Karapat-dapat sa mga Pagpapalang Ipinangako sa Atin
Ang mithiing kamtin ang mga kahanga-hangang biyaya na ipinangako ng ating Ama ang dapat nating pagtuunan ng pansin araw-araw.
Kahanga-hanga ang kapatid na nasa video hindi ba? Alam namin na marami sa inyong hindi nagkaroon ng sariling mga anak ang naglaan ng buhay sa pagkalinga, pagtuturo, at pagtulong sa mga bata. At dahil diyan mahal na mahal kayo ng ating Ama sa Langit, at kami rin, na inyong mga kapatid, ay nagmamahal sa inyo!
Lahat ba tayo, pati na kayong nakababatang mga kapatid sa Primary at Young Women, ay nakaranas nang kumarga ng bagong silang na sanggol at matitigan ng kanyang mga mata? Nadama ba natin ang kasagraduhan at kabanalang nakapalibot sa selestiyal na espiritung ito, na kapapadala pa lang ng ating Ama sa Langit upang pumaloob sa bagong likha at dalisay na munting katawan nito? Bihira akong makadama ng ganoong katamis, napakagiliw, at napakaespirituwal na damdamin.
Ang ating katawan ay sagradong kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Ito ay mga personal na templo. Kapag pinananatili natin itong malinis at dalisay, maaari tayong maging karapat-dapat na tumulong sa ating Ama sa Langit na lumikha ng katawan para sa Kanyang minamahal na mga espiritung anak.
Sa huling mensahe ni Pangulong Boyd K. Packer nitong nakaraang pangkalahatang kumperensya, na maaaring maaalala ninyo na binanggit doon na “isang biskwit at isang halik,” pinatotohanan niya na “ang utos na magpakarami at kalatan ang mundo … ay mahalaga … at ito ang pinagmumulan ng kaligayahan ng tao. Sa matuwid na paggamit ng kapangyarihang ito [na lumikha], maaari tayong mapalapit sa ating Ama sa Langit at maranasan ang lubos na kagalakan, maging ang pagkadiyos. Ang kapangyarihang magkaanak ay hindi nagkataon lang na bahagi ng plano; ito ang [plano].”
Patuloy niya:
“Ang tunay na pagmamahal ay handang maghintay munang maikasal bago lubusang gamitin ang sagradong kapangyarihang lumikha ng buhay … [sa pag-iwas] sa sitwasyong maaaring pumukaw ng pagnanasa …
“… Ang ating kaligayahan sa buhay na ito, ang ating kagalakan at kadakilaan ay depende sa paraan ng pagtugon natin sa masidhi at mapamukaw na pagnanasang ito.”1
Mahal kong mga kapatid, kapwa mga bata at hindi na kabataan, labis ang pag-aalala ko habang inihahanda ko ang mensaheng ito. Tulad ng ipinahayag ni Nakababatang Alma, “hinihiling ko mula sa kaibuturan ng puso ko … na kayo ay … manawagan sa kanyang banal na pangalan, at magbantay at patuloy na manalangin, upang kayo ay hindi matukso nang higit pa sa inyong makakaya, … upang kayo ay dakilain sa huling araw.”2
Kalaunan, nagpapatoo rin si Mormon na sa panahon ni Alma, si Korihor, na anti-Cristo ay, “nangaral … , inaakay palayo ang puso ng … maraming kababaihan.”3
Mga kapatid, si Satanas ay tagumpay na nagpapalaganap ng impluwensya ni Korihor sa ating panahon. Ano ang ilan sa kanyang mga pamamaraan? Mapanuksong mga kuwento ng pag-iibigan, mga teleserye, mga babaeng may-asawa na nakikipag-ugnayan sa mga dating nobyo sa social media, at pornograpiya. Kailangan nating mag-ingat nang husto, mahal kong mga kapatid! Hindi tayo puwedeng makipaglaro sa mga nag-aapoy na sibat ni Satanas nang hindi napapaso. Alam ko na walang higit na tutulong sa atin na maging karapat-dapat na makasamang palagi ang Espiritu Santo kundi ang kalinisang-puri.
Marami sa mundo ngayon ang gustong makahanap ng madaliang kasiyahan at kaalaman sa Internet. Kabaligtaran niyan, higit tayong pagpapalain kung mananampalataya at magtitiyaga tayo at ilalapit ang mga suliranin sa ating Ama sa Langit, na pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Maraming sagot at katiyakan ang maaaring dumating sa araw-araw na pagsasaliksik at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at sa tapat at nagsusumamong panalangin, ngunit walang gayong mga pangako sa Internet. Nagpatotoo ang propetang si Jacob: “Sapagkat ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. Anupa’t nagsasabi ito ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito.”4
Kapag tayo ay nanonood, nagbabasa, o gumagawa ng anumang bagay na mababa sa mga pamantayan ng ating Ama sa Langit, pinahihina tayo nito. Anuman ang ating edad, kung ang ating nakikita, nababasa, napapakinggan, o napipiling gawin ay hindi akma sa mga pamantayan ng Panginoon na nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, isara ito, itapon ito, punitin ito, at huwag pansinin.
