Mensahe ng Unang Panguluhan
Kaligayahan para sa mga Mahal Natin sa Buhay
Gusto nating lahat na lumigaya ang mga mahal natin sa buhay, at nais nating huwag silang masaktan hangga’t maaari. Kapag binasa natin ang mga kuwento ng kaligayahan—at ng pasakit—sa Aklat ni Mormon, naaantig ang ating damdamin kapag naiisip natin ang mga mahal natin sa buhay. Narito ang isang tunay na kuwento tungkol sa isang panahon ng kaligayahan:
“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.
“At walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan, ni pagpapatutot, ni pagsisinungaling, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.”
Pagkatapos ay mababasa natin:
“O labis silang pinagpala! Sapagkat pinagpala sila ng Panginoon sa lahat ng kanilang mga gawain; oo, maging sila ay pinagpala at pinaunlad hanggang sa ang isandaan at sampung taon ay nakalipas; at ang unang salinlahi mula kay Cristo ay pumanaw, at hindi nagkaroon ng alitan sa buong lupain” (4 Nephi 1:15–16, 18).
Ipinagdarasal at pinagsisikapan ng mapagmahal na mga disipulo ni Cristo ang gayong pagpapala para sa iba at para sa kanilang sarili. Mula sa mga salaysay sa Aklat ni Mormon at, para sa marami sa atin, mula sa sarili nating karanasan, alam natin na ang kaloob na kaligayahan ay kayang abutin. Alam natin na ang landas tungo sa kaligayahan ay may malinaw na tanda. Alam dinnatin na hindi madaling manatiling maligaya maliban, tulad ng mga Nephita matapos dumalaw ang Tagapagligtas, kung “ang pag-ibig sa Diyos” ay nananahan sa ating puso.
Ang pag-ibig na iyon ay nasa puso ng mga Nephita dahil sinunod nila ang batas na naging dahilan para maging posible ito. Isang buod ng batas na iyan ang matatagpuan sa mga panalangin sa sakramento, na nagsisimula sa taos-pusong pagsamo sa ating mapagmahal na Ama sa Langit. Nagdarasal tayo na puspos ng pananampalataya sa puso, at may matinding pagmamahal, sa ating personal na Tagapagligtas. Nangangako tayo nang may tunay na layunin na taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan, na alalahanin Siya, at sundin ang lahat ng Kanyang kautusan. Sa huli, sumasampalataya tayo na ang Espiritu Santo, ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, ay lalagi sa atin, na nagpapatotoo sa ating puso tungkol sa Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. (Tingnan sa D at T 20:77, 79.)
Sa patnubay ng Espiritu Santo, maaaring magbago ang ating puso kaya gusto at tinatanggap natin ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo. Simple lang ang paraan para madama sa ating puso ang pag-ibig ng Diyos, katulad ng paraan para mawala ang damdamin ng pagmamahal na iyan sa ating puso. Halimbawa, maaaring piliin ng isang tao na huwag dalasan ang pagdarasal sa Ama sa Langit o huwag magbayad ng buong ikapu o tumigil sa pagpapakabusog sa salita ng Diyos o balewalain ang mga maralita at nangangailangan.
Anumang pagpiling huwag sundin ang mga utos ng Panginoon ay maaaring maging dahilan para umalis ang Espiritu sa ating puso. Sa pagkawalang iyon, napapawi ang kaligayahan.
Ang kaligayahang nais natin para sa mga mahal natin sa buhay ay nakasalalay sa kanilang mga pagpili. Kahit mahal natin ang isang bata, isang investigator, o ang ating mga kaibigan, hindi natin sila mapipilit na sundin ang mga kautusan para maging marapat na antigin at baguhin ng Espiritu Santo ang kanilang puso.
Kaya ang pinakamagandang tulong na maibibigay natin ay ang anumang aakay sa mga mahal natin sa buhay na ingatan ang sarili nilang mga pagpili. Ginawa ito ni Alma sa isang paanyayang maaari ninyong ibigay:
“Kayo ay magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Panginoon, at manawagan sa kanyang banal na pangalan, at magbantay at patuloy na manalangin, upang kayo ay hindi matukso nang higit sa inyong makakaya, at sa gayon ay akayin ng Banal na Espiritu, magiging mapagpakumbaba, maamo, masunurin, mapagtiis, puspos ng pag-ibig at mahabang pagtitiis;
“May pananampalataya sa Panginoon; may pag-asa na kayo ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan; may pag-ibig sa Diyos tuwina sa inyong mga puso, upang kayo ay dakilain sa huling araw at makapasok sa kanyang kapahingahan” (Alma 13:28–29).
Dalangin ko na nawa’y tanggapin ng mga mahal ninyo sa buhay ang inspiradong paanyaya na piliin ang landas tungo sa walang-hanggang kaligayahan.