2010–2019
Pinagpala at Maligaya ang mga Taong Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos
Oktubre 2015


10:19

Pinagpala at Maligaya ang mga Taong Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos

Ang mga harang na ginawa ng Panginoon ay nagsisilbing kanlungan natin laban sa masasama at nakakapinsalang impluwensya.

Kailan lang sa pagbisita ko sa Australia, pinuntahan ko ang isang horseshoe bay na kilalang dinarayo ng mga surfer. Habang naglalakad ako sa dalampasigan, namangha ako sa naglalakihang alon na nababasag kapag humahampas sa mga nakaharang na bato at ang paggulong ng maliliit na alon sa dalampasigan.

Sa aking paglilibot, nakasalubong ko ang isang grupo ng mga Amerikanong surfer. Halatang may kinaiinisan sila, malakas na nagsasalita habang nakaturo sa dagat. Nang tanungin ko kung ano ang problema, itinuro nila ang bukana ng dagat na may naglalakihang alon.

“Tingnan mo iyon,” ang pagalit na sabi sa akin ng isa sa kanila. “Nakikita mo ba ang harang?” Nang tingnan ko itong mabuti, may harang ngang nakalagay sa buong bukana ng dagat, kung saan humahampas ang naglalakihan at tila nag-aanyayang mga alon. Parang gawa sa makapal na alambre ang harang at sinusuportahan ng mga pampalutang sa ibabaw ng tubig. Ayon sa mga surfer, sagad iyon hanggang sa pinakasahig ng dagat.

Sabi pa ng Amerikanong surfer, “Ngayon lang kami makakapag-surfing sa malalaking alon na ito. Puwede kaming mag-surfing sa maliliit na alon malapit sa dalampasigan, pero hindi namin mapuntahan ang malalaking alon dahil may harang. Hindi namin alam kung bakit may harang diyan. Ang alam lang namin nasayang ang pagpunta namin dito dahil diyan.”

Habang bugnot na bugnot ang mga Amerikanong surfer, nabaling ang pansin ko sa isa pang surfer sa di-kalayuan—medyo may edad na ito at halatang tagaroon. Mukhang nayayamot na siya habang pinapakinggan ang walang-tigil na pagrereklamo tungkol sa harang.

Sa wakas ay tumayo siya at lumapit sa grupo. Walang imik na kinuha niya ang largabista sa backpack niya at iniabot ito sa isa sa mga surfer, at itinuro ang harang. Isa-isang nagtinginan sa largabista ang mga surfer. Nang ako na ang titingin, nakita ko, sa pinalaking imahe ng largabista, ang isang bagay na hindi ko pa nakita noon: mga palikpik—malalaking pating na nagsisikain malapit sa bahura [reef] sa kabilang panig ng harang.

Biglang natahimik ang grupo. Kinuha ng matandang surfer ang kanyang largabista at lumakad palayo. Habang papaalis, may sinabi siya na hinding-hindi ko malilimutan: “Huwag kayong masyadong magreklamo kung may harang,” sabi niya. “Iyan lang ang proteksyon ninyo para hindi kayo makain ng pating.”

Habang nakatayo kami sa magandang dalampasigang iyon, biglang nabago ang aming pananaw. Ang harang na dating tila mahigpit at mapagbawal—na dating tila pumipigil sa saya at tuwang masakyan ang naglalakihang alon—ay naging kakaiba na sa tingin namin. Dahil alam na namin na may nakaambang panganib sa di kalayuan, ang harang ay isa na ngayong tagapagbigay ng proteksyon, seguridad, at kapanatagan.

Sa pagtahak natin sa landas ng buhay at pag-abot sa ating mga pangarap, ang mga utos at pamantayan ng Diyos—tulad ng mga harang—ay mahirap maunawaan kung minsan. Maaaring mukhang mahigpit at mapagbawal ang mga ito, nakaharang sa daan na mukhang masaya at kapana-panabik puntahan at dinarayo ng marami. Tulad ng inilarawan ni Apostol Pablo, “Malabo tayong nakakikita sa isang salamin,”1 dahil limitado nga ang nakikita natin kadalasang hindi natin maunawaan ang matitinding panganib na nagtatago lamang sa ilalim.

Subalit Siya na “nauunawaan ang lahat ng bagay”2 ay lubos na alam kung saan naroon ang mga panganib. Ibinibigay Niya sa atin ang tagubilin ng langit, sa pamamagitan ng Kanyang mga utos at mapagmahal na patnubay, upang maiwasan natin ang panganib—upang mamuhay tayo nang malayo sa mga espirituwal na maninila at mga nakaambang panganib na dulot ng kasalanan.3

Ipinapakita natin ang pagmamahal natin sa Diyos—at ang pananampalataya natin sa Kanya—kapag tinatahak natin araw-araw sa abot ng ating makakaya ang landas na inihanda Niya para sa atin at sinusunod ang Kanyang mga kautusan. Lalo nating naipapakita ang pananampalataya at pagmamahal na iyan sa mga sitwasyon na hindi natin ganap na maunawaan ang dahilan kung bakit inuutos ng Diyos ang isang bagay o kung bakit nais Niyang tahakin natin ang isang partikular na daan. Mas madaling sundin kung saan lang dapat pumunta sa loob ng harang kung alam nating may matatalim na pangil na sasakmal sa atin sa kabila nito. Mas mahirap pumirmi sa loob ng harang kung ang nakikita lang natin ay ang nakakasabik at nag-aanyayang mga alon sa kabilang panig. Subalit iyon ang mga pagkakataon—mga pagkakataong pinili nating manampalataya, magtiwala sa Diyos, at magpakita ng pagmamahal sa Kanya—na tayo ay umuunlad at higit na nakikinabang.

