2016
Come Follow Me [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin]: Pagtuturo ng mga Pangunahing Alituntunin sa Tahanan
Enero 2016


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Pagtuturo ng mga Pangunahing Alituntunin sa Tahanan

Bahagi 1

Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang kurikulum tuwing Linggo para sa mga kabataan—Come, Follow Me [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin]—ay nagtuturo ng isang pangunahing doktrina ng ebanghelyo bawat buwan. Narito ang ilang paraan para matutuhan ang mga alituntuning iyon ng doktrina kasama ang inyong pamilya.

Family studying scriptures together in Cochabamba, Bolivia.

Sa kanilang family home evening, nagsimula ang ina sa pagtatanong sa kanyang dalawang anak, “Kailan ninyo nadama ang patnubay ng Espiritu?”

Nagreklamo ang kanyang 17-taong-gulang na anak na babae, “Tatlong lesson na po ang naibigay ko tungkol sa Espiritu sa buwang ito.”

“Mabuti, at marami kang maiaambag,” ang sagot ng kanyang tatay. Namayani ang katahimikan habang matiyagang naghihintay sina Inay at Itay sa isasagot ng mga anak sa tanong.

Sa huli, ikinuwento ng 14 anyos na anak na lalaki ang nangyari sa paaralan nang araw na iyon.

“Tama,” sagot ng kanyang ina, “naalala ko ang pagsunod ni Nephi sa Espiritu nang hindi niya malaman kung paano makukuha ang mga lamina kay Laban.”

Nagkuwento naman ang kanyang anak na babae kung paano niya sinunod ang inspirasyon na kausapin ang isang malungkot na batang babae sa bus. Pinuri ng ama ang ginawa niya at nagkuwento ito ng karanasan niya sa trabaho.

Tinapos nila ang talakayan sa pagkanta ng “Banal na Espiritu” (Mga Himno, blg. 85).

Ang simpleng pamamaraan ng pagtuturo—pagbabahagi ng karanasan tungkol sa doktrinang ito—ay nagdulot ng tagumpay sa family home evening na ito.

Ang artikulong ito ay nagbibigay ng mga halimbawang nangyari sa tunay na buhay kung paano natutuhan ng mga tao ang mga alituntunin sa kurikulum ng mga kabataan tuwing Linggo, na inayos ayon sa buwan. Mangyari pa, hindi lamang ang mga halimbawang ito ang paraan para matutuhan ang tungkol sa mga doktrinang ito. Maaari kayong maghangad ng inspirasyon para sa mga pangangailangan ng inyong pamilya.

Enero Ang Panguluhang Diyos

Ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos—ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo—ay tatlong magkakahiwalay na personahe ngunit iisa sa layunin at kaluwalhatian.

Isang dalagita ang nagkuwento ng natutuhan niya tungkol sa Panguluhang Diyos: “Mahalaga sa akin na ang aking Ama sa Langit, aking Tagapagligtas, at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay na Nilalang na maaari kong makilala nang isa-isa pero sinusunod ko pa rin Silang lahat. Nagpapasalamat ako at nalaman ko na maaari akong maging katulad ng Diyos dahil ang Panguluhang Diyos ay hindi isang di-malinaw at di-maunawaang nilalang kundi mga banal na Nilalang na nagmamahal, nagpapala, pumapatnubay, at nakakakilala sa akin.”

Para maituro ang doktrinang ito, maaari ninyong subukang talakayin ang mga tanong gaya ng, “Ano ang matututuhan natin mula sa Panguluhang Diyos tungkol sa pagtutulungan nang may pagkakaisa?” o “Paano natin mapapatibay ang ating pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng Panguluhang Diyos?”

Ang pagkumpara sa Juan 10:30 at Doktrina at mga Tipan 50:43 ay maaaring humantong sa magandang talakayan at magbigay ng mga ideya tungkol sa pagkakaisa.

Pebrero Ang Plano ng Kaligtasan

Sinasagot ng plano ng kaligtasan ang pinakapangunahing tanong ng tao, tulad ng, “Sino ako?” at “Ano ang layunin ng buhay?” Ang pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ay maaaring maging mabisang paraan para malaman ang tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama.

