2010–2019
“Napiling Magpatotoo sa Aking Pangalan”
Oktubre 2015


16:54

“Napiling Magpatotoo sa Aking Pangalan”

Napakaganda na ang mga naglilingkod sa nakatataas na katungkulan sa pamumuno ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay nakatatandang kalalakihan na husto sa espirituwalidad at matalinong magpasiya.

Noong1996 ininterbyu si Pangulong Gordon B. Hinckley sa programa sa telebisyon na 60 Minutes. Si Mike Wallace, isang bihasa at masugid na mamamahayag, ang nag-interbyu kay Pangulong Hinckley tungkol sa ilang mahahalagang paksa.

Nang malapit nang matapos ang kanilang pag-uusap, sinabi ni Mr. Wallace, “May mga nagsasabi na, ‘Ito ay isang gerontocracy. Simbahan ito na pinangangasiwaan ng matatandang lalaki.’”

Nakangiti at walang pag-aatubiling tumugon si Pangulong Hinckley, “Hindi ba’t napakaganda na may edad na lalaki ang namumuno, isang tao na matalinong magpasiya, at hindi nagpapatangay sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral?” (broadcast noong Abr. 7, 1996).

Layunin kong ipaliwanag kung bakit napakaganda na ang mga naglilingkod sa nakatataas na katungkulan sa pamumuno ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay nakatatandang kalalakihan na husto sa espirituwalidad at matalinong magpasiya—at bakit dapat tayong “makarinig” at “makinig” (Mosias 2:9) sa mga turo ng mga kalalakihang ito na “pinili [ng Panginoon na] magpatotoo sa [Kanyang] pangalan … sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao” (D at T 112:1).

Dalangin ko na maturuan tayong lahat ng Espiritu Santo habang sama-sama nating pinag-iisipan ang mahalagang paksang ito.

Isang Aral sa Buhay

Magsasalita ako tungkol sa paksang ito nang may malinaw at natatanging pananaw. Sa nakalipas na 11 taon, ako ang pinakabatang miyembro ng Labindalawa batay sa edad. Sa maraming taon kong paglilingkod, ang karaniwang edad ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay 77 taon—ang pinakamatandang karaniwang edad ng mga Apostol sa nakalipas na 11-taon sa dispensasyong ito.

Pinagpala ako sa pinagsama-samang karanasan at kaalaman sa pagiging apostol, sa personal na buhay, at sa kahusayan sa trabaho, ng mga miyembro ng korum na aking pinaglilingkuran. Isang halimbawa ng maraming pagkakataong matuto at maglingkod na kasama ang mga lider na ito ay ang pag-uusap namin minsan ni Elder Robert D. Hales.

Isang Linggo ng hapon ilang taon na ang nakararaan binisita ko sa bahay si Elder Hales habang nagpapagaling siya mula sa malubhang karamdaman. Napag-usapan namin ang aming mga pamilya, mga responsibilidad sa korum, at mahahalagang karanasan.

Tinanong ko si Elder Hales, “Nagagampanan po ninyong mabuti ang pagiging asawa, ama, atleta, piloto, negosyante, at lider ng Simbahan. Anong mga aral ang natutuhan ninyo habang nagkakaedad kayo at hindi na gaanong makakilos?”

Nag-isip sandali si Elder Hales bago sumagot, “Kapag hindi mo magawa ang dati mong ginagawa, gawin mo lang kung ano ang pinakamahalaga.”

Humanga ako sa kasimplihan at kalaliman ng kanyang sagot. Ang kapwa ko apostol na ito na aking minamahal ay nagbahagi sa akin ng isang aral sa buhay—isang aral na natutuhan mula sa dinanas na mabigat na karamdaman at pagsasaliksik ng sagot sa mga bagay na espirituwal.

Mga Limitasyon at Kahinaan ng Tao

Ang mga limitasyon na sadyang kasama sa pagtanda ay napakagandang pagkuhanan ng espirituwal na kaalaman at kabatiran. Ang mismong mga bagay na ipinapalagay ng marami na nakapaglilimita sa kahusayan ng mga lingkod na ito ay maaaring maging kalakasan pa nila. Ang pisikal na limitasyon ay nagpapalawak ng pang-unawa. Ang limitadong lakas ay nagpapalinaw ng mga priyoridad. Ang kawalan ng kakayahang gumawa ng maraming bagay ay nagtutuon sa ilang mga bagay na pinakamahalaga.