Sa Bagong Tipan, hindi maunawaan ni Ananias kung bakit inutos sa kanya ng Panginoon na hanapin at basbasan si Saulo—isang lalaki na may awtoridad na ipakulong ang mga naniniwala kay Cristo. Subalit dahil sinunod niya ang utos ng Diyos, si Ananias ay naging kasangkapan sa espirituwal na pagsilang ni Apostol Pablo.4

Habang nagtitiwala tayo sa Panginoon, sumasampalataya, sumusunod sa Kanyang mga utos, at tinatahak ang landas na inihanda Niya para sa atin, higit tayong nagiging katulad ng taong nais ng Panginoon na kahinatnan natin. Ang “kahihinatnan”—ang pagbabalik-loob na ito ng puso—ang pinakamahalaga sa lahat. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks sa atin: “Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko ng langit. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.”5

Samakatwid, ang tunay na pagsunod ay ang lubusang pagpapasakop sa Kanya at tulutan Siyang ihanda ang ating tatahakin, mapayapa o mapanganib man ang daan, dahil nauunawaan natin na mas maganda ang magagawa Niya sa atin kaysa sa magagawa natin sa ating sarili.

Kapag nagpasakop tayo sa Kanyang kalooban, nag-iibayo ang ating kapayapaan at kaligayahan. Itinuro ni Haring Benjamin na ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos ay “pinagpala at maligaya … sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal.”6 Nais ng Diyos na magalak tayo. Nais Niya tayong maging mapayapa. Nais Niya tayong magtagumpay. Nais Niya tayong maging ligtas at maprotektahan mula sa masasamang impluwensyang nakapaligid sa atin.

Sa madaling salita, ang mga kautusan ng Panginoon ay hindi kinapapalooban ng sala-salabid na harang sa ilalim ng tubig na kahit ayaw natin ay dapat nating languyin sa buhay na ito para dakilain tayo sa kabilang-buhay. Sa halip, ang mga harang na ginawa ng Panginoon ay nagsisilbing kanlungan natin laban sa masasama at nakapipinsalang impluwensya na hihila sa atin pababa sa kailaliman ng kapighatian. Ang mga kautusan ng Panginoon ay ibinigay nang may pagmamahal at pagmamalasakit; layunin nito na bigyan tayo ng galak sa buhay na ito7 at layunin din nito na bigyan tayo ng galak at kadakilaan sa kabilang-buhay. Ipinapakita nito ang daan na dapat nating tahakin—at higit sa lahat, ipinauunawa nito ang dapat nating kahinatnan.

At sa lahat ng bagay na mabuti at totoo, si Jesucristo ang nagsisilbing pinakamabuting halimbawa. Ang pinakadakilang pagpapakita ng pagsunod sa lahat ng kawalang-hanggan ay naganap nang gawin ng Anak ang kalooban ng Ama. Nagsusumamo nang may lubos na pagpapakumbaba na ilayo sa Kanya ang saro—upang lumihis sa landas na inihanda sa Kanya—nagpasakop si Cristo at tinahak ang landas na nais ng Kanyang Ama na tahakin Niya. Ito ang landas na humantong sa Getsemani at Golgota, kung saan dinanas Niya ang di-mailarawang paghihirap at pagdurusa at kung saan ganap Siyang pinabayaan nang Siya ay iwan ng Espiritu ng Kanyang Ama. Ngunit ang landas ding iyon ang dahilan kung kaya’t sa ikatlong araw ay may isang libingang walang laman, at ang pahayag na, “Siya’y nagbangon!”8 ay narinig at nadama ng mga nagmamahal sa Kanya. Kaakibat nito ang di-mailarawang galak at kapanatagan na nakatuon sa Kanyang Pagbabayad-sala para sa lahat ng mga anak ng Diyos sa buong kawalang-hanggan. Nang magpasakop Siya sa kalooban ng Ama, ibinigay sa atin ni Cristo ang posibilidad na magkaroon ng walang-hanggang kapayapaan, walang-hanggang kagalakan, at buhay na walang hanggan.

Pinatototohanan ko na tayo ay mga anak ng mapagmahal na Diyos. Pinatototohanan ko na nais Niya tayong maging masaya at ligtas at pinagpala. Sa layuning iyan, inihanda Niya ang landas pabalik sa Kanya, at gumawa Siya ng mga harang na magiging proteksyon natin habang naglalakbay. Kapag ginawa natin ang lahat para matahak ang landas na iyan, makakamtan natin ang tunay na kaligtasan, kaligayahan at kapayapaan. At kapag nagpasakop tayo sa Kanyang kalooban, tayo ay magiging tulad ng nais Niya na ating kahinatnan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.