2010–2019
Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin
Oktubre 2015


15:1

Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay isang kaloob mula sa langit na matatamo lamang matapos nating piliing maniwala at hangarin at panghawakan ito.

Nadarama ng Tagapagligtas ang kalakasan o kahinaan ng pananampalataya ng mga nakapaligid sa Kanya. Sa isa, sinabi Niya nang may pagpuri, “Malaki ang pananampalataya mo.”1 May pagdaramdam naman niyang sinabi sa iba, “Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya.”2 Tinanong niya ang iba, “Saan naroon ang inyong pananampalataya?”3 Ngunit may isang pinarangalan si Jesus, “[Sa buong Israel] ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya.”4

Tinanong ko ang sarili ko, “Gaano kalaki ang pananampalatayang nakikita sa akin ng Panginoon?” At ngayong gabi, tinananong ko kayo, “Gaano kalaki ang pananampalatayang nakikita sa inyo ng Panginoon?”

Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay hindi isang bagay na maluwalhating lumulutang sa hangin. Ang pananampalataya ay hindi basta lamang natin natatamo o nananatili sa atin bilang karapatan ng pagkapanganay. Ito, tulad ng sinasabi ng mga banal na kasulatan ay, “kapanatagan …, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.”5 Ang pananampalataya ay nagbibigay ng espirituwal na liwanag, at ang liwanag na iyon ay nababanaag.6 Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kaloob mula sa langit na matatamo lamang matapos nating piliing maniwala7 at hangarin at panghawakan ito. Ang inyong pananampalataya ay maaaring lumalakas o humihina. Ang pananampalataya ay alituntunin ng kapangyarihan, na mahalaga hindi lamang sa buhay na ito, kundi maging sa ating pag-unlad sa kabilang-buhay.8 Sa biyaya ni Cristo, maliligtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang pangalan balang-araw.9 Ang kalakasan ng inyong pananampalataya sa hinaharap ay hindi basta mangyayari kung wala kayong pagpiling gagawin.

Ang Pananampalataya ng Isang Binatang taga-Brazil

Noong isang buwan ay nakilala ko sa Brazil si Aroldo Cavalcante. Nabinyagan siya sa edad na 21, ang unang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya. Malakas ang kanyang pananampalataya, at agad niyang sinimulang paghandaan ang pagmimisyon. Sa kasamaang palad, nasuring may kanser ang ina ni Aroldo. Makalipas ang tatlong buwan, ilang araw lang bago siya pumanaw, sinabi niya kay Aroldo ang labis na bumabagabag sa kanya: Wala silang kamag-anak na makakatulong. Kailangang akuin ni Aroldo ang buong responsibilidad para sa kanyang tatlong nakababatang kapatid. Taos-puso niyang ipinangako sa kanyang inang malapit nang mamatay na gagawin niya ito.

Ang Magkakapatid na Cavalcante

Nagtrabaho siya sa bangko sa maghapon, at pumasok sa unibersidad sa gabi. Patuloy niyang tinupad ang kanyang mga tipan sa binyag, ngunit nawalan na siya ng pag-asang makapagmisyon pa. Ang pagtataguyod sa kanyang pamilya ang magiging misyon niya.

Pagkalipas ng ilang buwan, habang naghahanda ng kanyang mensahe sa sacrament meeting, pinag-aralan ni Aroldo ang mga salita ni Samuel nang kinagalitan nito si Haring Saul: “Ang pagsunod,” nabasa niya, “ay mas maigi kay sa [sakripisyo]”10 Nadama ni Aroldo na kailangan niyang sundin ang panawagan ng propeta na magmisyon kahit tila imposible niyang magawa iyon. Hindi siya pinanghinaan ng loob, at sumulong nang may pananampalataya kahit may balakid.

