2010–2019
Hindi Ka Nag-Iisa sa Gawain
Oktubre 2015


15:48

Hindi Ka Nag-Iisa sa Gawain

Habang kayo ay sumusulong mula sa isang paglilingkod sa priesthood patungo sa isa pa, makikita ninyo na kasama ninyo ang Panginoon.

Minamahal kong mga kapatid, tayo ay nagpapasalamat na tinawag ng Panginoon sina Elder Ronald A. Rasband, Elder Gary E. Stevenson, at Elder Dale G. Renlund bilang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo. Sumasang-ayon sa kanila ang aming mga puso, panalangin, at pananampalataya.

Alam namin ang kanilang dakilang kakayahan. Gayunman, kakailanganin nila ng katiyakan, tulad nating lahat, na kasama nila ang Panginoon sa Kanyang gawain. Kailangan ng pinakabagong deacon ang pagtitiwalang iyan, at gayon din ang pinakabihasang high priest na tatanggap ng bagong tungkulin.

Ang ganyang pananalig ay lumalago habang nalalaman ninyo na kayo ay tinawag Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod. Ang paghihikayat ko ay upang matulungan kayong malaman na kung gagawin ninyo ang inyong bahagi, idaragdag ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa inyong pagsisikap.

Anumang tungkulin na natatanggap natin sa kaharian ng Panginoon ay nangangailangan ng higit pa sa ating sariling pagpapasiya at kapangyarihan. Ang mga tungkuling iyon ay nangangailangan ng tulong mula sa Panginoon, na darating naman. Malalaman maging ng bawat bagong deacon na ito ay totoo, at patuloy pa niyang malalaman ito sa paglipas ng mga taon.

Nandito ngayong gabi ang isa sa mga apo ko para sa kanyang unang sesyon ng priesthood. Naorden siya bilang deacon anim na araw na ang nakararaan. Inaasahan niya na ang unang gagampanan niyang tungkulin sa priesthood ay ang pagpapasa ng sakramento sa susunod na Linggo. Dalangin ko na makita niya ang tunay na kahulugan ng sandaling iyon.

Maaari niyang isipin na ang kanyang tungkulin sa Panginoon ay ang magpasa ng trey ng sakramento sa mga taong nakaupo sa sacrament meeting. Ngunit ang layunin ng Panginoon ay hindi lamang para makibahagi ng tinapay at tubig ang mga tao. Ito ay upang masunod nila ang tipan na magpapasulong sa kanilang paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan. At upang mangyari iyon, kailangang magbigay ang Panginoon ng espirituwal na karanasan sa taong aalukan ng deacon ng trey.

Nakita ko nang nangyari iyan sa isang care center kung saan dumukwang ang isang deacon para ipasa ang trey sa isang matandang babae. Tiningnan ng babae ang tinapay na tila ito ay napakahalaga. Hindi ko malimutan ang kanyang ngiti nang kainin niya ito at pagkatapos ay tinapik ang deacon sa ulo, at sinabing, “Ay, salamat sa iyo!”

Ginagawa lamang ng deacon ang kanyang tungkulin sa priesthood. Gayunman, pinalaki ng Panginoon ang ginawa ng deacon. Malinaw na naalala ng babae ang Tagapagligtas nang taos-puso siyang nagpasalamat sa paglilingkod ng isang deacon. Habang isinisilbi sa kanya ng deacon ang sakramento ay nakatiyak siya na makakasama niya ang Espiritu. Hindi siya nag-iisa sa care center noong araw na iyon. Hindi rin nag-iisa ang deacon sa kanyang paglilingkod.

Marahil ay hindi nadarama ng isang batang teacher sa Aaronic Priesthood, na kasama niya ang Panginoon sa Kanyang gawain kapag bumibisita siya upang magturo sa isang pamilya. Naaalala ko ang simpleng patotoo ng isang batang kasama sa home-teaching na pumunta sa aming tahanan. Pinagtibay ng Espiritu ang kanyang mga salita sa akin at sa aking pamilya. Maaaring hindi na niya naaalala ang araw na iyon, ngunit naaalala ko ito.

Palalakihin muli ng Panginoon ang mga pagsisikap ng isang binatilyo kapag tinawag na siyang maging priest. Ang unang pagbibinyag na isasagawa niya, halimbawa, ay maaaring sa isang bata na hindi niya kilala. Maaaring nag-aalala siya kung tama ba ang mga sasabihin niya at kung magagawa niya nang tama ang ordenansa.

