Kabanata 4
Ipinaliwanag kung paano pinangangasiwaan ng matatanda at mga saserdote ang pansakramentong tinapay. Mga A.D. 401–421.
1 Ang pamamaraan ng kanilang matatanda at mga saserdote sa pangangasiwa ng laman at dugo ni Cristo sa simbahan; at kanilang pinangasiwaan ito alinsunod sa mga kautusan ni Cristo; kaya nga, alam namin na ang pamamaraan ay tama; at ang matanda o saserdote ang nangasiwa rito—
2 At sila ay lumuhod kasama ng simbahan, at nanalangin sa Ama sa pangalan ni Cristo, sinasabing:
3 O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami po ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito para sa mga kaluluwa ng lahat nilang kakain nito; nang sila po ay makakain bilang pag-alala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila po ay handang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at sa tuwina ay aalalahanin siya, at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila, nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen.