Isang Tag-init Kasama si Tiya Rose
Sa pagtahak ninyo sa inyong masayang landas ng pagkadisipulo, dalangin ko na mapatatag ng pananampalataya ang bawat paghakbang ninyo.
Mga minamahal kong kapatid at mga kaibigan, masaya ako na makasama kayo sa araw na ito, at nagpapasalamat ako na makasama ang mahal nating propeta, si Pangulong Thomas S. Monson. President, mahal namin kayo. Nalungkot tayo sa pagpanaw ng ating tatlong minamahal na kaibigan at tunay na mga Apostol ng Panginoon. Naaalala natin sina Pangulong Packer, Elder Perry, at Elder Scott; mahal natin sila. Nananalangin tayo para sa kanilang mga pamilya at kaibigan.
Lagi kong inaasam ang sesyong ito ng kumperensya—ang magandang musika at ang payo mula sa ating inspiradong kababaihan ay nagpapadama ng Espiritu. Nagiging mas mabuting tao ako pagkatapos ko kayong makasama.
Habang pinagninilayan ko kung ano ang dapat kong sabihin sa inyo sa araw na ito, naisip ko ang paraan ng pagtuturo ng Tagapagligtas. Nakakatuwa na naituro Niya ang mga kamangha-manghang katotohanan gamit ang simpleng mga kuwento. Ang Kanyang mga talinghaga ay naghikayat sa Kanyang mga disipulo na tanggapin ang mga katotohanan hindi lamang sa kanilang isipan kundi sa kanila ring puso at ipamuhay ang walang hanggang mga alituntunin sa araw-araw.1 Ang ating mahal na Pangulong Monson ay napakahusay rin sa pagtuturo gamit ang sariling mga karanasan na nakakaantig ng puso.2
Ngayon, ako rin ay magbibigay ng mensahe sa pamamagitan ng pagpapahayag ng damdamin at kaisipan sa isang kuwento. Inaanyayahan ko kayo na makinig taglay ang Espiritu. Tutulungan kayo ng Espiritu Santo na malaman ang mensaheng para sa inyo sa talinghagang ito.
Si Tiya Rose
Ang kuwento ay tungkol sa isang batang babae na nagngangalang Eva. May dalawang mahalagang bagay na dapat ninyong malaman tungkol kay Eva. Ang isa ay 11 taong gulang siya sa kuwentong ito. At ang isa pa ay talagang ayaw niyang pumunta at tumira sa kanyang tiya Rose. Kahit anong mangyari. Hindi talaga.
Ngunit ang ina ni Eva ay ooperahan at matatagalan bago ito gumaling. Kaya ihahatid si Eva ng kanyang mga magulang para tumira kay Tiya Rose sa buong panahon ng tag-init.
Sa isipan ni Eva, may isang libong dahilan kung bakit hindi magandang ideya ito. Una, malalayo siya sa kanyang ina. Maiiwan niya rin ang kanyang pamilya at mga kaibigan. At bukod dito, hindi niya kilala si Tiya Rose. Komportable na siya sa kinaroroonan niya at salamat sa alok pero ayaw niya talaga.
Nguni kahit ano pang pagrereklamo ang gawin niya ay hindi na magbabago ang desisyon. Kaya nag-impake na si Eva at nagbiyahe kasama ang kanyang ama papunta sa bahay ni Tiya Rose.
Mula sa sandaling pumasok si Eva sa bahay, ayaw na niya ito.
Lahat ng bagay ay luma! Bawat lugar ay puno ng mga lumang aklat, mga bote na may kakaibang kulay, at plastik na lalagyan na punung-puno ng mga beads, ribon, at butones.
Mag-isang nakatira doon si Tiya Rose; hindi kasi siya nag-asawa. Ang tanging kasama niya doon ay isang kulay-abong pusa na mahilig pumuwesto sa pinakamataas na bahagi ng bawat silid at parang tigreng gutom na minamasdan ang lahat sa ibaba.
Mismong ang bahay ay tila malungkot. Nasa probinsya ito, kung saan magkakalayo ang mga bahay. Walang batang kaedad ni Eva na nakatira sa loob ng kalahating milya mula doon. Ikinalungkot din ito ni Eva.
Noong una hindi niya gaanong napapansin si Tiya Rose. Lagi niyang iniisip ang kanyang ina. Kung minsan, gising siya sa gabi, nagdarasal nang buong taimtim na gumaling na ang kanyang ina. At bagama’t hindi ito kaagad nangyari, nadama ni Eva na binabantayan ng Diyos ang kanyang ina.
Sa wakas ay nabalitaan nilang tagumpay ang operasyon, at ngayon ang gagawin na lang ni Eva ay magtiis hanggang sa katapusan ng tag-init. Pero talagang naiinip na siya!
Ngayong panatag na ang isipan niya tungkol sa kanyang ina, medyo napapansin na ni Eva si Tiya Rose. Siya ay malaking babae—lahat ay malaki sa kanya: ang kanyang boses, ang kanyang ngiti, ang kanyang personalidad. Hindi madali para sa kanya ang maglakad-lakad sa loob ng bahay, pero lagi siyang kumakanta at tumatawa habang gumagawa, at dinig sa buong bahay ang kanyang pagtawa. Gabi-gabi ay nauupo siya sa kanyang malambot na sopa, kinukuha ang kanyang mga banal na kasulatan, at nagbabasa nang malakas. At habang nagbabasa siya, kung minsan ay nagkokomento siya gaya ng “Naku, hindi niya dapat ginawa iyon!” o “Sana ay naroon din ako!” o “Hindi ba’t iyan ang pinakamagandang bagay na narinig mo?” At tuwing gabi kapag lumuluhod at nagdarasal silang dalawa sa tabi ng kama ni Eva, napakaganda ng panalangin ni Tiya Rose, nagpapasalamat siya sa Ama sa Langit para sa mga blue jay at spruce tree, para sa paglubog ng araw at mga bituin, at “kung gaano kasayang mabuhay.” Sa narinig ni Eva ay parang kilala ni Rose ang Diyos bilang kaibigan.
Sa paglipas ng mga araw, may nakamamanghang natuklasan si Eva: Si Tiya Rose na yata ang pinakamasayang taong nakilala niya!
Pero paano nangyari iyon?
Ano ang nagpapasaya sa kanya?
Hindi siya nag-asawa, wala siyang anak, wala siyang kasama maliban sa nakakatakot na pusang iyon, at hirap siyang gawin ang mga simpleng bagay tulad ng pagtali ng sintas ng kanyang mga sapatos at pag-akyat sa hagdan.
Kapag nagpupunta sa bayan, nagsusuot siya ng nakakahiya, malalaki at makukulay na sombrero. Ngunit hindi siya pinagtatawanan ng mga tao. Sa halip, nakapalibot sila sa kanya, at gustong makipag-usap sa kanya. Si Rose ay dating titser, at karaniwan na sa mga dati niyang mga estudyante—na ngayon ay malalaki na at may sariling mga anak—ang tumigil at kausapin siya. Nagpasalamat sila sa kanya sa pagiging mabuting impluwensya niya sa kanilang buhay. Madalas silang magtawanan. Minsan ay nag-iiyakan din sila.
Habang lumalaon ang tag-init, mas maraming oras na kasama ni Eva si Tiya Rose. Naglalakad-lakad sila sa labas, at nalaman ni Eva ang pagkakaiba ng mga ibong sparrow sa ibong finch. Namitas siya ng mga elderberries at gumawa ng marmalade mula sa mga kahel. Nalaman niya ang tungkol sa kanyang kalola-lolahan na nilisan ang kanyang mahal na bayan, naglayag sa karagatan, at naglakad patawid sa kapatagan para makasama ang mga Banal.
Kalaunan ay may natuklasan pa si Eva: hindi lamang isa si Tiya Rose sa pinakamasayang taong nakilala niya, ngunit si Eva mismo ay mas masaya kapag kasama niya ito.
Naging mas mabilis lumipas ngayon ang mga araw ng tag-init. Bago niya namalayan, sinabi ni Tiya Rose na di-magtatagal ay uuwi na si Eva. Bagama’t iyon ang pinakahihintay ni Eva mula noong araw na dumating siya roon, hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya ngayon. Natanto niya na talagang mami-miss niya ang kakaiba at lumang bahay na ito na may laging nakabantay na pusa at ang kanyang minamahal na Tiya Rose.
Isang araw bago dumating ang kanyang ama para sunduin siya, itinanong ni Eva ang tungkol sa isang bagay na ilang linggo nang nasa isipan niya: “Tiya Rose, bakit po napakasaya ninyo?”
Minasdan siya ni Tiya Rose at pagkatapos ay isinama siya papunta sa isang painting na nakasabit sa sala. Iyon ay regalo mula sa isang mahusay na kaibigan.
“Ano ang nakikita mo diyan?” tanong niya.
Noon pa napansin ni Eva ang painting, ngunit hindi niya ito pinagmasdan nang mabuti. Isang batang babae na nakasuot ng damit ng mga pioneer ang palukso-luksong tinatahak ang matingkad na asul na daan. Ang mga damo at puno ay berdeng-berde. Sinabi ni Eva, “Ito ay painting ng isang batang babae. Para siyang palukso-lukso sa paglakad.”
“Oo, iyan ay isang pioneer na batang babae na masaya at palukso-luksong naglalakad,” sabi ni Tiya Rose. “Naisip ko na maraming madidilim at malulungkot na araw ang mga pioneer. Napakahirap ng buhay nila—na hindi natin kayang ilarawan. Ngunit sa painting na ito, lahat ay masaya at may pag-asa. Ang batang babaeng ito ay masaya at palukso-luksong naglalakad.”
Tahimik si Eva, kaya’t nagpatuloy si Tiya Rose: “Maraming hindi magandang pangyayari sa buhay, kaya kahit sino ay maaaring maging negatibo at makadama ng lungkot. Ngunit may mga kilala akong tao, na kahit hindi nangyari ang gusto nila, ay nagtuon sila sa mga bagay na kahanga-hanga at sa mga himala ng buhay. Ang mga taong ito ang pinakamasasayang taong nakilala ko.”
“Pero hindi po basta nagiging masaya agad kapag malungkot tayo,” sabi ni Eva.
“Hindi, hindi nga siguro,” magiliw na ngumiti si Tiya Rose, “pero hindi ipinlano ng Diyos na maging malungkot tayo. Nilikha Niya tayo para magkaroon ng kagalakan!3 Kaya kung magtitiwala tayo sa Kanya, tutulungan Niya tayo na makita ang mga bagay na mabuti, masaya, at nagbibigay ng pag-asa sa buhay. At tiyak, ang mundo ay magiging mas masaya. Hindi ito nangyayari kaagad, pero sa totoo lang, hindi naman talaga agad-agad nangyayari ang magagandang bagay di ba? Para sa akin ang pinakamagagandang bagay, tulad ng tinapay na lutong-bahay o orange marmalade, ay nangangailangan ng tiyaga at pagsisikap.”
Sandaling pinag-isipan iyon ni Eva at sinabing, “Siguro po hindi ganoon kasimple para sa mga taong hindi perpekto ang lahat sa kanilang buhay.”
“Mahal kong Eva, palagay mo ba ay perpekto ang buhay ko?” Naupo sila ni Eva sa malambot na sopa. “Dati ay sobra akong pinanghinaan ng loob at ayaw ko nang magpatuloy pa sa buhay.”
“Kayo po?” tanong ni Eva.
Tumango si Tiya Rose. “Napakaraming bagay na gusto ko para sa buhay ko.” Habang nagsasalita siya, may lungkot sa boses niya na noon lamang narinig ni Eva. “Marami sa mga ito ay hindi kailanman nangyari. Sunud-sunod ang pagkabigo ko. Isang araw natanto ko na hindi kailanman mangyayari ito ayon sa inaasahan ko. Napakalungkot ng araw na iyon. Handa na akong sumuko at maging miserable.”
“Ano pong ginawa ninyo?”
