2010–2019
Sapat na ba ang Kabutihan Ko? Magiging Karapat-dapat ba Ako?
Oktubre 2016


9:51

Sapat na ba ang Kabutihan Ko? Magiging Karapat-dapat ba Ako?

Kung kayo ay talagang magsisikap at hindi pangangatwiranan ang mali o maghihimagsik—patuloy na magsisisi at sasamo ng biyaya—tiyak na magiging “sapat ang kabutihan” ninyo.

Mahal kong mga kapatid, isang malaking pagpapala ang magkasama-sama tayo ngayon para maturuan ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Hindi ba’t napakaganda na maraming paraan ang Ama sa Langit para gabayan at pagpalain tayo? Talagang gusto Niya na makabalik tayo sa piling Niya.

Dahil sa awa ng Panginoon na ipinagkaloob sa akin noong ako ay bata pang doktor na katatapos lang sa kursong medisina, natanggap ako sa pediatric residency training sa isang matindihan at napakagandang program. Nang makilala ko ang iba pang mga intern, pakiramdam ko ay ako ang pinakawalang alam at pinakahindi handa sa aming lahat. Inisip ko na hindi ako makakasabay sa husay ng mga kagrupo ko.

Sa ikatlong buwan namin, nakaupo ako sa nurse’s station sa ospital isang hating-gabi, humihikbi at inaantok habang pinipilit kong maisulat ang admission order para sa batang lalaki na may pulmonya. Noon lang ako nakaramdam ng sobrang panghihina ng loob. Hindi ko alam kung paano gumamot ng pulmonya sa isang 10-taong gulang. Inisip ko kung ano ba ang ginagawa ko roon.

Sa sandaling iyon, inakbayan ako ng isa sa mga senior resident. Kinumusta niya ako, at sinabi ko ang lahat ng alalahanin at takot ko. Nabago ang buhay ko dahil sa sinabi niya. Sinabi niya kung gaano nila ako ipinagmamalaki ng lahat ng iba pang mga senior resident at naniniwala sila na ako ay magiging isang mahusay na doktor. Sa madaling salita, nagtiwala siya sa akin sa panahon na ako mismo ay walang tiwala sa aking sarili.

Tulad ng naranasan ko, madalas na nagtatanong ang ating mga miyembro, “Sapat ba ang kabutihan ko?” o “Makakapunta ba talaga ako sa kahariang selestiyal?” Siyempre, wala naman talagang “magiging sapat na karapat-dapat.” Wala ni isa sa atin ang “magtatamo” o “magiging karapat-dapat” sa ating kaligtasan, ngunit natural lang na magtanong kung katanggap-tanggap tayo sa harapan ng Panginoon, na siyang pagkaunawa ko sa mga tanong na ito.

Minsan kapag nagsisimba tayo, nawawalan tayo ng gana kahit na taos-puso tayong hinihikayat na mas magpakabuti. Iniisip natin, “Hindi ko magagawa ang lahat ng ito” o “Hindi ako magiging kasing-husay o kasing-buti ng mga taong ito.” Marahil pareho tayo ng naramdaman nang gabing iyon sa ospital.

Nakikiusap ako, mahal kong mga kapatid, na itigil na natin ang pagkumpara sa ating sarili sa iba. Pinapahirapan natin ang ating sarili sa walang kabuluhang pakikipagpaligsahan at pagkukumpara. Hinuhusgahan natin ang ating sarili batay sa mga bagay na ginagawa natin o sa mga bagay na wala tayo at sa mga opinyon ng iba. Kung dapat tayong magkumpara, ikumpara natin ang ating sarili kung ano tayo noon sa kung ano tayo ngayon—at alamin kung ano ang gusto nating kahinatnan sa hinaharap. Ang opinyon na tanging mahalaga sa atin ay ang iniisip sa atin ng ating Ama sa Langit. Mangyaring taimtim na itanong sa Kanya kung ano ang iniisip Niya tungkol sa atin. Tayo ay itatama niya ngunit hindi kailanman kukutyain; ang pangungutya ay taktika ni Satanas.

