Kailanma’y Hindi Masyadong Maaga at Hindi Pa Huli ang Lahat
Kailanma’y hindi masyadong maaga at hindi pa huli ang lahat para akayin, gabayan, at sabayan sa paglakad ang ating mga anak, dahil ang mga pamilya ay walang hanggan.
Mga kapatid, kasama tayo sa isang labanan sa mundo. Noong araw, nakipag-agawan ang mundo para sa lakas at panahon ng ating mga anak. Ngayo’y idinidikta nito kung sino sila at kung ano ang dapat nilang isipin. Maraming maingay at kilalang tao ang nagsisikap na idikta kung sino ang ating mga anak at kung ano ang dapat nilang paniwalaan. Huwag nating hayaang impluwensyahan ng lipunan ang ating pamilya na maging makamundo. Kailangan tayong magwagi sa labanang ito. Lahat ay nakasalalay rito.
Ang mga bata ng Simbahan ay kumakanta ng isang awiting nagtuturo sa kanila tungkol sa kanilang tunay na pagkatao: “Ako ay anak ng Diyos. Dito’y isinilang, handog sa ’kin ay tahana’t mabuting magulang.” Pagkatapos, ang samo sa atin ng mga bata: “Akayin at patnubayan. … Matutuhan Kanyang aral [bago mahuli ang lahat].”1
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa huli nating pangkalahatang kumperensya na, mula ngayon, kailangan tayong maging “nangangalagang magulang.”2 Delikado ang panahon ngayon. Ngunit ang magandang balita ay alam ng Diyos na mangyayari ito, at naglaan Siya ng payo sa mga banal na kasulatan para malaman natin kung paano tutulungan ang ating mga anak at apo.
Sa Aklat ni Mormon, nagpakita ang Tagapagligtas sa mga Nephita. Tinipon niya ang kanilang maliliit na anak sa paligid Niya. Binasbasan Niya sila, ipinagdasal sila, at tinangisan sila.3 At sinabi Niya sa mga magulang, “Masdan ang inyong mga musmos.”4
Ang ibig sabihin ng salitang masdan ay tingnan at inyong makikita. Ano ang nais ni Jesus na makita ng mga magulang sa kanilang mga musmos? Nais ba Niyang masulyapan nila ang banal na potensyal ng kanilang mga anak?
Habang nakatingin tayo sa sarili nating mga anak at apo ngayon, ano ang nais ng Tagapagligtas na makita natin sa kanila? Nauunawaan ba natin na ang ating mga anak ang pinakamalaking grupo ng mga investigator sa Simbahan? Ano ang kailangan nating gawin para maging walang kupas ang kanilang pananalig?
Sa aklat ni Mateo, tinuruan tayo ng Tagapagligtas tungkol sa walang kupas na pananalig. Isang malaking grupo ng mga tao ang nagtipon malapit sa Dagat ng Galilea para marinig Siyang magturo.
Sa kaganapang ito, ikinuwento ni Jesus ang tungkol sa pagtatanim ng mga binhi—ang talinghaga tungkol sa manghahasik.5 Sa pagpapaliwanag nito sa Kanyang mga disipulo, at sa huli ay sa atin, sinabi Niya, “Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito’y hindi, niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso.”6 Ang mensahe para sa mga magulang ay malinaw: may kaibhan ang pakikinig sa pag-unawa. Kung naririnig lamang ng ating mga anak ang ebanghelyo ngunit hindi ito nauunawaan, may pagkakataon si Satanas na burahin ang mga katotohanang ito sa kanilang puso.
Gayunman, kung matutulungan nating mag-ugat nang malalim ang kanilang pagbabalik-loob, sa mahihirap na panahon, kapag naging mahirap ang buhay—na tiyak na mangyayari—may maibibigay sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang kalooban na hindi maaapektuhan ng iba. Paano natin matitiyak na ang mga makapangyarihang katotohanang ito ay hindi lang basta naririnig nang hindi nauunawaan? Maaaring hindi sapat ang marinig lang ang mga salita.
Alam nating lahat na nagbabago ang mga salita. Kung minsan may sinasabi tayo, pero hindi nila maunawaan. Siguro masasabi ninyo sa inyong maliliit na anak, “Para kang sirang plaka.” Siguro sasagot sila ng, “Itay, ano ang plaka?”
