Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang
Kapag pinili nating maniwala, manampalataya tungo sa pagsisisi, at sumunod sa ating Tagapagligtas, na si Jesucristo, binubuksan natin ang ating espirituwal na mga mata sa mga kariktan na hindi natin lubos maisip.
Babilonia at si Daniel
Dalawampu‘t anim na raang taon na ang nakalipas, ang Babilonia ang pinakadakilang bansa sa mundo. Isang sinaunang mananalaysay ang naglarawan sa mga pader ng Babilonia na nakapaligid sa lungsod na mahigit 300 talampakan (90 m) ang taas at 80 talampakan (25 m) ang kapal. “Sa kadakilaan,” isinulat niya, “wala nang ibang lungsod ang makalalapit … dito.”1
Sa panahon nito, ang Babilonia ang sentro ng karunungan, batas, at pilosopiya ng mundo. Ang lakas ng sandatahan nito ay walang-kapantay. Dinurog nito ang kapangyarihan ng Egipto. Sinakop, sinunog, at dinambong nito ang kabisera ng Asiria, ang Ninive. Madali nitong sinakop ang Jerusalem at dinala ang pinakamabuti at pinakamatalino sa mga anak ni Israel pabalik sa Babilonia upang maglingkod kay Haring Nabucodonosor.
Isa sa mga bihag na ito ang batang lalaki na nagngangalang Daniel. Maraming iskolar ang naniniwala na si Daniel ay nasa pagitan ng 12 at 17 taong gulang noon. Isipin ninyo ito, mahal kong mga kabataan na mayhawak ng Aaronic Priesthood: Si Daniel ay malamang na kaedad ninyo noong dalhin siya sa korte ng hari upang maturuan ng wika, batas, relihiyon, at agham ng makamundong Babilonia.
Kaya ba ninyong isipin kung ano ang pakiramdam ng sapilitang paalisin sa inyong tahanan, paglakarin ng 500 milya (800 kilometro) patungo sa isang banyagang lungsod, at pag-aralin ng relihiyon ng inyong mga kaaway?
Si Daniel ay pinalaki bilang tagasunod ni Jehova. Siya ay naniwala at sumamba sa Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob. Napag-aralan niya ang mga salita ng mga propeta, at alam niya ang pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao.
Ngunit ngayon, sa napakamurang edad, isa siyang bilanggong-estudyante sa Babilonia. Marahil sobrang tindi ang pamimilit sa kanya na talikuran ang kanyang lumang paniniwala at tanggapin ang sa Babilonia. Ngunit nanatili siyang tapat sa kanyang pananampalataya—sa salita at sa gawa.
Marami sa inyo ang nakakaalam kung ano ang pakiramdam ng ipagtanggol ang katotohanang hindi sikat. Sa Internet slang ngayon, pinag-uusapan natin kapag “nasiklaban [flamed]” tayo ng mga hindi sang-ayon sa atin. Ngunit hindi lamang pampublikong pangungutya ang panganib na hinarap noon ni Daniel. Sa Babilonia, naunawaan ng mga humamon sa awtoridad ng relihiyon ang kahulugan—matalinghaga man o literal—ng “masiklaban.” Tanungin na lang ninyo ang mga kaibigan ni Daniel na sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego.2
Hindi ko alam kung naging madali para kay Daniel na manampalataya sa gayong kapaligiran. May mga taong pinagpala na magkaroon ng pusong nananalig—para sa kanila, ang pananampalataya ay tila dumarating bilang kaloob mula sa langit. Ngunit naisip ko na si Daniel ay tulad ng marami sa atin na kailangang paghirapan ang ating mga patotoo. Natitiyak ko na gumugol si Daniel ng maraming oras na nakaluhod na nananalangin, iniaalay ang kanyang mga tanong at pangamba sa altar ng pananampalataya, at naghihintay sa Panginoon para sa pag-unawa at karunungan.
At pinagpala ng Panginoon si Daniel. Kahit hinamon at kinutya ang pananampalataya niya, nanatili siyang tapat sa kung ano ang alam niyang tama ayon sa sarili niyang karanasan.
Naniwala si Daniel. Hindi nagduda si Daniel.