Halimbawa, isang binatilyo ang nagsimula sa pag-aaral niya ng mga banal na kasulatan sa pagtatanong ng, “Ano ang kaibhan ng mga katangian ng Diyos sa mga katangiang taglay ko sa premortal na buhay? sa taglay ko ngayon? sa katangiang sana ay taglay ko sa kabilang-buhay?” Isinulat niya ang mga sagot sa mga tanong na ito nang matagpuan niya ang mga ito sa mga banal na kasulatan at ginamit ang mga ito upang maituro sa iba ang tungkol sa plano ng kaligtasan.

Ano ang mga tanong ng inyong mga anak tungkol sa plano ng kaligtasan?

Marso Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Paano natin nalaman ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pag-asam ng ating Tagapagligtas na gagamitin natin ang Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay?

Dahil lahat tayo ay nakakaranas ng lungkot, nagkakamali, at nangangailangan ng lakas, kailangan nating lahat na mas maunawaan at gamitin ang Pagbabayad-sala. Isang Young Women adviser ang gumamit ng video upang tulungan ang kanyang klase na lalo pang maunawaan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Narito ang karanasan ng isang dalagita:

“Pinapanood namin ang ‘None Were with Him’ (video, LDS.org). Habang tumutugtog ng malungkot na himig ang plauta, sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na, ‘Isa sa mga napakalaking kasiyahan sa panahong ito ng Paskua ay dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo, at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon.’

“Nakadama ako ng hiya sa pangangailangan sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, pero dahil nadama ko nang matindi ang Espiritu, pakiramdam ko ay pinawi ng pag-asang dulot ng Kanyang Pagbabayad-sala ang aking kasalanan. Ibinigay ng Panginoon ang Kanyang buhay para sa akin; hindi Niya pinagsisihan ito, at gayon din naman ako.”

Dahil ang Pagbabayad-sala ang pinakadakilang kaganapan sa ating kaligtasan, kailangan nating ituro at matutuhan ito nang may patnubay ng Espiritu Santo. Marahil mahihikayat kayong talakayin ang mga banal na kasulatan o ang mga patotoo ng apostol gaya ng “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” (Liahona, Abr. 2000, 2). Isiping talakayin ang tanong na gaya ng, “Kailan ninyo nadama ang nagpapagaling, nagpapalakas, o mapagtubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala?”

Abril Dispensasyon, Apostasiya, at Panunumbalik

Cups stacked in a pyramid.

Larawan ng mga plastic cup © moodboard/Thinkstock

Ang pag-aaral ng tungkol sa apostasiya—pagtalikod sa tunay na ebanghelyo—ay tumutulong sa atin na maunawaan na kailangan ang panunumbalik ng ebanghelyo, priesthood, at ng Simbahan ni Jesucristo.

Ang kasunod na object lesson ay nakatulong sa ilang missionary na maituro sa investigator ang tungkol sa Apostasiya at Panunumbalik.

“Gumamit kami ng kompanyon ko ng mga plastic cup na may label ng mga bahagi ng totoong Simbahan, pinagpatung-patong ito para makabuo ng isang pyramid habang nagpapaliwanag kung paano itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan.

“Pagkatapos ay ipinaliwanag namin ang Apostasiya habang tinatanggal ang mga plastic cup na kumakatawan sa mga Apostol at minasdan ang pagbagsak ng buong istruktura. Habang ipinapaliwanag naman namin ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, muli naming itinayo ang tore, ipinapakita na itinatag ang Simbahan sa panahong ito sa gayon ding paraan kung paano ito orihinal na itinatag ni Cristo.

“Sa unang pagkakataon, nakaunawa ang lalaking ito. Sa wakas ang Panunumbalik ay nagkaroon ng kahulugan sa kanya nang maunawaan niya kung bakit kailangan ito.”

