2010–2019
Maging Huwaran at Liwanag
Oktubre 2015


13:38

Maging Huwaran at Liwanag

Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, magkakaroon tayo ng pagkakataong maging liwanag sa buhay ng iba.

Mga kapatid, napakasaya ko na makasama kayong muli. Tulad ng alam ninyo, mula nang magkasama-sama tayo noong Abril, nalungkot tayo sa pagpanaw ng tatlo sa ating pinakamamahal na mga Apostol: sina Pangulong Boyd K. Packer, Elder L. Tom Perry, at Elder Richard G. Scott. Bumalik na sila sa kanilang tahanan sa langit. Nangungulila tayo sa kanila. Malaki ang pasasalamat natin sa kanilang mga halimbawa ng pagmamahal na tulad kay Cristo at sa mga inspiradong turong iniwan nila sa ating lahat.

Ipinararating namin ang taos-pusong pagtanggap sa pinakabago nating mga Apostol na sina Elder Ronald A. Rasband, Elder Gary E. Stevenson, and Elder Dale G. Renlund. Sila ay mga taong dedikado sa gawain ng Panginoon. Karapat-dapat sila sa mahahalagang katungkulang ibinigay sa kanila.

Kamakailan, habang binabasa at pinagninilayan ko ang mga banal na kasulatan, dalawang partikular na talata ang nanatili sa aking isipan. Ang dalawang ito ay pamilyar sa atin. Ang una ay mula sa Sermon sa Bundok: “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.”1 Ang pangalawa ay pumasok sa isipan ko habang pinagninilayan ko ang kahulugan ng una. Mula ito sa Sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo: “Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa [pakikipag-usap], sa pagibig, [sa kasiglahan], sa pananampalataya, sa kalinisan.”2

Naniniwala ako na ipinaliliwanag ng halos buong pangalawang talata kung paano natin maisasagawa ang unang talata. Nagiging mga uliran tayo ng mga nagsisisampalataya sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo sa pananalita, sa [pakikipag-usap], sa pag-ibig, sa kasiglahan, sa pananampalataya, at sa kalinisan. Kapag ginawa natin ito, magliliwanag ang ating ilaw para makita ng iba.

Bawat isa sa atin ay naparito sa lupa na taglay ang Liwanag ni Cristo. Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at namuhay at nagturo tayo na katulad Niya, ang liwanag na iyan ay mag-aalab sa ating puso at tatanglawan ang daan para sa iba.

Nagtala si Apostol Pablo ng anim na katangian ng isang nananampalataya, mga katangiang nagpapaningning sa ating ilaw. Isa-isahin natin.

Sabay kong babanggitin ang unang dalawang katangian—pagiging uliran sa pananalita at sa pakikipag-usap. Ang mga salitang gamit natin ay maaaring magpalakas at magbigay-inspirasyon, o maaaring makasakit at makahamak sa tao. Sa mundo ngayon, maraming masasamang salita tayong naririnig saanman tayo magpunta. Mahirap iwasang marinig ang pangalan ng Diyos na ginagamit nang kaswal at walang paggalang. Ang mga bulgar na pananalita ay tila karaniwang bahagi na ng telebisyon, pelikula, aklat, at musika. Ipinangangalandakan ang mapanira at galit na mga pananalita. Dapat tayong makipag-usap sa iba nang may pagmamahal at paggalang, na palaging gumagamit ng mabuting pananalita at iniiwasan ang mga salita o puna na makasasakit ng damdamin. Nawa’y tularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, na nagsalita nang may pagpaparaya at kabaitan sa Kanyang buong ministeryo.

Ang susunod na katangiang binanggit ni Pablo ay pag-ibig sa kapwa, na ang kahulugan ay “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.”3 Tiwala ako na mayroon tayong mga kakilala na malungkot, maysakit, at pinanghihinaan ng loob. May pagkakataon tayong tulungan at palakasin sila. Naghatid ng pag-asa ang Tagapagligtas sa mga nawawalan ng pag-asa at ng lakas sa mahihina. Pinagaling Niya ang maysakit; pinalakad ang lumpo, at pinagaling ang bulag at ang bingi. Binuhay pa Niya ang mga patay. Sa Kanyang buong ministeryo mapagmahal Siyang tumulong sa sinumang nangangailangan. Kapag tinularan natin ang Kanyang halimbawa, mapagpapala natin ang buhay ng iba, pati na ang atin.

