2016
Paano Magpatuloy sa Paglakad
Enero 2016


Mga Sagot mula sa mga Lider ng Simbahan

Paano Magpatuloy sa Paglakad

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Disyembre 14, 2013.

Christ carrying a young boy on His back.

Detalye mula sa Hold On Tight, ni Liz Lemon Swindle

Ang magpatuloy sa paglakad ay hindi lamang nagpapahiwatig ng simpleng pagsulong. Ang magpatuloy ay nagpapahiwatig na may isang bagay na humahadlang sa inyong pagsulong, at kailangan mo itong malagpasan. Para makapagpatuloy sa buhay na ito, kailangan ninyong iwaksi ang mga tukso, lagpasan ang mga hadlang, daigin ang pag-aalinlangan at takot, at magtaglay ng mabubuting katangian ng pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal.

Paano kayo magpapatuloy sa paglakad? Sagot ni Nephi, “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20).

Ang ibig sabihin ng patuloy na paglakad nang may katatagan kay Cristo ay pagsampalataya sa Kanya. Ang ibig sabihin nito ay Siya ang gawin ninyong sentro ng inyong mga iniisip at ginagawa. Kapag Siya ang sinusunod ninyo, nagiging napakagandang pakikipagsapalaran ang magpatuloy sa paglakad.

Ang ibig sabihin ng magpatuloy sa paglakad ay pagwawaksi sa “mga tukso at alalahanin” ng mundo at pagsunod sa mga kautusan nang may kahustuhan. “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15).

Idinagdag pa ni Nephi na sa katatagan natin kay Cristo nagmumula ang ganap na kaliwanagan ng pag-asa at pagmamahal sa Diyos at sa lahat ng tao. May pag-asa tayong makikita. Mapapayapa tayo sa kabila ng mga paghihirap. Ang pagiging disipulo ay tinutulutan tayong makita ang ating tunay na mga layunin sa lupa. Ang mga layuning iyon ay nakatuon sa pagtulong sa ating pamilya, sa ating mga minamahal, at sa mga nasa paligid natin. Kabilang dito ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos, at kapag ginawa natin ito, nararating natin ang dapat nating kahinatnan.

Sinabi sa atin ni Nephi na dapat tayong magpatuloy sa paglakad, na nagpapakabusog sa mga salita ni Cristo. Sinabi niya sa atin na sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, maaari tayong magsalita (at makaunawa) sa wika ng mga anghel (tingnan sa 2 Nephi 32:2–5). Kilala ko ang tinig na ito. Ito ay isang tinig na kailangang patuloy nating handang pakinggan.

Habang matwid kayong nagpapatuloy sa paglakad, “aakayin” kayo ni Jesucristo (D at T 78:18) at malalaman ninyo nang may higit na katiyakan na Siya ay nariyan at mahal Niya kayo. Kapag patuloy kayong lumakad nang may pananampalataya, sasabihin at ipapakita sa inyo ng Espiritu Santo ang mga bagay na dapat ninyong gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5).