“Wala pa noon. Galit lang ako. Talagang nakakainis ako kaya ayaw sa akin ng tao.” Pagkatapos ay tumawa siya nang bahagya, ngunit hindi iyon ang karaniwan at malakas niyang tawa na dinig sa buong bahay. “‘Hindi patas’ ang awiting paulit-ulit kong kinanta sa aking isipan. Ngunit kalaunan ay natuklasan ko ang isang bagay na nagpabago sa buong buhay ko.”
“Ano po iyon?”
“Pananampalataya,” ngumiti si Tiya Rose. “Natuklasan ko ang pananampalataya. At ang pananampalataya ay humantong sa pag-asa. At ang pananampalataya at pag-asa ay nagbigay sa akin ng kasiguruhan na balang-araw ang lahat ay magkakaroon ng kabuluhan, na dahil sa Tagapagligtas, ang lahat ng mali ay maitutuwid. Pagkatapos niyon, nakita ko na hindi mapanglaw at maalikabok ang landas sa harapan ko gaya ng akala ko. Nagsimula kong mapansin ang matitingkad na asul, ang luntian, at matitingkad na pula, at nagpasiya ako na may pagpipilian ako—maaaring malungkot na lang ako at kaawaan ang sarili o manampalataya ako nang kaunti, magbihis ng magarang damit, isuot ang aking dancing shoes, at masaya at palukso-luksong tahakin ang landas ng buhay, habang umaawit.” Ngayon ang boses niya ay masigla na gaya ng batang babae sa painting.
Kinuha ni Tiya Rose sa mesa ang kanyang lumang banal na kasulatan at ipinatong sa kanyang kandungan. “Hindi ako nagkaroon ng matinding depresyon—hindi ako sigurado na basta na lang mawawala ang depresyon kapag binago mo ang ugali at pag-iisip mo. Pero inaamin ko na talagang naging miserable ako! Oo, may madidilim na araw sa buhay ko, pero hindi iyon mababago ng lahat ng kalungkutan at pag-aalala ko—lalo lang itong nagpapalala ng mga bagay-bagay. Ang pananampalataya sa Tagapagligtas ang nagturo sa akin na anuman ang nangyari sa nakaraan, ang kuwento ko ay may masayang wakas.”
“Paano po ninyo nalaman ‘yan?” tanong ni Eva.
Binuklat ni Tiya Rose ang kanyang Biblia at sinabing, “Dito mismo:
“‘[Ang] Dios ay … mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila.
“‘At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay ng una ay naparam na.’”4
Tumingin si Tiya Rose kay Eva. Lalo pa siyang napangiti nang bumulong siya, na bahagyang gumaralgal ang boses, “Hindi ba’t iyan ang pinakamagandang bagay na narinig mo?”
Talagang maganda ngang pakinggan, naisip ni Eva.
Nagbuklat pa ng ilang pahina si Tiya Rose at itinuro ang isang talata para basahin ni Eva: “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”5
“Sa gayong napakaluwalhating hinaharap,” sabi ni Tiya Rose, “bakit tayo magpapakalugmok sa nakaraan o kasalukuyang mga bagay na hindi umaayon sa ipinlano natin?”
Napakunot-noo si Eva. “Pero sandali lang po,” sabi niya. “Ibig po ba ninyong sabihin na ang pagiging masaya ay pag-asam sa kaligayahan sa hinaharap? Ang lahat po ba ng ating kaligayahan ay sa kawalang-hanggan? Hindi po ba pwedeng mangyari ang ilan sa mga ito ngayon?”
“Oh, siyempre puwede!” bulalas ni Tiya Rose. “Iha, ang ngayon ay bahagi ng kawalang-hanggan. Hindi lamang ito nagsisimula pagkamatay natin! Ang pananampalataya at pag-asa ay magbubukas ng iyong mga mata sa kaligayahan na nasa harapan mo ngayon.