Maraming iba pang paraan para mailarawan ang cycle ng dispensasyon, apostasiya, at panunumbalik. Maaari ninyong basahin ang mga talata sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga paksang ito at sundin ang pahiwatig ng Espiritu para makagawa ng sarili ninyong representasyon ng inyong natutuhan (halimbawa, tingnan sa, Amos 8:11–12; 1 Nephi 13; D at T 136:36–38; Moises 5:55–59).

Mayo Mga Propeta at Paghahayag

Nais ng Panginoon na makipag-ugnayan sa atin. Natatanggap natin ang Kanyang patnubay sa ating buhay sa pamamagitan ng paghahayag na ibinibigay Niya sa Kanyang mga propeta at sa atin mismo.

Kadalasan mas nauunawaan natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo kung ihahalintulad natin ang mga ito sa mga bagay at karanasan sa buhay araw-araw. Ikinuwento ng isang dalagita kung paano nakatulong sa kanya ang paghahalintulad para mahiwatigan ang paghahayag:

“Nalaman ko ang tungkol sa paghahayag sa pamamagitan ng isang makabagong propeta. Si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita tungkol sa diwa ng paghahayag at ipinaliwanag ito sa pamamagitan ng paghahalintulad nito sa liwanag. Paminsan-minsan, ang paghahayag ay biglaan at malinaw tulad ng pagbukas ng ilaw sa madilim na silid. Karaniwan, ito ay unti-unting dumarating katulad ng papasikat na araw na patuloy na nagliliwanag. Kadalasan, sabi ni Elder Bednar, ang paghahayag ay katulad ng liwanag sa maulap na araw. ‘Makakakita kayo ng sapat na liwanag upang … makahakbang palabas sa kaulapan’ (sa “Patterns of Light: Spirit of Revelation” [video], LDS.org). Ang metapora o paghahalintulad na ito, bagama’t simple, ay naging mas makabuluhan sa akin dahil natanto ko na maaaring makatanggap ng paghahayag kung pagtutuunan kong mahiwatigan ito.”

Kapag pinag-ukulan natin ng oras na pag-aralan ang mga metapora, talinghaga, at simbolo, ang pag-unawa natin sa doktrina ay patuloy na madaragdagan. Ang mga pamamaraang ito sa pagtuturo ay tutulong sa atin na lalo pang matuto kapag tinulutan natin ang Espiritu na magpahayag sa atin ng mga bagong pananaw.

Hunyo Ang Priesthood at mga Susi ng Priesthood

Statue depicting the restoration of the Melchizedek Priesthood.  Temple Square in Salt Lake City, Utah.

Ang priesthood ay mahalagang paksa para sa lahat. Ito ay kapangyarihan ng Diyos at mapagpapala tayong lahat. Bawat isa sa atin ay may mahalagang papel na gagampanan sa gawain ng priesthood.

May mga taong hindi pamilyar sa mga tungkulin, katungkulan, at kasaysayan ng priesthood. Ang pagbibigay ng quiz ay maaaring maging masayang paraan para malaman ang mga ito.

Depende sa gusto ninyong matutuhan, maaari ninyong gamitin ang ilan sa sumusunod na mga tanong at anyayahan ang inyong mga anak na hanapin ang sagot sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga makabagong propeta.

  • Ano ang mga katungkulan at tungkulin ng Aaronic Priesthood? ng Melchizedek Priesthood?

  • Ano ang mga susi ng priesthood? Sino ang mayhawak sa mga ito? Bakit mahalaga ang mga susi?

  • Ano ang pagkakaiba ng katungkulan, awtoridad at kapangyarihan ng priesthood?

  • Paano pinagpapala ng priesthood ang kalalakihan at kababaihan?

Ang mga sagot ay matatagpuan sa mga sangguniang aklat tulad ng Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (2009) at Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2004) at sa mga banal na kasulatan tulad ng Doktrina at mga Tipan 13, 20, at 107.

Ang sagot sa huling tanong na, “Paano pinagpapala ng priesthood ang kalalakihan at kababaihan?” ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan ngunit higit sa lahat pag-isipang mabuti kung paano personal na nakakaapekto ang doktrinang ito sa atin.