Kasunod nito, dapat tayong maging uliran sa kasiglahan. Para sa akin ang ibig sabihin niyan ay sikapin nating mamuhay nang may kabaitan, pasasalamat, pagpapatawad, at mabuting kalooban. Ang mga katangiang ito ay magbibigay sa atin ng sigla na aapekto sa buhay ng mga nakapaligid sa atin. Pagkakataon kong makasalamuha ang napakaraming tao na may ganitong sigla. Kakaiba ang pakiramdam namin kapag kasama namin sila, kaya gusto naming makasama sila at tularan ang kanilang halimbawa. Nababanaag sa kanila ang Liwanag ni Cristo at nadarama namin na mahal Niya kami.

Para mailarawan na nakikita ng iba ang liwanag na nagmumula sa dalisay at mapagmahal na espiritu, ikukuwento ko sa inyo ang isang karanasan maraming taon na ang nakararaan.

Noon, ang mga lider ng Simbahan ay nakipagkita sa mga opisyal sa Jerusalem upang pag-usapan ang isang kasunduan sa pag-upa sa lugar na pagtatayuan ng Jerusalem Center ng Simbahan. Para makuha ang mga pahintulot na kailangan, sumang-ayon ang Simbahan na hindi mag-proselyte ang aming mga miyembro na gagamit ng center. Matapos gawin ang kasunduang iyon, sinabi ng isa sa mga opisyal na Israeli, na kilalang-kilala ang Simbahan at ang mga miyembro nito, na alam niya na tutuparin ng Simbahan ang kasunduan na hindi sila magpo- proselyte. “Pero,” sabi niya, na tinutukoy ang mga estudyanteng dadalo roon, “ano ang gagawin [natin] sa liwanag na nasa mga mata nila?”4 Nawa’y laging magningning ang espesyal na liwanag na iyon sa atin, nang makita at pasalamatan ito ng iba.

Ang ibig sabihin ng maging uliran sa pananampalataya ay nagtitiwala tayo sa Panginoon at sa Kanyang salita. Ibig sabihin ay may mga paniniwala tayong pinangangalagaan na gagabay sa ating isipan at kilos. Iimpluwensyahan ng pananampalataya natin sa Panginoong Jesucristo at sa ating Ama sa Langit ang lahat ng ginagawa natin. Sa gitna ng kaguluhan ng ating panahon, ng pagkakaiba-iba ng opinyon, at ng kaligaligan ng araw-araw na pamumuhay, nagiging angkla ang di-natitinag na pananampalataya sa ating buhay. Tandaan na ang pananampalataya at alinlangan ay hindi sabay na iiral sa iisang isipan, dahil itataboy ng isa ang isa. Inuulit ko ang ilang ulit nang nasabi sa atin—na para matamo at mapanatili ang pananampalatayang kailangan natin, mahalagang basahin at pag-aralan at pagnilayan natin ang mga banal na kasulatan. Ang pakikipag-usap sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin ay napakahalaga. Hindi natin maaaring kaligtaan ang mga bagay na ito, sapagkat walang tigil ang kaaway at ang kanyang kampon sa paghahanap ng lamat sa ating baluti, ng paghina sa ating katapatan. Sabi ng Panginoon, “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti.”5

Sa huli, dapat tayong maging dalisay, na ibig sabihin ay malinis sa katawan, isipan, at espiritu. Alam natin na ang ating katawan ay isang templo, na dapat pagpitaganan at igalang. Ang ating isipan ay dapat punuin ng mga kaisipang nagpapalakas at nagpapadakila at walang mga bagay na nagpaparumi. Upang mapasaatin ang Espiritu Santo sa tuwina, kailangan tayong maging karapat-dapat. Mga kapatid, ang kadalisayan ay magbibigay ng kapayapaan sa ating isipan at magpapamarapat sa atin na matanggap ang mga pangako ng Tagapagligtas. Sabi Niya, “Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka’t makikita nila ang Dios.”6

Kapag napatunayan natin na tayo ay mga halimbawa sa pananalita, pakikipag-usap, sa pag-ibig, sa kasiglahan, sa pananampalataya, at sa kalinisan, magiging marapat tayong maging liwanag sa mundo.

