2016
Mga Pagpapalang Bunga ng Patuloy na Paglakad
Enero 2016


Mga Pagpapalang Bunga ng Patuloy na Paglakad

Ang pamumuhay nang tapat bilang miyembro ng Simbahan ay nagdudulot ng kamangha-manghang mga pagpapala. Ngunit hindi ibig sabihin niyan na hindi magiging mahirap paminsan-minsan ang buhay. Ang mga tukso, mga kaibigang hindi totoo, at mga pagsubok ay ilan lamang sa mga ito. Maraming bagay ang susubok at hihila sa inyo palayo sa landas ng tipan.

Kaya ang tema ng Mutuwal sa taong ito na, “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20), ay naglalaman ng matinding mensahe. Kapag patuloy kayong naglakad nang may katatagan kay Cristo, nanatiling tapat sa inyong mga tipan, ang Diyos ay gagawa ng mga kagila-gilalas na bagay para sa inyo at sa pamamagitan ninyo. Tutulungan Niya kayo na sabay na madama ang pag-asa, kapanatagan at kapayapaan.

Ang bagay na ito ay naranasan ni Propetang Joseph Smith. Siya ay 14 na taong gulang pa lamang nang maranasan niya ang Unang Pangitain. Nang lumuhod siya para manalangin sa Sagradong Kakahuyan, siya ay sinunggaban ng isang hindi nakikita at napakalakas na kapangyarihan na nagtangkang gumapi sa kanya. Dahil ginamit niya ang kanyang buong lakas sa pagtawag sa Diyos, siya ay naligtas at dinalaw ng Ama at ng Anak.

Kalaunan, nang ikuwento ni Joseph ang kanyang karanasan, siya ay kinutya ng mga kaibigan at mga lokal na lider (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17, 21–26). Ang pang-uusig na iyon ay hindi tumigil at kalaunan ay nagbunga ng pagpatay sa kanya pagkaraan ng 24 na taon.

Ngunit si Joseph ay nagpatuloy sa paglakad nang may pag-asa, at masayang naglingkod sa Panginoon. Dahil nanatili siyang matatag kay Cristo at ginawa ang tama nang may pananampalataya, siya ay pinagpala at tinulungan ng Diyos. At ito rin ang gagawin Niya sa inyo.

Kaya’t magpatuloy sa paglakad. Mangakong ipamuhay ang ebanghelyo. Panatilihing nakatuon ang inyong mga mata sa Tagapagligtas. Magkaroon ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig ng Diyos at sa lahat ng tao.” “[Magpakabusog] sa salita ni Cristo.” Maglingkod sa ilalim ng pamamahala ng priesthood. Hangaring makamtan ang nais ng Diyos na kahinatnan ninyo.

Kapag nagpatuloy kayo sa paglakad, gumagawa at tumutupad ng tipan sa landas tungo sa buhay na walang hanggan, pinatototohanan namin sa inyo na makadarama kayo ng kaligayahan.