Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na sumaklolo—tumulong—sa lahat ng pasakit at paghihirap ng tao.
Sa buhay na ito nakatitiyak tayo sa kamatayan at bigat ng kasalanan. Pinagagaan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang dalawang tiyak na bagay na ito sa buhay. Ngunit maliban sa kamatayan at kasalanan, marami pa tayong ibang mga hamon sa ating pagpupunyagi sa buhay. Dahil na rin sa Pagbabayad-salang iyon, mabibigyan tayo ng ating Tagapagligtas ng lakas na kailangan natin sa pagdaig sa mga hamong ito sa buhay. Iyan ang paksa ko ngayon.
I.
Karamihan sa mga salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa Pagbabayad-sala ay tumatalakay sa paglagot ng Tagapagligtas sa mga gapos ng kamatayan at pagdurusa para sa ating mga kasalanan. Sa kanyang sermon na nakatala sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Alma ang mahahalagang bagay na ito. Ngunit inilaan din niya ang pinakamalinaw na pagtiyak sa atin sa mga banal na kasulatan na dinanas din ng Tagapagligtas ang mga pasakit at karamdaman at sakit ng Kanyang mga tao.
Inilarawan ni Alma ang bahaging ito ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas: “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11; tingnan din sa 2 Nephi 9:21).
Isipin ninyo! Sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, dumanas Siya ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.” Tulad ng paliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer: “Wala Siyang utang na dapat bayaran. Wala Siyang nagawang kasalanan. Gayunman, ang lahat ng kasalanan, pagdurusa at lungkot, sakit at kahihiyan, lahat ng pagdurusa sa isipan, damdamin, at katawan na naranasan ng tao—ay naranasan Niyang lahat.”1
Bakit Niya dinanas ang “lahat ng uri” ng hamong ito sa buhay? Ipinaliwanag ni Alma, “At dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12).
Halimbawa, ipinahayag ni Apostol Pablo na dahil “nagbata [ang Tagapagligtas] sa pagkatukso, siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso” (Sa Mga Hebreo 2:18). Gayundin, itinuro ni Pangulong James E Faust, “Dahil dinanas na ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay na maaari nating madama o maranasan, matutulungan Niyang gawing mas malakas ang mahina.”2
Dinanas at pinagdusahan ng ating Tagapagligtas ang kabuuan ng lahat ng pagsubok sa buhay “ayon sa laman” para malaman Niya “ayon sa laman” kung paano “tutulungan [na ibig sabihin ay paginhawahin o saklolohan] ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.” Alam niya kung gayon ang ating mga paghihirap, dalamhati, tukso, at pagdurusa, sapagkat kusang-loob Niyang dinanas ang lahat ng ito bilang mahalagang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. At dahil dito, binigyang-kapangyarihan Siya ng Kanyang Pagbabayad-sala na tulungan tayo—na bigyan tayo ng lakas na tiisin ang lahat.
II.
Samantalang ang turo ni Alma sa ikapitong kabanata ang kaisa-isang pinakamalinaw sa lahat ng banal na kasulatan tungkol sa mahalagang kapangyarihang ito ng Pagbabayad-sala, itinuturo din ito sa buong banal na kasulatan.
Sa simula ng Kanyang ministeryo, ipinaliwanag ni Jesus na Siya ay isinugo “upang [mapagaling ang bagbag na puso]” (Lucas 4:18). Madalas nating mabasa sa Biblia ang pagpapagaling Niya sa “mga kahinaan” ng mga tao (Lucas 5:15; 7:21). Nakatala sa Aklat ni Mormon ang pagpapagaling Niya sa mga “nahihirapan sa anumang dahilan” (3 Nephi 17:9). Ipinaliwanag sa Ebanghelyo ni Mateo na pinagaling ni Jesus ang mga tao “upang matupad ang sinabi ng propeta Isaias, na nagsasabi, Siya rin ang kumuha ng ating mga sakit, at nagdala ng ating mga karamdaman” (Mateo 8:17).
Itinuro ni Isaias na dadalhin ng Mesiyas ang ating “mga karamdaman” at “kapanglawan” (Isaias 53:4). Itinuro din ni Isaias ang pagpapalakas Niya sa atin: “Huwag kang matakot; sapagka’t ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay; sapagka’t ako’y iyong Dios: aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka” (Isaias 41:10).
Kaya nga, inaawit natin:
Ako’y kapiling, kung kaya’t h’wag mangamba,
Ako’y inyong Diyos na tutulong sa t’wina.