Sasabihin ko ito nang simple at malinaw. Ang mga sagot sa mga tanong na “Sapat na ba ang kabutihan ko?” at “Magiging karapat-dapat ba ako” ay “Oo! Sapat ang kabutihan mo” at “Oo, magiging karapat-dapat ka hangga’t ikaw ay nagsisisi at hindi pinangangatwiranan ang pagkakamali mo at hindi ka mapanghimagsik.” Ang Diyos ng langit ay hindi isang walang-pusong referee na naghahanap ng anumang dahilan para matanggal tayo sa laro. Siya ang ating lubos na mapagmahal na Ama, na ang higit na inaasam ay ang makabalik sa Kanyang piling ang lahat ng Kanyang mga anak at makasama Niya bilang mga walang-hanggang pamilya. Tunay ngang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang huwag tayong mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan!1 Nawa’y maniwala kayo, at nawa’y umasa at mapanatag kayo sa walang hanggang katotohanang iyan. Nais ng Ama sa Langit na makamit natin ito! Iyan ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian.2

Gustung-gusto ko ang paraan ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa pagtuturo ng alituntuning ito. Narinig kong sinabi niya sa ilang pagkakataon, “Mga kapatid, ang tanging inaasahan sa atin ng Panginoon ay magsikap, ngunit dapat na totoong magsikap kayo!”3

Ang “totoong pagsisikap” ay paggawa ng lahat ng makakaya natin, alamin kung alin ang dapat nating pagbutihin, at magsikap na muli. Sa paulit-ulit na paggawa nito, mas mapapalapit tayo sa Panginoon; mas madarama natin ang Kanyang Espiritu,4 at mas makatatanggap tayo ng Kanyang biyaya, o tulong.5

Minsan ay naiisip ko na hindi natin nakikita kung gaano katindi ang pagnanais ng Panginoon na tulungan tayo. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Elder David A. Bednar:

“Malinaw na nauunawaan ng marami sa atin na ang Pagbabayad-sala ay para sa mga makasalanan. Gayuman, hindi ako gaanong nakatitiyak na alam at nauunawaan natin na ang Pagbabayad-sala ay para din sa mga banal. …

“… Ang Pagbabayad-sala ay tumutulong sa atin upang madaig at maiwasan ang masama at gawin ang mabuti at maging mabuti. …

“‘… Sa pamamagitan … ng biyaya ng Panginoon, ang bawat tao … ay makatatanggap ng lakas at tulong na gumawa nang mabuti na hindi nila magagawa sa sariling kakayahan lamang nila. … Ang biyayang ito ay isang kapangyarihang tumutulong’ [Bible Dictionary, “Grace”; idinagdag ang pagbibigay-diin] … o tulong mula sa langit na kailangang-kailangan ng bawat isa sa atin upang maging marapat sa kahariang selestiyal.”6

Ang kailangan lang nating gawin upang matanggap ang tulong ng langit ay hilingin ito at pagkatapos ay kumilos ayon sa mabuting pahiwatig na natatanggap natin.

Ang magandang balita ay na kung taos-puso tayong nagsisi, ang mga nagawa nating kasalanan ay hindi magiging hadlang sa pagtamo natin ng kadakilaan. Ito ang sabi sa atin ni Moroni tungkol sa mga makasalanan sa kanyang panahon, “Ngunit kasindalas na sila ay magsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatatawad.”7

At sinabi mismo ng Panginoon tungkol sa makasalanan:

“Kung magtatapat siya ng kanyang mga kasalanan sa iyo at sa akin, at magsisisi nang taos sa kanyang puso, siya ay iyong patatawarin, at akin din siyang patatawarin.

“Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin”8

Kung tayo ay tapat na magsisisi, totoong patatawarin tayo ng Diyos, kahit paulit-ulit pa nating nagawa ang isang kasalanan. Tulad ng sabi ni Elder Jeffrey R. Holland: “Gaano man karaming pagkakataon ang iniisip ninyong lumagpas sa inyo, gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo … , pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. [Gaano man kalalalim ang pagkakalubog ninyo kayo ay] kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”9

