Taludtod sa Taludtod
2 Nephi 31:20
Ang tema ng Mutual sa taong ito ay tumutulong sa atin na malaman kung paano tayo makasusulong habang naninindigan.
Magtiis hanggang wakas
“Ang pagsubok sa atin ng mapagmahal na Diyos ay hindi upang malaman kung matitiis natin ang hirap. Ito ay upang malaman kung matitiis natin ito nang husto. Nalalampasan natin ang pagsubok sa pagpapakita na naaalala natin Siya at ang mga utos Niya sa atin.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Sa Lakas ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2004, 17.
Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pinangakuan tayo ng Ama ng buhay na walang hanggan—upang maging katulad Niya—kung gagawin natin ang ilang bagay. Narito ang ilang talata sa banal na kasulatan na bumabanggit sa ilan sa mga bagay na iyon:
Pagpapakabusog sa salita ni Cristo
“Ang magpakabusog ay hindi lamang tumikim. Ang ibig sabihin ng magpakabusog ay namnamin. Ninanamnam natin ang mga banal na kasulatan kapag pinag-aralan natin ito nang may galak sa ating matutuklasan at matapat na pagsunod. Kapag tayo ay nagpakabusog sa mga salita ni Cristo, ang mga ito … ay nagiging mahalagang bahagi ng ating likas na pagkatao.”
Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Living by Scriptural Guidance,” Ensign, Nob. 2000, 17.
Pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao
Ang “pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” ay sumasaklaw sa dalawang dakilang utos (tingnan sa Mateo 22:37–40). Ang iba pang tawag sa ganitong uri ng pag-ibig ay pag-ibig sa kapwa, o ang dalisay na pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:47).
Ganap na kaliwanagan ng pag-asa
“Hinahayaan tayo ng malamlam na pag-asa na madaig ng ating mga niloloob at ng mga pangyayari sa buhay, samantalang ang ‘kaliwanagan ng pag-asa’ ay nagpapaningning sa mga indibiduwal. Ang kanilang ningning ay nakikita, at nakikita rin ang mga bagay-bagay dahil dito! … Kung minsan sa pinakamatinding kadiliman walang makitang liwanag [ng pag-asa]—mayroon lamang liwanag ng kalooban para gumabay at muling magbigay ng katiyakan.”
Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol “Brightness of Hope,” Ensign, Nob. 1994, 35.
Magpatuloy sa paglakad
Ano ang kailangan ninyong gawin habang patuloy kayong naglalakad sa landas tungo sa buhay na walang hanggan? Basahin ang ginawa ng mga tao sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 8:30). May maiisip ba kayong iba pang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan?
Katatagan kay Cristo
Ang ibig sabihin ng katatagan ay manindigan, hindi matinag. Ang katatagan kay Cristo ay nangangahulugan ng matibay na pananampalataya sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga kautusan, kabilang na ang pagtanggap ng mga ordenansa at paggawa at pagtupad ng mga tipan.