Na Sila sa Tuwina ay Aalalahanin Siya
Gustung-gusto kong pag-aralan at pagnilayan ang buhay Niya na ibinigay ang lahat-lahat para sa akin at sa ating lahat.
Gustung-gusto ko ang awitin sa Primary na nagsasabing:
Ang mga k’wento kay Jesus na gusto ko,
Isalaysay po sa akin lahat ito.
K’wento habang s’ya’y naglalakad,
K’wento habang s’ya’y naglalayag.1
Naniniwala ako na ang pagkakaroon ng tradisyon na pagkukuwento tungkol kay Jesus sa ating mga anak at pamilya ay isang napaka-espesyal na paraan para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath sa ating tahanan.
Tiyak na magdadala ito ng isang espesyal na damdamin sa ating tahanan at magpapakita sa ating pamilya ng mga halimbawang nagmula mismo sa Tagapagligtas.
Gustung-gusto kong pag-aralan at pagnilayan ang buhay Niya na ibinigay ang lahat-lahat para sa akin at sa ating lahat.
Gustung-gusto kong basahin ang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa Kanyang buhay na walang bahid ng kasalanan, at matapos basahin ang mga banal na kasulatan na nagkukuwento tungkol sa mga naranasan Niya, pumipikit ako at sinisikap kong ilarawan ang mga sagradong pangyayaring ito na nagtuturo at espirituwal na nagpapalakas sa akin.
Mga pangyayaring gaya ng:
-
Nang lumura Siya sa lupa at, pagkatapos na pinapagputik ang lura, ay pinahiran ang mata ng lalaking bulag at sinabi sa kanya, “Humayo ka, maghugas ka sa tangke ng Siloe.” At sumunod ang lalaki, “at naghugas, at nagbalik na nakakakita.”2
-
Nang pagalingin Niya ang babae na inaagasan ng dugo at humipo sa laylayan ng Kanyang damit, sa paniniwalang sa paghipo lamang sa Kanya ay gagaling siya.3
-
Nang magpakita Siya sa Kanyang mga disipulo, na lumalakad sa ibabaw ng dagat.4
-
Nang maglakad Siya kasama ang mga disipulo sa daan patungong Emaus at binuksan ang kanilang pang-unawa sa mga banal na kasulatan.5
-
Nang magpakita Siya sa mga tao sa mga lupain ng Amerika at sabihan sila na lumapit sa Kanya at hipuin nila ang Kanyang tagiliran at damhin ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa upang malaman nila na Siya “ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.”6
Nagagalak akong malaman na may mga magulang na nagkukuwento tungkol kay Cristo sa kanilang mga anak. Napapansin ko ito kapag minamasdan ko ang mga bata sa Simbahan sa mga Primary program at sa iba pang mga okasyon.
Nagpapasalamat ako sa aking mga magulang sa pagtuturo sa akin tungkol kay Cristo. Patuloy kong nakikita kung paano nakakatulong ang halimbawa ng Tagapagligtas sa aking mahal na asawa sa pagtuturo namin sa sarili naming mga anak.
Puspos ng galak ang puso ko nang makita ko ang aking mga anak na nagkukuwento tungkol kay Cristo sa aking mga apo. Ipinapaalala nito sa akin ang isa sa mga paborito kong banal na kasulatan, na matatagpuan sa 3 Juan kabanata 1, talata 4, na nagsasabing, “Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan.” At bakit hindi pati ang aming mga apo?
Nagpapasalamat ako para sa ating mga lider, na palaging nagtuturo sa atin tungkol kay Cristo, sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, at sa pakikibahagi ng sakramento bawat Linggo bilang pag-alaala sa Tagapagligtas.
Ang araw ng Sabbath at sakramento ay nagiging mas kasiya-siya kapag pinag-aralan natin ang mga kuwento tungkol kay Cristo. Sa paggawa nito, lumilikha tayo ng mga tradisyon na nagpapalakas ng ating pananampalataya at patotoo at nagpoprotekta rin sa ating pamilya.