At isang gabi, nagkaroon ng panaginip si Haring Nabucodonosor na bumagabag sa kanyang isipan. Tinipon niya ang kanyang pangkat ng mga iskolar at mga tagapayo at hiniling na ilarawan ang panaginip niya sa kanya at ihayag din ang kahulugan nito.
Mangyari pa, hindi nila kayang gawin ito. “Walang makagagawa ng hinihiling mo,” ang pakiusap nila. Ngunit mas pinag-alab lang nito ang galit ni Nabucodonosor, at iniutos niya na ang lahat ng mga pantas na lalaki, mga mahiko, mga astrologo, at mga tagapayo ay patayin—kabilang na sina Daniel at ang iba pang mga kabataang estudyante na mula sa Israel.
Alam na ninyong mga pamilyar sa aklat ni Daniel kung ano ang sumunod na nangyari. Humingi si Daniel kay Nabucodonosor ng kaunting panahon, at lumapit siya at ang kanyang matatapat na kasama sa pinagmumulan ng kanilang pananampalataya at lakas ng loob. Sila ay nanalangin sa Diyos at humingi ng tulong sa mahalagang sandaling ito sa kanilang buhay. At “nang magkagayo’y nahayag ang lihim kay Daniel sa … isang pangitain.”3
Si Daniel, ang binatilyo mula sa isang nasakop na bansa—na inapi at inusig dahil sa paniniwala sa kanyang kakaibang relihiyon—ay humarap sa hari at inihayag sa kanya ang panaginip at ang kahulugan nito.
Simula noong araw na iyon, bilang resulta ng kanyang katapatan sa Diyos, si Daniel ay naging pinagkakatiwalaang tagapayo ng hari, na nakilala sa buong Babilonia dahil sa kanyang karunungan.
Ang batang lalaki na naniwala at ipinamuhay ang kanyang pananampalataya ay naging isang tao ng Diyos. Isang propeta. Isang prinsipe ng kabutihan.4
Tayo Ba ay Tulad ni Daniel?
Para sa ating lahat na maytaglay ng banal na priesthood ng Diyos, tinatanong ko, tayo ba ay tulad ni Daniel?
Matapat ba tayo sa Diyos?
Ginagawa ba natin kung ano ang ating ipinapangaral, o tayo ba ay mga Kristiyano tuwing Linggo lamang?
Malinaw bang ipinapakita ng araw-araw nating pagkilos ang bagay na inaangkin nating pinaniniwalaan?
Tumutulong ba tayo sa “mga maralita at [sa] mga nangangailangan, [sa] maysakit at [sa] naghihirap”?5
Puro salita lang ba tayo, o masigla ba tayong gumagawa rin ng tama?
Mga kapatid, labis ang naibigay sa atin. Itinuro sa atin ang mga banal na katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Pinagkatiwalaan tayo ng awtoridad ng priesthood upang makatulong sa ating kapwa at maitayo ang kaharian ng Diyos sa lupa. Nabubuhay tayo sa isang panahon ng matinding pagbuhos ng espirituwal na lakas. Nasa atin ang kabuuan ng katotohanan. Nasa atin ang mga susi ng priesthood upang magbuklod sa lupa at sa langit. Ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga buhay na propeta at apostol ay mas madaling makuha ngayon kaysa dati.
Mahal kong mga kaibigan, huwag nating maliitin ang mga bagay na ito. Kasama sa mga pagpapala at mga pribilehiyong ito ang malalaking responsibilidad at obligasyon. Tanggapin natin ang mga ito.
Ang sinaunang lungsod ng Babilonia ay gumuho na. Ang ganda nito ay matagal nang naglaho. Ngunit ang kamunduhan at kasamaan ng Babilonia ay nagpapatuloy. Ngayon ay nasa atin ang responsibilidad na mamuhay bilang mga mananampalataya sa mundo ng kawalang-paniniwala. Ang hamon sa atin ay ang araw-araw na ipamuhay ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at mamuhay nang tapat sa mga utos ng Diyos. Kailangan nating manatiling mahinahon sa kabila ng pamimilit ng iba, huwag humanga sa popular na mga kalakaran o mga huwad na propeta, huwag pansinin ang pangungutya ng mga di makadiyos, ang panunukso ng diyablo, at alisin ang ating katamaran.