Hindi ibig sabihin nito na AYOS lang na magkasala. Ang kasalanan ay laging may parusa. Ito ay laging nakapipinsala at nakapananakit sa nagkasala at sa mga yaong naapektuhan ng kanyang mga kasalanan. At ang tunay na pagsisisi ay hindi kailanman naging madali.10 Bukod dito, unawain sana ninyo na kahit inaalis ng Diyos ang pagkabagabag at bakas na iniwan ng ating mga kasalanan kapag taos-puso tayong magsisisi, maaaring hindi Niya kaagad aalisin ang lahat ng mga epekto ng ating mga kasalanan. Kung minsan ay nananatili ang mga ito sa atin habang buhay. At ang pinakamasamang uri ng kasalanan ay sinadyang kasalanan, kung saan sinasabi ng isang tao, “Gagawa na ako ng kasalanan ngayon sapagkat puwede naman akong magsisi pagkatapos.” Naniniwala ako na isang matinding pangungutya ito sa sakripisyo at pagdurusa ni Jesucristo.

Inihayag mismo ng Panginoon, “Sapagkat ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang.”11

At sinabi ni Alma, “Masdan, sinasabi ko sa iyo, ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”12

Isang dahilan kung bakit talagang totoo ang sinabi ni Alma ay dahil kapag paulit-ulit tayong nagkakasala, inilalayo natin ang ating sarili sa Espiritu, panghihinaan na tayo ng loob, at sa huli ay hindi na magsisisi. Ngunit, inuulit ko, dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaari tayong magsisi at lubusang mapatawad, kapag taos-puso ang ating pagsisisi.

Ang hindi natin dapat gawin ay pangatwiranan ang ating kasalanan sa halip na pagsisihan. Hindi makatutulong na bigyang-katwiran ang ating mga kasalanan sa pagsasabing, “Alam ng Diyos na napakahirap nito para sa akin, kaya tanggap Niya kung ano ako.” Ang ibig sabihin ng “totoong pagsisikap” ay patuloy tayong ganap na magsumigasig sa pagsunod sa pamantayan ng Panginoon, na malinaw na inilahad sa mga tanong na ibinibigay sa atin para makakuha ng temple recommend.

Ang isa pang bagay na tiyak na maglalayo sa atin sa langit at maghihiwalay sa atin sa tulong na kailangan natin ay ang paghihimagsik. Mula sa aklat ni Moises, natutuhan natin na si Satanas ay pinalayas sa langit dahil sa paghihimagsik.13 Naghihimagsik tayo sa tuwing sinasabi natin sa ating puso, “Hindi ko kailangan ang Diyos, at hindi ko kailangang magsisi.”

Bilang isang intensive care pediatrician, alam ko na kapag hindi sinang-ayunan ng isang tao ang panggagamot na makapagliligtas ng buhay, maaaring maging sanhi ito ng kamatayan. Gayundin, kapag naghihimagsik tayo sa Diyos, tinatanggihan natin ang tanging tulong at pag-asa, na si Jesucristo, na magiging sanhi ng kamatayang espirituwal. Walang sinuman sa atin ang makagagawa nito sa sarili nating lakas. Wala ni isa sa atin ang may “sapat na magagawa,” kung wala ang kabutihan at awa ni Jesucristo,14 ngunit dahil iginagalang ng Diyos ang ating kalayaang pumili, hindi rin tayo maliligtas kung hindi tayo magsisikap. Sa ganyang paraan nagtutugma ang biyaya at paggawa. Makaaasa tayo kay Cristo dahil gusto Niyang tulungan at baguhin tayo. Sa katunayan, Siya ay tumutulong na sa inyo. Pag-isipan at kilalanin ninyo ang pagtulong Niya sa inyong buhay.

Nagpapatotoo ako sa inyo na kung kayo ay talagang magsisikap at hindi pangangatwiranan ang mali o maghihimagsik—patuloy na magsisisi at sasamo ng biyaya, o tulong, ni Cristo—tiyak na magiging “sapat ang kabutihan” ninyo, ibig sabihin, katanggap-tanggap sa Panginoon; magiging karapat-dapat kayo sa kahariang selestiyal dahil sa pagiging ganap kay Cristo; at matatanggap ninyo ang mga pagpapala at kaluwalhatian at galak na nais ng Diyos para sa bawat isa sa Kanyang minamahal na mga anak—na kabilang kayo at ako. Nagpapatotoo ako na buhay ang Diyos at nais niyang makabalik tayo sa Kanya. Nagpapatotoo ako na buhay si Jesus. Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.