Nais ng ating Ama sa Langit na magtagumpay tayo dahil, tutal, talaga namang mga anak Niya sila bago sila napasaatin. Bilang mga magulang sa Sion, natanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo. Habang nagdarasal kayo para sa patnubay, “iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin”7 sa pagtuturo sa inyong mga anak.” Habang bumubuo kayo ng mga proseso sa pag-aaral, “ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak.”8
Wala akong maisip na mas magandang halimbawa ng pagtulong sa isang tao na magkaroon ng pang-unawa kaysa sa kuwento ni Helen Keller. Siya ay bulag at bingi at nabuhay sa isang mundong madilim at tahimik. Dumating ang gurong si Anne Sullivan para tulungan siya. Paano ninyo tuturuan ang isang batang ni hindi kayo makita o marinig?
Sa mahabang panahon, nahirapang makipag-ugnayan si Anne kay Helen. Isang katanghaliang-tapat, dinala niya ito sa poso. Isinahod niya ang isang kamay ni Helen sa labasan ng tubig at sinimulang ibomba ang poso. Pagkatapos ay ibinaybay ni Anne ang salitang T-U-B-I-G sa kabilang kamay ni Helen. Walang nangyari. Kaya sinubukan niya itong muli. T-U-B-I-G. Pinisil ni Helen ang kamay ni Anne dahil nagsimula na siyang makaunawa. Pagsapit ng gabi, 30 salita na ang alam niya. Sa loob ng ilang buwan, 600 salita na ang alam niya at nakabasa na siya ng Braille. Nakatapos ng kolehiyo si Helen Keller at tumulong na baguhin ang mundo para sa mga taong hindi makakita o makarinig.9 Isang himala iyon, at ang kanyang guro ang gumawa niyon, tulad ng gagawin ninyo, mga magulang.
Nakita ko ang mga naging resulta ng ginawa ng isa pang mahusay na guro habang naglilingkod bilang pangulo ng isang single adult stake sa BYU–Idaho. Binago ng karanasang iyon ang buhay ko. Isang Martes ng gabi, ininterbyu ko ang binatang si Pablo, na taga-Mexico City, na gustong magmisyon. Tinanong ko siya tungkol sa kanyang patotoo at sa hangarin niyang maglingkod. Tamang-tama ang mga sagot niya sa mga tanong ko. Pagkatapos ay nagtanong ako tungkol sa kanyang pagkamarapat. Tumpak ang mga sagot niya. Katunayan, napakaganda ng mga iyon, naisip ko, “Siguro hindi niya nauunawaan ang itinatanong ko sa kanya.” Kaya binago ko ang pagtatanong at nalaman ko na alam niya talaga ang ibig kong sabihin at lubos ang kanyang katapatan.
Hangang-hanga ako sa binatang ito kaya tinanong ko siya, “Pablo, sino ang tumulong sa iyo na marating ang puntong ito sa buhay mo na lumalakad ka nang matwid sa harapan ng Panginoon?”
Sabi niya, “Si Itay po.”
Sabi ko, “Pablo, ikuwento mo nga sa akin.”
Nagpatuloy si Pablo: “Noong siyam na taon ako, hinila ako ni Itay sa isang tabi at sinabi, ‘Pablo, naging siyam na taon din ako. Narito ang ilang bagay na maaari mong pagdaanan. Makakakita ka ng mga taong nandaraya sa paaralan. Baka may makahalubilo kang mga taong nagmumura. Malamang na may mga araw na ayaw mong magsimba. Ngayon, kapag nangyari ang mga bagay na ito—o may iba ka pang pinoproblema—gusto kong kausapin mo ako, at tutulungan kitang malagpasan ang mga ito. Pagkatapos ay sasabihin ko sa iyo kung ano ang susunod.’”
“Ngayon, Pablo, ano ang sinabi niya sa iyo noong 10 taon ka?”
“Binalaan niya ako tungkol sa pornograpiya at malalaswang biro.”
“Ano naman noong 11 taon ka?” tanong ko.
“Binalaan niya ako tungkol sa mga bagay na maaaring nakakalulong at pinaalalahanan ako tungkol sa paggamit ng aking kalayaan.”
