2010–2019
Malilinaw at Mahahalagang Katotohanan
Oktubre 2015


7:10

Malilinaw at Mahahalagang Katotohanan

Ang malaking kapalit na ibinigay ng Ama sa Langit sa pamumuhay natin sa mapanganib na mga panahon ay na mabuhay rin tayo sa kaganapan ng mga panahon.

Mahal kong mga kapatid, maraming dekada na ang nakararaan mula nang magtipon tayo sa isang pangkalahatang kumperensya na hindi nakaupo sina Pangulong Boyd K. Packer, Elder L. Tom Perry, at Elder Richard G. Scott sa likod mismo ng plataporma at nagsasalita sa isa sa mga sesyon nito. Malungkot natin silang inaalala ngayon, at idinaragdag ko ang aking papuri at paggalang sa kanila, na bawat isa ay lubhang kakaiba subalit nagkakaisa sa kanilang pagsaksi at patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Bukod pa rito, tulad ninyo, nakasusumpong ako ng lakas kay at sinasang-ayunan ko si Pangulong Thomas S. Monson bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag, at namamangha ako sa kanyang matapat at responsableng paglilingkod bilang apostol sa loob ng mahigit 50 kahanga-hangang taon.

At gayon na nga noong Martes ng umaga ng linggong ito, makalipas lang ang alas-9:00 n.u. nang simulang kausapin ng Bishopric ang Asia Area Presidency, na narito para sa kumperensya, tinawag ako upang kausapin si Pangulong Monson, pati na ang kanyang mga tagapayo. Maya-maya pa, pagpasok ko sa boardroom na katabi ng kanyang opisina, mukha siguro akong kabado sa pagkakaupo sa tapat nila, nang magiliw siyang nagsalita para mawala ang kaba ko. Sinabi niya, na binabanggit ang edad ko, na tila bata pa raw ako at mukhang mas bata pa kaysa sa edad ko.

Pagkatapos, pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Pangulong Monson na ayon sa kalooban ng Panginoon, tinatawag niya ako sa Korum ng Labindalawa. Itinanong niya kung tatanggapin ko ang tungkuling ito, na, kasunod ng tiyak na rinig na pagkabigla ko, at habang nakatulala, tinanggap ko ang tungkulin. Pagkatapos, bago ko naipahayag ang aking mala-tsunaming damdamin na mahirap ilarawan, na karamihan ay pag-aagam-agam sa aking kakayahan, magiliw akong kinausap ni Pangulong Monson, na inilalarawan kung paano siya tinawag ni Pangulong David O. McKay bilang Apostol maraming taon na ang nakararaan, kung kailan nakadama rin siya ng kakulangan. Mahinahon niyang sinabi sa akin, “Bishop Stevenson, gagawing karapat-dapat ng Panginoon ang mga taong tinatawag Niya.” Ang nakakakalmang mga salitang ito ng isang propeta ang nagbigay sa akin ng kapayapaan, isang kapanatagan sa bagyo ng masakit na pag-aagam-agam sa sarili kong kakayahan at magiliw na damdamin sa sumunod na mahihirap na oras na nagdaangaraw at gabi simula noon.

Inilarawan ko ang kasasabi ko pa lang sa inyo sa aking mabait na kabiyak na si Lesa kalaunan sa araw na iyon, habang nakaupo kami sa isang tahimik na sulok sa Temple Square, kung saan nakikita namin ang templo at ang makasaysayang Tabernakulo sa aming harapan. Nang sikapin naming unawain at pag-isipan ang mga kaganapan sa araw na iyon, nalaman namin na ang aming angkla ay ang aming pananampalataya kay Jesucristo at aming kaalaman tungkol sa dakilang plano ng kaligayahan. Ipapahayag ko ang aking matinding pagmamahal kay Lesa. Siya ang nagbibigay-sigla sa buhay ko at isa siyang kahanga-hangang anak ng Diyos. Ang buhay niya ay puno ng di-makasariling paglilingkod at lubos na pagmamahal sa lahat. Sisikapin kong manatiling karapat-dapat sa pagpapala ng aming walang-hanggang pagsasama.