Pag-isipan ninyo ito. Gaano kaya kadali para kay Daniel na sumunod na lamang sa uri ng pamumuhay ng Babilonia? Maaari sana niyang isantabi ang mahigpit na pamantayan ng asal na ibinigay ng Diyos sa mga anak ni Israel. Maaari sana siyang magpista sa masasarap na pagkain na inilaan ng hari at magpakasasa sa makamundong kasiyahan ng likas na tao. Nakaiwas sana siya sa pangungutya.
Naging sikat sana siya.
Hindi sana siya naging kakaiba.
Maaaring hindi naging gaanong kumplikado ang tinahak niyang landas.
Iyon nga lang, mangyari pa, hanggang doon lang sa araw na hiningi ng hari ang kahulugan ng kanyang panaginip. Saka lang malalaman ni Daniel na, tulad ng iba pang “pantas na lalaki” ng Babilonia, ay nawala na ang kanyang ugnayan sa tunay na pinagmumulan ng liwanag at karunungan.
Nakapasa sa pagsubok si Daniel. Ang sa atin ay nagpapatuloy pa rin.
Ang Katapangan na Maniwala
Nais ni Satanas, ang ating kaaway, na mabigo tayo. Nagpapalaganap siya ng mga kasinungalingan bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na sirain ang ating paniniwala. Siya ay tusong nagmumungkahi na ang mapagduda, ang mapaghinala, at ang mapang-uyam ay marurunong at matatalino, habang silang may pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang mga himala ay mga walang-muwang, bulag, o nalinlang. Itataguyod ni Satanas na mas mabuting pagdudahan ang mga espirituwal na kaloob at mga turo ng mga totoong propeta.
Sana matulungan ko ang lahat na maunawaan ang simpleng katotohanang ito: tayo ay naniniwala sa Diyos dahil sa mga bagay na alam natin sa ating puso at isipan, hindi dahil sa mga bagay na hindi natin alam. Ang ating mga espirituwal na karanasan ay napakasagrado kung minsan para ipaliwanag sa mga kataga, ngunit hindi ibig sabihin niyan na hindi totoo ang mga ito.
Naghanda ang ating Ama sa Langit ng espituwal na kapistahan para sa Kanyang mga anak, nag-aalok ng lahat ng klase ng pagkaing masasarap—ngunit, sa halip na tangkilikin ang mga espirituwal na kaloob, ang mga mapang-uyam ay nalulugod na sa pagmamasid mula sa malayo, habang humihigop sa kanilang mga tasa ng paghihinala, pagdududa, at kalapastanganan.
Bakit makukuntento ang sinuman sa liwanag ng kandila ng sarili nilang pang-unawa kung, sa pamamagitan ng paglapit nila sa ating Ama sa Langit, ay mararanasan nila ang maningning na araw ng espirituwal na kaalaman na magpapalawak sa kanilang mga isip gamit ang karunungan at pupuspos ng kasiyahan sa kanilang mga kaluluwa?
Kapag ikaw at ako ay nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa pananampalataya at paniniwala, hindi ba’t madalas nating marinig na, “Sana ay magawa kong maniwala tulad mo”?
Ipinahiwatig sa ganoong pahayag ang isa pa sa mga panlilinlang ni Satanas: na ang paniniwala ay makukuha ng ilang tao ngunit hindi ng iba. Walang mahika sa paniniwala. Ngunit ang hangaring maniwala ang unang hakbang na kailangan! Hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao.6 Siya ang inyong Ama. Nais Niyang kausapin kayo. Gayunpaman, nangangailangan ito ng kaunting pag-uusisa—kailangan ang pagsubok sa salita ng Diyos—at ang paggamit ng kahit bahagyang pananampalataya.7 Kailangan din ng kaunting pagpapakumbaba. At kailangan nito ng bukas na puso at bukas na isipan. Nangangailangan ito ng paghahangad, sa buong kahulugan ng salita. At, marahil ang pinakamahirap sa lahat, nangangailangan ito ng pagtitiyaga at paghihintay sa Panginoon.
Kung hindi tayo magsisikap na maniwala, para tayong isang lalaking tinanggal ang ilaw sa pagkakasaksak at pagkatapos ay sisisihin ang ilaw dahil hindi ito nagbibigay ng anumang liwanag.