Elder Aroldo Cavalcante

Inipon ni Aroldo ang bawat Brazilian cruzeiro na matitipid niya. Sa edad na 23, natanggap niya ang kanyang mission call. Ibinilin niya sa kanyang kapatid kung magkano ang kukunin nito sa bangko kada buwan sa naipon niya para sa pamilya. Kulang pa rin ang perang pantustos para sa buong gastusin niya sa misyon at pangangailangan ng kanyang mga kapatid, ngunit buong pananampalataya siyang pumasok sa MTC. Pagkaraan ng isang linggo, natanggap niya ang una sa maraming pagpapala. Dinoble ng bangkong pinasukan ni Elder Cavalcante ang pera na tatanggapin niya sa kanyang pagbibitiw sa trabaho. Ang himalang ito, kasama ang iba pa, ang nagbigay ng sapat na panustos para sa kanyang misyon at para sa kanyang pamilya habang wala siya.

Ang pamilya Cavalcante ngayon

Pagkaraan ng dalawampung taon, naglilingkod na ngayon si Brother Cavalcante bilang pangulo ng Recife Brazil Boa Viagem Stake. Sa paggunita niya sa mga panahong iyon, sabi niya, “Sa pagsisikap kong mamuhay nang matwid, nadama ko ang pag-ibig at gabay ng Tagapagligtas. Lumakas ang aking pananampalataya, na tumulong sa aking harapin ang maraming pagsubok.”11 Ang pananampalataya ni Aroldo ay hindi niya basta natamo, kundi pinili niyang magkaroon nito.

May mga kalalakihan at kababaihang Kristiyano na malalim ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ikinararangal at iginagalang natin sila.

Wala na sa Gitna, Mayroon nang Pinapanigan

Ngunit mga kapatid, may ipinagkaloob sa atin na higit pa rito: ang priesthood ng Diyos, ang kapangyarihan ng Diyos na ipinanumbalik sa mundo ng mga banal na anghel. Dahil dito ay kakaiba kayo. Wala na kayo sa gitna, mayroon na kayong pinapanigan. Hindi lalakas ang pananampalataya ninyo nang wala kayong ginagawa, kailangan ninyong pumili.

Ang pananampalataya natin ay nadaragdagan o nababawasan batay sa pamumuhay natin. Ang panalangin, pagsunod, katapatan, kadalisayan ng pag-iisip at gawa, at pagiging di-makasarili ay nagpapalakas ng pananampalataya. Kung wala ang mga ito, manghihina ang pananampalataya. Bakit sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, “Ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya”?12 Dahil mayroong kaaway na natutuwang sirain ang ating pananampalataya! Gawin ang lahat ng makakaya ninyo para maingatan ang inyong pananampalataya.

Tapat na mga Tanong

Mahalagang bahagi ng pagpapalakas ng pananampalataya ang pagsagot sa mga tapat na katanungan, na ginagamitan ng isip at damdamin. Sinabi ng Panginoon, “sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso.”13 Hindi lahat ng sagot ay dumarating kaagad, ngunit karamihan sa mga tanong ay malulutas sa masigasig na pag-aaral at paghingi ng mga sagot sa Diyos. Ang paggamit ng puro isipan lang at walang puso ay hindi magbibigay ng espirituwal na mga sagot. “Ang mga bagay ng Diyos ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban [sa pamamagitan ng] Espiritu ng Dios.”14 At upang matulungan tayo, nangako sa atin si Jesus “ng ibang Mangaaliw, … ang Espiritu ng katotohanan.”15

Ang pananampalataya ay hindi humihingi ng sagot sa bawat tanong ngunit naghahangad ng katiyakan at katapangan upang sumulong, at kung minsan ay tinatanggap na, “Hindi ko alam ang lahat, ngunit sapat ang nalalaman ko upang magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo.”16

Ang tulutang mapuno ng pagdududa ang sarili, at maudyukan ng mga sagot mula sa mga walang pananampalataya, ay nagpapahina ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Pagpapanumbalik.17 “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya.”18