Ngunit palalakihin ng Panginoon, na pinaglilingkuran niya, ang kanyang tungkulin. Pinili ng taong bibinyagan niya na sumulong sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Gagawin ng Panginoon ang Kanyang mas malaking bahagi. Ginawa Niya ito para sa akin noong ibinulong sa akin ng batang lalaking bininyagan ko, na may luha pang dumadaloy sa kanyang mukha, na “Malinis na ako. Malinis na ako.”

Habang kayo ay sumusulong mula sa isang paglilingkod sa priesthood tungo sa isa pa, makikita ninyo na kasama ninyo ang Panginoon. Natutuhan ko ito nang makilala ko ang isang elders quorum president sa isang stake conference ilang taon na ang nakalipas. Sa kumperensyang iyon ay may mahigit 40 pangalan ng mga lalaking tatanggap noon ng Melchizedek Priesthood.

Humilig sa akin ang stake president at bumulong, “Ang lahat ng mga lalaking iyan ay dating mga di-gaanong aktibong prospective elders.” Hangang-hanga akong nagtanong sa president kung ano ang kanyang programa upang sagipin ang mga lalaking ito.

Itinuro niya ang isang binatilyo na nasa hulihan ng kapilya. Sinabi niya, “Ayun siya. Karamihan sa mga lalaking ito ay napabalik dahil sa elders quorum president na iyan.” Naroon siya sa likuran, simple lang ang bihis niya, nakaunat ang mga binti at magkapatong ang suot na sira-sirang sapatos.

Hiniling ko sa stake president na ipakilala ako sa kanya pagkatapos ng miting. Nang magkita kami, sinabi ko sa binata na ako ay namangha sa nagawa niya at tinanong ko kung paano niya ito nagawa. Nagkibit-balikat lang siya. Halatang hindi niya inisip na karapat-dapat siyang parangalan.

Pagkatapos ay mahina niyang sinabi, “Kilala ko ang bawat di-aktibong lalaki sa bayang ito. Karamihan sa kanila ay may mga pickup truck. Mayroon din akong trak. Ipinapalinis ko ang trak ko kung saan sila nagpapalinis. Hindi nagtagal, naging kaibigan ko sila.

“Pagkatapos ay hinintay ko na magkaroon sila ng pagsubok sa buhay. Lagi namang mayroon. Sinasabi nila ito sa akin. Nakikinig ako at hindi ko sila hinuhusgahan. Pagkatapos, kapag sinabi nilang, ‘May mali sa buhay ko. Siguro may mas mabuti pa kaysa rito,’ at sinasabi ko ang kulang sa kanila at kung saan nila ito matatagpuan. Minsan ay naniniwala sila sa akin, at kapag nagkagayon, isinasama ko sila.”

Makikita mo kung bakit siya mapagpakumbaba. Ito ay dahil sa ginawa niya ang kanyang maliit na bahagi at ang Panginoon ang gumagawa ng iba pa. Ang Panginoon ang siyang umantig sa mga puso ng mga lalaki noong nagkaroon sila ng problema. Ang Panginoon ang siyang nagparamdam sa kanila na marahil ay may mas mainam pa para sa kanila at ng pag-asa na mahahanap nila ito.

Ang binata, na—katulad ninyo—ay isang tagapaglingkod ng Panginoon, na naniwala na kung gagawin niya ang kanyang maliit na bahagi, tutulungan ng Panginoon ang mga lalaking iyon na matunton ang landas pauwi at tungo sa kaligayahan na Siya lamang ang makapagbibigay. Alam din ng lalaking ito na tinawag siya ng Panginoon bilang elders quorum president sapagkat gagawin niya ang kanyang bahagi.

May mga pagkakataon sa inyong paglilingkod na wala sa inyo ang katulad ng kapansin-pansing tagumpay ng binatang elders quorum president . Ito ang panahon na kailangan mong manalig sa Panginoon, batid na gagawin mo ang iyong bahagi sa gawain, na tinawag ka sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod. Ang pagkakaroon ng pananampalataya sa tungkulin na mula sa mga tagapaglingkod ng Panginoon ay naging mahalaga sa serbisyong misyonero ng aking kalolo-lolohang si Henry Eyring.