Ilang linggo na ang nakalipas, habang muling pinag-aaralan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson sa huling pangkalahatang kumperensya, at habang nagninilay sa araw ng Sabbath, nakadama ako ng malaking pasasalamat para sa pagpapala at pribilehiyong makabahagi ng sakramento. Para sa akin iyon ay isang sandaling napakataimtim, napakasagrado, at napaka-espirituwal. Talagang lubos akong nasisiyahan sa sacrament meeting.
Habang nagninilay, pinag-aralan kong mabuti ang mga pagbabasbas sa tinapay at tubig. Binasa ko at taos na pinagnilayan ang mga panalangin at ordenansa ng sakramento. Sinimulan kong pagbulayan sa aking puso’t isipan ang mga pangyayaring kaugnay nito.
Sa aking pagninilay-nilay, inisip ko ang araw na iyon, ang unang araw ng pista ng tinapay na walang lebadura, nang si Jesus, bilang tugon sa tanong ng Kanyang mga disipulo kung saan maghahanda para sa Paskua, ay sumagot sa kanila, “Magsipasok kayo sa gayong tao, at sabihin ninyo sa kaniya, Sinabi ng Guro, malapit na ang aking panahon; sa iyong bahay magpapaskua ako pati ng aking mga alagad.”7
Sinikap kong ilarawan sa aking isipan ang mga disipulo na bumibili ng pagkain at maingat na inihahanda ang mesa upang makasalo Siya sa pagkain sa espesyal na araw na iyon: isang mesa para sa 13 katao, Siya at ang kanyang 12 disipulo, na minahal Niya.
Naiyak ako nang ilarawan ko sa aking isipan na kasalo nila sa pagkain si Cristo at sabihin Niyang, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.”8
Naisip ko ang malulungkot na disipulo na nagtanong sa Kanya, “Ako baga, Panginoon?”9
At nang itanong din ito ni Judas sa Kanya, mahinahon Siyang tumugon, “Ikaw ang nagsabi.”10
Nakinita ko ang mga kamay na nagpagaling, umaliw, nagpasigla, at nagbasbas, na pinagputul-putol ang tinapay nang sabihin ni Jesus, “Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan.”11
Pagkatapos ay kinuha Niya ang saro na may lamang alak at nagpasalamat at ibinigay ang saro sa kanila, sinasabing, “Magsiinom kayong lahat diyan; sapagka’t ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.”12
Sa aking isipan tiningnan kong isa-isa ang mga disipulo at nakita sa kanilang mga mata ang pag-aalala para sa Panginoon, na labis nilang minahal. Para bang nakaupo ako roon na kasama nila, at pinagmamasdan ang lahat ng nangyayari. Nakadama ako ng matinding sakit sa aking puso, puno ng pighati at kalungkutan dahil sa daranasin Niya para sa akin.
Ang kaluluwa ko’y napuspos ng matinding pagnanais na maging mas mabuting tao. Sa pagsisisi at kalungkutan, taimtim kong ninais na mapigilan at maiwasan ang paglabas ng kahit ilang patak ng Kanyang dugo na ibinuhos sa Getsemani.
Pagkatapos ay nagnilay-nilay ako tungkol sa sakramento na nakikibahagi tayo tuwing linggo bilang pag-alaala sa Kanya. Habang ginagawa ito, ginunita ko ang bawat salita sa panalangin ng pagbabasbas sa tinapay at tubig. Pinagnilayan kong mabuti ang mga salitang “at lagi siyang aalalahanin” sa pagbabasbas sa tinapay, at na “sila sa tuwina ay aalalahanin siya” sa pagbabasbas sa tubig.13
Pinagnilayan ko ang ibig sabihin ng lagi Siyang aalalahanin.
