2016
Ang Bahaging para sa Atin
Enero 2016


Ang Bahaging para sa Atin

Pagtanggap ng Aking Medalyon sa Young Women

Illustration of a Young Women medallion.

Itaas kaliwa at kanan: mga paglalarawan ni David Malan

Napakasaya ko dahil natanggap ko na ang aking Young Womanhood Recognition. Ipinagmamalaki kong sabihin na napanatili kong dalisay at malinis ang aking sarili at na maisusuot ko nang may pagmamalaki ang aking medalyon. “Isang mabait na babae sinong makakasumpong? Sapagka’t ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi” (Mga Kawikaan 31:10).

Ang organisasyon ng Young Women ay napakaganda. Tinutulungan nito ang mga kabataang babae na umunlad at ihanda ang kanilang sarili na makasal sa banal na templo. Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit para sa organisasyong ito. Sa pagkakamit ng medalyon, nakamtan ko na ang isa sa mga mithiin ko sa buhay, at alam ko na maaari akong magpatuloy sa paggawa ng maraming kabutihan sa gawain ng Panginoon.

Katherine Moreno, Venezuela

Ang Ating mga Talento ay Magagawang Mas Maganda ang Mundo

artwork by a young woman for a Personal Progress award

Sa tulong ng aking ina at kapatid, ipininta ko ang banner na ito para sa Relief Society sports festival na idinaos sa stake namin. Inirekomenda ako ng aking ina sa Relief Society president, na humiling sa akin na gawan ko sila ng banner. Pinagbigyan ko ang hiling nila at nagsimula akong gumawa ng krokis. Sa pagtutulungan naming magpapamilya, nakagawa kami ng magandang likhang-sining na naglalarawan sa temang, “Makasumpong ng Karangalan sa Pagiging Ina at Kagalakan sa Pagiging Babae.”

Alam ko na kung gagamitin natin ang ating mga talento sa paglilingkod sa ibang tao, hindi lamang natin sila pinasasaya kundi pinauunlad din natin ang ating sariling mga kakayahan. Pinagpapala ng Panginoon ang mga gumagamit ng mga kaloob na nagmula sa Kanya para itayo ang Kanyang kaharian. Tulad ng itinuturo ng talinghaga ng mga talento, kung hindi natin ibabahagi ang ating mga kaloob sa iba, nawawala sa atin ang mga kaloob na iyon (tingnan sa Mateo 25:24–29). Pero kung gagamitin natin ang ating mga talento para sa kabutihan, magagawa nating mas magandang lugar ang mundo.

Vanessa Pamittan, Philippines

Ano ang Matututuhan Mo mula sa Tungkulin sa Diyos

Ang aktibong pakikilahok sa mga aktibidad sa Pagtupad ng Aking Tungkulin sa Diyos ay nangangailangan ng iyong buong puso, katapatan, lakas, at higit sa lahat, pananampalataya. Ang tungkulin sa Diyos ay talagang inspirasyon mula sa langit.

Bilang binatilyo, matututo ka ng kagila-gilalas na mga bagay na magagamit mo habang ikaw ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga mithiin sa Tungkulin sa Diyos: espirituwal, temporal, pisikal, at marami pang iba.

Masasabi ko na sulit ang pagsisikap na ituon ang iyong sarili sa pagkumpleto ng mga mithiing ito. Natuto akong maging mas mabuting tao, lumakas ang patotoo ko sa ebanghelyo ni Jesucristo, at mas naihanda ko ang aking sarili sa pagtanggap ng Melchizedek Priesthood. Nakakatuwang malaman na magiging mabuting halimbawa ako sa aking magiging mga anak dahil naisagawa ko ang maganda at mahalagang mithiing ito.

Jonathan Argüello, Venezuela

Ang Pagmimisyon ay Higit Pa sa Inaasahan

illustration of missionaries studying

Itaas kaliwa at kanan: mga paglalarawan ni David Malan

Noong binatilyo pa ako, inasam ko ang araw na makapaglingkod ako sa full-time mission. Noong nasa mission field na ako, natuklasan ko na ang pagiging missionary ay hindi tulad ng inaasahan ko—mas maganda pala iyon. Mas mahirap iyon kaysa inakala ko, pero ang kasiyahang nagmula sa paggawa ng iniutos sa akin ng Panginoon ay hindi ko kayang ilarawan.

Noon ko lang naranasan ang galak na tulungan ang isang tao na magsimba. Noon ko lang nadama ang tuwa na mapakinggan ang isang tao na sabihing, “Sige, tuloy kayo” para marinig nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Noon ko lang nadama ang katunayan ng kapangyarihang dumating nang ipangaral namin ang pagsisisi. Noon lang ako nagdasal nang may napakatinding layunin. Noon lang napakabilis na lumipas ang isang oras na pag-aaral ng banal na kasulatan. Noon lang ako naluha nang mapagtanto ko ang aking mga kamalian. Noon lang ako nakadama ng lungkot na masabihang, “Elders, huwag na kayong pumunta sa bahay ko.” Noon lang ako nagkaroon ng paltos na singlaki ng hinlalaki ko. Noon ko lang nadama na protektado ako. Noon ko lang nadama na napakalaki ng responsibilidad ko sa mga ikinikilos ko dahil may nakasulat na pangalang “Jesucristo” sa dibdib ko.

Noon ko lang nadama na napakalapit ko sa Ama sa Langit nang magmisyon ako nang full-time.

Nahuel Cabranes, Peru