Halimbawa, ang mga tanong tungkol kay Propetang Joseph Smith ay hindi na bago. Ang mga ito ay walang pakundangang itinatanong ng mga tumutuligsa sa kanya sa simula pa lang ng gawaing ito. Sa mga taong ito, na sa kabila ng impormasyong makukuha sa ika-21 siglo, ay masugid pa ring kinukwestyon ang mga pangyayari o mga pahayag tungkol kay Propetang Joseph na halos 200 taon na ang lumipas mula nang maganap, heto ang aking maipapayo: Tigilan na ninyo ang pagtuligsa kay Brother Joseph! Balang-araw, makakakuha kayo ng impormasyon na 100 doble ang dami kaysa nakikita at nasasaliksik ninyo ngayon sa Internet, at magmumula ito sa ating Ama sa Langit na nakaaalam sa lahat.19 Isipin ninyo ang kabuuan ng naging buhay ni Joseph—isinilang sa karalitaan at mababa lang ang pinag-aralan, naisalin niya ang Aklat ni Mormon nang wala pang 90 araw.20 Daan-daang libong matatapat na kalalakihan at kababaihan ang naniwala sa layunin ng Pagpapanumbalik. Sa edad na 38, tinatakan ni Joseph ng kanyang dugo ang kanyang patotoo. Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Paniwalaan ninyo ito, at huwag nang alalahanin pa ang ibang bagay!

Mga Kaloob na Nagpapalakas ng Ating Pananampalataya

Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay kapwa nagbibigay sa atin ng matamis na katiyakan na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos. Hawak ko ngayon ang isang kopya ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon sa wikang Pranses, na inilathala ni John Taylor nang simulan niya ang gawain sa France noong 1852. Ang ilang bahagi o ang buong Aklat ni Mormon ay naisalin na sa 110 wika sa buong mundo. Nagbibigay ito ng espirituwal at pisikal na patunay sa katotohanan ng Pagpapanumbalik. Kailan ninyo huling binasa ang Aklat ni Mormon mula simula hanggang wakas? Basahin itong muli. Palalakasin nito ang inyong pananampalataya.21

Ang isa pang kaloob mula sa Diyos na nagpapalakas ng ating pananampalataya ay ang patnubay ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Ngayon ay sinang-ayunan natin ang tatlong bagong miyembro ng Labindalawa, at binabati ko sina Elder Rasband, Elder Stevenson, at Elder Renlund sa sagradong samahan ng Korum ng Labindalawa. Sinabi ni Pablo:

“[Tinawag niya] ang mga apostol; at … propeta; …

“Sa ikasasakdal ng mga banal sa … :

“Hanggang sa abutin nating lahat … ang pagkakaisa ng pananampalataya, at … ang pagkakilala sa Anak ng Diyos. …

“… Huwag nang … napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa katusuhan [ng mga taong] naghihintay upang manlinlang.”22

Ang patnubay ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ay tumutulong na mapangalagaan ang ating pananampalataya.

Ningas ng Pananampalataya

Bagama’t maaaring maliit pa lang ang ningas ng inyong pananampalataya, ang mabubuting pagpili ay magdudulot ng higit na tiwala sa Diyos at magpapalakas ng inyong pananampalataya. Ang mga pagsubok ng mortalidad ay umiihip nang malakas laban sa inyo, at ang masasamang impluwensya ay nagtatatago sa dilim, nag-aabang na manlamig ang alab ng inyong pananampalataya. Ngunit sa patuloy ninyong pagpili nang tama, pagtitiwala sa Diyos, at pagsunod sa Kanyang Anak, magpapadala ang Panginoon ng karagdagang liwanag at kaalaman, at ang inyong pananampalataya ay magiging matatag at hindi aandap-andap. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Huwag matakot; … Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”23

Porter, Zane at Max Openshaw

Ang pananampalataya ng mga kabataang lalaki ng Simbahang ito ay kahanga-hanga!

Pamilya Openshaw

Noong ika-12 ng Hunyo ng taong ito, nakatanggap ako ng email na nagsasabing namatay sa isang aksidente sa eroplano ang bishop mula sa isang ward sa Utah, kasama ang kanyang asawa at dalawa nilang anak. Si Bishop Mark Openshaw ang nagpapalipad sa eroplano nang paalis na ito sa isang maliit na paliparan at bigla itong bumagsak at lumagpak sa lupa. Si Bishop Openshaw, ang asawa niyang si Amy, at mga anak na sina Tanner at Ellie ay namatay sa aksidente. Himalang nakaligtas ang kanilang limang-taong-gulang na anak na si Max, nang tumilapon ito palabas mula sa kinauupuan sa eroplano at mabalian ng buto.

