Alalahanin Kung Kanino Tayo Nagtitiwala
Ang pag-asa nating makapiling muli ang Ama ay nakasalalay sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Noong ako ay siyam na taong gulang, ang aking lola na puti na ang buhok at may taas na four-foot-eleven-inch (1.5 m), ay nagbakasyon nang ilang linggo sa bahay namin. Isang hapon habang nasa bahay siya, nakatuwaan namin ng dalawa kong kuya na humukay sa tapat ng bahay namin. Hindi ko alam kung bakit ginawa namin ito; kung minsan natutuwa lang maghukay ang mga batang lalaki. Nadumihan kami, pero kaunti lang naman kaya walang problema. Nakita ng iba pang mga bata sa lugar namin na masayang maghukay kaya nakihukay na rin sila. At nadumihan na kaming lahat. Matigas ang lupa, kaya humila kami ng hose at diniligan ang ilalim ng hukay para lumambot ang lupa. Naputikan kami habang naghuhukay, pero nakagawa naman kami ng malalim na hukay.
Isa sa kagrupo namin ang nagsabi na gawin naming swimming pool ang hukay, kaya pinuno namin ito ng tubig. Dahil ako ang pinakabata at gusto kong makabilang sa kanila, napapayag nila akong tumalon para subukan kung ayos na ito. Ngayon talagang napakarumi ko na. Wala naman akong balak na maglublob sa putik, pero iyon ang nangyari sa akin sa bandang huli.
Nang magsimula nang lumamig, tumawid ako ng kalsada para umuwi. Sinalubong ako ng lola ko sa pintuan sa harapan ng bahay at ayaw akong papasukin. Sabi niya, kung papapasukin niya ako, magkakalat ako ng putik sa bahay na kalilinis lang niya. Kaya ginawa ko ang gagawin ng sinumang siyam na taong gulang at tinakbo ang pintuan sa likod-bahay, pero mas mabilis siya kaysa sa akin. Nagalit ako, nagdabog, at nagpumilit na papasukin ako sa bahay, pero hindi niya ako pinagbuksan.
Basang-basa ako, puro putik, at giniginaw, at inisip ko na baka mamatay ako sa mismong bakuran namin. Sa huli, itinanong ko sa kanya kung ano ang gagawin ko para makapasok sa bahay. Bago ko pa namalayan, naramdaman ko na lang na iniispreyan ako ni lola ng tubig mula sa hose habang nakatayo ako. Matapos ang tila walang katapusang sandali, sinabi ni lola na malinis na ako at pinapasok na ako sa bahay. Mainit sa bahay, at nakapagsuot ako ng tuyo at malinis na damit.
Sa talinghagang iyan na batay sa tunay na buhay, isipin ninyo ang sumusunod na mga salita ni Jesucristo: “At walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian; anupa’t walang makapapasok sa kanyang kapahingahan maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas.”1
Ang pagtayo sa labas ng bahay habang iniispreyan ng tubig ni lola ay hindi nakakatuwang karanasan. Ang mapagkaitan ng pagkakataong makabalik at makasama ang ating Ama sa Langit dahil pinili nating manatili o malublob sa maputik na hukay ng kasalanan ay kalunus-lunos kailanman. Hindi natin dapat dayain ang ating sarili sa mga dapat nating gawin para makabalik at manatili sa piling ng ating Ama sa Langit. Kailangan nating maging malinis.
Bago tayo pumarito sa mundong ito, tayo ay nakibahagi bilang mga espiritung anak na lalaki at babae ng Diyos sa isang malaking kapulungan.2 Nakinig tayong lahat, at walang sinumang nakatulog sa atin. Sa pulong na iyon, naglahad ng plano ang ating Ama sa Langit. Dahil kasama sa plano na mananatili tayong malaya na pumili at matuto sa ating sariling karanasan at hindi lang mula sa Kanya, alam Niya na magkakasala tayo. Alam din Niya na dahil sa kasalanan marurumihan tayo at hindi makababalik sa Kanyang piling, dahil ang Kanyang tirahan ay mas malinis kaysa sa bahay na nilinis ng aking lola.
Dahil mahal tayo ng ating Ama sa Langit at may layunin Siya “na isakatuparan ang [ating] kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan,”3 kasama sa Kanyang plano ang isang gaganap na Tagapagligtas—isang tao na makakatulong sa atin na maging malinis kahit gaano pa tayo madumihan. Nang ipahayag ng ating Ama sa Langit na kailangan ng isang Tagapagligtas, naniniwala ako na lahat tayo ay tumingin kay Jesucristo, ang Panganay na Anak sa Espiritu, Siya na umunlad hanggang sa maging tulad ng Ama.4 Naniniwala ako na alam nating lahat na dapat na Siya ang piliin, na wala ni isa sa atin ang makakagawa niyon, kundi Siya at ito ay gagawin Niya.
Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus sa Golgota, nagdusa si Jesucristo kapwa sa katawan at espiritu, nanginig dahil sa sakit, at nilabasan ng dugo sa bawat butas ng balat, nagmakaawa sa Kanyang Ama na kunin ang mapait na saro mula sa Kanya,5 subalit Kanya pa ring ininom ito.6 Bakit Niya ginawa iyon? Ayon sa Kanyang mga sinabi, gusto Niyang luwalhatiin ang Kanyang Ama at tapusin ang Kanyang “paghahanda para sa mga anak ng tao.”7 Gusto niyang tuparin ang Kanyang tipan at gawing posible na makauwi tayong muli. Ano ang gusto Niyang gawin natin bilang kapalit? Ang hiling lamang Niya ay ipagtapat natin ang ating mga kasalanan at magsisi upang hindi tayo magdusa tulad Niya.8 Inaanyayahan Niya tayong maging malinis upang hindi tayo maiwan sa labas ng bahay ng Ama sa Langit.