Iminumungkahi ng ilang tao na mas bata, mas masiglang mga lider ang kailangan sa Simbahan upang epektibong matugunan ang mabibigat na hamon ng ating panahon. Ngunit ang Panginoon ay hindi gumagamit ng makabagong mga pilosopiya at paraan sa pamumuno para isakatuparan ang Kanyang mga layunin (tingnan sa Isaias 55:8–9). Maaasahan natin na ang Pangulo at iba pang namumuno sa Simbahan ay mas matatanda at maraming espirituwal na karanasan.

Ang inihayag ng Panginoon na huwaran ng pamumuno sa pamamagitan ng mga kapulungan sa Kanyang Simbahan ay nagpapalakas at hindi nagtutuon sa mga epekto ng mga kahinaaan ng katawan tao. Ang mahalagang pansinin, ang mortal na mga limitasyon ng kalalakihang ito ang siya pang nagpapatibay na ang mga paghahayag na natatanggap at ipinababatid nila ay tunay na mula sa Diyos. Tunay nga na ang mga kalalakihang ito ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng propesiya (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).

Isang Huwaran ng Paghahanda

Naobserbahan ko sa aking mga Kapatid ang ilang dahilan ng Panginoon kung bakit ang tinatawag Niya sa nakatataas na katungkulan ng pamumuno sa Simbahan ay nakatatandang kalalakihan na husto na ang espirituwalidad at matalinong magpasiya. Ang kalalakihang ito ay tinuruan sa matagal na panahon ng Panginoon, na kanilang kinakatawan, pinaglilingkuran, at minamahal. Natutuhan nila ang sagradong paraan ng pakikipag-ugnayan ng Espiritu Santo at ang mga huwaran ng Panginoon sa pagtanggap ng paghahayag. Ang pangkaraniwang kalalakihang ito ay sumailalim sa pinakapambihirang proseso ng pag-unlad na nagpalawak ng kanilang pang-unawa, nagpabago sa kanilang pananaw, nagpadama sa kanila ng pagmamahal para sa mga tao sa lahat ng bansa at kalagayan, at nagpatunay sa kanila ng katotohanan ng Panunumbalik.

Maraming beses kong nasaksihan ang mga Kapatid na ito na nagsisikap gawin at gampanan ang kanilang mga responsibilidad sa kabila ng malubhang karamdaman. Ang mga taong ito ay dumaranas din ng paghihirap. Gayunpaman, sila ay binabasbasan at pinalalakas upang patuloy na sumulong nang buong tapang kahit nahihirapan sa karamdaman.

Sa paglilingkod ko na kasama ang mga kinatawang ito ng Panginoon, nabatid ko na ang pinakahahangad nila ay malaman at magawa ang kagustuhan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Sa pag-uusap namin, nakatatanggap kami ng inspirasyon at nakagagawa ng desisyon na kababanaagan ng liwanag at katotohanan na hindi kayang abutin ng katalinuhan, pag-iisip, at karanasan ng tao. Sa pagtutulungang malutas ang mahihirap na suliranin, ang aming pinagsama-samang kaalaman tungkol sa problema ay pinalawak sa kagila-gilalas na paraan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Pinagpala ako na masaksihan araw-araw ang kani-kanyang personalidad, kakayahan, at marangal na pagkatao ng mga lider na ito. Iniisip ng ilang tao na ang mga kahinaan ng mga Kapatid ay nakakabalisa at nakapagpapahina ng pananampalataya. Para sa akin ang mga kahinaang iyon ay nakapaghihikayat at nakapagpapalakas ng pananampalataya.

Karagdagang Aral

Nasaksihan ko ang pagpanaw ng anim sa mga Kapatid na ito upang tumanggap ng mga bagong responsibilidad sa daigdig ng mga espiritu: Sina Pangulong James E. Faust, Pangulong Gordon B. Hinckley, Elder Joseph B. Wirthlin, Elder L. Tom Perry, Pangulong Boyd K. Packer, at Elder Richard G. Scott.

Ang magigiting na Kapatid na ito ay nag-alay ng kanilang “buong kaluluwa” (Omni 1:26)—sa pagpapatotoo sa pangalan ni Jesucristo sa buong daigdig. Ang pinagsama-samang mga turo nila ay walang katumbas.

Ang mga lingkod na ito ay nagbahagi sa atin sa mga huling taon ng kanilang paglilingkod dito sa mundo ng buod ng mga espirituwal at magagandang aral na natutuhan sa napakaraming taon ng tapat na paglilingkod. Nagbahagi ang mga lider na ito ng mga katotohanang lubhang kinakailangan sa mga sandaling inisip ng ilan na wala na silang gaanong maibibigay.