Nalaman ko na ang kanilang anak na si Elder Porter Openshaw ay naglilingkod sa Marshall Islands Majuro Mission, at ang kanilang 17-taong-gulang na anak na lalaki, si Zane, ay nasa isang palitang pag-aaral ng kultura sa Germany.

Tinawagan ko si Elder Openshaw sa Chistmas Island. Bagama’t nagdadalamhati dahil sa di-inaasahang pagkamatay ng kanyang ina, ama, at mga kapatid, kaagad na inalala ni Elder Openshaw ang kanyang dalawang nakababatang kapatid.

Napagdesisyunan nina Elder Openshaw at ng kanyang kapatid na si Zane na dapat manatili sa misyon si Porter at ipaubaya sa ibang makakatulong ang pag-aasikaso sa mga dapat gawin. Alam nila na ito ang nais ng kanilang mga magulang.

Si Elder Porter Openshaw sa isang binyag

Habang kausap ko si Elder Openshaw, nadama ko ang kanyang kalungkutan ngunit gayun din ang alab ng kanyang pananampalataya. “Nagtitiwala po ako,” sabi niya sa akin, “at alam ko nang walang alinlangan na makikita kong muli ang aking pamilya. … Ang lakas sa gitna ng mga pagsubok ay laging matatagpuan sa … ating Panginoong Jesucristo. … Kitang-kita namin ang makapangyarihang kamay ng Diyos na tumutulong [sa akin] at sa aking mga kapatid sa gitna ng napakabigat na pagsubok [na ito].”24

Si Zane Openshaw na nagsasalita sa libing

Nakilala ko si Zane sa kauna-unahang pagkakataon sa libing. Habang tinitingnan ko ang apat na kabaong sa kapilya, namangha ako sa pananampalataya ng 17-taong-gulang na ito nang magsalita siya sa kongregasyon. “Ngayon,” sabi niya, “nagtipon tayo nang may mapagpakumbabang puso at napapagal na kaluluwa para alalahanin ang buhay nina Inay, Itay, ni Tanner, at ni Ellie. … Sama-sama kaming nag-uusap noon, sama-samang umiiyak, sama-sama sa pag-alaala, at sama-sama naming nadama ang kamay ng Diyos. …

“Isang araw matapos kong marinig ang balita tungkol sa aksidente, may nakita ako sa bag ko na sulat galing kay Inay. Sabi niya sa sulat: ‘Zane, alalahanin mo kung sino ka at kung saan ka nagmula. Ipagdarasal ka namin at mami-miss ka namin.’” Pagpapatuloy pa ni Zane: “Walang mga salitang mas aakma pa kaysa sa mga huling salitang nagmula sa aking ina. Alam ko na ang aking ina, kasama sina Tanner, Ellie at ang aking ama … ay nagdarasal para sa [mga kapatid ko at] sa akin. Alam ko na … ipinagdarasal nila na maalala ko kung sino ako … dahil, tulad ninyo, ako ay anak ng Diyos, at ako ay ipinadala Niya rito. Pinatototohanan ko … na kahit sa pakiramdam natin ay nag-iisa tayo, na hindi tayo pababayaan ng Diyos.”25

Mahal kong mga kaibigan, ang inyong pananampalataya ay hindi nagsimula sa pagsilang, at ito ay hindi nagwawakas sa kamatayan. Ang pananampalataya ay pinipili. Palakasin ang inyong pananampalataya, at mamuhay nang karapat-dapat sa mga salita ng pagsang-ayon ng Tagapagligtas: “Malaki ang iyong pananampalataya.” Kapag ginawa ninyo, ipinapangako ko sa inyo na ang inyong pananampalataya, sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, ay tutulutan kayo balang-araw na tumayong katabi ng inyong mga minamahal, malinis at dalisay sa harapan ng Diyos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tawla

  1. Mateo 15:28.

  2. Mateo 6:30.

  3. Lucas 8:25.

  4. Mateo 8:10.

  5. Sa Mga Hebreo 11:1.

  6. Tingnan sa Alma 32:35.

  7. Tingnan sa Whitney Clayton, “Piliing Maniwala,” Liahona, Mayo 2015, 36–39.

  8. Tingnan sa Lectures on Faith (1985), 3.

  9. Tingnan sa Mga Taga Efeso 2:8.

  10. 1 Samuel 15:22.