Bagama’t ang pag-iwas na magkasala ang mas mainam na huwaran sa buhay, sa bisa ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi mahalaga kung anong kasalanan ang nagawa natin o gaano kalalim ang pagkalubog natin sa hukay na iyon ng pagkakasala. Hindi mahalaga kung nahihiya tayo dahil sa kasalanang iyon na, tulad ng sabi ni propetang Nephi ay, “madaling bumibihag” sa atin.9 Hindi mahalaga na minsa’y ipinagpalit natin ang ating pagkapanganay sa isang nilutong pagkain.10
Ang mahalaga ay na Si Jesucristo, na Anak ng Diyos, ay nagdusa ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” upang “malaman nila nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao.”11 Ang mahalaga ay handa Siyang magpakababa,12 upang pumarito sa mundong ito at magpakababa “sa lahat ng bagay”13 at magdanas ng “mas matinding pagsalungat kaysa [sa kayang harapin ng] sinumang tao.”14 Ang mahalaga ay nagsumamo si Cristo sa Ama alalang-alang sa atin, sinasabing: Ama, masdan ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan, na inyong lubos na kinalulugdan… kaya nga, Ama, iligtas ang mga kapatid kong ito na naniniwala sa aking pangalan, upang sila ay makaparito sa akin at magkaroon ng buhay na walang hanggan.”15 Iyan ang talagang mahalaga at siyang dapat magbigay sa ating lahat ng panibagong pag-asa at determinasyong sumubok pang muli, dahil hindi Niya tayo nalilimutan.16
Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ay hindi kailanman tatalikod sa atin kapag mapagpakumbaba natin Siyang hahanapin upang magsisi; hindi magsasabing wala na tayong pag-asa; hindi sasabihing, “Ikaw na naman”; hindi tayo tatanggihan dahil sa di-pagkaunawa kung gaano kahirap umiwas sa kasalanan. Ganap Niya itong nauunawaan, pati na ang kalungkutan, kahihiyan, at kabiguan na tiyak na idinudulot ng kasalanan.
Ang pagsisisi ay totoo at mabisa ito. Ito ay hindi isang karanasang kathang-isip lamang o bunga “ng isang isipang matinding nababalisa.”17 May kapangyarihan ito na mag-alis ng pasanin at palitan ito ng pag-asa. Maaari itong magpabago nang lubos sa ating puso kung kaya’t tayo ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.”18 Tama lamang na maging mahirap ang pagsisisi. Ang mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan ay karaniwang pinaghihirapan. Ngunit ang resulta nito ay sulit na sulit. Tulad ng pinatotohanan ni Pangulong Boyd K. Packer sa kanyang huling mensahe sa mga Pitumpu ng Simbahan: “Ito ang dapat isipin: ang Pagbabayad-sala ay walang iniiwang dungis, walang iniiwang bakas. Ang inayos ay naayos na. … Ang Pagbabayad-sala ay walang iniiwang bakas, walang iniiwang dungis. Nagpapagaling lamang ito, at kung ano ang pinagaling nito ay nananatiling magaling.”19
Gayon din, ang ating pag-asang makapiling na muli ang Ama ay nakasalalay sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sa kahandaan ng isang walang kasalanang Tao na akuin sa Kanyang sarili, sa kabila ng katotohanang ang katarungan ay hindi makapananaig sa Kanya, ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, pati na ang mga kasalanang walang kabuluhang piniling pagdusahan ng ilan sa mga anak ng Diyos.
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, mas napapahalagahan natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kaysa sa karamihan dahil alam natin na kung tayo ay nakikipagtipan, patuloy na magsisisi, at magtitiis hanggang wakas, gagawin Niya tayo na mga tagapagmanang kasama Niya20 at, tulad Niya tatanggapin natin ang lahat ng mayroon ang Ama.21 Iyan ay isang kamangha-manghang doktrina, ngunit totoo. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang paanyaya ng Tagapagligtas na “kayo nga‘y mangagpakasakdal, gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal”22 ay naging ganap na posible sa halip na imposibleng maabot.
Itinuturo ng mga banal na kasulatan na bawat tao ay “kailangang hatulan alinsunod sa banal na paghuhukom ng Diyos.”23 Sa araw na iyon, wala nang pagkakataon na magkanlong sa mas malaking grupo o isisi sa iba ang dahilan ng ating karumihan. Salamat at itinuturo din sa atin ng mga banal na kasulatan na si Jesucristo, na nagdusa para sa ating mga kasalanan, na ating Tagapamagitan sa Ama, na tinatawag tayo na Kanyang mga kaibigan, na nagmamahal sa atin hanggang katapusan, ay Siya ring ating hukom sa pinakahuling sandali. Ang isa sa madalas na di-napapansin na mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay na “ang Ama … ay ipinagkaloob … sa Anak ang buong paghatol.”24
Mga kapatid, kung kayo ay pinanghihinaan ng loob o nagtatanong kung makakaahon ba kayo sa espirituwal na hukay na hinukay ninyo, mangyaring alalahanin Siya na tumayo “sa pagitan [natin] at sa katarungan,” na “[puspos] ng habag sa mga anak ng tao,” at umako ng ating mga kasamaan at kasalanan at “[tinugunan] ang mga hinihingi ng katarungan.”25 Sa madaling salita, tulad ng ginawa ni Nephi noong siya ay nag-alinlangan, dapat lamang ninyong alalahanin “kung kanino [kayo] nagtiwala,”26 maging kay Jesucristo, at muling makaranas ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”27 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.