Nais kong sabihin sa inyong lahat, at lalo na sa inyong mga kabataan, na habang palayo nang palayo ang mundo sa mga alituntunin at pamantayang ibinigay sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit, mamumukod-tangi tayo sa mga tao dahil kakaiba tayo. Mamumukod-tangi tayo dahil disente tayong manamit. Magiging kakaiba tayo dahil hindi tayo nagsasalita ng masama at hindi tayo kumakain o gumagamit ng mga bagay na nakakasama sa ating katawan. Magiging kakaiba tayo dahil iniiwasan natin ang di-angkop na biro at nakakababang pananalita. Magiging kakaiba tayo kapag nagpasiya tayong huwag punuin ang ating isipan ng media na imoral at nagpapababa ng pagkatao at magpapalayo sa espiritu sa ating tahanan at buhay. Talagang mamumukod-tangi tayo kapag nagpasiya tayo tungkol sa moralidad—mga pasiyang naaayon sa mga alituntunin at pamantayan ng ebanghelyo. Ang mga bagay na iyon na nagpapaiba sa atin sa karamihan sa mundo ay nagbibigay rin sa atin ng liwanag at ng kasiglahang iyon na magniningning sa mundong lalo pang dumidilim.

Kadalasa’y mahirap maging kakaiba at manindigang mag-isa. Natural lang na matakot sa maaaring isipin o sabihin ng iba. Nakapapanatag ang mga salita sa awit: “Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan; kanino ako matatakot? ang Panginoon, ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?”7 Kapag itinuon natin ang ating buhay kay Cristo, mapapalitan ng tapang ng ating mga paniniwala ang ating mga pangamba.

Walang sinuman sa atin ang perpekto ang buhay, at kung minsan ang mga hamon at problemang kinakaharap natin ay maaaring maging mabigat, na magpapalamlam sa ating liwanag. Gayunman, sa tulong ng ating Ama sa Langit, at sa suporta ng iba, muli nating mapapaningas ang liwanag na iyan na muling tatanglaw sa ating landas at magbibigay ng liwanag na maaaring kailangan ng iba.

Para mailarawan ito, ibabahagi ko sa inyo ang nakaaantig na mga salita ng isang paborito kong tula na una kong nabasa maraming taon na ang nakararaan:

Isang estranghero aking nakilala

Wala nang ilaw kanyang lampara.

Sa lampara ko aking hinayaan

Na lampara niya’y muling pailawan.

Maya-maya pa’y dumating ang unos

At ang daigdig niyanig nang lubos.

At nang malakas na hangi’y huminto

Ningas ng lampara ko’y naglaho!

Ngunit estranghero sa aki’y pumihit—

May ilaw pa rin lamparang bitbit!

Mahalagang ilaw ibinahagi sa akin

Nang ilaw ko’y magliwanag din!8

Mga kapatid ko, ang ating mga pagkakataong magniningning ay nasa paligid natin araw-araw, anuman ang ating sitwasyon. Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, magkakaroon tayo ng pagkakataong maging liwanag sa buhay ng iba, mga kapamilya man natin sila at kaibigan, katrabaho, kakilala, o estranghero.

Sa inyong lahat, sinasabi ko na kayo ay anak ng ating Ama sa Langit. Kayo ay pumarito mula sa Kanyang kinaroroonan upang mabuhay sa mundong ito nang ilang panahon, maging huwaran ng pagmamahal at mga turo ng Tagapagligtas, at buong tapang na paningningin ang inyong ilaw para makita ng lahat. Kapag nagwakas na ang inyong buhay sa daigdig, kung nagawa ninyo ang inyong bahagi, mapapasainyo ang maluwalhating pagpapalang makabalik at makapiling Siya magpakailanman.

Nakapapanatag ang mga salita ng Tagapagligtas: “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”9 Pinatototohanan ko Siya. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, ang ating Tagapamagitan sa Ama. Siya ang ating Huwaran at ating lakas. Siya “ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman.”10 Naway’ mangako ang bawat isa sa atin na nakikinig sa akin na sundin Siya, nang sa gayo’y maging maningning na liwanag sila sa sanlibutan, ang dalangin ko sa Kanyang banal na pangalan, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.