“May alam akong tula na nagsasabing, ‘Ang magpakailanman—ay binubuo ng mga Ngayon.’6 Ayokong mapuno ang magpakailanman ko ng madidilim at nakakatakot na mga ‘Ngayon.’ At ayaw kong mabuhay sa kalungkutan, na nakatiim ang bagang, nakapikit ang mga mata, at may hinanakit na nagtitiis hanggang sa mapait na wakas. Ang pananampalataya ang nagbigay sa akin ng pag-asa na kailangan ko upang mabuhay nang masaya ngayon!”
“Ano pong ginawa ninyo noon?” tanong ni Eva.
“Naniwala ako sa mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mga makabuluhang bagay sa aking buhay. Nag-aral ako. Nagtapos ako. Iyan ay humantong sa trabahong gusto ko.”
Pinag-isipan ito sandali ni Eva at sinabing, “Pero siguradong hindi po ang pagiging abala ninyo ang nagpasaya sa inyo. Napakarami pong mga taong abala na hindi masaya.”
“Bakit kay bata-bata mo pa ay ang talino mo na?” tanong ni Tiya Rose. “Talagang tama ka. At nalimutan na ng karamihan sa mga taong abala at malungkot ang bagay na pinakamahalaga sa buong mundo—ang bagay na sinabi ni Jesus na pangunahin sa Kanyang ebanghelyo.”
“At ano po iyon?” tanong ni Eva.
“Ito ay ang pag-ibig—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,” sabi ni Tiya Rose. “Alam mo, lahat ng naroon sa ebanghelyo—lahat ng dapat at kailangang gawin at dapat gawin —ay humahantong sa pag-ibig o pagmamahal. Kapag mahal natin ang Diyos, gusto nating maglingkod sa Kanya. Nais nating maging katulad Niya. Kapag mahal natin ang ating kapwa, hindi natin gaanong iniisip ang sarili nating mga problema at tutulungan natin ang iba na lutasin ang problema nila.”7
“At iyan po ba ang nagpapasaya sa atin?” tanong ni Eva.
Tumango at ngumiti si Tiya Rose, at napuno ng luha ang kanyang mga mata. “Oo, mahal ko. Iyan ang nagpapasaya sa atin.”
Hindi na Tulad ng Dati
Kinabukasan niyakap ni Eva ang kanyang Tiya Rose at nagpasalamat sa lahat ng ginawa nito. Umuwi na siya sa kanyang pamilya at kanyang mga kaibigan at tahanan at lugar.
Ngunit hindi na siya tulad ng dati.
Habang lumalaki si Eva, madalas niyang isipin ang mga sinabi ng kanyang Tiya Rose. Kalaunan ikinasal si Eva, nag-alaga ng mga anak, at nagkaroon ng mahaba at magandang buhay.
At isang araw, habang siya ay nakatayo sa kanyang sariling tahanan, at hinahangaan ang painting ng isang batang babae na nakasuot ng damit ng mga pioneer at palukso-luksong tinatahak ang matingkad na asul na landas, natanto niya na parang naging kasing-tanda siya ng kanyang Tiya Rose noon sa napakagandang tag-init na iyon.
Nang matanto niya ito, napuspos ng panalangin ang kanyang puso. At nakadama ng pasasalamat si Eva para sa kanyang buhay, para sa kanyang pamilya, para sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, at para sa tag-init na iyon nang turuan siya ni Tiya Rose8 ng tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal.9
Isang Pagpapala
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan kay Cristo, umaasa ako at nagdarasal na may mahalagang bagay sa kuwentong ito na nakaantig sa inyong puso at nagbigay-inspirasyon sa inyong kaluluwa. Alam ko na buhay ang Diyos at mahal Niya kayo.
Sa pagtahak ninyo sa inyong masayang landas ng pagkadisipulo, dalangin ko na mapatatag ng pananampalataya ang bawat paghakbang ninyo; na bubuksan ng pag-asa ang inyong mga mata sa mga kaluwalhatiang inilaan ng Ama sa Langit para sa inyo; at na mapupuspos ng pagmamahal sa Diyos at sa lahat ng Kanyang anak ang inyong puso. Bilang Apostol ng Panginoon, iniiwan ko ito bilang aking patotoo at basbas sa pangalan ni Jesucristo, amen.