Narito ang isang ama, taun-taon, “taludtod sa taludtod; dito’y kaunti, doo’y kaunti,”10 na nakatulong sa kanyang anak na hindi lamang makinig kundi umunawa. Alam ng ama ni Pablo na natututo ang mga bata kapag handa na silang matuto, hindi lang kapag handa na tayong turuan sila. Ipinagmalaki ko si Pablo nang isumite namin ang kanyang aplikasyon sa misyon noong gabing iyon, pero mas ipinagmalaki ko ang tatay niya.
Nang pauwi na ako noong gabing iyon, itinanong ko sa sarili ko, “Anong klaseng ama kaya ang kahihinatnan ni Pablo?” At napakalinaw ng sagot: magiging katulad siya ng tatay niya. Sabi ni Jesus, “Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama.”11 Ito ang huwaran ng Ama sa Langit sa pagpapala sa Kanyang mga anak sa pagdaan ng mga henerasyon.
Habang patuloy kong pinag-iisipan ang napag-usapan namin ni Pablo, nalungkot ako dahil malalaki na ang apat na anak kong babae at malayo ang tirahan ng siyam na apo ko noon. Sa gayo’y naisip ko, “Paano ko kaya sila matutulungan na tulad ng pagtulong ng ama ni Pablo sa kanya? Napakahaba na ba ng panahong lumipas?” Nang mag-alay ako ng panalangin sa puso ko, ibinulong ng Espiritu ang malalim na katotohanang ito: “Kailanma’y hindi masyadong maaga at hindi pa huli ang lahat para simulan ang mahalagang prosesong ito.” Nalaman ko kaagad ang ibig sabihin niyon. Halos hindi ako makapaghintay na makauwi. Ipinatawag ko sa asawa kong si Sharol ang lahat ng anak namin at sinabihan sila na kailangan namin silang makausap; may mahalaga akong sasabihin sa kanila. Medyo nagulat sila sa pagmamadali ko.
Nagsimula kami sa aming panganay na babae at kanyang asawa: Sabi ko: “Gusto namin ng inyong ina na malaman ninyo na naging kaedad ninyo kaming minsan. Edad 31 kami noon, na may maliit na pamilya. May ideya kami ng maaari ninyong maranasan. Maaaring problema sa pera o kalusugan. Maaaring mawalan kayo ng pananampalataya. Maaaring mahirapan kayo sa buhay. Kapag nangyari ang mga bagay na ito, gusto naming lapitan ninyo kami at kausapin. Tutulungan namin kayong malagpasan ang mga iyon. Ngayon, ayaw naming makialam sa buhay ninyo palagi, pero gusto naming malaman ninyo na lagi kaming nasa inyong tabi. Habang magkakasama tayo, gusto kong magkuwento sa inyo tungkol sa isang interbyu ko sa binatang si Pablo.”
Pagkatapos ng kuwento, sinabi ko, “Ayaw naming mawalan kayo ng pagkakataong tulungan ang inyong mga anak at aming mga apo na maunawaan ang mahahalagang katotohanang ito.”
Mga kapatid, natanto ko na ngayon sa mas makabuluhang paraan kung ano ang inaasahan ng Panginoon sa akin bilang ama at lolo sa pagtatatag ng isang proseso sa pagtulong sa aking pamilya na hindi lang makinig kundi makaunawa.
Habang tumatanda ako, pinag-iisipan ko ang mga salitang ito:
Orasan, Orasan, ibalik mo ang nakaraan,
At hayaang maging mga anak ko sila kahit isang gabi na lang!12
Alam ko na hindi ko kayang ibalik ang oras, pero alam ko na ito ngayon—na kailanma’y hindi masyadong maaga at hindi pa huli ang lahat para akayin, gabayan, at sabayan sa paglakad ang ating mga anak dahil ang mga pamilya ay walang hanggan.
Pinatototohanan ko na mahal na mahal tayo ng ating Ama sa Langit kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang mamuhay bilang mortal para masabi sa atin ni Jesus na, “galing na ako sa kinaroroonan mo, alam ko ang susunod na mangyayari, at tutulungan kitang malagpasan ito.” Alam kong gagawin Niya ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.