Sapat Na Ba ang Pag-aaral Ko?
Angie Nicholas, Texas, USA
Tapat akong nagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw mula noong tinedyer pa ako. Maging sa mga gabing mahihiga na ako dahil sa pagod pero kapag natanto kong hindi pa ako nagbasa sa araw na iyon, kukunin ko ito at magbabasa ng ilang talata.
Dalawang taon na ang nakararaan hinilingan akong magturo ng Lumang Tipan sa early-morning seminary. Mas hindi ako pamilyar sa Lumang Tipan kaysa iba pang aklat ng banal na kasulatan, kaya may mga araw na tatlo hanggang apat na oras akong nag-aaral at naghahanda ng aking mga lesson. Dahil maraming oras ang inukol ko sa pag-aaral ng Biblia at paghahayag sa mga huling araw, nahinto ako sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw. Nagbabasa kami nito ng pamilya ko tuwing gabi, at paminsan-minsan ginagamit ko itong cross-reference, kaya parang sapat na ang araw-araw kong pag-aaral ng ebanghelyo.
Sa kalagitnaan ng school year noong Enero, inanyayahan ng aming stake president ang buong stake na magbasa ng isang kabanata sa Aklat ni Mormon araw-araw. Bagama’t inisip ko kung paano ko maisisingit ito dahil sa puspusan kong pag-aaral para sa seminary, nagpasiya akong tanggapin ang paanyayang iyon. Kailangan kong gawin ito hindi lamang para mapalakas ang aking sarili kundi para magpakita ng halimbawa sa aking mga anak at mga estudyante.
Mula sa sandaling iyon nagbabasa ako ng isang kabanata sa Aklat ni Mormon kada araw bago ako maghanda ng aking seminary lesson o bago matulog. Ang diwa at lakas na hindi ko namalayang nawala ay muling bumalik sa buhay ko. Ang mga seminary lesson ko, na pinag-aaralan kong mabuti, ay lalo ko pang naunawaan. Ang mga bahagi sa Lumang Tipan na mahirap maunawaan ay naging mas malinaw. Natanto ko rin na mas naunawaan ko ang Aklat ni Mormon dahil pinag-aralan kong mabuti ang tungkol sa mga propeta at batas ni Moises.
Ang pambungad sa Aklat ni Mormon ay naglalaman ng pahayag na ito mula kay Propetang Joseph Smith: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”
Pinagkakaisa ng Aklat ni Mormon ang lahat ng bahagi ng ebanghelyo at naglalaman ng malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa plano ng kaligtasan. Nakakatulong ito na maging makabuluhan ang iba pang bagay sa buhay ko. Nagpapasalamat ako na naging bahagi ang Aklat ni Mormon ng araw-araw kong pamumuhay.