Pag-isipan ang mga huling itinuro ng mga dakilang propeta sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, tinapos ni Nephi ang kanyang talaan sa mga salitang ito: “Sapagkat gayon ang iniutos ng Panginoon sa akin, at kinakailangan kong sumunod” (2 Nephi 33:15).

Noong malapit na siyang pumanaw, ipinayo ni Jacob:

“Magsipagsisi kayo, at magsipasok sa makitid na pintuang bayan, at magpatuloy sa landas na makipot, hanggang sa inyong matamo ang buhay na walang hanggan.

“O maging marunong; ano pa ang masasabi ko?” (Jacob 6:11–12).

Tinapos ni Moroni ang paghahanda ng mga lamina habang masayang inaasam ang Pagkabuhay na Mag-uli: “Ako ay malapit nang magtungo sa kapahingahan sa paraiso ng Diyos, hanggang sa ang aking espiritu at katawan ay muling magsama, at ako ay matagumpay na madadala ng hangin, upang kayo ay tagpuin sa harapan ng nakalulugod na hukuman ng dakilang Jehova, ang Walang Hanggang Hukom ng kapwa buhay at patay” (Moroni 10:34).

Tayo ay pinagpala na matuto mula sa huling mga turo at patotoo ng mga propeta at apostol sa mga huling araw. Ang mga pangalan ngayon ay hindi na Nephi, Jacob, at Moroni—kundi Pangulong Faust, Pangulong Hinckley, Elder Wirthlin, Elder Perry, Pangulong Packer, at Elder Scott.

Hindi ko sinasabi na ang mga huling mensahe ng minamahal na kalalakihang ito ang pinakamahalaga sa kanilang buong paglilingkod. Gayunman, ang kabuuan ng kanilang espirituwal na kaalaman at mga karanasan sa buhay ang nagtulot sa mga lider na ito na bigyang-diin ang mga walang-hanggang katotohanan nang may ganap na katiyakan at nang may matindi at umaantig na kapangyarihan.

Pangulong James E. Faust

Sa kanyang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2007, ipinahayag ni Pangulong Faust:

“[Nagbigay] ang Tagapagligtas ng [natatanging] kapayapaan sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ngunit dumarating lamang ito kapag handa tayong iwaksi sa ating damdamin ang galit, o pagkayamot, o paghihiganti. …

“Tandaan natin na kailangan nating magpatawad upang mapatawad … Buong puso at kaluluwa kong pinaniniwalaan ang nakapagpapahilom na kapangyarihang dumarating sa atin kapag sinusunod natin ang payo ng Tagapagligtas na ‘magpatawad sa lahat ng tao’ [ D at T 64:10 ]” (“Ang Nakakapagpahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad” Liahona, Mayo 2007, 69).

Ang mensahe ni Pangulong Faust ay isang matinding aral sa buhay mula sa isang taong minamahal ko at isa sa mga lubos na mapagpatawad na taong nakilala ko.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Si Pangulong Hinckley ay nagpatotoo sa kanyang huling pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2007: “Pinagtitibay ko ang aking patotoo sa pagtawag [kay] Propetang Joseph, sa kanyang mga gawain, sa pagtatak ng kanyang patotoo sa pamamagitan ng kanyang dugo bilang isang martir sa walang hanggang katotohanan. … Tayo ay nahaharap sa simple ngunit diretsahang tanong sa pagtanggap ng katotohanan ng Unang Pangitain, at ang sumunod dito. Sa tanong tungkol sa katotohanan nito nakasalalay ang mismong katibayan ng Simbahang ito. Kung ito ang katotohanan, at nagpapatotoo akong ito nga, kung gayon ang gawaing kinabibilangan natin ang pinakamahalagang gawain sa mundo” (“Ang Batong Tinibag Mula sa Bundok,” Liahona, Nob. 2007, 86).

Pinagtibay ng patotoo ni Pangulong Hinckley ang isang matinding aral sa buhay mula sa isang taong mahal ko at alam kong propeta ng Diyos.

Elder Joseph B. Wirthlin

Ibinigay ni Elder Wirthlin ang kanyang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2008.

“Naaalala ko pa ang payo [ng aking ina] sa akin noong araw na iyon nang matalo ang koponan ko sa football: ‘Anuman ang mangyari, gustuhin ito.’

“… Ang paghihirap, kung haharapin nang wasto, ay maaaring maging pagpapala sa ating buhay. …

“Sa paghahanap natin ng katatawanan, paghahangad ng mga bagay na walang-hanggan, pag-unawa sa alituntunin ng [pagbibigay ng nararapat na pagpapala], at paglapit sa ating Ama sa Langit, kakayanin natin ang hirap at pagsubok. Masasabi natin, tulad ng aking ina, ‘Anuman ang mangyari, gustuhin ito’” (“Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Liahona, Nob. 2008, 28).

