Si Inay, at Isang Aral sa Buhay Ko
Enero 2016


Si Moroni, Si Inay, at Isang Aral sa Buhay Ko

Ang awtor ay naninirahan sa Singapore.

Ang aral na ito mula sa Aklat ni Mormon ay nagpaalam sa akin na hindi ako kailanman nag-iisa sa espirituwal.

Moroni (Book of Mormon prophet) kneeling beside a tree as he places the gold plates into a box. The box is lying in a hole dug into the ground. There are trees in the background.

Detalye mula sa Moroni Burying the Plates, ni Gary Ernest Smith

Maraming nagbago para sa akin noong mag-17 anyos ako. Kalilipat ko lang ng bagong eskuwelahan at nasa ikatlong taon na ako ng seminary. Hindi lamang iyan, may bago rin akong guro sa seminary: ang nanay ko.

Nabanggit ko ba na ako lang ang estudyante niya? Dahil isang oras ang biyahe sa tren papunta sa eskuwela mula sa tirahan namin, nagpasiya si Inay na turuan ako ng early-morning seminary sa bahay para hindi ako mahuli sa eskuwela. Mapalad akong maturuan niya araw-araw, pero medyo nakakanerbiyos din. Kailangan ko talagang magtuon habang nagtuturo siya, na mahirap gawin lalo na kapag alas-5:30 ng umaga.

Noong pinag-aaralan namin ang Aklat ni Mormon, nakarating kami sa aklat ni Moroni, isang propeta na talagang hinahangaan ko. Gayunman, noon ko pa ito itinatanong: Bakit nag-iisa si Moroni? Bakit hindi nagpadala ang Ama sa Langit ng taong makakasama niya? Bakit hindi siya nagreklamo nang iwanan siyang mag-isa ng Panginoon para tapusin ang Aklat ni Mormon?

Ipinaliwanag ng aking ina na dahil sa kanyang kabutihan at pananampalataya sa Ama sa Langit, alam ni Moroni na hindi siya nag-iisa. Naroon ang Ama sa Langit at si Jesucristo para tulungan siyang tapusin ang Aklat ni Mormon. Natanto ko na hindi kailangan ni Moroni na may makasama roon dahil alam niya na may isang tao na espirituwal na naroon, na nagbabantay sa kanya. Alam niya na hindi lalayo sa kanyang tabi ang Ama sa Langit kailanman.

Malaki ang naging epekto niyon sa akin. Alam ko na ngayon na tuwing maiisip ko na nag-iisa ako, hindi ako espirituwal na nag-iisa dahil kasama ko ang Espiritu Santo, na tumutulong sa akin na mas mapalapit sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo. Alam ko na hangga’t nananampalataya at nagtitiwala ako sa Panginoon, hindi ako mag-iisa kailanman.

Ang aral na ito ay nakaapekto sa aking pananampalataya at patotoo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Bagama’t kinabahan ako noon na mag-seminary sa bahay, nagpapasalamat ako ngayon dahil nagbigay ito sa akin ng magagandang karanasan sa pagkatuto sa piling ng aking ina.