Itataguyod at lakas ay iaalay, …
Kamay ko ang s‘yang sa inyo’y maggagabay.3
Tungkol sa ilan sa kanyang sariling mga hamon sa buhay, isinulat ni Apostol Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo] na nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13).
Kaya nga nakikita natin na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na sumaklolo—tumulong—sa lahat ng pasakit at paghihirap ng tao. Kung minsa’y pinagagaling ng Kanyang kapangyarihan ang isang kahinaan, ngunit natutuhan natin sa mga banal na kasulatan at sa ating mga karanasan na kung minsa’y sumasaklolo o tumutulong Siya sa pagbibigay sa atin ng lakas o tiyagang tiisin ang ating mga kahinaan.4
III.
Ano ang mga pasakit at hirap at kahinaang ito na dinanas at pinagdusahan ng ating Tagapagligtas?
Lahat tayo ay may mga pasakit at paghihirap at kahinaan sa iba’t ibang pagkakataon. Bukod pa sa nararanasan natin dahil sa ating mga kasalanan, ang buhay ay madalas na puno ng paghihirap, pighati, at pagdurusa.
Nagkakasakit tayo at ang ating mga minamahal. Kung minsan dumaranas din ang bawat isa sa atin ng pasakit mula sa mga pinsala o iba pang mga problema sa katawan o isipan. Lahat tayo ay nagdurusa at nagdadalamhati sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Dumaranas tayong lahat ng kabiguan sa ating mga personal na responsibilidad, kaugnayan sa pamilya, o trabaho.
Kapag hindi tinanggap ng isang asawa o anak ang alam nating totoo at lumihis sila mula sa landas ng kabutihan, lalo tayong nasasaktan, tulad ng ama ng alibughang anak sa di-malilimutang talinghaga ni Jesus (tingnan sa Lucas 15:11–32).
Tulad ng pahayag ng Mang-aawit, “Marami ang kadalamhatian ng matuwid; nguni’t inililigtas ng Panginoon sa lahat” (Awit 34:19).
Kaya nga, nasa ating mga himno ang tunay na katiyakang ito: “Langit ay lunas sa bawat lumbay.”5 Ang nagbibigay-lunas sa atin ay ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala
Mas masakit sa mga tinedyer ang tanggihan sila kapag tila sumasama ang mga kabarkada sa masasayang ugnayan at aktibidad at sadyang iniiwan sila. Ang mga maling palagay sa ibang lahi at kultura ay nagsasanhi ng iba pang masasaklap na pagtanggi, para sa mga kabataan at matatanda. Ang buhay ay maraming iba pang hamon, tulad ng kawalan ng trabaho o iba pang mga pagsubok sa ating mga plano.
Tinutukoy ko pa rin ang mortal na kahinaan na hindi sanhi ng ating mga kasalanan. Ang ilan ay isinilang na may mga kapansanan sa katawan o isipan na nagsasanhi ng pagdurusa nila at ng paghihirap ng mga nagmamahal at nagmamalasakit sa kanila. Para sa marami, ang depresyon ay masaklap o tuluyang nagpapahina. Ang isa pang masaklap na paghihirap ay kapag wala kayong asawa. Dapat tandaan ng mga nasa ganitong sitwasyon na dinanas din ng ating Tagapagligtas ang ganitong pasakit at na, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nagbibigay Siya ng lakas na tiisin ito.
Ang ilang kapansanan ay mas nakapipinsala sa ating temporal o espirituwal na buhay kaysa adiksyon. Ang ilan dito, gaya ng pagkalulong sa pornograpiya o droga, ay malamang na sanhi ng makasalanang pag-uugali. Kahit napagsisihan na iyan, maaaring manatili ang adiksyon. Ang nagpapahinang pagkalulong na iyan ay maaari ding mapaginhawa ng katatagang nagmumula sa Tagapagligtas. Gayundin ang matinding hamong dinanas ng mga nabilanggo dahil sa ginawa nilang krimen. Pinatotohanan ng isang liham ang kalakasang maaaring dumating maging sa isa na nasa sitwasyong iyon: “Alam ko na lumalakad sa mga pasilyong ito ang ating Tagapagligtas, at madalas kong madama ang pagmamahal ni Cristo sa loob ng mga pader ng bilangguang ito.”6
Gustung-gusto ko ang patotoo ng ating makata at kaibigang si Emma Lou Thayne. Sa mga titik ng kinakanta nating himno, isinulat niya:
Sa’n naro’n ang aking
Kapayapaan?
Kung ang ginhawa’y ’di ko matagpuan?