Ipinapahayag ko ang aking matinding pagmamahal sa aming apat na anak na lalaki at sa kanilang mga pamilya, na ang tatlo ay narito kasama ang kanilang magagandang asawa, ang mga ina ng anim naming apo; ang pang-apat, na isang missionary, ay may espesyal na pahintulot na manatiling gising kahit curfew na ng mga missionary upang mapanood nang live ang mga kaganapang ito kasama ang kanyang mission president at ang asawa nito mula sa kanilang mission home sa Taiwan. Mahal ko ang bawat isa sa kanila at gusto ko ang pagmamahal nila sa Tagapagligtas at sa ebanghelyo.

Ipinaaabot ko ang aking pagmamahal sa bawat miyembro ng aking pamilya: sa mahal kong ina at sa aking ama, na pumanaw noong nakaraang taon, na nagkintal sa akin ng isang patotoo na tila nasasa akin na noong bata pa ako. Ipinaaabot ko rin ang pasasalamat sa aking mga kapatid, at sa kanilang matatapat na asawa, gayundin sa pamilya ni Lesa, na karamihan ay naririto ngayon. Ipinaaabot ko ang pasasalamat na ito sa marami ko pang kamag-anak, kaibigan, missionary, lider, at guro.

Nabiyayaan ako ng malapit na pakikisalamuha sa mga miyembro ng Unang Panguluhan, sa Labindalawa, sa Pitumpu, at sa mga general auxiliary presidency. Ipinapahayag ko ang aking pagmamahal at paggalang sa bawat isa sa inyo na mga kapatid at sisikapin kong maging karapat-dapat na patuloy kayong makasama. Ang Presiding Bishopric ay nagtatamasa ng halos makalangit na pagkakaisa. Hahanap-hanapin ko ang pakikisalamuha ko araw-araw kina Bishop Caussé, Bishop Davies, at sa mga tauhan.

Nakatayo ako sa inyong harapan bilang katibayan ng mga salita ng Panginoon na nakatala sa unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan: “Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala.”1 Sinundan ng mga salitang ito ang pagpapahayag ng Panginoon na nagpapamalas ng pagmamahal ng Ama sa Kanyang mga anak: “Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan.”2

Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jehova, na nakakaalam ng wakas mula sa simula,3 ay binuksan ang kalangitan at ang isang bagong dispensasyon upang tapatan ang mga kalamidad na alam Nilang darating. Inilarawan ni Apostol Pablo ang mga kalamidad na darating bilang “mapanganib na panahon.”4 Para sa akin, nagpapahiwatig ito na ang malaking kapalit na ibinigay ng Ama sa Langit sa pamumuhay natin sa mapanganib na mga panahon ay na mabuhay rin tayo sa kaganapan ng mga panahon.

Habang nag-aagam-agam tungkol sa aking mga kahinaan nitong linggong ito, nakatanggap ako ng malakas na impresyon na kapwa nagpakumbaba at nagpapanatag sa akin: na huwag akong magtuon sa hindi ko kayang gawin kundi sa kaya kong gawin. Mapatototohanan ko ang malilinaw at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo.

Ang mga salitang ito ay maraming beses ko nang naibahagi kapwa sa mga miyembro ng Simbahan at sa maraming hindi miyembro: “Ang Diyos ay ating [mapagmahal na] Ama sa Langit. Tayo ay Kanyang mga anak. … Kasama natin Siyang tumatangis kapag nagdurusa tayo at nagagalak kapag wasto ang ginagawa natin. Nais Niyang makipag-ugnayan sa atin, at maaari tayong makipag-ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng taos na panalangin. …

“Ang ating Ama sa Langit ay nagbigay sa atin, na Kanyang mga anak, ng paraan para … makabalik sa Kanyang piling. Ang sentro ng plano ng ating Ama [sa Langit] ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”5

Isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak sa mundo upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Ang malilinaw at mahahalagang katotohanang ito ay pinatototohanan ko, at ginagawa ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.