Kamakailan lang ay nagulat at nalungkot akong mabalitaan ang tungkol sa isang mayhawak ng Aaronic Priesthood na tila ipinagmamalaki ang katotohanan na inilayo niya ang kanyang sarili sa Diyos. Sabi niya, “Kung ihahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa akin, saka ako maniniwala. Hanggang sa mangyari iyon, hahanapin ko ang katotohanan na umaasa sa sarili kong pag-unawa at talino upang ilawan ang daang kakaharapin ko.”
Hindi ko alam kung ano ang nasa puso ng binatang ito, ngunit hindi ko maiwasang malungkot nang labis para sa kanya. Napakadali niyang tinanggihan ang mga kaloob na iniaalok ng Panginoon sa kanya. Tinanggal ng binatang ito sa pagkakasaksak ang ilaw at pagkatapos ay tila nasisiyahan sa kanyang sariling obserbasyon na walang liwanag.
Sa kasamaang-palad, tila ba sikat ang ganitong pag-uugali ngayon. Kung iaasa natin sa Diyos ang pagbibigay ng katibayan, aakalain natin na kaya nating ipagpaliban ang pagseryoso sa mga utos ng Diyos at pagtanggap ng responsibilidad para sa relasyon natin sa ating Ama sa Langit.
Mga kapatid, hayaan ninyong maging malinaw ako: walang kagalang-galang o kahanga-hanga sa pagiging mapang-uyam. Ang pag-aalinlangan ay madali—kaya itong gawin ninuman. Ang buhay na puno ng pananampalataya ang nangangailangan ng katatagan, dedikasyon, at katapangan. Sila na mahigpit humawak sa pananampalataya ay mas kahanga-hanga kaysa sa kanila na bumibigay sa pagdududa kapag may lumabas na mga kataka-takang tanong o alalahanin.
Ngunit hindi tayo dapat magulat na ang pananampalataya ay hindi pinahahalagahan ng lipunan. Ang daigdig ay may kasaysayan ng pagtanggi sa kung ano ang hindi nito nauunawaan. At may problema ito sa pag-unawa sa mga bagay na hindi nito nakikita. Hindi nangangahulugang hindi totoo ang isang bagay dahil lamang sa hindi ito nakikita ng ating pisikal na mga mata. Tunay nga na, “mayroong mas maraming bagay sa langit at lupa … kaysa sa inaakala natin” sa ating mga textbook, journal ukol sa agham, at makamundong mga pilosopiya.8 Ang sansinukob ay puno ng mga kababalaghang malalim at kagila-gilalas—mga bagay na maiintindihan lang ng espirituwal na mga mata.
Ang Pangako ng Paniniwala
Kapag pinili nating maniwala, manampalataya tungo sa pagsisisi, at sumunod sa ating Tagapagligtas, na si Jesucristo, binubuksan natin ang ating espirituwal na mga mata sa mga kariktan na hindi natin lubos maisip. Kaya ang ating paniniwala at pananampalataya ay lalong lalakas, at marami pa tayong makikita.9
Mga kapatid, ako ay nagpapatotoo na kahit sa pinakamahirap na mga panahon, sasabihin sa inyo ng Tagapagligtas tulad ng sinabi Niya sa isang nababahalang ama sa masikip na kalye sa Galilea, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.”10
Maaari nating piliing maniwala.
Dahil sa paniniwala, matutuklasan natin ang pagsikat ng liwanag.
Matutuklasan natin ang katotohanan.11
Mahahanap natin ang kapayapaan.12
Dahil sa ating paniniwala, kailan man ay hindi na tayo magugutom, hindi na mauuhaw.13 Ang mga kaloob na biyaya ng Diyos ay magtutulot sa ating maging tapat sa ating pananampalataya at pupuspusin ang ating kaluluwa gaya ng “isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.”14 Tayo ay daranas ng tunay at tumatagal na kaligayahan.15
Samakatuwid, mahal kong mga kaibigan, mga minamahal kong kapatid sa priesthood ng Diyos:
Magkaroon ng lakas-ng-loob na maniwala.
Huwag matakot, manampalataya ka lamang.
Manindigang kasama ni Daniel.
Dalangin ko na bawat isa sa atin—bata o matanda—ay makahanap ng ibayong lakas, tapang, at hangaring maniwala. Sa pangalan ng ating Panginoon, si Jesucristo, amen.