Kung puso’y may sugat, galit o dusa,
At nagninilay nang
nag-iisa?
Sa’n, kung sumisidhi,
Pangangailangan,
Sa’n tutungo upang aking malaman?
Sa’n naro’n ang palad na may pag-alo?
At may pag-unawa?
Tanging sa Diyos.7
IV.
Sino ang masasaklolohan at mapapalakas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Itinuro ni Alma na dadalhin ng Tagapagligtas “sa Kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” at “tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:11, 12; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sino ang “kanyang mga tao” sa pangakong ito? Lahat ba ng mortal—lahat ng nagtatamasa ng katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala? O yaon lamang mga piling lingkod na naging karapat-dapat sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan?
Ang salitang mga tao ay maraming kahulugan sa mga banal na kasulatan. Ang kahulugang pinakaangkop sa turo na tutulungan ng Tagapagligtas ang “kanyang mga tao” ay ang ginamit ni Ammon nang ituro niya kalaunan na “maalalahanin ang Diyos sa bawat tao, saan mang lupain sila naroroon” (Alma 26:37). Iyan din ang ibig sabihin ng mga anghel nang ibalita nila ang pagsilang ng batang Cristo: “Mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan” (Lucas 2:10).
Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang karanasan sa mortalidad, napanatag, napagaling, at napalakas ng ating Tagapagligtas ang lahat ng kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako, ngunit naniniwala ako na gagawin lang Niya ito sa mga taong naghahanap sa Kanya at humihingi ng Kanyang tulong. Itinuro ni Apostol Santiago, “Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at kaniyang itataas kayo” (Santiago 4:10). Karapat-dapat tayo sa pagpapalang iyon kapag naniniwala tayo sa Kanya at nagdarasal na tulungan Niya tayo.
Milyun-milyon ang may takot sa Diyos na nagdarasal sa Diyos na maalis ang kanilang mga paghihirap. Inihayag ng ating Tagapagligtas na Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (D at T 88:6). Tulad ng sinabi ni Elder Neal A. Maxwell, “Dahil Siya ay ‘nagpakababa-baba sa lahat ng bagay,’ nauunawaan Niya, nang lubos at personal, ang buong pagdurusa ng tao.”8 Masasabi pa nga natin na dahil Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng ito, nasa tamang-tamang lugar Siya para iangat tayo at bigyan tayo ng lakas na kailangan natin para matiis ang ating mga paghihirap. Humingi lang tayo.
Maraming beses sa makabagong paghahayag, ipinahayag ng Panginoon, “Samakatwid, kung ikaw ay hihingi sa akin ay makatatanggap ka; kung ikaw ay kakatok ay pagbubuksan ka” (halimbawa, D at T 6:5; 11:5; tingnan din sa Mateo 7:7). Tunay ngang dahil sa Kanilang pagmamahal sa buong sansinukob, dinirinig at angkop na sinasagot ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang pinakamamahal na Anak na si Jesucristo ang mga dalangin ng lahat ng naghahanap sa Kanila nang may pananampalataya. Tulad ng isinulat ni Apostol Pablo, “[Tiwala] kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya” (1 Kay Timoteo 4:10).
Alam ko na ang mga bagay na ito ay totoo. Ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ay higit pa ang ginagawa kaysa tiyakin sa atin ang imortalidad sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ng buong sansinukob at naglalaan ng pagkakataon na maging malinis tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapabinyag. Binibigyan din tayo ng Kanyang Pagbabayad-sala ng pagkakataong manawagan sa Kanya na dumanas ng lahat ng ating mortal na kahinaan upang pagalingin at palakasin tayo na dalhin ang mga pasanin ng mortalidad. Alam niya ang ating dalamhati, at nariyan Siya para sa atin. Gaya ng mabuting Samaritano, kapag nakita Niya tayong sugatan sa tabing-daan, bebendahan Niya ang ating mga sugat at aalagaan tayo (tingnan sa Lucas 10:34). Ang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa ating lahat na hihingi. Pinatototohanan ko iyan tulad ng pagpapatotoo ko sa ating Tagapagligtas, na ginagawang posible ang lahat.
Balang-araw lahat ng pasaning ito sa buhay ay lilipas at hindi na magkakaroon ng pasakit (tingnan sa Apocalipsis 21:4). Dalangin ko na maunawaan nating lahat ang pag-asa at bisa ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas: ang katiyakan ng imortalidad, pagkakataong mabuhay nang walang hanggan, at lakas na matatanggap natin kung hihingi lang tayo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.