Siya ay nabinyagan noong Marso 11, 1855, sa St. Louis, Missouri. Hindi nagtagal ay inorden siya ni Erastus Snow sa katungkulan ng priest pagkatapos niyon. Ang pangulo ng St. Louis Stake na si John H. Hart, ay tinawag siyang magmisyon sa Cherokee Nation noong Oktubre 6.1 Inorden siyang elder noong Oktubre 11. Umalis siya sakay ng kabayo papunta sa Cherokee Mission noong Oktubre 24. Siya ay 20-taong gulang noon at pitong buwan pa lamang na miyembro.

Kung mayroong mayhawak ng priesthood na may dahilang makaramdam na hindi siya karapat-dapat o handa, iyon ay si Henry Eyring. Ang tanging dahilan kung bakit nagkalakas siya ng loob na umalis ay sapagkat alam niya sa puso niya na tinawag siya ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod. Dito nanggaling ang kanyang tapang. Iyon din dapat ang pinagkukunan ng ating katapangan na maging masigasig, anuman ang tungkulin natin sa priesthood.

Pagkatapos maglingkod ni Elder Eyring sa loob ng tatlong mahihirap na taon at matapos mamatay ang mission president, si Henry ay iminungkahi at sinang-ayunan bilang pangulo ng misyon sa isang miting na idinaos noong Oktubre 6, 1858. Nagulat at natakot siya na tulad ng madarama ng isang bagong deacon. Isinulat niya, “Hindi ko inaasahan na matawag sa mabigat na tungkuling iyon ngunit dahil ito ang kalooban ng mga kapatid, malugod ko itong tinanggap, habang dama ko ang aking matinding kahinaan at kakulangan ng karanasan.”2

Ang ngayo’y Pangulong Eyring ay naglakbay patungo sa Cherokee, Creek, at Choctaw Nations noong 1859. Sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap, “nagdagdag” ang Panginoon, ayon sa itinala ni Henry, “ng marami sa simbahan.” Bumuo siya ng dalawang sangay ngunit itinala niyang “kaunti lang ang tumutulong sa gawain.”3

Pagkatapos ng isang taon, hinarap ni Henry ang masalimuot na katotohanan na ang mga pinuno ng pulitika ng mga taong pinaglilingkuran niya ay hindi na pumapayag sa mga misyoneryong Banal sa mga Huling Araw na gawin ang kanilang tungkulin. Habang nagninilay siya kung ano ang nararapat niyang gawin, naalala niya ang isang tagubilin ng kanyang dating mission president na ipinahihiwatig na dapat niyang patagalin ang kanyang misyon hanggang 1859.4

Noong Oktubre ng taong iyon, sumulat si Henry kay Pangulong Brigham Young upang humingi ng direksyon, ngunit hindi siya nakatanggap ng sagot sa tanong niya. Itinala ni Henry, “Dahil hindi ako nakakuha ng anumang sagot mula sa Panguluhan ng Simbahan, tumawag ako sa Panginoon sa panalangin, hinihiling sa kanya na ihayag sa akin ang kanyang isipan at kalooban hinggil sa aking pananatili rito o pagbalik sa Sion.”

Nagpatuloy siya: “Ang kasunod na panaginip ay ibinigay sa akin bilang sagot sa aking panalangin. Nanaginip ako na dumating ako sa [Salt Lake] City at nagtungo kaagad sa opisina ni [Pangulong Brigham] Young, kung saan natagpuan ko siya. Sabi ko sa kanya: ‘[Pangulong] Young, iniwan ko ang aking misyon, at bumalik sa sarili kong pagpapasiya, ngunit kung may anumang mali sa ginawa kong ito, ako ay handang bumalik at tapusin ang misyon ko.’ [Sa panaginip, ang propeta ay] tumugon: ‘Sapat na ang panahong inilagi mo doon, tama lang yan.’”

Isinulat ni Henry sa kanyang journal, “Dahil nagkaroon na ako dati ng mga panaginip na nagkatotoo, mayroon akong pananampalataya, na ito rin ay mangyayari at naghanda ako kaagad na umuwi.”