  11. Personal na pakikipag-usap kay Aroldo Cavalcante, Ago. 29, 2015, Salvador, Brazil, bukod pa sa email na may petsang Ago. 31, 2015. Marami pang matututuhan tungkol sa matapat na pangako ni Aroldo Cavalcante sa kanyang ina na pangangalagaan niya ang kanyang mga kapatid. Nang mga sumunod na taon mula nang mamatay ang kanyang ina, tinawag niya ang kanyang mga kapatid na “mga anak.” Sa misyon, ang mga sulat at pagtawag niya tuwing Pasko at Araw ng mga Ina ay karaniwang pagtugon sa mga hamon na kinakaharap ng bawat miyembro ng pamilya. Pagkatapos ng kanyang misyon, pinagsikapan nang lubos ni Aroldo na tustusan ang kanilang pag-aaral at ang gastusin sa misyon ng kanyang kapatid. Hinintay ni Aroldo na makapag-asawa muna ang kanyang mga kapatid bago siya nag-asawa sa edad na 32. Nananatiling malapit sa isa’t isa ang kanilang pamilya.

  12. Lucas 22:32.

  13. Doktrina at mga Tipan 8:2.

  14. 1 Mga Taga Corinto 2:11.

  15. Juan 14:16–17.

  16. Tingnan sa Adam Kotter, “Kapag may mga Alinlangan at Tanong,” Liahona, Mar. 2015, 39–41.

  17. Sinabi minsan ni Elder Neal A. Maxwell: “May ilang iginigiit na pag-aralan ang Simbahan ayon sa pananaw ng mga tumiwalag dito—na parang kinakapanayam si Judas upang makilala si Jesus. Ang mga tumiwalag ay laging mas maraming sinasabi sa atin tungkol sa kanilang sarili kaysa sa tinalikuran nila” (“All Hell Is Moved” [Brigham Young University devotional, Nob. 8, 1977], 3, speeches.byu.edu).

  18. 1 Mga Taga Corinto 2:14.

  19. “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyo na perpekto ako, ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 609–610).

  20. Tingnan sa John W. Welch at Tim Rathbone, “The Translation of the Book of Mormon: Basic Historical Information” (Foundation for Ancient Research and Mormon Studies, 1986).

  21. Ang espirituwal na pagsaksi sa Aklat ni Mormon ay mahalaga sa pagbabalik-loob ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay pagsaksi na kailangang patuloy na pinapanibago nang paulit-ulit. Kung hindi, maglalaho ang espirituwal na damdamin at hindi na maaalala ninuman ang kapangyarihang minsan niyang nadama. “At ang mga tao ay nagsimulang malimutan yaong mga palatandaan at kababalaghang kanilang narinig, at nagsimulang unti-unting hindi na nanggigilalas sa … isang kababalaghan mula sa langit, hanggang sa sila ay magsimulang maging matitigas sa kanilang mga puso, at bulag sa kanilang mga pag-iisip, at nagsimulang hindi paniwalaan ang lahat ng narinig nila at nakita … At [nagsimulang paniwalaan] na ang doktrina ni Cristo ay isang kahangalan at walang kabuluhang bagay” (3 Nephi 2:1–2).

  22. Mga Taga-Efeso 4:11–14.

  23. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,” Liahona, Mayo 2009, 92.

  24. Personal na email na natanggap mula kay Elder Porter Openshaw, Ago. 23, 2015.

  25. Mensahe ni Zane Openshaw sa burol para sa kanyang mga kapamilya, Hunyo 22, 2015.