Para sa akin ang ibig sabihin nito ay:
-
Alalahanin ang Kanyang buhay bago Siya isinilang, nang likhain Niya ang magandang planetang ito.14
-
Alalahanin ang Kanyang abang pagsilang sa isang sabsaban sa Betlehem sa Judea.15
-
Alalahanin nang Siya, kahit noong Siya ay 12-taong-gulang, ay nagturo at nangaral sa mga guro ng relihiyon sa templo.16
-
Alalahanin ang pagpunta Niya nang mag-isa sa isang ilang upang maghanda para sa Kanyang mortal na ministeryo.17
-
Alalahanin nang Siya ay magbagong-anyo sa harapan ng Kanyang mga disipulo.18
-
Alalahanin nang pasimulan Niya ang sakramento sa Huling Hapunan kasama nila.19
-
Alalahanin nang magpunta Siya sa Halamanan ng Getsemani at magdusa nang napakatindi para sa ating mga kasalanan, pasakit, kabiguan, at karamdaman kaya Siya nilabasan ng dugo sa bawat butas ng balat.20
-
Alalahanin nang Siya ay ipagkanulo, matapos ang labis na pagdurusa at matinding sakit, kahit noong nasa Getsemani pa Siya, sa isang halik ng isa sa mga disipulo na itinuring Niyang kaibigan.21
-
Alalahanin nang Siya ay dalhin kay Pilato at kay Herodes para litisin.22
-
Alalahanin nang Siya ay ipahiya, bugbugin, luraan, sampalin, at hampasin ng isang latigong pumunit sa Kanyang laman.23
-
Alalahanin nang walang-awang iputong ang koronang tinik sa Kanyang ulo.24
-
Alalahanin na kinailangan Niyang pasanin ang sarili Niyang krus patungong Golgota at na Siya ay ipinako sa krus doon, at dumanas ng lahat ng pisikal at espirituwal na sakit.25
-
Alalahanin na sa krus, na ang Kanyang sisidlan ay puspos ng pag-ibig, tumingin Siya sa mga nagpako sa Kanya sa krus at tumingala sa langit, na sumasamo, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”26
-
Alalahanin nang ipaubaya Niya ang Kanyang espiritu, batid na naisakatuparan na ang Kanyang misyon na iligtas ang buong sangkatauhan, sa mga kamay ng Kanyang Ama, na ating Ama.27
-
Alalahanin ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, na tumitiyak sa ating sariling pagkabuhay na mag-uli at ang posibilidad na makapiling Siya sa buong kawalang-hanggan, batay sa ating mga pagpili.28
Bukod pa rito, ang pagninilay sa mga panalangin sa sakramento at sa napakaespesyal at makabuluhang mga salita ng panalangin ay nagpapaalala sa akin kung gaano kasayang matanggap ang pangako, sa pagbabasbas ng sakramento, na kapag lagi natin Siyang aalalahanin, laging mapapaasaatin ang Kanyang Espiritu.29
Naniniwala ako na ang Panginoon ay may sariling takdang panahon kung kailan Siya magbibigay ng paghahayag sa atin. Naunawaan ko ito nang malinaw habang pinag-aaralan ang Eclesiastes 3:1, 6, na nagsasabing:
“Sa bawa’t bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa’t panukala sa silong ng langit: …
“Panahon ng paghanap, at panahon ng pagkawala: panahon ng pag-iingat, at panahon ng pagtatapon.”
Ang sakramento ay panahon din para turuan tayo ng Ama sa Langit tungkol sa Pagbabayad-sala ng Kanyang Pinakamamahal na Anak—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo—at para makatanggap tayo ng paghahayag tungkol dito. Panahon na para “magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan,”30 para hilingin at matanggap ang kaalamang ito. Panahon na para mapitagan nating hingin sa Diyos ang kaalamang ito. At kung gagawin natin ito, wala akong alinlangan na tatanggapin natin ang kaalamang ito, na magbibigay sa atin ng di-masukat na pagpapala.
Gustung-gusto ko ang araw ng Sabbath, ang sakramento, at ang kahulugan ng mga ito. Mahal ko ang Tagapagligtas nang buo kong kaluluwa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.