Dumating siya sa Salt Lake City noong Agosto 29, 1860, na halos naglakad lang. Kinabukasan, pumunta siya sa opisina ni Pangulong Brigham Young.5

Inilarawan ni Henry ang karanasan sa mga salitang ito: “Hinanap [ko] si [Pangulong] Young, na malugod [akong] tinanggap. Sabi ko sa kanya, ‘[Pangulong] Young, naparito ako kahit hindi ako pinatawag, kung mali ang ginawa kong ito, ako ay handang bumalik at tapusin ang misyon ko.’ Sumagot si [Brigham Young]: ‘Ayos lang, hinahanap ka nga namin.’”

Inilarawan ni Henry ang kanyang kagalakan, at sinabing, “Sa ganoong paraan mismo natupad ang aking panaginip.”6

Ang kanyang kagalakan ay mula sa pagpapatibay na tinutulungan at binabantayan siya ng Panginoon. Natutuhan niya ang totoo para sa ating lahat—na ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay inspiradong malaman ang kalooban ng Panginoon. At pinagtibay din ni Henry Eyring ang nalalaman ko: na ang propeta, bilang pangulo ng priesthood, ay inspirado ng Diyos upang pangalagaan at kalingain ang mga tagapaglingkod ng Panginoon at tawagin sila.

Anuman ang inyong katungkulan sa priesthood, maaaring may mga pagkakataon na tila pakiramdam ninyo ay hindi na kayo napapansin ng Ama sa Langit. Maaari kayong manalangin upang malaman ang Kanyang kalooban, at kung may tapat kayong hangarin na gawin ang anumang ipapagawa Niya sa inyo, makatatanggap kayo ng sagot.

Papahintulutan kayo ng Ama sa Langit na maramdaman na kilala Niya kayo, na ikinalulugod Niya ang inyong paglilingkod, at kayo ay nagiging karapat-dapat sa pagbati ng Panginoon na sadyang nais ninyong marinig: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.”7

Dalangin ko na bawat mayhawak ng priesthood ay tutulong sa iba gamit ang pananampalataya upang sagipin ang bawat kaluluwa na responsibilidad nila. Idaragdag ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa mga pagsisikap ng Kanyang mga tagapaglingkod. Ang mga puso ng mga tao ay maaantig na piliin ang mga makakapagpabalik sa kanila sa landas ng ebanghelyo tungo sa kaligayahan at palayo sa kalungkutan.

Dalangin ko rin na sa kanilang tungkulin ay maramdaman ng bawat mayhawak ng priesthood ang pagmamahal at pangangalaga ng Ama sa Langit, ng Tagapagligtas, at ng propeta ng Diyos.

Ibinabahagi ko sa inyo ang aking natatanging patotoo na tayo ay nasa paglilingkod ng nabuhay na mag-uling Panginoong Jesucristo. Nagpapatotoo ako na ikaw at ako ay tinawag Niya sa Kanyang paglilingkod na alam Niya ang ating kakayahan at ang tulong na kakailanganin natin. Pagpapalain Niya nang lagpas pa sa inaasahan ang ating mga pagsisikap kung ibibigay natin ang ating lahat sa paglilingkod sa Kanya. Nagpapatotoo ako na ang propeta ng Diyos, ang pangulo ng lahat ng priesthood sa lupa, ay binibigyang-inspirasyon ng Diyos.

Ikinalulugod ko ang mga halimbawa ng matatapat na mayhawak ng priesthood sa lahat ng dako ng mundo. Ikinalulugod ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na ginagawa ninyo ang inyong bahagi. Kilala Nila kayo, binabantayan Nila kayo, at mahal Nila kayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Minutes of the Conference,” St. Louis Luminary, Okt. 13, 1855, 187.

  2. Liham ni Henry Eyring kay Brigham Young, Okt. 7, 1858, Brigham Young Office Files, Church History Library, Salt Lake City.

  3. Ang report ni Henry Eyring sa Church Historian’s Office, Ago. 1860, Missionary Reports, Church History Library, Salt Lake City.

  4. Tingnan ang liham ni Henry Eyring kay Brigham Young, Okt. 9, 1859, Brigham Young Office Files, Church History Library, Salt Lake City.

  5. Tingnan sa President’s Office Journals, Ago. 31, 1860, tomo D, 137, Brigham Young Office Files, Church History Library, Salt Lake City.

  6. Mga paggunita ni Henry Eyring, 1896, typescript, 27–28, Church History Library, Salt Lake City.

  7. Mateo 25:23.