Walang sinuman sa atin ang perpekto, ngunit kapag nagkasala tayo, ipinaalala sa atin ni Pangulong Packer na:
“Ang pangako ay: ‘Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito’ (D at T 58:42). …
“… Ang Pagbabayad-sala, na maaaring muling umangkin sa bawat isa sa atin, ay hindi nag-iiwan ng pilat. Ang ibig sabihin niyan anuman ang ating nagawa o saanman tayo naroon dati o paano man nangyari ang isang bagay, kung tunay tayong magsisisi, nangako Siya na magbabayad-sala Siya. At nang gawin Niya ang pagbabayad-sala, naisaayos ang lahat. Napakarami sa atin ang naliligalig at hindi mapakali … may pagdadalang-sisi, hindi alam kung paano tatakasan ang kasalanan. Makakatakas ka sa pamamagitan ng pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Cristo, at lahat ng [dalamhati] ay magiging kagandahan at pag-ibig at kawalang-hanggan.”5
Bukod sa pagsisisi, ano pang tulong o pamamaraan ang ibinigay sa atin para tulungan tayong manatiling malinis at marangal? Alam at kinakanta ng lahat ng ating Primary at kabataang babae ang awiting “Bisa ng Banal na Kasulatan.”6 Maaari ba nating dagdagan ito ng “Bisa ng Panalangin,” “Bisa ng Templo,” “Bisa ng mga Tipan,” “Bisa ng Araw ng Sabbath,” “Bisa ng Propeta,” at “Bisa ng Kabutihan”?
Mayroon ding malalaking pagpapala at proteksyong makukuha sa wastong pagsusuot ng ating temple garment. Pakiramdam ko ay puno ng simbolismo ang pagsusuot ko ng maharlikang kasuotan na ibinigay sa akin ng aking Ama sa Langit. Kapag sinisikap nating isuot nang wasto ang temple garment, pinatototohanan ko na kinikilala ito ng Ama bilang dakilang tanda ng ating pagmamahal at katapatan sa Kanya. Ito ay tanda ng mga tipang ginawa natin sa Kanya, at ipinangako Niya, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.”7
Kamakailan ay kinausap ko ang matagal ko nang kaibigan na nakaranas ng dalawang diborsyo dahil sa adiksyon at kataksilan ng kanyang mga naging asawa. Labis ang pagdurusa nila ng kanyang tatlong anak. Sabi niya, “Sinikap ko ng husto na mamuhay nang matwid. Bakit ang dami kong dinanas na mga pagsubok? Ano ang nagawa kong mali? Ano ang gusto ng Ama sa Langit na gawin ko? Nagdadasal ako at nagbabasa ng mga banal na kasulatan, tinutulungan ang aking mga anak, at nagpupunta sa templo nang madalas.”
Habang nakikinig ako sa kapatid na ito, parang gusto kong isigaw na, “Ginagawa mo na! Ginagawa mo na ang lahat ng gusto at inaasam ng Ama sa Langit na gawin mo!”
Nauunawaan natin ang sinasabi ng marami na parang “napakatagal dumating” ng mga ipinangakong pagpapala ng ating Ama lalo na kapag punung-puno ng pagsubok ang mga buhay natin. Ngunit itinuro ni Amulek na “ang buhay na ito ay ang panahon para … maghanda sa pagharap sa Diyos.”8 Hindi ito ang panahon para matanggap ang lahat ng ating mga pagpapala. Ipinaliwanag ni Pangulong Packer na ang mga katagang “‘At sila ay nabuhay nang maligaya magpakailanman’ ay hindi kailanman isinulat sa ikalawang yugto. Ang linyang iyon ay nasa ikatlong yugto kung saan nalutas na ang mga hiwaga at naitama na ang lahat.”9 Gayunman, ang mithiing kamtin ang mga kahanga-hangang biyaya na ipinangako ng ating Ama ang dapat nating pagtuunan ng pansin araw-araw—pati na ang “nag-uumapaw niyang awa”10 na nararanasan natin sa araw-araw.
Mga kapatid, hindi ko alam kung bakit marami tayong pagsubok, ngunit para sa akin ang gantimpala ay napakalaki, walang hanggan at walang katapusan, sobrang masaya at higit pa sa ating pang-unawa, kaya sa araw na iyon ng gantimpala, maaari nating sabihin sa ating maawain at mapagmahal na Ama na, “Iyon na po ba ang lahat ng kailangan naming gawin?” Naniniwala ako na kung araw-araw nating aalalahanin at kikilalanin ang lalim ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas para sa atin, magiging handa tayong gawin ang lahat para makabalik sa Kanilang piling, napaliligiran ng walang-hanggan Nilang pagmamahal. Malaking bagay ba, mga kapatid, kung magdusa man tayo rito, kung sa bandang huli ay ang mga pagsubok na iyon ang mismong kailangan natin para maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan at kadakilaan sa kaharian ng Diyos sa piling ng Ama at ng Tagapagligtas?
Pinatototohanan ko na ang ating katawan ay sagradong kaloob mula sa ating Ama sa Langit at habang pinapanatili nating dalisay at malinis ang ating buhay sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas, at palaging mimithiin ang mga ipinangakong gantimpala ng ating Ama, balang-araw ay tatanggapin natin ang “lahat ng mayroon ang [ating] Ama.”11 Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.