Ang mensahe ni Elder Wirthlin ay isang magandang aral sa buhay mula sa isang taong mahal ko at isang halimbawa ng taong hinaharap ang mga pagsubok nang may pananampalataya sa Tagapagligtas.

Elder L. Tom Perry

Tumayo si Elder Perry sa pulpitong ito anim na buwan na ang nakararaan. Nang oras na iyon hindi natin inakala na ang kanyang patotoo ang magiging huling mensahe niya sa pangkalahatang kumperensya.

“Magtatapos ako sa pagbibigay ng patotoo (at lubos ang karapatan kong sabihin ito dahil siyamnapung taon na ako sa mundong ito) na habang tumatanda ako, mas natatanto ko na ang pamilya ang sentro ng buhay at susi sa walang-hanggang kaligayahan.

“Salamat sa aking asawa, mga anak, mga apo at apo-sa-tuhod, at [sa] … kamag-anak na nagpapayaman sa buhay ko at, oo, maging magpasawalang-hanggan. Iniiwan ko ang aking pinakamalakas at pinakasagradong patotoo tungkol sa walang-hanggang katotohanang ito” (“Bakit Mahalaga ang Kasal at Pamilya—sa Lahat ng Dako ng Mundo,” Liahona, Mayo 2015, 42).

Ang mensahe ni Elder Perry ay isang magandang aral sa buhay mula sa isang taong mahal ko na dahil sa malawak na karanasan ay naunawaan ang mahahalagang kaugnayan ng pamilya at walang-hanggang kaligayahan.

Pangulong Boyd K. Packer

Binigyang-diin ni Pangulong Packer sa pangkalahatang kumperensya anim na buwan na ang nakararaan ang plano ng kaligayahan ng Ama, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at ang mga walang-hanggang pamilya:

“Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo at ang Anak ng Diyos na buhay. Siya ang namumuno sa Simbahang ito. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at ng kapangyarihan ng priesthood, ang mga pamilya na nagsimula sa buhay na ito ay maaaring magkasama-sama sa kawalang-hanggan …

“Nagpapasalamat ako sa … Pagbabayad-sala na makahuhugas sa bawat mantsa gaano man kahirap o katagal o ilang beses mang inulit. Maaari kang palayaing muli ng Pagbabayad-sala para makasulong, nang malinis at karapat-dapat” (“Ang Plano ng Kaligayahan,” Liahona, Mayo 2015, 28).

Ang huling mensahe ni Pangulong Packer ay isang aral sa buhay mula sa isang taong mahal ko na mariin at paulit-ulit na ipinahayag na ang layunin “ng lahat ng gawain sa Simbahan ay ang makita ang isang lalaki at isang babae at ang kanilang mga anak na masaya sa tahanan at ibinuklod para sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan” (Liahona, Mayo 2015, 26).

Elder Richard G. Scott

Ipinahayag ni Elder Scott sa kanyang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya, noong Oktubre 2014: “Isinilang tayo sa mundo para umunlad mismo mula sa mga pagsubok. Ang mga hamon sa buhay ay tumutulong sa atin na maging mas katulad ng ating Ama sa Langit, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagtutulot sa atin na makayanan ang mga hamong iyon. Pinatototohanan ko na kapag tayo ay masigasig na lumapit sa Kanya, makakayanan natin ang bawat tukso, bawat dalamhati, at bawat hamon na kinakaharap natin” (“Unahin Ninyong Manampalataya,” Liahona, Nob. 2014, 94).

Ang mensahe ni Elder Scott ay magandang aral sa buhay mula sa isang taong mahal ko at minamahal na natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong mundo (tingnan sa D at T 107:23).

Pangako at Patotoo

Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38). Nawa’y pakinggan at sundin natin ang mga walang hanggang katotohanang itinuro ng mga awtorisadong kinatawan ng Panginoon. Kapag ginawa natin ito, ipinapangako ko na mapapatibay ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at tatanggapin natin ang espirituwal na patnubay at proteksyon para sa kani-kanya nating kalagayan at pangangailangan.

Buong lakas ng kaluluwa kong pinatototohanan ang pamamahala ng nabuhay na muli at buhay na si Cristo sa mga gawain ng Kanyang ipinanumbalik at buhay na Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod na napiling magpatotoo sa Kanyang pangalan. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.