Paglilingkod sa Simbahan
Ipagdasal Mo Ito
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Matagal ko nang hinihiling sa Panginoon na ipakita sa akin kung paano maging mas mabuting ina, at binigyan Niya ako ng calling na magtuturo sa akin kung paano.
Sinabi ko sa bishop na mali ang taong tinawag niya.
“Ayaw ko sa mga anak ng ibang tao, hindi pa ako nakapagturo sa mga bata kahit kailan, at hindi ako marunong kumanta,” sabi ko.
“Sister Taylor,” sagot niya, “ginagawang marapat ng Panginoon ang sinumang tawagin Niya. Magiging mahusay ka.”
Hiniling niyang pag-isipan ko ang calling at ipaalam sa kanya sa susunod na Linggo kung tatanggapin ko ito.
“Sinisikap kong alagaan at palakihin ang isang anim-na-taong-gulang, isang tatlong-taong-gulang, at isang sanggol,” sabi ko. “Halos buong maghapon ko ay nakalaan na sa mga anak ko, at ngayon gusto pa ninyo akong dagdagan ng 40 at turuan sila ng musika?”
Sagot niya, “Ipagdasal mo ito.”
Nang hapong iyon sinikap kong ipaliwanag sa asawa kong si Mark kung bakit hindi magandang ideya ang calling na iyon. Paano ako makakatulong sa Primary samantalang ni hindi ako ang klase ng ina na gusto ko para sa sarili kong mga anak? Ilang buwan na akong nagagambala ng takot na bigo ako bilang isang ina.
Mabilis na lumipas ang buong linggo, ngunit laging sumasagi sa isipan ko ang huling sinabi ng bishop bago kami naghiwalay. Sa huli, Linggo ng umaga sa kuwarto ko, lumuhod ako sa panalangin. Nagsimulang tumulo ang luha sa aking pisngi, ngunit napuspos ng kapayapaan ang puso ko. Agad kong nalaman na tamang tanggapin ang calling. Sa pagtanggap sa kalooban ng Panginoon, napawi ang lahat ng pag-aalala sa puso ko.
Pagpasok ko sa silid ng Primary pagkatapos ng sacrament meeting, ipinakilala ako ng Primary president, at kumanta ang mga bata ng isang welcome song. Habang nakatingin ako sa kanilang mga matang puno ng pag-asam at nang makita ko ang ngiti ng aking anim-na-taong-gulang na anak, ipinasiya kong maging pinakamabuting Primary chorister.
Mula noon nag-ukol na ako ng maraming oras sa pag-aaral ng mga awitin at paghahanda ng mga aralin. Nagpatugtog ako ng mga awitin ng Primary sa bahay, sa kotse, at habang naglalakad. Nagsaliksik ako ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo at nag-ukol ng maraming oras bawat linggo sa paggawa ng mga poster at pag-iisip ng mga laro.
Habang naghahanda ako ng isang aralin para sa oras ng pagkanta isang hapon sa mesa sa kusina, inihimig ko ang awiting “Bisa ng Banal na Kasulatan.” Nakaupo ang aking anim-na-taong-gulang na anak sa mesa at kumakain ng sandwich, at naggugupit ng mga papel ang aking tatlong-taong-gulang na anak sa tabi ko. Nang ihimig ko ang koro, biglang bumulalas ang dalawang bata:
Maligtas sa pagkakasala.
Sa kapangyarihan ng salita.
Araw-araw ay kailangan
Bisa ng banal na kasulatan.1
Noon ko nalaman na ang calling ay sagot sa aking mga dalangin. Matagal ko nang hinihiling sa Panginoon na ipakita sa akin kung paano maging mas mabuting ina, at binigyan Niya ako ng calling na magtuturo sa akin kung paano nang magturo ako ng musika sa aking mga anak.
Labis akong nagpapasalamat sa inspirasyon ng aking bishop at sa kanyang magiliw na mga salita: “Ipagdasal mo ito.”